Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 12/22 p. 12-15
  • Bayani sa Digmaan na Naging Kawal ni Kristo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bayani sa Digmaan na Naging Kawal ni Kristo
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Paglaya
  • Sinanay sa Relihiyon at Digmaan
  • Mga Pagbabago Pagkatapos ng Digmaan
  • Paninindigan
  • Sa Wakas​—Isang Kawal ni Kristo!
  • Kawal
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kung Paano Makapamumuhay na Magkakasama sa Kapayapaan ang mga Tao
    Gumising!—1994
  • Mga Alaala Ko Bilang Isang Mananalaysay ng Militar
    Gumising!—1993
  • Laging Nakakakita ng Magagawa Para kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 12/22 p. 12-15

Bayani sa Digmaan na Naging Kawal ni Kristo

AYON SA PAGKALAHAD NI LOUIS LOLLIOT

Noong Agosto 16, 1944, kasama ako sa mga hukbong Alyado na dumaong sa mga dalampasigan sa timog ng Pransiya noong Digmaang Pandaigdig II. Matapos ang isang linggong paglalabanan sa Baybayin ng Mediteraneo, ang aming yunit ng mga tangke ay pumasok sa daungan ng Marseilles at nakipagbaka paakyat sa burol ng Notre-Dame-de-la-Garde Basilica. Misyon namin na sakupin ang kuta ng mga Aleman doon.

MATINDI ang labanan. Tinamaan ang isang tangke sa aming grupo, at napatay ang tatlo sa aking mga kasamahan. Pagkatapos, dahil sa isang sumabog na mina ay natanggal ang isa sa mga gulong ng aking tangke, anupat hindi na ito makaandar. Palibhasa’y determinadong ipagsanggalang ang aming puwesto, patuloy kaming nakipaglaban sa sumunod na ilang oras.

Hawak ang isang machine gun sa isang kamay at ang bandilang Pranses sa kabilang kamay, sinamantala ko ang pansamantalang paghupa ng labanan at naglakad akong paabante kasama ng isang Malayang Pranses na mandirigma. Habang hapung-hapo at nangingitim na sa usok ng pulbura, itinusok ko ang bandilang Pranses sa pasukan ng basilica.

Ang Paglaya

Nang sumunod na mga sanlinggo, umabante kami pahilaga habang tinutugis ang umaatras na mga tropang Aleman. Dahil sa mga nakakubling mamamaril at sintaas-ng-ulo na mga kable na nakaharang sa mga daan, napilitan kaming umabante na nakasara ang mga pinto ng aming tangke.

Bandang Oktubre nang marating ng aming tropa ang Ramonchamp, isang munting bayan sa Vosges Mountains sa hilagang-silangang Pransiya. Waring walang katau-tao sa bayan. Habang nakatayo ako sa toresilya ng aking tangke at nagsisiyasat ng kapaligiran, biglang-bigla, isang rocket na pinaputok mula sa isang bintana ang nakapasok sa aming tangke, agad na napatay ang tatlo sa aking mga tauhan nang sumabog ito. Ako at ang isa pang sundalo ay malubhang nasugatan, at hindi na makaandar ang tangke. Kahit na may bumaon sa aking binti na 17 piraso mula sa bomba, nagawa ko pa ring maniobrahin ang tangke samantalang hinihila kami ng isa pa.

Dahil sa pangyayaring ito ay agad akong nakatanggap ng komendasyon. Pagkaraan ng ilang araw, nang sabitan ako ng medalya ni Heneral de Lattre de Tassigny, komander ng French 1st Army, dahil sa naisagawa ko sa Marseilles, sinabi niya: “Hindi magtatagal at magkikita tayong muli.”

Hindi nga nagtagal, naatasan ako na maging personal na tauhan ng heneral. Pagkaraan, sinamahan ko siya sa Berlin, kung saan siya ang kinatawan ng Pransiya sa pagsuko ng mga Aleman noong Mayo 8, 1945. Nang sumunod na apat na taon, naging alalay niya ako.

Gayunman, paano ako nasangkot nang husto sa malalaking pangyayari noong Digmaang Pandaigdig II?

