Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 12/8 p. 4-7
  • Ano Ba ang Hitsura ni Jesus?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano Ba ang Hitsura ni Jesus?
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano ang Sinasabi ng Sekular na Kasaysayan
  • Ang Bibliya at ang Hitsura ni Jesus
  • Hindi Mahina si Jesus
  • Mahalaga ba ang Kaniyang Hitsura?
  • Ano Ba Talaga ang Hitsura ni Jesus?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2017
  • Ano Ba ang Hitsura ni Jesus?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Sino si Jesu-Kristo?
    Gumising!—1998
  • “Narito! Ang Tao!”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 12/8 p. 4-7

Ano Ba ang Hitsura ni Jesus?

ANG patotoo ng sekular na kasaysayan tungkol sa hitsura ni Jesus ay lubhang naimpluwensiyahan ng ilang salik. Ito ang dahilan ng malalaking pagkakaiba sa kung paano siya inilarawan sa sining.

Ang dalawang salik ay ang kultura ng bansa at ang yugto ng panahon na ginawa ang sining. Bukod pa riyan, naapektuhan din ng relihiyosong paniniwala ng mga pintor at niyaong nag-atas sa kanila ang paglalarawan kay Jesus.

Sa nakalipas na mga dantaon, labis-labis na atensiyon ang itinuon ng kilalang mga pintor, gaya nina Michelangelo, Rembrandt, at Rubens, sa hitsura ni Kristo. Karaniwang ginagayakan ng simbolismo at mistisismo, lubhang naapektuhan ng kanilang mga gawa ang karaniwang ideya kung ano nga ang hitsura ni Jesus. Subalit saan ba nakasalig ang kanilang mga interpretasyon?

Kung Ano ang Sinasabi ng Sekular na Kasaysayan

Kadalasang inilalarawan ng mga gawa ng sining bago pa noong panahon ng Romanong Emperador na si Constantino, na nabuhay mula noong mga 280 hanggang 337 C.E., si Jesus bilang isang kabataang “Mabuting Pastol” na ang buhok ay maiksi o mahaba at kulot. Subalit ganito ang sabi ng aklat ng Art Through the Ages: “Bilang isang tema, ang Mabuting Pastol ay matutunton pabalik sa panahon ng [paganong] Sinaunang Griego hanggang sa sining ng Ehipsiyo, subalit dito ay naging sagisag ito ng matapat na tagapangalaga ng kawang Kristiyano.”

Nang maglaon, lalo pang mahahalata ang paganong impluwensiya na ito. Sabi pa ng aklat, “madaling makita ang pagkakatulad ni Jesus sa pamilyar na mga diyos ng Mediteraneong daigdig, lalo na kay Helios (Apollo), ang diyos ng araw [na ang nimbo ay ibinigay nang maglaon kay Jesus at saka sa “mga santo”], o makaromanong pagkalarawan sa kaniya sa silangan, ang Sol Invictus (ang Di-magaping Araw).” Sa isang mosoleo na natuklasan sa ilalim ng St. Peter’s sa Roma, si Jesus ay aktuwal na inilarawan bilang si Apollo na “nagpapatakbo ng mga kabayo ng karong araw sa kalangitan.”

Gayunman, hindi gaanong nagtagal ang mas batang anyong ito. Binanggit ni Adolphe Didron, sa kaniyang aklat na Christian Iconography, kung ano ang nangyari: “Ang larawan ni Kristo, na noong una’y mukhang bata, ay tumanda sa paglipas ng mga dantaon . . . habang nagtatagal mismo ang Kristiyanismo.”

Isang teksto noong ika-13 siglo na nagkukunwang sulat ng isang Publius Lentulus, sa Senado ng Roma na naglalarawan sa hitsura ni Jesus, na sinasabing ang kaniyang “buhok ay kakulay ng hilaw na hazel-nut [mapusyaw na kaki] at malambot na hanggang sa kaniyang tainga, subalit mas maitim at mas makinang na kulot mula sa tainga, kulot mula sa kaniyang balikat; na may hati sa gitna . . . , balbas sarado na kakulay ng kaniyang buhok, hindi mahaba, ngunit medyo patulis sa baba, . . . abuhin ang mga mata . . . at maningning.” Naimpluwensiyahan ng hindi kapani-paniwalang larawang ito ang maraming pintor. “Ang bawat yugto ng panahon,” sabi ng New Catholic Encyclopedia, “ay gumawa ng isang uri ng Kristo na gusto nito.”

