‘Hindi Na Kami Nabubuhay Para sa Aming mga Sarili’
GAYA NG INILAHAD NI JACK JOHANSSON
Inutusan ako ng sundalong Aprikano, na taga-Malawi, na tumayo sa gilid ng ilog sa liwanag ng mga ilaw sa harapan ng sasakyang Land Rover. Nang itaas ng sundalo ang kaniyang riple sa kaniyang balikat, dumaluhong si Lloyd Likhwide at humarang sa harap ko. Nagmakaawa siya: “Ako na ang barilin ninyo! Ako na lang ang barilin ninyo! Huwag po ang banyagang ito na wala namang ginawang masama!” Bakit handang isakripisyo ng isang Aprikano ang kaniyang buhay para sa akin, na isang Europeo? Hayaan mong ipaliwanag ko kung paano ako naging isang misyonero sa Aprika halos mga 40 taon na.
NOONG 1942, nang ako’y siyam na taon lamang, namatay ang nanay ko anupat naiwan si Tatay kasama ang limang anak. Ako ang bunso. Pagkaraan ng apat na buwan ay namatay naman sa pagkalunod si Tatay, isa sa unang Saksi ni Jehova sa Finland. Ang aking ate, si Maja, ang nag-aruga sa aming naiwan, at napanatili namin ang aming sakahan. Si Maja rin ang nanguna sa espirituwal na mga bagay, at sa unang taon ng pagkamatay ni Tatay, sinagisagan niya at ng isa sa aking mga kapatid na lalaki ang kanilang pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig. Ako’y nabautismuhan pagkalipas ng isang taon, sa edad na 11.
Isang Mahalagang Pasiya
Nang matapos ako sa pag-aaral sa isang komersiyal na kolehiyo noong 1951, nagsimula akong magtrabaho sa Ford Motor Company sa Finland. Pagkalipas ng anim na buwan ay tumanggap ako ng isang sorpresa mula sa isang matalinong naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova. Inanyayahan niya akong magpahayag sa isang asamblea tungkol sa mga pagpapala ng pagpapayunir, o buong-panahong ministeryo. Asiwa ako, yamang buong-panahon ako sa sekular na pagtatrabaho at inaakala kong hindi ako makapagsasalita mula sa aking puso. Nanalangin ako kay Jehova tungkol sa bagay na ito. Natanto ko na ang mga Kristiyano ay dapat na “huwag nang mabuhay pa para sa kanilang mga sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila,” kaya’t nagpasiya akong baguhin ang aking mga priyoridad upang maglingkod bilang isang payunir.—2 Corinto 5:15.
Nangako ang superbisor ko na dodoblehin ang aking sahod kung mananatili ako sa kompanya. Pagkatapos, nang makita niyang buo na ang pasiya ko, sinabi niya: “Tama ang naging pasiya mo. Nagugol ko na ang buong buhay ko sa opisinang ito, at gaano nga ba ang talagang naitulong ko sa mga tao?” Kaya noong Mayo 1952, naging payunir ako. Pagkaraan ng ilang linggo, nabibigkas ko na ang aking pahayag tungkol sa ministeryong payunir taglay ang buong pagtitiwala.
Pagkatapos maglingkod bilang isang payunir sa loob ng ilang buwan, ako’y nahatulang mabilanggo ng anim na buwan dahil sa aking Kristiyanong neutralidad. Ito’y nasundan ng walong buwang pagkabilanggo na kasama ng iba pang kabataang Saksi sa isla ng Hästö-Busö, sa Gulpo ng Finland. Tinawag namin ang islang ito na Munting Gilead dahil sa masusing programa sa pag-aaral ng Bibliya na isinaayos namin. Gayunman, tunguhin ko ang makapag-aral sa totoong Gilead, ang Watchtower School of Gilead, na matatagpuan malapit sa South Lansing, New York.
Samantalang nakakulong pa sa isla, tumanggap ako ng isang liham mula sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower, na inaanyayahan akong maglingkod bilang isang naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova. Paglaya ko ay dadalawin ko ang mga kongregasyon sa bahagi ng Finland na Sweko ang salita. Nang panahong iyon, ako’y 20 taong gulang lamang at inaakala kong ako’y di-kuwalipikado, subalit inilagak ko ang aking pagtitiwala kay Jehova. (Filipos 4:13) Kahanga-hanga ang mga Saksi sa mga kongregasyong pinaglingkuran ko, kailanman ay hindi ako hinamak dahil sa ako’y isang “bata” lamang.—Jeremias 1:7.
