Kapag ang Lahat ng Tao ay Umiibig Na sa Isa’t Isa
SA KANIYANG Sermon sa Bundok, tinukoy ni Jesu-Kristo ang panahon na ang lahat ng tao ay umiibig na sa isa’t isa. Bilang pambungad sa kaniyang sasabihin, sinipi ni Jesus ang ika-37 ng Awit, na nagsasabi: “Pinagpala ang mga maamo: sapagkat mamanahin nila ang lupa.” Inilalarawan din ng awit na iyan sa Bibliya kung paano matutupad ang kamangha-manghang kalagayang ito, sa pagsasabi: “Ang mga manggagawa ng masama ay puputulin; ngunit yaong umaasa kay Jehova, sila ang magmamana ng lupa.”—Mateo 5:5; Awit 37:9; American Standard Version.
Tunay na isang pambihirang pagbabago iyan—aalisin sa lupa ang lahat ng manggagawa ng kasamaan at maiiwan lamang ang mga taong nag-iibigan sa isa’t isa! Paano kaya mangyayari iyan? Sa kaniyang napabantog na sermon, ipinakita ni Jesus kung paano nang turuan niya tayong manalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Maganap nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10, AS) Pansinin kung saan magaganap ang kalooban ng Diyos. Hindi lamang sa langit. “Nanalangin tayo, maganap nawa ang iyong kalooban, sa lupa kung paanong gayon sa langit,” ang idiniin ng isang artikulo sa The Christian Century.
Kaya ano, kung gayon, ang Kaharian ng Diyos na itinuro ni Jesus na ipanalangin natin? Maliwanag, iyon ay isang tunay na gobyerno, isa na namamahala mula sa langit. Iyan ang dahilan kung bakit ito tinawag na “ang kaharian ng mga langit.” (Mateo 10:7) Ang hinirang na Tagapamahala ng Kaharian, o gobyernong ito, ay ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo.
Matagal pa bago isilang ni Maria si Jesus, inihula ng propeta ni Jehova na si Isaias ang tungkol sa makahimalang pangyayaring iyan at kung ano ang mangyayari sa dakong huli: “Sa atin ay isinilang ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang pamahalaan ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-mangha, Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang pamahalaan at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.” (Isaias 9:6, 7, AS) Pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, umupo siya kasama ng kaniyang Ama sa langit, habang naghihintay sa utos na simulan ang pamamahala bilang Hari.—Awit 110:1, 2; Hebreo 10:12, 13; Apocalipsis 11:15.
Ano, kung gayon, ang mangyayari sa daigdig na ito na puno ng pagkakapootan? Pansinin kung paano sinasagot ng Bibliya ang tanong na iyan. Humula ang propeta ng Diyos na si Daniel: “Sa mga kaarawan ng mga haring iyon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian mismo ay hindi iiwan sa ibang bayan. Dudurugin at wawakasan nito ang lahat ng mga kahariang ito, at ito mismo ang tatayo hanggang sa mga panahong walang-takda.”—Daniel 2:44.
Maliwanag, itinuturo ng hulang ito sa Bibliya ang isang malaking pagbabago sa kalakaran ng sangkatauhan. Aalisin sa lupa ang buong sistemang ito ng mga bagay, na doo’y mga kabilang ang mga nasa sanlibutan ng sangkatauhan na buong-pagmamatigas na tumatangging pasakop sa pamamahala ng Diyos! Tingnan kung ano ang hahalili rito.
Buhay sa Isang Matuwid na Bagong Sanlibutan
Kapag nagwakas ang matandang sanlibutan, may makaliligtas. Ipinaliliwanag ng Bibliya: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Oo, yaong gumagawa ng kalooban ng Diyos ay makaliligtas tungo sa isang bagong sanlibutan, kung paanong nakaligtas si Noe at ang kaniyang pamilya sa katapusan ng sanlibutan noong kanilang panahon. Sumulat si apostol Pedro: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa pangako [ng Diyos], at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:5-7, 11-13.
