Karapatang Pantao Para sa Lahat—Iiral sa Buong Daigdig!
“ANO ang pangunahing sanhi ng mga paglabag sa karapatang pantao?” ang itinanong sa isang makaranasang abogado sa mga karapatang pantao. “Kasakiman,” sagot ng abogado. “Kasakiman sa kapangyarihan sa pulitika at ekonomiya.” At yamang sa isip ng tao umuusbong ang kasakiman, ang mga paglabag sa mga karapatang pantao ay talagang nagpapaaninaw ng kalagayan ng isip. Ang isa pang sanhi ay nasyonalismo. Ang pilosopiyang bayan ko muna ay gumagatong sa mga paglabag sa karapatang pantao. Kung gayon, iiral lamang ang mga karapatang pantao ‘kung lilitaw ang isang pandaigdig na pamahalaan na nasa kalagayang gumawa ng maipatutupad na mga hakbang,’ sabi ng Olandes na propesor sa batas at ekonomiya na si Jan Berkouwer.
Sa ibang salita, para umiral sa buong daigdig ang mga karapatang pantao, sa paano man ay dalawang bagay ang kailangan munang mangyari: isang pagbabago ng isip at isang pagbabago ng pamahalaan. Makatotohanan bang asahan na mangyayari ito?
Dalawang Dahilan Para sa Pagbabago
Samantalang papasok na sa ikalimang taon nito ang Dekada ng Edukasyon Para sa mga Karapatang Pantao ng UN, isang pang-internasyonal at di-pampamahalaang programa sa edukasyon ang nagtatagumpay na sa loob ng maraming dekada sa pagpapabago sa isip ng milyun-milyong tao. Bunga nito, pinakikitunguhan ngayon ng mga taong ito ang kanilang kapuwa nang may dignidad. Ang programang ito, na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova, ay umiiral sa mahigit na 230 lupain. Bakit ito mabisa?
Una, ang pangglobong programang ito sa edukasyon sa Bibliya ay nagpapalawak sa pagkaunawa ng mga tao sa pinagmulan ng mga karapatang pantao. Nakasaad sa Pansansinukob na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao na ang tao ay may mga karapatan dahil siya ay isang makatuwiran at moral na persona.
Tiyak na natamo ng tao ang kaniyang mga kakayahan sa pangangatuwiran at budhi mula sa isang nakatataas na pinagmulan. (Tingnan ang kahon na “Ang Pinagmumulan ng mga Karapatang Pantao,” sa pahina 13.) Ang pagkilala sa nakatataas at banal na pinagmumulang ito ay magbibigay sa iyo ng isang matibay na dahilan para igalang ang iyong kapuwa tao. Pagkatapos ay pinakikitunguhan mo nang may dignidad ang iba hindi lamang dahil sa inuudyukan ka ng iyong budhi na gawin iyon kundi, higit sa lahat, dahil sa pinakikilos ka ng iyong paggalang at pag-ibig sa Maylalang upang pakitunguhan mo nang may dignidad ang kaniyang nilalang. Ang dalawang dahilang ito ay batay sa mga salita ni Jesu-Kristo: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo” at, “Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:37-39) Hindi kailanman lalabagin ng isang taong may matinding paggalang sa Maylalang ang mga karapatan ng kaniyang kapuwa tao, dahil sa ang mga ito ay pamana mula sa Diyos. Ang isang lumalabag sa mga karapatang pantao ay nagnanakaw ng mga pamana.
Isang Mabisang Edukasyon
Gaano kabisa ang programang ito ng edukasyon sa Bibliya ng mga Saksi ni Jehova sa paghadlang sa mga paglabag sa karapatang pantao? Ang pinakamainam na paraan upang masagot iyan ay ang tingnan ang mga resulta ng programa, sapagkat gaya ng sabi ni Jesus, “ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.”—Mateo 11:19.
Isang bantog na inskripsiyon sa isang pader ng United Nations Plaza sa New York City ang kababasahan ng ganito: “Papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod. At ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos: Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa. Ni mag-aaral pa man sila ng pakikidigma.” Sa pamamagitan ng pagsiping ito mula sa aklat ng Bibliya na Isaias kabanata 2, talata 4, King James Version, tinutukoy ng UN ang isang pangunahing paraan upang bawasan ang malawakang paglabag sa mga karapatang pantao—wakasan ang pakikidigma. Sa katunayan, ang digmaan ay ‘katumbalikan ng mga karapatang pantao,’ gaya ng paglalarawan dito ng isang publikasyon ng UN.