Habang dumadalaw sa isang kongregasyon nang sumunod na taon, nakilala ko si Linda, na nagbabakasyon sa Finland mula sa Estados Unidos. Pagbalik niya sa Estados Unidos, mabilis siyang sumulong sa espirituwal. Di-nagtagal, nabautismuhan siya. Kami’y ikinasal noong Hunyo 1957. Nang maglaon, kami’y inanyayahan sa ika-32 klase ng Paaralang Gilead, noong Setyembre ng 1958. Pagkatapos ng aming gradwasyon noong sumunod na Pebrero, kami’y naatasang magtungo sa Nyasaland, ngayo’y tinatawag na Malawi, sa timog-silangan ng Aprika.
Ang Aming Ministeryo sa Aprika
Gustung-gusto naming lumalabas sa ministeryo sa madla na kasama ng aming Aprikanong mga kapatid, na noo’y may bilang na mahigit na 14,000 sa Nyasaland. Kung minsan, kami’y naglalakbay sakay ng Land Rover, na dala ang lahat ng aming mga pangangailangan. Tumitira kami sa mga nayon kung saan wala pang puting tao ang nakapunta, at kami’y laging tinatanggap nang mainam. Pagdating namin, naglalabasan ang buong nayon upang makita kami. Pagkatapos ng magalang na pagbati, mauupo sila sa lupa na tahimik at pag-aaralan kami.
Kadalasan, may kabaitang nagtatayo ang mga taganayon ng isang pantanging kubo para sa amin, na kung minsan ay yari sa putik at kung minsan naman ay yari sa kugon at tamang-tama lamang para sa isang kama. Ang mga hyena ay mabilis na nagdaraan sa tabi ng kubo sa gabi at nakatatakot na pumapalahaw na malapit lamang sa aming uluhan. Subalit malapit nang makaharap ng mga Saksi sa Nyasaland ang mas mapanganib na mga puwersa kaysa sa mababangis na hayop.
Naging Usapin ang Nasyonalismo
Sa buong Aprika, pumupukaw ng damdamin ang mga kilusan para sa kasarinlan. Ang lahat ay inaasahang sumali sa isang partido pulitikal na umiiral doon sa Nyasaland. Walang anu-ano, naging isang mahalagang pambansang usapin ang aming neutralidad. Ako noon ang nangangasiwa sa gawain sa tanggapan samantalang wala ang aming tagapangasiwa ng sangay, si Malcolm Vigo. Ako’y humiling na makipagkita kay Dr. Hastings Kamuzu Banda, punong ministro noon ng Nyasaland. Ipinaliwanag ko at ng dalawa pang Kristiyanong matatanda sa kaniya ang aming neutral na katayuan, at ang pulong ay natapos nang mapayapa. Sa kabila nito, makalipas ang halos isang buwan, noong Pebrero 1964, si Elaton Mwachande ang unang namatay dahil sa pag-uusig—siya’y sinibat hanggang mamatay ng isang pangkat ng galit na mang-uumog. Napilitang tumakas ang iba pang Saksi sa kaniyang nayon.
Nagpadala kami ng telegrama kay Dr. Banda, nagsusumamo sa kaniya na gamitin ang kaniyang kapangyarihan upang pahintuin ang karahasang ito. Agad akong nakatanggap ng isang tawag mula sa tanggapan ng punong ministro, na ipinatawag ako upang humarap sa kaniya. Kasama ng isa pang misyonero, na nagngangalang Harold Guy, at isang lokal na Saksi, si Alexander Mafambana, nagtungo ako upang makipagkita kay Dr. Banda. Naroon din ang dalawang ministro ng pamahalaan.
Pag-upo na pag-upo namin, walang anumang sinasabi, iwinagayway ni Dr. Banda ang telegrama sa ibabaw ng kaniyang ulo. Sa wakas, binasag niya ang katahimikan, na sinasabi: “G. Johansson, ano ang ibig mong sabihin sa pagpapadala ng telegramang gaya nito?” Minsan pa’y ipinaliwanag namin sa kaniya ang aming neutral na katayuan kung tungkol sa pulitika, at sabi ko pa: “Ngayon, kung isasaalang-alang ang pagpaslang kay Elaton Mwachande, kayo po lamang ang makatutulong sa amin.” Waring ito ay nakalugod kay Dr. Banda, at siya’y napanatag sa paano man.
