Mga Daan—Daluyan ng Sibilisasyon
MULA pa noong unang panahon, nakikipag-ugnayan na ang mga tao sa isa’t isa sa pamamagitan ng malawak na sistema ng mga landas, daan, at mga lansangang-bayan. Ang mga ito ay nagpapatotoo sa paghahangad ng tao na maglakbay at makipagkalakalan—gayundin ang makipagdigmaan at magtayo ng mga imperyo. Oo, isinisiwalat din naman ng mga daan ang maitim na bahagi ng kalikasan ng tao.
Ang kasaysayan ng mga daan, mula nang maglakad ang mga tao at mga hayop sa sinaunang mga landas hanggang sa ating modernong mga expressway na may maramihang linya, ay higit pa sa isang paglalakbay sa nakaraan. Ito rin ay isang pag-aaral sa damdamin ng tao.
Mga Unang Daan
“Ang unang seryosong mga manggagawa ng daan,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ay malamang na ang mga taga-Mesopotamia.” Nanirahan ang mga taong ito sa rehiyon ng mga ilog ng Tigris at Eufrates. Ang kanilang mga dinaraanan, sabi pa ng reperensiyang ito, “ay mga lansangang yari sa nilutong laryo at bato na inilatag sa argamasang bitumen.” Ang paglalarawang ito ay nagpapaalaala sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga unang materyales sa pagtatayo: “Ang laryo ay nagsilbing bato para sa kanila, ngunit ang bitumen ay nagsilbing argamasa para sa kanila.”—Genesis 11:3.
Upang matupad ng sinaunang mga Israelita ang kanilang relihiyosong mga pananagutan, mahalaga ang mga daan. Halos 1,500 taon bago ang kapanganakan ni Jesu-Kristo, inutusan ang mga Israelita: “Makaitlo sa isang taon na ang iyong mga lalaki ay magsisiharap kay Jehova na iyong Diyos [upang ipagdiwang ang isang espirituwal na kapistahan] sa dakong kaniyang pipiliin.” (Deuteronomio 16:16) Ang lugar na iyon ay ang Jerusalem, at kadalasang pami-pamilya ang dumadalo sa masasayang okasyong ito. Talagang kailangan ang mahuhusay na daan!
Maliwanag, ginawa ang mga pangunahing daluyan. Ganito ang sabi ng Judiong mananalaysay na si Flavius Josephus tungkol kay Solomon, na naghari mga isang libong taon bago isilang si Kristo: “Hindi niya pinabayaan ang pangangalaga ng mga daan, kundi naglatag siya ng isang lansangang-bayan na yari sa itim na bato sa kahabaan ng mga daan patungo sa Jerusalem.”
Ang Israel ay may anim na lunsod ng kanlungan na nagsilbing ampunan ng mga di-sinasadyang nakapatay ng tao. Inalagaan din ang mga daan patungo sa mga lunsod na ito. At ipinahihiwatig ng isang Judiong tradisyon na sa bawat sangandaan ay naglagay ng maayos na mga karatula na nagtuturo sa pinakamalapit na lunsod ng kanlungan.—Bilang 35:6, 11-34.
Naging mahalaga ang mga daan sa pagpapalawak ng komersiyo, at ang isa sa pinakahahangad na kalakal noong unang panahon ay ang seda. Sinasabing matagal pa bago naging isang bansa ang mga Israelita, natuklasan na ng mga Tsino kung paano gumawa ng seda mula sa sinulid na inikid sa pamamagitan ng isang bulati, ngunit nagpatuloy sila sa palihim na paggawa nito hanggang sa kapanganakan ni Kristo. Kahit bago pa noon, naging popular na ang seda sa Kanluraning daigdig anupat ayon sa aklat na A History of Roads, ni Geoffrey Hindley, may ipinalabas na mga kautusan “upang ipagbawal ang paggamit dito ng mga kalalakihan,” yamang ang paggamit nito “ay itinuring na pambabae.”