Ang ginagawa ng programa sa edukasyon ng mga Saksi ni Jehova ay higit pa sa ideya na isulat ang mga salita ni Isaias sa isang batong pader. “Isinusulat” nito ang mga salita ni Isaias sa puso ng mga tao. (Ihambing ang Hebreo 8:10.) Paano? Inaalis ng programa ang panlahi at panliping mga hadlang at ginigiba ang mga pader ng nasyonalismo sa pamamagitan ng pagtuturo ng pangmalas ng Bibliya tungkol sa lahi: May isa lamang lahi—ang lahi ng tao. (Gawa 17:26) Yaong mga nakatala sa programa ay tinutubuan ng hangarin na ‘maging mga tagatulad sa Diyos,’ na tungkol sa kaniya ay sinasabi ng Bibliya: “[Siya] ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Efeso 5:1; Gawa 10:34, 35.
Bunga ng ganitong salig-Bibliya na edukasyon, milyun-milyong tao sa ngayon ang hindi na ‘nag-aaral ng pakikipagdigma.’ Ang isang pagbabago ng isip at puso ay naganap. At namamalagi ang pagbabago. (Tingnan ang kahon na “Edukasyon Para sa Kapayapaan,” sa pahina 14.) Sa kasalukuyan, mahigit sa 1,000 tao sa isang araw, sa katamtaman, ang nakakukumpleto ng saligang kurso sa pag-aaral na idinaraos ng mga Saksi ni Jehova at sumasali sa hanay ng pambuong-daigdig na puwersang ito para sa kapayapaan.
Gaano kalalim ang pagbabagong ito ng isip at ang kasunod na pasiyang igalang ang mga karapatang pantao sa pamamagitan ng pagtangging makibahagi sa digmaan? Napakalalim. Bilang isang halimbawa: Ang lalim ng paggalang ng mga Saksi sa karapatang pantao ay sumailalim sa matinding pagsubok noong Digmaang Pandaigdig II, lalo na sa Nazing Alemanya. Ganito ang sabi ng mananalaysay na si Brian Dunn: “Magkasalungat ang mga Saksi ni Jehova at ang Nazismo. Ang pangunahing inaayawan ng Nazi sa kanila ay ang makapulitikang neutralidad nila. Ito’y nangahulugan na walang mananampalataya ang hahawak ng mga sandata.” (The Churches’ Response to the Holocaust) Sa A History of Christianity, ganito ang sabi ni Paul Johnson: “Marami ang nahatulan ng kamatayan dahil sa pagtanggi sa paglilingkurang militar . . . , o sila’y napasadlak sa Dachau o mga ampunan ng mga baliw.” Magkagayunman, sila’y matatag na nanindigan. Inilarawan ni Anna Pawełczyńska ang mga Saksing iyon bilang “isang maliit na pulo ng di-sumusukong pakikilaban na umiiral sa mismong pusod ng isang nahihintakutang bansa.”
Gunigunihin lamang ang napakalaking kabawasan sa mga paglabag sa mga karapatang pantao sa buong daigdig kung ang lahat ng tao ay magkakaroon ng ganitong paninindigan ngayon at ‘hindi na mag-aaral pa ng pakikidigma’!
Pandaigdig na Pamahalaan—‘Isang Utopia’?
‘Ang pagbabago ng mga isip ay isang hamon, ngunit ang pagbuo ng isang pandaigdig na pamahalaan ay isang Utopia,’ sabi ng isang tauhan ng UN. At totoo naman, ang bagay na hindi nais ng mga bansa na isuko ang kanilang soberanya sa UN, o sa alinmang ibang organisasyon, ay nagdiriin sa konklusyong ito. Gayunpaman, yaong bumabale-wala sa ideya ng isang pandaigdig na pamahalaan, sabi ni Propesor Berkouwer, “ay may moral na tungkuling magturo ng iba pang paraan sa paglutas ng mga suliranin ng daigdig. Gayunman, hindi magagamit ang iba pang solusyon.” Samakatuwid nga, ang mga solusyon ng tao. Ngunit may isang solusyon na nagmumula sa isa na nakahihigit sa tao. Ano iyon?