Kung paano magkakaibang inilarawan si Kristo sa bawat yugto ng panahon, gayundin ang magkakaibang paglalarawan dahil sa iba’t ibang mga lahi at relihiyon. Inilalarawan ng relihiyosong sining mula sa misyonerong larangan ng Aprika, ng mga bansa sa Amerika, at Asia ang mahabang-buhok na Kristo ng Kanluran; subalit kung minsan ay idinagdag sa kaniyang hitsura ang “katutubong mga katangian,” ang sabi ng ensayklopidiya.

May sarili ring mga pintor ang mga Protestante, at inilarawan ng mga ito ang hitsura ni Kristo ayon sa kanilang sariling paraan. Ganito ang sinabi ni F. M. Godfrey, sa kaniyang aklat na Christ and the Apostles​—The Changing Forms of Religious Imagery: “Ang kalunus-lunos na Kristo ni Rembrandt ay mula sa Protestanteng pangmalas, mapanglaw, payat at maputla, mabagsik, . . . larawan ng mukhang-espiritu at nagkakait-sa-sarili na kaluluwang Protestante.” Masasalamin dito, sabi niya, sa “pagiging payat ng Kaniyang katawan, ang pagpapakasakit [pagkakait-sa-sarili] ng laman, ang ‘kababaang-loob, pagkahabag at kataimtiman’ na naisip [ni Rembrandt] sa Kristiyanong aklat.”

Gayunman, gaya ng makikita natin ngayon, ang paglalarawan ng mahina, may nimbo, parang babae, mapanglaw, mahabang-buhok na Kristo, na malimit makita sa sining ng Sangkakristiyanuhan, ay hindi tumpak. Sa katunayan, malayung-malayo ito sa Jesus ng Bibliya.

Ang Bibliya at ang Hitsura ni Jesus

Bilang “ang Kordero ng Diyos,” walang depekto si Jesus, kaya walang alinlangang siya’y magandang lalaki. (Juan 1:29; Hebreo 7:26) At tiyak na hindi siya laging mukhang mapanglaw gaya ng paglalarawan sa kaniya sa popular na sining. Totoo, dumanas siya ng maraming nakapipighating mga pangyayari sa kaniyang buhay, ngunit sa kaniyang kabuuang pagkatao, may kasakdalang masasalamin sa kaniya ang kaniyang Ama, “ang maligayang Diyos.”​—1 Timoteo 1:11; Lucas 10:21; Hebreo 1:3.

Mahaba ba ang buhok ni Jesus? Mga Nazareo lamang ang hindi nagpapagupit ng kanilang buhok o umiinom ng alak, at hindi Nazareo si Jesus. Kaya walang alinlangang maayos ang pagkakagupit ng kaniyang buhok na gaya ng sinumang lalaking Judio. (Bilang 6:2-7) Nasiyahan din siya sa katamtamang pag-inom ng alak kapag kasama ng iba, at pinagtitibay nito ang ideya na siya’y isang taong masayahin. (Lucas 7:34) Sa katunayan, gumawa siya ng alak sa isang himala sa piging ng kasal sa Cana ng Galilea. (Juan 2:1-11) At maliwanag na siya’y may balbas, na pinatutunayan ng isang hula tungkol sa kaniyang pagdurusa.​—Isaias 50:6.

Ano naman ang kutis at mga katangian ni Jesus? Malamang na ito’y Semitiko. Malamang na namana niya ang mga katangiang ito mula sa kaniyang ina, si Maria, na isang Judio. Judio ang kaniyang mga ninuno, sa angkan ng mga Hebreo. Kaya malamang na ang kutis at mga katangian ni Jesus ay katulad ng mga Judio.