Subalit, sinabi ng isa sa naroroong mga ministro ng pamahalaan na ang mga Saksi sa isang malayong nayon ay hindi nakikipagtulungan sa lokal na mga awtoridad. Binanggit ng ikalawang ministro ang isa pang liblib na nayon, na sinasabing ang mga Saksi roon ay nagsalita nang walang galang tungkol kay Dr. Banda. Gayunman, hindi nila maibigay sa amin ang mga pangalan ng sinuman na gumawi nang gayon. Ipinaliwanag namin na ang mga Saksi ni Jehova ay laging tinuturuang gumalang sa mga awtoridad ng pamahalaan. Sa kasamaang-palad, hindi nagtagumpay ang aming mga pagsisikap na ituwid ang maling mga impresyon ni Dr. Banda at ng kaniyang mga ministro.
Nanganib ang Aming Buhay
Noong 1964, nagkamit ng kasarinlan ang Nyasaland at nang maglao’y naging ang Republika ng Malawi. Nagpatuloy ang aming gawaing pangangaral sa normal na paraan subalit sa ilalim ng tumitinding panggigipit. Nang panahong ito ang mga Saksi sa katimugang rehiyon ng bansa ay tumawag sa telepono, na sinasabing sumiklab ang isang pulitikal na paghihimagsik doon. Nakita namin ang pangangailangan para may magtungo roon kaagad upang suriin ang kalagayan ng mga Saksi at maglaan ng moral na suporta. Nakapaglakbay na akong mag-isa noon sa iláng, at lakas-loob na tinanggap ito ni Linda. Subalit sa pagkakataong ito, siya’y nagsumamo sa akin na isama ko ang isang lokal na kabataang Saksi, si Lloyd Likhwide. Sa wakas ay sumang-ayon ako, iniisip ko, ‘Kung ito’y magpapaligaya sa kaniya, gagawin ko.’
Kami’y sinabihan na kailangang tawirin namin ang isang ilog na sakay ng isang lantsang pantawid bago ang curfew ng alas 6:00 n.g. Ginawa namin ang lahat ng aming magagawa upang makasakay sa lantsa sa oras na iyon, subalit naantala kami dahil sa sira-sirang daan. Huli na nang malaman namin na isang utos ang inilabas na barilin ang sinumang masumpungan sa panig ng ilog na aming tinatawid pagkalampas ng alas sais. Habang nagmamaneho kami patungo sa ilog, nakita naming nakatawid na ang lantsang pantawid sa kabilang panig. Sinigawan ito ni Brother Likhwide na bumalik at sunduin kami. Dumating ito, subalit isang sundalo sa lantsang pantawid ang sumigaw rin: “Kailangang barilin ko ang taong puti!”
Sa simula, akala ko’y banta lamang iyon, subalit habang papalapit ang lantsang pantawid, inutusan ako ng sundalo na tumayo sa harap ng mga ilaw ng sasakyan. Noon pumagitna sa amin ang aking kaibigang Aprikano, nagmamakaawa sa sundalo na siya na lamang ang barilin sa halip na ako. Buweno, waring nabagbag ang damdamin ng sundalo sa pagkukusa niyang mamatay alang-alang sa akin, at ibinaba niya ang kaniyang baril. Naalaala ko ang mga salita ni Jesus: “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na isuko ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:13) Mabuti na lamang at ako’y nakinig sa payo ni Linda na isama ang mahal na kapatid na ito!
Kinabukasan ay hinarang ng mga binata ang daan pabalik sa Blantyre at hiniling na makita ang kard sa pagiging miyembro sa partido ni Brother Likhwide. Isang bagay lamang ang dapat gawin—makalampas sa karamihan, at mabilis! Ikinambyo ko ang sasakyan, at ito’y umabante, na ikinagulat nila anupat kami’y nakaalis. Kung nasunggaban ng mga mang-uumog si Brother Likhwide, malamang na iyon na ang wakas niya. Nang makabalik kami sa tanggapang pansangay, kapuwa kami nangangatog subalit nagpapasalamat kami kay Jehova sa Kaniyang proteksiyon.
Ibinilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya
Ang aming gawain ay opisyal na ipinagbawal sa Malawi noong Oktubre 1967. May mga 18,000 Saksi noon sa bansa. Pagkaraan ng dalawang linggo, napag-alaman namin na 3,000 Saksi ang ibinilanggo sa Lilongwe, ang kabisera. Nagpasiya kaming magtungo roon nang gabi ring iyon, 300 kilometro ang layo, upang kahit paano ay mabigyan sila ng moral na suporta. Ikinarga namin sa Land Rover ang mga publikasyon ng Watchtower at, sa tulong ni Jehova, nakalampas kami sa maraming harang sa daan nang hindi sinisita. Sa kahabaan ng daan, sa sunud-sunod na kongregasyon, ibinaba namin ang mga karton ng napapanahong espirituwal na pagkain.
