Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 12/8 p. 31
  • Mga Kagila-gilalas na Bagay sa Langit

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kagila-gilalas na Bagay sa Langit
  • Gumising!—1998
  • Kaparehong Materyal
  • Omega
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Sino o Ano ang “Alpha at ang Omega”?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Isang Munting Higante
    Gumising!—1991
  • Alpha at Omega
    Glosari
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 12/8 p. 31

Mga Kagila-gilalas na Bagay sa Langit

Kabilang sa pinakamariringal na kagila-gilalas na bagay sa langit ay ang globular na mga kumpol ng bituin. Ang mga ito’y pabilog ang hugis, at bawat isa ay nagtataglay ng mula sa sampu-sampung libo hanggang sa daan-daang libong bituin. Halos 100 globular na mga kumpol ng bituin ang kilala sa ating galaksing Milky Way.

Sa paligid ng ating Milky Way, ang agwat ng mga bituin sa bawat isa ay may katamtamang layo na apat hanggang limang light-years.a Sa isang globular na kumpol, ang mga bituin ay magkakadikit nang husto, ang agwat ay halos ikasampung bahagi ng isang light-year.

Ang kumpol na nasa larawan ay ang Omega Centauri. Parang iisang bituin lamang ito kung titingnan. Gayunman, sa pamamagitan ng malaking teleskopyo, ito’y nagiging isang makinang na kumpol ng pagkarami-raming bituin, mga isang milyon ang bilang lahat-lahat. Ang Omega Centauri ay pinakamagandang masdan sa Timugang Hemispero, bagaman sa gabi ng tagsibol at tag-init hanggang sa gitnang hilagang latitud, makikita ito malapit sa guhit-tagpuan, sa gawing timog ng kalangitan.

Ang diyametro ng Omega Centauri ay halos 150 light-years; aabutin ng humigit-kumulang 150 taon para makarating ang liwanag mula sa ibaba ng larawan hanggang sa itaas nito! Ang layo ng Omega Centauri mula sa lupa ay tinatayang 17,000 light-years.

Sa loob ng mahabang panahon, kilala ang Omega bilang iisang bituin. Noong ika-17 siglo, ipinangalan dito ng baguhang astronomong Aleman na si Johann Bayer ang Griegong titik na Omega (ω). Gayunman, una itong napansin ng astronomong Ingles na si Edmond Halley bilang isang globular na kumpol noong 1677.

Sa Hilagang Hemispero, ang isa sa pinakamagandang kumpol na makikita ay ang M13, sa konstelasyon ng Hercules. Ito’y nagtataglay ng halos isang milyong bituin at mas malayo ito nang 4,000 light-years mula sa atin kaysa sa Omega Centauri. Kaya ito’y mas maliit kung pagmamasdan.

Kung may pagkakataon kang masdan ang isang globular na kumpol sa isang medyo malaki-laking teleskopyo, tiyakin mong gawin iyon. Ito ang isa sa pinakakahanga-hangang nilalang na makikita mo sa kalangitan kung gabi.

[Talababa]

a Ang isang light-year ay katumbas ng 9,460,530,000,000 kilometro.

[Mga larawan sa pahina 31]

Omega Centauri

[Credit Line]

National Optical Astronomy Observatories

[Larawan sa pahina 31]

M13

[Credit Line]

Milky Way na galaksi at M13: Courtesy United States Naval Observatory

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share