Sinanay sa Relihiyon at Digmaan

Lumaki ako bilang isang debotong Romano Katoliko taglay ang hangaring maglingkod sa aking Diyos at bansa. Noong Agosto 29, 1939, mga ilang araw lamang bago lumahok ang Pransiya sa Digmaang Pandaigdig II, nagpatala ako sa motorized cavalry. Ako’y 18 taong gulang lamang noon. Pagkatapos ng limang-buwang pagsasanay sa École Militaire sa Paris, ipinadala ako sa silangang larangan ng Pransiya bilang isang kabataang di-komisyonadong opisyal.

Ito ang yugto na nakilalang palsipikadong digmaan, na tinawag na gayon dahil wala kaming ginawa kundi ang maghintay sa mga tropang Aleman na abala sa pakikipaglaban sa ibang larangan. Pagkatapos, nang sa wakas ay sumalakay ang mga Aleman, nabihag ako noong Hunyo 1940. Nakatakas ako pagkaraan ng dalawang buwan, at nang dakong huli ay nakasama ng mga puwersang Pranses sa Hilagang Aprika.

Sa kampanya sa Tunisia laban sa mga tropang Aleman sa ilalim ni Heneral Erwin Rommel, ang Desert Fox, nasunog ang mahigit sa 70 porsiyento ng aking katawan at siyam na araw akong walang malay. Gumugol ako ng tatlong buwan sa isang ospital sa Sidi-bel-Abbès, sa hilagang-kanlurang Algeria, kung saan naroroon ang punong himpilan ng French Foreign Legion. Samantalang nasa Hilagang Aprika, nakatanggap ako ng Croix de Guerre, ang Krus ng Militar.

Hinimok kami ng mga Katolikong kapelyan na gawin ang aming tungkulin bilang “Kristiyano.” Bilang pagsunod sa kanilang payo, handa akong isakripisyo ang aking buhay alang-alang sa Pransiya. Kailanma’t maaari, nangongomunyon ako bago ang labanan. At kapag nasa kainitan ang labanan, nananalangin ako sa Diyos at kay Birheng Maria.

Iginalang ko ang mga kaaway na sundalo, na marami sa kanila ay mga debotong Romano Katoliko rin. Ang ilan ay may sintureras na doo’y nakasulat ang Gott mit uns (Ang Diyos ay sumasaatin). Hindi ba waring kakatwang isipin na sasagutin ng Diyos ang panalangin ng mga sundalong naglalabanan sa magkabilang panig at may iisang relihiyon?

Mga Pagbabago Pagkatapos ng Digmaan

Pagkatapos ng digmaan, noong Abril 10, 1947, pinakasalan ko si Reine, isang babaing kababayan ni Heneral de Lattre de Tassigny sa Mouilleron-​en-Pareds, sa Vendée. Ang heneral ay naging ninong namin sa kasal. Pagkamatay niya, noong Enero 1952, ako ang nagdala ng kaniyang bandila sa kaniyang libing na pinarangalan ng bansa.

Nang magkagayon, isang Linggo ng umaga nang magtatapos ang 1952, dalawang Saksi ni Jehova ang tumimbre sa aming pintuan habang kaming mag-asawa ay naghahanda papunta sa Misa kasama ng aming munting anak na babae. Napukaw ang aming interes sa sinabi nila tungkol sa Bibliya. Bagaman kaming mag-asawa ay napakarelihiyoso, halos wala kaming alam tungkol sa Bibliya, yamang hindi ito ipinababasa sa amin ng simbahan. Ang Saksi na nag-alok sa amin ng pag-aaral ng Bibliya ay si Léopold Jontès, ang tagapangasiwa noon sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya. Sa aming pag-aaral ng Bibliya, sa wakas ay nasumpungan ko rin ang mga kasagutan sa mga tanong na hindi nasagot mula pa sa aking pagkabata.