Kinaumagahan ay nagtungo kami sa bilangguan. Anong lungkot na tanawin! Umulan magdamag, at ang aming mga kapatid na lalaki at babae ay iniwan sa labas sa isang nababakurang looban. Basang-basa sila, at pinatutuyo ng ilan ang kanilang mga kumot sa bakod. Nagawa naming makausap ang ilan sa kanila sa bakod.
Ang kanilang kaso sa korte ay dininig noong tanghali, at tumayo sa korte bilang testigo ang ilang nag-aangking Saksi. Sinikap naming makipagtitigan sa kanila, subalit ang kanilang mga mukha ay nanatiling walang bakas ng anumang damdamin. Sa aming pagkadismaya, itinakwil niyaong lahat ng nagsitayo sa korte ang kanilang pananampalataya! Gayunman, nalaman ko na hindi kilala ng mga Saksi roon ang sinuman sa kanila na nagkailang Saksi ni Jehova. Maliwanag na ito’y isang pagsisikap upang pahinain ang loob ng tunay na mga Saksi.
Samantala, dumating ang isang utos upang kami’y ipatapon. Kinumpiska ang aming tanggapang pansangay sa Blantyre, at ang mga misyonero ay binigyan ng 24 na oras upang lisanin ang bansa. Kakatwang makita ang isang pulis na nagbubukas ng pinto para sa amin pag-uwi namin ng bahay! Nang sumunod na hapon ay dumating ang isang pulis at, medyo mabigat sa kaniyang kalooban, kami’y inaresto at inihatid kami sa paliparan.
Umalis kami ng Malawi noong Nobyembre 8, 1967, na nalalamang ang aming Kristiyanong mga kapatid doon ay napapaharap sa isang maapoy na pagsubok. Nagdadalamhati ang aming mga puso para sa kanila. Marami sa kanila ang namatay; daan-daan ang dumanas ng malulupit na pagpapahirap; at libu-libo ang nawalan ng trabaho, tahanan, at mga ari-arian. Sa kabila nito, halos lahat ay nag-ingat ng kanilang katapatan.
Patungo sa Bagong mga Atas
Sa kabila ng mga kahirapan, hindi namin kailanman naisip na huminto sa gawaing misyonero. Bagkus, tinanggap namin ang isang bagong atas—patungo sa Kenya, isang lupain ng sari-saring tanawin at mga tao. Tuwang-tuwa si Linda sa mga Masai. Nang panahong iyon, walang Masai na mga Saksi ni Jehova. Subalit nakilala ni Linda si Dorcas, isang babaing Masai, at nagsimulang makipag-aral sa kaniya ng Bibliya.
Alam ni Dorcas na upang makalugod sa Diyos, kailangan niyang gawing legal ang kaniyang pag-aasawa. Tumangging pakasal ang ama ng kaniyang dalawang anak, kaya sinikap ni Dorcas na suportahan ang kaniyang mga anak nang nagsosolo. Galit na galit ang lalaki sa mga Saksi, subalit hindi siya maligaya nang mawalay siya sa kaniyang pamilya. Sa wakas, sa paghimok ni Dorcas, ang lalaki ay nagsimula ring makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Itinuwid niya ang kaniyang buhay, naging isang Saksi, at pinakasalan si Dorcas. Naging payunir si Dorcas, at ang kaniyang asawa at ang kanilang panganay na anak na lalaki ay matatanda sa kongregasyon ngayon.
Biglang-bigla, noong 1973, ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Kenya ay ipinagbawal, kung kaya kinailangan naming umalis. Pagkaraan lamang ng ilang buwan, inalis ang pagbabawal. Subalit nang panahong iyon ay natanggap na namin ang aming ikatlong atas—tungo sa Congo (Brazzaville). Dumating kami noong Abril 1974. Makalipas ang halos tatlong taon, kaming mga misyonero ay may kabulaanang pinaratangang mga espiya, at ang aming gawain ay ipinagbawal. Bukod pa riyan, sumiklab ang labanan sa Brazzaville pagkatapos na pataksil na patayin ang presidente ng bansa. Lahat ng iba pang misyonero ay inatasan sa ibang bansa, subalit kami’y hinilingan na manatili hangga’t maaari. Ilang linggo kaming natutulog nang hindi nalalaman kung magigising pa kami sa umaga. Subalit mahimbing ang tulog namin, na nagtitiwala sa pangangalaga ni Jehova. Ang iilang buwan na iyon, na kami lamang ang nasa tanggapang pansangay, ang marahil siyang pinakasumusubok-pananampalataya at nakapagpapatibay-pananampalatayang panahon na kailanma’y naranasan namin sa aming paglilingkod bilang misyonero.