Hinggil sa panahon na ang Kaharian ng Diyos ang tanging gobyerno na namamahala, nangangako ang Bibliya: “Ang matuwid ay magmamana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” (Awit 37:29) Tatamasahin ng matuwid ang buhay sa isang nilinis na lupa. Tunay na isang maluwalhating panahon iyon! Kung hindi mo pa nagagawa, pakisuyong suriin ang mga pagpapalang inilarawan sa Bibliya na ipinakikita sa naunang mga pahina.
Hindi ba naaantig ang iyong puso na malamang nangangako ang ating Maylalang ng gayong kamangha-manghang mga bagay para sa kapakinabangan niyaong mga sumasamba sa kaniya? Tiyak, ito ang layunin ng Diyos nang lalangin niya ang unang taong mag-asawa at ilagay sila sa isang paraisong lupa! Pansinin kung ano ang sinabi ng Diyos sa kanila: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagapang sa ibabaw ng lupa.”—Genesis 1:27, 28.
Sina Adan at Eva ay magkakaanak, at habang lumalaki ang mga ito, makikibahagi sila sa kasiya-siyang gawain ng pangangalaga sa makalupang Paraiso. Isip-isipin ang kagalakan sa pagpapalawak ng mga hangganan ng hardin ng Eden habang lumalaki ang pamilya ng tao! Maliwanag, layunin ng Diyos na maging paraiso ang buong lupa. Matutupad kaya ang layuning iyan? Makatitiyak tayo na matutupad ito, sapagkat Diyos ang nagsalita! Nangako siya: “Sinalita ko nga iyon; . . . akin namang pangyayarihin.”—Isaias 46:11; 55:11.
Masisiyahan ka ba na mabuhay magpakailanman sa lupang Paraiso na inilalarawan sa mga kasulatan na ipinakikita sa naunang mga pahina? Gaya ng maaasahan, hindi lahat ay papayagang mabuhay roon magpakailanman. May mga kahilingan. Ano ang mga ito?
Mga Kahilingan Para Mabuhay Magpakailanman
Una sa lahat, yaong mabubuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos ay dapat matutong umibig sa isa’t isa, gaya ng itinuturo ng Diyos na gawin natin. Sinasabi ng Bibliya: “Kayo mismo ay tinuruan ng Diyos na ibigin ang isa’t isa.” (1 Tesalonica 4:9) Paano ito itinuturo sa atin ng Diyos?
Iyon ay lalo na sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya. Nangangahulugan ito na upang mabuhay magpakailanman, dapat nating tanggapin ang mga turo ng Diyos na nasa Bibliya. Ganito ang sabi ng isang taga-Silangan na estudyante ng Bibliya: “Inaasam-asam ko ang panahon na, gaya ng ipinangako ng Bibliya, natutuhan na ng mga tao na mag-ibigan sa isa’t isa.”
Sa panalangin sa kaniyang Ama, ipinakilala ni Jesus ang isang mahalagang kahilingan. Sinabi niya: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ang 32-pahinang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? ay tutulong sa iyo na makakuha ng ganitong kaalaman. Tatanggap ka ng isang kopya kung pupunan mo ang kupon na nasa pahina 32 at ipadadala iyon sa Watch Tower, P.O. Box 2044, 1060 Manila, o sa angkop na direksiyon na nasa pahina 5.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8-10]
Ang Ipinangako ng Diyos
Isang Maibiging Kapatiran sa Buong Daigdig
“Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Wala Nang Krimen o Digmaan
“Kung tungkol sa mga balakyot, sila’y puputulin mula sa lupa.”—Kawikaan 2:22.
“Pinatitigil [ng Diyos] ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”—Awit 46:9.
Saganang Mabubuting Bagay na Makakain
“Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bun- dok ay may labis-labis.”—Awit 72:16.
Kapayapaan sa Pagitan ng Tao at Hayop
“Ang lobo ay tatahan ngang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay hihigang kasama ng batang kambing, . . . at isang bata lamang ang mangunguna sa kanila.”—Isaias 11:6.
Aalisin ang Sakit, Katandaan, at Kamatayan
“Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4.
Bubuhaying-muli sa Lupa ang Namatay na mga Minamahal
“Ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig [ni Jesus] at lalabas.”—Juan 5:28, 29.