Kahit sa gitna ng kaniyang mga apostol, maliwanag na si Jesus ay hindi namumukod-tangi sa pangangatawan, sapagkat nang ipagkanulo siya ni Judas ay kinailangan pang hagkan siya nito upang makilala siya ng kaniyang mga kaaway. Kaya nga, hindi naiiba si Jesus sa karamihan ng tao. Noong minsan, nagawa niyang maglakbay nang hindi nakikilala mula sa Galilea patungo sa Jerusalem.​—Marcos 14:44; Juan 7:10, 11.

Gayunman, naghihinuha ang ilan na si Jesus ay mahina. Bakit nila nasabi ito? Una sa lahat, nangailangan siya ng tulong upang pasanin ang kaniyang pahirapang tulos. Gayundin, siya ang unang namatay sa tatlong lalaking ipinako.​—Lucas 23:26; Juan 19:17, 32, 33.

Hindi Mahina si Jesus

Salungat sa tradisyon, hindi inilalarawan ng Bibliya si Jesus na mahina o parang babae. Bagkus, sinasabi nito na kahit na bilang isang kabataan, siya ay “patuloy na sumulong sa karunungan at sa pisikal na paglaki at sa pabor ng Diyos at ng mga tao.” (Lucas 2:52) Sa loob halos ng 30 taon, siya’y isang karpintero. Iyan ay hindi isang hanapbuhay para sa isa na may maliit o mahinang pangangatawan, lalo na noong panahong iyon, na walang makabagong mabibilis na makina. (Marcos 6:3) Isa pa, pinalayas ni Jesus ang mga baka, tupa, at mga tagapagpalit ng salapi mula sa templo at itinaob ang mga mesa ng mga tagapagpalit ng salapi. (Juan 2:14, 15) Ito man ay nagpapahiwatig ng isang taong malakas at puspos ng sigla ang pangangatawan.

Sa huling tatlo at kalahating taon ng kaniyang buhay sa lupa, lumakad si Jesus ng daan-daang milya sa kaniyang mga paglalakbay sa pangangaral. Gayunman, hindi kailanman ipinahiwatig ng mga alagad na siya ay ‘nagpahinga nang kaunti.’ Sa halip, sinabi ni Jesus sa kanila, na ang ilan ay malalakas na mangingisda: “Halikayo, kayo mismo, nang sarilinan sa isang dakong liblib at magpahinga nang kaunti.”​—Marcos 6:31.

Tunay, “ang buong salaysay ng ebanghelyo,” sabi ng M’Clintock and Strong’s Cyclopædia, “ay nagpapahiwatig na [si Jesus ay may] malusog at puspos ng siglang pangangatawan.” Kung gayon, bakit nangailangan siya ng tulong upang pasanin ang kaniyang pahirapang tulos, at bakit una siyang namatay sa iba pa na nakapakong kasama niya?

Isang susing salik ang matinding pamimighati. Habang papalapit ang kamatayan ni Jesus, sinabi niya: “Tunay nga, mayroon akong bautismo na sa akin ay ibabautismo, at gayon na lamang ang aking pamimighati hanggang sa ito ay matapos!” (Lucas 12:50) Ang pamimighating ito ay naging “matinding paghihirap” noong kaniyang huling gabi: “Nang mapasa-matinding paghihirap ay nagpatuloy siya sa pananalangin nang lalong marubdob; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng mga patak ng dugo na tumutulo sa lupa.” (Lucas 22:44) Alam ni Jesus na ang pag-asa ng sangkatauhan tungkol sa buhay na walang hanggan ay nakasalig sa kaniyang katapatan hanggang kamatayan. Anong bigat ng kaniyang pasan! (Mateo 20:18, 19, 28) Alam din niya na siya’y papatayin bilang isang “isinumpang” kriminal ng sariling bayan ng Diyos. Kaya, nababahala siya na ito’y maaaring magdala ng upasala sa kaniyang Ama.​—Galacia 3:13; Awit 40:6, 7; Gawa 8:32.