Kinailangan naming umalis ng Brazzaville noong Abril 1977. Pagkatapos ay nabigla kami—kami’y naatasang magtungo sa Iran upang magtatag ng isang bagong tanggapang pansangay. Ang aming unang hamon ay ang magsikap na matuto ng Farsi, ang wikang Persiano. Palibhasa’y nag-aaral ng isang bagong wika, ang nagagawa lamang namin ay magbigay ng pinakapayak na komento sa mga pulong sa kongregasyon, katulad niyaong ginagawa ng maliliit na bata! Isang rebolusyon ang nagsimula sa Iran noong 1978. Nanatili kami roon sa panahon ng pinakamatinding labanan, subalit noong Hulyo 1980, lahat kaming mga misyonero ay ipinatapon.
Kami’y ibinalik ng aming ikalimang atas sa gitna ng Aprika, sa Zaire, ngayo’y Democratic Republic of Congo. Naglingkod kami sa Zaire sa loob ng 15 taon, sa loob ng panahon na ang gawain ay nasa ilalim ng pagbabawal. Nang dumating kami, mga 22,000 Saksi ang aktibo sa lupaing iyon—ngayon may mahigit na 100,000!
Balik-Bansa Minsan Pa!
Noong Agosto 12, 1993, inalis ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa Malawi. Pagkaraan ng dalawang taon, kami ni Linda ay inatasan muli kung saan kami nagsimula—sa Malawi, ang maganda at palakaibigang bansa na kilala bilang Ang Masiglang Puso ng Aprika. Mula noong Enero 1996, nagkaroon kami ng kagalakang gumawa na kasama ng maliligaya at mapapayapang tao sa Malawi. Aming pinahahalagahang maglingkod minsan pa na kasama ng aming tapat na mga kapatid sa Malawi, na ang marami sa kanila ay nagbata ng tatlong dekada ng pag-uusig. Ang aming Aprikanong mga kapatid ay naging isang pinagmumulan ng inspirasyon, at mahal namin sila. Talagang natupad nila ang mga salita ni Pablo: “Kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.” (Gawa 14:22) Halos 41,000 Saksi sa Malawi ang malaya ngayong mangaral nang hayagan at magdaos ng malalaking kombensiyon.
Nasiyahan kami nang lubos sa lahat ng aming atas. Natutuhan namin ni Linda na anumang karanasan, gaano man kahirap ito, ay maaaring humubog sa atin upang maging mas mabuting mga tao, kung pananatilihin natin “ang kagalakan ni Jehova.” (Nehemias 8:10) Nagkaroon ako ng ilang problema sa pakikibagay kapag kailangan naming lisanin ang aming mga atas. Subalit ang kakayahan ni Linda na makibagay—at lalo na ang kaniyang matibay na pananampalataya kay Jehova—ay nakatulong sa akin, anupat aking pinahahalagahan ang pagpapala ng pagkakaroon ng “isang mabuting asawa.”—Kawikaan 18:22.
Anong ligaya at kapana-panabik na buhay ang aming tinahak! Paulit-ulit na pinasalamatan namin si Jehova sa kaniyang mapangalagang kamay. (Roma 8:31) Mahigit nang apat na dekada magmula nang ibigay ko ang pahayag na iyon tungkol sa mga pagpapala ng buong-panahong ministeryo. Nagagalak kami at aming ‘sinubok si Jehova at tinikman ang kaniyang kabutihan.’ (Awit 34:8; Malakias 3:10) Kumbinsido kami na ang ‘pamumuhay na hindi para sa aming mga sarili’ ang pinakamabuting paraan ng pamumuhay na posible.
[Mapa/Larawan sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mga bansang pinaglingkuran namin
Iran
Republika ng Congo
Democratic Republic of Congo
Kenya
Malawi
[Larawan sa pahina 21]
Patungo sa Malawi, na nagdaraan sa Cape Town, Timog Aprika
[Larawan sa pahina 23]
Nang kami’y arestuhin at ipatapon mula sa Malawi
[Larawan sa pahina 25]
Si Dorcas, isang Masai, kasama ng kaniyang asawa