Kung paanong ipinakikita ng Bibliya na ang Maylalang ang siyang pinagmumulan ng mga kakayahang pinagbabatayan ng mga karapatang pantao, ipinababatid din nito sa atin na siya ang pinagmumulan ng isang pandaigdig na pamahalaan na titiyak sa mga ito. Hindi nakikita subalit totoo ang makalangit na pamahalaang ito. Sa katunayan, milyun-milyong tao, marahil nang hindi nila namamalayan, ang nananalangin ukol sa pandaigdig na pamahalaang ito kapag binibigkas nila sa karaniwan nang tinatawag na Panalangin ng Panginoon ang: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Ang Pangulo na hinirang ng Diyos sa Kahariang pamahalaan na iyan ay ang Prinsipe ng Kapayapaan, si Jesu-Kristo.—Isaias 9:6.
Magtatagumpay ang pandaigdig na pamahalaang ito sa paglikha ng isang tunay na pangglobo at namamalaging lipunan ng mga karapatang pantao sa pamamagitan ng, bukod sa iba pang bagay, pag-aalis ng digmaan magpakailanman. Humula ang Bibliya: “Pinatitigil niya [ng Maylalang] ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Binabali niya ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat; sinusunog niya sa apoy ang mga bagon.”—Awit 46:9.
Kailan mangyayari ito sa buong globo? Sa programa sa pag-aaral ng Bibliya na inilalaan ng mga Saksi ni Jehova ay kalakip ang isang kasiya-siyang sagot sa tanong na ito. Pinasisigla ka namin na alamin ang tungkol sa programang ito.a Kung interesado ka sa mga karapatang pantao, hindi ka mabibigo.
[Talababa]
a Kung nais mong makatanggap ng higit pang impormasyon tungkol sa programang ito ng edukasyon sa Bibliya, makipag-alam sa mga tagapaglathala ng magasing ito o sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar. Ang programang ito ay inilalaan nang walang bayad.
[Kahon sa pahina 13]
Ang Pinagmumulan ng mga Karapatang Pantao
Sinasabi ng Artikulo 1 sa Pansansinukob na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao na “ang lahat ng tao ay ipinanganganak na malaya at pantay-pantay sa dignidad at mga karapatan.” Kaya naman inilalarawan ang mga karapatang pantao bilang isang katutubong karapatan na dumadaloy mula sa mga magulang tungo sa mga anak, gaya ng isang ilog na nagdadala ng tubig sa mga nakatira sa kahabaan ng mga pampang nito. Saan nagsimula ang ilog na ito ng mga karapatang pantao?
Ayon sa Pansansinukob na Deklarasyon, ang mga tao ay may mga karapatan sapagkat “sila’y pinagkalooban ng katuwiran at budhi.” Ganito ang paliwanag ng isang publikasyon ng UN: “Dahil sa ang tao ay isang may-unawa at moral na persona, naiiba siya sa iba pang nilalang sa lupa at samakatuwid ay nararapat magtaglay ng ilang karapatan at kalayaan na hindi tinatamasa ng ibang nilalang.” (Amin ang italiko.) Kaya naman, ang pagtataglay ng katuwiran at budhi ay sinasabing batayan sa pagkakaroon ng mga karapatang pantao. Kung ganoon, ang pinagmumulan ng katuwiran at budhi ay siya ring pinagmumulan ng kaniyang mga karapatan bilang tao.
Para sa mga aktibista sa karapatang pantao na nagtataguyod ng biyolohikal na ebolusyon, isang palaisipan ang pangungusap na ang mga karapatang pantao ay iniuugnay sa katuwiran at budhi. Ganito ang inamin ng maka-ebolusyong aklat na Life Ascending: “Kapag sinusuri namin kung paanong ang isang proseso [ebolusyon] . . . ay maaaring pagmulan ng mga katangiang gaya ng pagpapahalaga sa kagandahan at katotohanan, awa, kalayaan, at, higit sa lahat, ng kadakilaan ng damdamin ng tao, mamamangha kami.” At tama naman. Sa katunayan, kung igigiit na ang kakayahan ng tao na mangatuwiran at ang budhi ay nagmumula sa nakabababa-sa-tao na mga ninuno na walang katuwiran at budhi sa ganang sarili, para na ring sinasabi na ang isang ilog ay nanggagaling sa isang bukal na walang tubig.