Ang ruta ng kalakalan na dinaraanan sa paghahatid ng seda mula sa Tsina ay nakilala bilang ang Daang Seda. Nang maglakbay si Marco Polo sa daang iyan patungo sa Tsina noong magtatapos ang ika-13 siglo C.E., 1,400 taon nang umiiral iyon. Sa loob ng mahigit sa 2,000 taon, ang Daang Seda ang siyang pinakamahaba sa daigdig. Ang ruta ay umaabot ng mga 12,800 kilometro mula sa Shanghai, Tsina, ang tahanan ng seda, hanggang sa Gades (modernong Cádiz), Espanya.
Kahalagahan sa Hukbo
Ang pinakamalaking pagsulong sa paggawa ng mga daan ay nagmula sa paghahangad ng imperyo. Halimbawa, ang sistema ng mga daan sa Imperyong Romano sa ilalim ng mga Cesar ay lumawak sa buong Europa, Hilagang Aprika, at sa Gitnang Silangan hanggang sa tinatantiyang kabuuan na 80,000 kilometro. Kapag ang mga sundalong Romano ay hindi nakikipagdigma, kung minsan ay ipinagagawa at ipinakukumpuni sa kanila ang mga daan.
Ang kahalagahan ng mga daan sa pananakop ay ipinakikita rin sa nakalipas na mga panahon. Ang paghahangad ni Adolf Hitler na sakupin ang ibang mga bayan ay pinabilis nang husto ng kaniyang programa sa pagtatayo ng autobahn na nagpasimula noong 1934. Ayon sa mananalaysay na si Hindley, ipinagkaloob ng programang ito sa Alemanya “ang unang sistema ng mga expressway ng mga sasakyang de-motor.”
Paggawa ng mga Daan—Isang Siyensiya
Sa pamamagitan ng isang instrumentong tinatawag na groma, inilatag ng mga Romanong agrimensor ang mga daan na kasintuwid ng mga palaso. Pinait naman ng mga mason ang napakaartistikong mga milyahe, at itinakda ng mga inhinyero ang hangganan ng bigat ng mga kargada. Ang mga daan ay may pundasyon at matibay na pang-ibabaw. Ngunit ang pangunahing dahilan kung bakit tumagal ang mga ito ay ang isang magaling na sistema ng paagusan ng tubig na pinahusay sa pamamagitan ng bahagyang kurbada gayundin ang pagiging mataas ng daan kaysa sa nakapalibot na lalawigan. Kaya nabuo ang terminong “highway.” Ang mga tindahan ay nagbebenta pa nga ng mga mapa ng daan.
“Palibhasa’y nahaharap sa tagumpay ng mga Romano bilang mga tagagawa ng daan,” sabi ng isang mananalaysay, “tiyak na masusumpungan ng isang manunulat na siya ay nakikipagpunyagi sa paggamit ng labis na papuri, at nakapag-aalinlangan kung mayroon mang isang monumento mula sa nakaraan ng Tao na matagal na naglingkod kaysa sa mga daan ng Italya.”
Ayon sa aklat na A History of Roads, ang Daan ng Appio, na bumabagtas patimog mula sa Roma, “ang siyang kauna-unahang kahabaan ng nalatagang daan sa kasaysayan ng Kanluraning tao.” Ang bantog na haywey na ito ay humigit-kumulang 6 na metro ang luwang at nalalatagan ng malalaking bloke ng lava. Habang patungo sa Roma bilang isang bilanggo, si apostol Pablo ay naglakbay sa daang ito, na ang mga bahagi nito ay nadaraanan pa rin sa ngayon.—Gawa 28:15, 16.
Hinangaan din ng marami ang kakayahan ng mga naunang Indian sa Timog Amerika pagdating sa paggawa ng mga daan. Mula noong dekada ng 1200 hanggang 1500, ang mga Inca ay gumawa ng isang sistema ng mga daan na umabot sa 16,000 kilometro, na nagbuklod sa isang bansa na may halos 10,000,000 tao. Binabagtas ng mga daang ito ang ilan sa pinakamahihirap at baku-bakong kalupaan na maguguniguni, anupat dumaraan sa disyerto at maulang gubat at tumatawid pa nga sa napakataas na Andes ng Peru!