Halimbawa, lagi akong naiintriga sa Ama Namin, o ang Panalangin ng Panginoon. Bilang isang Katoliko, naniniwala akong pupunta sa langit ang lahat ng mabubuting tao kapag sila’y namatay, kaya hindi ko maunawaan kung bakit tayo nananalangin sa Diyos: “Gawin nawa ang iyong kalooban sa lupa.” (Mateo 6:9, 10, Douay Version; amin ang italiko.) Ang mga paring nakausap ko ay umiiwas sa tanong ko tungkol dito o dili kaya’y nagsasabi na masasagot ang panalanging ito kapag ang lahat ay naging Romano Katoliko na. Ngunit hindi ako nasiyahan sa sagot na ito.

Ni nakapaglaan man ang mga pari ng kasiya-siyang sagot sa aking mga tanong tungkol sa Trinidad. Sinasabi ng Katolikong turong ito, ayon sa mga salita ng kredo ng simbahan, na ‘ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Banal na Espiritu ay Diyos, gayunma’y hindi sila tatlong Diyos kundi isang Diyos.’ Kaya ang pagkatuklas sa maliwanag na turo ng Bibliya na si Jesus ang Anak ng Diyos at hindi ang Diyos mismo na Makapangyarihan sa lahat ay pinagmulan ng kagalakan naming mag-asawa.​—Marcos 12:30, 32; Lucas 22:42; Juan 14:28; Gawa 2:32; 1 Corinto 11:3.

Kapuwa namin nadama na nabuksan ang aming mga mata sa unang pagkakataon at nakasumpong kami ng isang perlas na totoong mahalaga, sulit sa anumang pagsasakripisyo. (Mateo 13:46) Natanto namin na kailangan naming magpasiya upang makuha ang kayamanang ito. Agad naming tinaglay ang pangmalas na gaya niyaong kay apostol Pablo, na nagsabing itinuring niya “ang lahat ng mga bagay na kawalan dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus.” Kaya binago namin ang aming buhay upang paglingkuran ang Diyos.​—Filipos 3:8.

Paninindigan

Noong Abril 1953, mga ilang buwan lamang mula nang magsimula kaming makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, nakatanggap ako ng utos na sumama sa Pranses na mga pangkat militar na ipadadala upang lumaban sa Indochina. Noon, naglilingkod ako bilang isang ayudante sa komandanteng opisyal sa Senado ng Paris. Nang panahong iyon ay naunawaan ko na ang simulain sa Bibliya tungkol sa neutralidad, kaya natanto kong kailangan kong magpasiya. (Juan 17:16) Ipinabatid ko sa mga nakatataas sa akin na hindi ako susunod sa utos na makipaglaban sa Indochina, anupat binanggit ko ang aking hangarin na huwag nang makibahagi pa sa digmaan.​—Isaias 2:4.

“Natatalos mo ba na magiging markado ka na at tatanggalan ka na ng lahat ng oportunidad?” tanong ng nakatataas sa akin. Mula noon, ako ay isinaisantabi, wika nga. Ngunit ito ay naging isang proteksiyon, yamang hindi na ako tinatawag para sa mga militar na pagsasanay. Hindi maintindihan ng marami sa aming kapamilya at mga kaibigan kung paano ko nagawang talikuran ang itinuturing nilang isang pribilehiyong posisyon sa lipunan.

Bunga ng aking rekord sa militar, maganda ang naging pagtrato sa akin ng mga awtoridad, na gumagalang sa akin sa kabila ng aking mga paniniwala. Sa sumunod na dalawang taon, binigyan ako ng mahabang bakasyong pangkalusugan, at hindi ko na kailangang ipagpatuloy pa ang dati kong mga tungkulin. Samantala, kaming mag-asawa ay dumadalo na sa mga pulong ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa aming lugar at ibinabahagi pa nga sa iba ang aming katutuklas na mga paniniwala.

Sa Wakas​—Isang Kawal ni Kristo!

Sa wakas, maaga noong 1955, nakalaya na ako mula sa anumang obligasyon sa hukbo. Pagkaraan ng 15 araw, noong Marso 12, sinagisagan naming mag-asawa ang aming pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig sa isang asamblea sa Versailles. Dahil nagbago na ang aking propesyon, kinailangan kong humanap ng iba’t ibang trabaho para mapaglaanan ang mga pangangailangan ng aking pamilya. Sa sumunod na apat na taon, nagtrabaho ako bilang isang kargador sa Halles (ang pamilihang sentral), sa Paris. Bagaman hindi naging madali ang gayong pagbabago, pinagpala ni Jehova ang aking mga pagsisikap.