Matapos ang pagkakanulo sa kaniya, dumanas siya ng maraming kalupitan. Sa isang pakunwaring paglilitis na isinagawa pagkalampas ng hatinggabi, tinuya siya, niluraan siya, at sinuntok siya ng pinakamatataas na opisyal. Upang magtinging naaayon sa batas ang paglilitis noong gabi, nagkaroon ng isa pang paglilitis maaga kinabukasan. Doon ay pinagtatanong ni Pilato si Jesus; pagkatapos ay ni Herodes, na, kasama ang mga hukbo nito, ginawa siyang katatawanan; at pagkatapos ay kay Pilato muli. Sa wakas, siya’y pinahampas ni Pilato. At hindi ito isang pangkaraniwang paghampas. Ganito ang sabi ng The Journal of the American Medical Association tungkol sa Romanong gawain ng paghampas:

“Ang karaniwang instrumento ay isang maikling panghagupit . . . na may ilang isa-isa o nakatirintas na pirasong katad na iba-iba ang haba, kung saan nakatali nang salit-salit ang maliliit na bolang bakal o matutulis na piraso ng mga buto ng tupa. . . . Habang paulit-ulit at buong-lakas na hinahampas ng mga sundalong Romano ang likod ng biktima, ang mga bolang bakal ay lilikha ng malalalim na pasa, at ang pirasong katad at mga buto ng tupa ay susugat sa balat at kalamnan. Pagkatapos, habang nagpapatuloy ang paghampas, lalong lumalalim ang mga sugat sa kalamnan anupat nanginginig at nagdurugo ang laman.”

Maliwanag, nasaid na ang lakas ni Jesus bago pa man niya pasanin ang bigat ng tulos na kaniyang pinasan. Sa katunayan, ganito ang sabi ng The Journal of the American Medical Association: “Ang pisikal at mental na pag-abuso na ipinataw ng mga Judio at ng mga Romano, pati na ang kawalan ng pagkain, tubig, at tulog, ay siyang sanhi rin ng kaniyang panghihina. Samakatuwid, kahit na bago pa ang aktuwal na pagpapako sa krus, sa paano man ay malubha at posibleng grabe na ang pisikal na kalagayan ni Jesus.”

Mahalaga ba ang Kaniyang Hitsura?

Mula sa hindi kapani-paniwalang isinulat na paglalarawan ni Lentulus hanggang sa mga pinta ng kilalang mga dalubhasang pintor hanggang sa makabagong mga bintanang stained-glass, ang Sangkakristiyanuhan ay tila nabighani sa kung ano ang nakaaakit sa mata. “Ang natatanging nakaaantig na kapangyarihan ng larawan ni Jesu-Kristo ay dapat na panatilihin,” sabi ng arsobispo ng Turin, ang tagapag-ingat ng Shroud of Turin.

Gayunman, kusang hindi binabanggit ng Salita ng Diyos ang gayong “nakaaantig” na mga detalye ng hitsura ni Jesus. Bakit? Malamang na mailihis nito ang pansin sa bagay na nangangahulugan ng buhay na walang hanggan​—ang kaalaman sa Bibliya. (Juan 17:3) Si Jesus mismo​—ang ating huwaran​—‘ay hindi tumitingin,’ o nagdiriin sa “panlabas na kaanyuan ng tao.” (Mateo 22:16; ihambing ang Galacia 2:6.) Ang pagdiriin sa pisikal na hitsura ni Jesus kahit na walang anumang binabanggit tungkol dito ang kinasihang mga Ebanghelyo ay salungat sa mismong diwa nito. Sa katunayan, si Jesus, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo, ay hindi na nahahawig sa tao.a

[Mga talababa]

a Mangyari pa, sa pag-aaral ng Bibliya, wala namang masama sa paggamit ng mga larawan, na kasali ang larawan ni Jesus. Ang mga ito ay madalas lumilitaw sa mga publikasyon ng Samahang Watch Tower. Gayunman, walang pagsisikap na pukawin ang hiwaga, sindakin ang manonood, o itaguyod ang hindi makakasulatang mga ideya, simbolo, o pagsamba.

[Mga larawan sa pahina 7]

Ang mahina, maputlang Kristo na inilalarawan ng mga pintor sa Sangkakristiyanuhan ay kabaligtaran ng paglalarawan kay Jesus batay sa mga ulat ng Bibliya

[Credit Line]

Si Jesus Habang Nangangaral sa Dagat ng Galilea ni Gustave Doré

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share