Yamang ang kakayahan ng tao na mangatuwiran at ang budhi ay hindi maaaring magkaroon ng nakabababa-sa-tao na pinagmulan, tiyak na nakahihigit sa tao ang pinagmulan ng mga kakayahang ito. Mga tao lamang ang nagtataglay ng mga katangiang iniuugnay sa mga karapatang pantao—katuwiran at budhi—sapagkat di-tulad ng mga hayop, ang mga tao ay nilalang ayon sa “larawan” ng Diyos, ang paliwanag ng Bibliya. (Genesis 1:27) Kung gayon, gaya ng sabi ng aklat na Human Rights—Essays on Justification and Applications, ang makatuwirang sagot sa tanong kung bakit may moral na karapatan ang mga tao ay ang bagay na “sila’y may likas na halaga o dignidad o sila’y . . . mga anak ng Diyos.”
[Kahon/Mga larawan sa pahina 14]
Edukasyon Para sa Kapayapaan
Mga ilang taon na ang nakalipas, habang pinagwawatak-watak ng digmaan ang Balkans, si Branko ay naglilingkod bilang isang armadong guwardiya sa isang klinika sa Croatianong bahagi ng Bosnia.b Ang isang doktor doon ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at isang gabi, inilahad niya kay Branko ang kaniyang natutuhan sa pag-aaral na ito. Ang narinig ni Branko ay nagpakilos sa kaniya na bitiwan ang kaniyang mga sandata. Pagkaraan ng ilang panahon, matapos lumipat sa isang bansa sa Europa, dumalo si Branko sa isang pulong ng mga Saksi ni Jehova, at doon ay nakilala niya si Slobodan.
Galing din sa Bosnia si Slobodan. Nakibahagi siya sa digmaang sinalihan din ni Branko—ngunit sa kalabang pangkat. Si Slobodan ay nakipaglaban para sa mga Serbiano laban sa mga Croatiano. Nang magkita ang dalawa, isa nang Saksi ni Jehova si Slobodan, at inalukan niya ng pag-aaral sa Bibliya si Branko, ang kaniyang dating kaaway. Habang sumusulong ang pag-aaral, lumago ang pag-ibig ni Branko sa Maylalang, si Jehova. Hindi nagtagal at nagpasiya siyang maging isa sa mga Saksi ni Jehova.c
Si Slobodan mismo ay naging Saksi rin sa tulong ng isang dating kaaway. Paano? Buweno, matapos iwan ang larangan ng digmaan sa Bosnia, si Slobodan ay dinalaw ni Mujo, na galing din sa Bosnia ngunit pinalaki sa isang relihiyon na ibang-ibang sa relihiyon ni Slobodan. Isa na ngayong Saksi ni Jehova si Mujo. Bagaman dati silang magkaaway, tinanggap ni Slobodan ang alok ni Mujo na makipag-aral ng Bibliya sa kaniya, at nang maglaon ay gumawa siya ng hakbang upang maging isa sa mga Saksi ni Jehova.
Ano ang nag-udyok sa mga lalaking ito na daigin ang malalim-ang-pagkakaugat na pagkakapootang panlipi at magbago buhat sa pagiging magkaaway tungo sa pagiging magkaibigan? Sa pamamagitan ng kanilang pag-aaral ng Bibliya, natutuhan nilang ibigin si Jehova. Mula noon, handa na silang ‘maturuan ng Diyos na ibigin ang isa’t isa.” (1 Tesalonica 4:9) Gaya ng sabi ni Propesor Wojciech Modzelewski tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa pangkalahatan, “ang pangunahing dahilan ng kanilang mapayapang saloobin ay ang ideya na sundin sa ngayon ang mga simulaing isiniwalat sa Bibliya.”
[Mga talababa]
b Binago ang lahat ng pangalan na binanggit sa kahong ito.
c Laking tuwa naman ni Branko nang malaman niya noong dakong huli na ang doktor na unang nakipag-usap sa kaniya ay naging isa ring Saksi ni Jehova.
[Mga larawan sa pahina 11]
Pagbabago ng isip at pamahalaan—mangyayari pa kaya ito?
[Credit Line]
U.S. National Archives photo
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
Ang edukasyong salig sa Bibliya ang nagiging dahilan ng positibong pagbabago ng isip