Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Kailangan Kong Mamuhay Nang Walang mga Magulang?
“Paano ba ang mabuhay nang walang mga magulang? Masasabi kong napakalungkot nito sa maraming kadahilanan. Napakahirap lumaki nang walang pagmamahal at pag-ibig ng iyong mga magulang.”—Joaquín.
“Ang pinakamalaking hamon na nakaharap ko ay ang mga araw kapag kailangang pirmahan ng mga magulang ang report kard ng paaralan. Napakalungkot ko at nalulumbay. Gayon pa rin ang nadarama ko kung minsan.”—16-anyos na si Abelina.
TRAHEDYA ito ng ating panahon—milyun-milyong kabataan ang lumalaking walang mga magulang. Libu-libo ang naulila sa Silangang Europa dahil sa digmaan. Epidemya ng AIDS ang sanhi ng gayunding malaking kapinsalaan sa Aprika. Ang ilang anak ay basta pinabayaan ng kanilang mga magulang. Ang mga pamilya ay nagkahiwa-hiwalay dahil sa digmaan o likas na sakuna.
Ang mga kalagayang gaya nito ay karaniwan na noon pa mang panahon ng Bibliya. Halimbawa, ang kalagayan ng ulila ay paulit-ulit na binabanggit sa Kasulatan. (Awit 94:6; Malakias 3:5) Pinaghiwalay rin ng mga digmaan at iba pang kalunus-lunos na mga kalagayan ang mga pamilya noon. Kaya nga binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa isang batang babae na napawalay sa kaniyang mga magulang nang siya’y dalhin ng pangkat na nandarambong na taga-Sirya.—2 Hari 5:2.
Marahil ay isa ka sa milyun-milyong kabataan na wala ring mga magulang. Kung gayon, batid mo kung gaano nakapipighati ang gayong kalagayan. Bakit ito nangyari sa iyo?
Hindi Mo Kasalanan
Nasusumpungan mo ba ang iyong sarili na nag-iisip kung ikaw ba’y pinarurusahan ng Diyos? O marahil ay galit na galit ka sa pagkamatay ng iyong mga magulang—na para bang ginusto nila ito. Una sa lahat, nakatitiyak kang hindi galit sa iyo ang Diyos. Ni ginusto man ng iyong mga magulang na iwan ka. Ang kamatayan ay kalunus-lunos na nararanasan ng di-sakdal na sangkatauhan, at kung minsan ay nangyayari ito sa mga magulang samantalang bata pa ang kanilang mga anak. (Roma 5:12; 6:23) Batay sa katibayan, naranasan mismo ni Jesu-Kristo ang kamatayan ng kaniyang minamahal na ama-amahan, si Jose.a Tiyak na hindi ito dahil sa anumang kasalanan sa bahagi ni Jesus.
Dapat ding mabatid na tayo’y nabubuhay sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Milyun-milyong tao ang walang-pagtatanging napatay sa karahasan, digmaan, at krimen sa siglong ito. Ang iba pa ay naging mga biktima ng “panahon at di-inaasahang pangyayari,” na maaaring sumapit sa sinuman. (Eclesiastes 9:11) Masakit man ang kamatayan ng iyong mga magulang, hindi mo ito kasalanan. Sa halip na pahirapan ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagsisi sa sarili o malipos ng pamimighati, magkaroon ng kaaliwan sa pangako ng Diyos na pagkabuhay-muli.b Inihula ni Jesus: “Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Ganito ang sabi ni Abelina, na nabanggit kanina: “Ang pag-ibig ko kay Jehova at ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay malaking tulong.”
Kumusta naman kung buháy pa ang iyong mga magulang subalit ikaw ay pinabayaan? Hinihiling ng Diyos na palakihin at paglaanan ng mga magulang ang kanilang mga anak. (Efeso 6:4; 1 Timoteo 5:8) Subalit, nakalulungkot na ang ilang magulang ay nagpapakita ng nakagigitlang kawalan ng “likas na pagmamahal” sa kanilang mga anak. (2 Timoteo 3:3) Para naman sa iba, ang pagpapabaya ay bunga ng matinding karukhaan, pagkasugapa sa droga, pagkabilanggo, o alkoholismo. Walang alinlangan, may mga magulang din na pinababayaan ang kanilang mga anak dahil lamang sa kasakiman. Anuman ang dahilan, nakasisiphayo ang mapawalay sa mga magulang. Subalit hindi ito nangangahulugan na may diperensiya ka o na kailangan mong pahirapan ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagsisi sa sarili. Ang totoo, ang mga magulang mo ang mananagot sa Diyos sa pagtrato nila sa iyo. (Roma 14:12) Mangyari pa, kung ang mga magulang mo ay napilitang mapawalay sa iyo dahil sa mga kalagayang hindi nila mahadlangan, gaya ng likas na kasakunaan o karamdaman, walang dapat sisihin! Nariyan ang pag-asang muli kayong magkasama, kahit na kung minsan ang pag-asang iyon ay napakaliit.—Ihambing ang Genesis 46:29-31.
Isang Masaklap na Karanasan
Samantala, maaaring makaharap mo ang maraming malulubhang problema. Ganito ang isinisiwalat ng isang pag-aaral na isinagawa ng United Nations Children’s Fund, na tinatawag na Children in War: “Ang mga batang minor de edad na walang kasamang magulang ang pinakamahinang mga bata—yaong mga . . . nakakaharap ang pinakamatinding hadlang upang mabuhay, walang alalay para sa normal na paglaki at inaabuso. Ang pagkawalay sa mga magulang ay maaaring isa sa pinakamasaklap na kawalan ng bata.” Marahil ay nararanasan mo sa iyong sarili na pinaglalabanan mo ang mga damdamin ng panlulumo at kabiguan.