Sa paglipas ng mga taon, kaming mag-asawa ay nakatulong sa maraming tao na tanggapin ang mensahe sa Bibliya. Nagkaroon ako ng pagkakataon na ipaliwanag sa iba’t ibang awtoridad sa militar at sa bayan ang Kristiyanong pananaw tungkol sa neutralidad. Nakatulong ang aking dating karera bilang isang sundalo para mapagtagumpayan ang pagtatangi ng marami laban sa mga Saksi ni Jehova. Ito’y nagbigay sa akin ng pagkakataon na ipaliwanag ang ating Kristiyanong neutralidad may kinalaman sa mga digmaan ng mga bansa, anupat ipinakikita na ito rin ang naging paninindigan ng mga naunang tagasunod ni Kristo. Halimbawa, ganito ang isinulat ni Propesor C. J. Cadoux sa kaniyang aklat na The Early Church and the World: “Hanggang sa paghahari ni Marcus Aurelius na mga bandang [161-​180 C.E.], walang Kristiyano ang naging sundalo matapos mabautismuhan.”

Ang isa sa pinakamahihirap na pagsubok na nakaharap ko ay ang pagkamatay ng aking asawa noong 1977. Namatay siya matapos ang pagkakasakit sa loob ng isang taon, habang buong lakas ng loob na ipinahahayag ang kaniyang pananampalataya hanggang sa oras ng kaniyang kamatayan. Inalalayan ako ng kahanga-hangang pag-asa ng pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Isa pang tulong sa pagdaig sa aking pagdadalamhati ang pagpapatala bilang isang regular pioneer, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Ginawa ko ito noong 1982 matapos magretiro sa sekular na trabaho. Pagkaraan, anong ligaya ko na maglingkod bilang isang tagapagturo sa paaralan para sa pagsasanay sa mga payunir noong 1988!

Mula nang mamatay ang aking asawa, kinailangan kong paglabanan ang panlulumo sa pana-panahon. Ngunit ang malalapit at malalakas sa espirituwal na mga kaibigan ay nakatulong sa akin para manumbalik ang aking kasiglahan. Sa lahat ng pagsubok na ito, lagi kong nadarama ang lakas at maibiging-kabaitan ni Jehova, na nangangalaga sa lahat ng nagtitiwala sa kaniya. (Awit 18:2) Nadarama ko rin na ang mga pagsubok na dinaranas natin ay tumutulong upang sanayin tayo para ipagpatuloy ang ating espirituwal na pakikipagbaka. (1 Pedro 1:6, 7) Bilang isang matanda sa kongregasyon, ako naman ay nakatutulong sa iba na nanlulumo.​—1 Tesalonica 5:14.

Nang ako’y bata pa, pinangarap kong maging isang kawal, at, sa makasagisag na paraan, nananatili akong isang kawal hanggang ngayon. Iniwan ko ang isang hukbo at umanib naman ako sa iba, anupat naging isang “kawal ni Kristo Jesus.” (2 Timoteo 2:3) Sa ngayon, sa kabila ng paghina ng aking kalusugan, ginagawa ko ang aking buong makakaya upang ipagpatuloy ang pakikipaglaban bilang isang kawal ni Kristo sa “mainam na pakikipagdigma” na sa wakas ay hahantong sa tagumpay, sa karangalan at kaluwalhatian ng ating Diyos, si Jehova.​—1 Timoteo 1:18.

Namatay si Louis Lolliot noong Marso 1, 1998, habang inihahanda ang artikulong ito upang mailathala.

[Larawan sa pahina 13]

Ang aming kasal, na dinaluhan ni Heneral de Lattre de Tassigny

[Larawan sa pahina 15]

Si Louis Lolliot at ang kaniyang kabiyak na si Reine, noong 1976

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share