Tungkol sa isang daan, nag-ulat ang The New Encyclopædia Britannica: “Pambihira ang ruta sa Andes. Ang lansangang-daan ay 25 talampakan (7.5 metro) ang luwang at bumabagtas sa pinakamatatayog na mga hanay ng bundok na may paliku-likong mga daan at mabababaw na dalisdis. Kasali roon ang makikipot na daan na tinabas mula sa matigas na bato at daan-daang talampakan ng matatag na mga pader na itinayo upang sumuhay sa lansangan. Ang mga bangin at mga guwang ay pinuno ng matitigas na bato at ang mga tulay na nakabitin sa mga kableng yari sa lana o hibla ay tumatawid sa mas maluluwang na batis sa bundok. Ang ibabaw ay yari sa bato sa karamihan ng lugar at gumamit din ng napakaraming materyales na aspalto.”
Ang kabayo ay hindi kilala ng mga Inca, ngunit ang kanilang sistema ng mga daan ay naglaan sa mga ito ng tinatawag na “isang talagang daanan para sa mga mensahero ng palasyo.” Ganito ang sabi ng isang mananalaysay: “Sa kahabaan ng daan ay may mga istasyon, mga dalawang kilometro ang pagitan sa isa’t isa, na bawat isa ay may maliit na garison at may magkakasunod na propesyonal na mga mananakbo. Sapat ang ikli ng bawat distansiya para sa mabilisang paghahatid at, palibhasa’y bukás sa araw at gabi, ang serbisyo ay makapagdadala ng mensahe mula sa kabisera sa Cuzco hanggang sa lunsod ng Quito, 2,000 kilometro ang layo, sa loob lamang ng limang araw. Nangahulugan ito na katamtamang labinlimang kilometro bawat oras sa kahabaan ng isang daan na hindi kukulangin sa 4,000 kilometro sa ibabaw ng antas ng dagat—isang bilis na hindi naabot kailanman ng karaniwang koreo ng imperyo ng Roma!”
Pinagmumulan ng mga Trahedya
Ang mga daluyan sa katawan ng tao ay maaaring magbara, at ito ay maaaring magkaroon ng kalunus-lunos na resulta. Gayundin naman na ang mga daan na ginamit upang pasulungin ang kalidad ng buhay ay maaaring magbara at magpahina rito. Ang mga daan na bumabagtas sa maulang gubat, iláng, kakahuyan, at pambansang mga parke ay pumipinsala sa buhay-ilang. At kadalasang naapektuhan din ang mga katutubo at ang kanilang tinitirhang kagubatan. Ganito ang sabi ng aklat na How We Build Roads: “Ang Trans-Amazonian Highway, bagaman ginawa sa ngalan ng pag-unlad, ay sumira sa malalaking bahagi ng maulang gubat at isang kapahamakan para sa maraming tao na nakatira sa gubat, yamang sinira nito ang kanilang buong paraan ng pamumuhay.”
Ang mga lunsod din naman ay nakararanas ng matitinding epekto habang taun-taon ay bumabara sa mga daluyan sa lunsod ang dumaraming sasakyan. Sa kalaunan, kung may magagamit na pondo, nagtatayo ng isang expressway. Ngunit sa katagalan, ang mga lansangang ito ay nagdudulot lamang ng higit pang mga sasakyan, na nagpapatindi sa polusyon na dahilan ng pagkakasakit ng milyun-milyon. Isa pa, mga 500,000 katao sa buong daigdig ang namamatay sa mga aksidente sa daan taun-taon, at 15 milyon pa ang napipinsala, anupat ang ilan ay grabe. Kung ihahambing, siyam na milyong sundalo ang namatay noong Digmaang Pandaigdig I. Ngunit natapos na ang digmaang iyon. Sa kabilang dako, ang kamatayan sa mga daan, ay kamatayang unti-unti—mahigit sa 1,000 ang nasasawi araw-araw!
Oo, sa maraming paraan, ang ating mga daan ay may sinasabi tungkol sa atin—isang patotoo tungkol sa ating mga lakas at mga kahinaan. Sinasabi rin nito kung paano natin minamalas ang ating kagila-gilalas na planeta na ipinagkatiwala sa atin.
[Larawan sa pahina 21]
Ang Daan ng Appio, na nilakbay ni apostol Pablo, ay dinaraanan pa rin
[Larawan sa pahina 22]
Sa buong daigdig, mga 500,000 ang namamatay taun-taon sa aksidente sa daan