Alalahanin si Joaquín, na nabanggit kanina. Naghiwalay ang kaniyang mga magulang at pagkatapos ay pinabayaan siya at ang kaniyang mga kapatid. Isang taon lamang siya nang panahong iyon at siya’y pinalaki ng kaniyang nakatatandang mga kapatid na babae. Ganito ang paliwanag niya: “Nagtatanong ako kung bakit wala kaming mga magulang na gaya ng aking mga kaibigan. At kapag nakikita ko ang isang ama na nakikipaglaro sa kaniyang anak na lalaki, naiisip ko na sana’y siya ang aking tatay.”
Paghingi ng Tulong
Bagaman mahirap lumaki nang walang mga magulang, hindi nangangahulugan na ikaw ay hindi magtatagumpay. Sa pamamagitan ng tulong at alalay, hindi ka lamang makakaraos kundi susulong din. Maaaring mahirap para sa iyo na paniwalaan ito, lalo na kung ikaw ay nakikipagpunyagi sa kalungkutan at dalamhati. Gayunman, alamin mo na ang mga damdaming ito ay normal at hindi ka nito pahihirapan magpakailanman. Sa Eclesiastes 7:2, 3, ating mababasa: “Mas mabuti ang pumaroon sa bahay ng pagdadalamhati kaysa pumaroon sa bahay ng pagpipiging . . . Mas mabuti ang kaligaligan kaysa pagtawa, sapagkat sa pagsimangot ng mukha ay bumubuti ang puso.” Oo, normal at nakabubuti ang umiyak at magdalamhati kung may nangyaring kakila-kilabot na trahedya. Masusumpungan mo ring nakatutulong na ipagtapat ito sa isang maunawaing kaibigan o sa isang maygulang na miyembro ng kongregasyon at ipakipag-usap ang tungkol sa kirot na iyong nadarama.
Totoo, maaaring matukso kang ibukod ang iyong sarili. Subalit ang Kawikaan 18:1 ay nagbababala: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.” Mas mabuting humingi ng tulong sa isa na mabait at maunawain. Ganito ang sabi ng Kawikaan 12:25: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod niyaon, ngunit ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya roon.” Makukuha mo lamang ang “mabuting salita” na ito kung sasabihin mo sa isa ang iyong “pagkabalisa.”
Sino ang makakausap mo? Humingi ka ng tulong sa loob ng Kristiyanong kongregasyon. Nangangako si Jesus na doon ay makasusumpong ka ng “mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina” na magmamahal at magmamalasakit sa iyo. (Marcos 10:30) Nagunita ni Joaquín: “Naiba ang pangmalas ko sa buhay sa pamamagitan ng pakikisama sa mga kapatid na Kristiyano. Inakay ako ng regular na pagdalo sa pulong na higit na ibigin si Jehova at paglingkuran siya. Binigyan ng espirituwal na tulong at payo ang aking pamilya ng maygulang na mga kapatid na lalaki. Sa ngayon, mga buong-panahong ministro na ang ilan sa aking mga kapatid.”
Tandaan din, na si Jehova ang “ama ng mga batang lalaki na walang ama.” (Awit 68:5, 6) Noong panahon ng Bibliya, hinimok ng Diyos ang kaniyang bayan na makitungo nang may kaawaan at makatarungan sa mga ulila. (Deuteronomio 24:19; Kawikaan 23:10, 11) At gayundin ang kaniyang malasakit ngayon para sa mga kabataang walang mga magulang. Kaya bumaling sa Diyos sa panalangin, taglay ang katiyakan na siya’y nagmamalasakit sa iyo at na siya’y sasagot. Sumulat si Haring David: “Sakaling iwan ako ng aking sariling ama at sariling ina, tatanggapin ako ni Jehova. Umasa kay Jehova; magpakalakas-loob at maging malakas ang inyong puso.”—Awit 27:10, 14.
Magkagayon man, nakakaharap ng isang kabataan na walang mga magulang ang maraming pang-araw-araw na mga hamon. Saan ka titira? Paano ka makakaraos sa iyong kabuhayan? Tatalakayin ng isang artikulo sa hinaharap kung paano matagumpay na mahaharap ang mga hamong ito.
[Mga talababa]
a Bago siya namatay, ipinagkatiwala ni Jesus ang pangangalaga sa kaniyang ina sa kaniyang alagad na si Juan, isang bagay na malamang na hindi niya sana ginawa kung buhay pa ang kaniyang ama-amahan, si Jose.—Juan 19:25-27.
b Para sa impormasyon tungkol sa pagharap sa kamatayan ng isang magulang, tingnan ang mga artikulo sa “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” na lumitaw noong mga labas ng Agosto 22 at Setyembre 8, 1994, ng Gumising!
[Blurb sa pahina 24]
“Ang pag-ibig ko kay Jehova at ang pag-asa ng pagkabuhay-muli ay malaking tulong”
[Larawan sa pahina 24]
Kung minsan, maaaring malipos ka ng mga damdamin ng kalungkutan
[Mga larawan sa pahina 25]
May mga kaibigan sa kongregasyon na makatutulong at makapagpapatibay sa iyo