Ang Mediteraneo—Isang Saradong Dagat na May Nakabukang mga Sugat
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA GRESYA
Mahigit sa isang libong patay na lampasot (dolphin) ang inaanod sa mga baybayin mula Gresya hanggang Morocco, nakalalasong red tide sa Aegeano, milyun-milyong tonelada ng malalapot na bula sa Adriatiko, nagbabantang pagkaubos ng mga pagong at leong-dagat (seal), mga katubigan na pawang naalisang lahat ng buhay. Ano ba ang nangyayari sa Mediteraneo? Ang kinabukasan ba nito’y nakatalaga na sa polusyon at pagkawasak?
“ANG pinakamatandang likas na tanawin sa daigdig na iniangkop sa tao.” Ganiyan ang pagkakalarawan ng soologong si David Attenborough sa Mediteraneo at sa mga baybayin nito. Palibhasa’y nagdurugtong sa tatlong kontinente, ang dagat na ito’y gumanap ng isang mahalagang papel sa pagbangon at pagbagsak ng Ehipto, Gresya, at Roma. Dito nagsimula ang pag-unlad ng karamihan sa kasalukuyang kultura at kabihasnan. Gayunman, dahil sa kamakailang mga dekada ng labis na pagpapaunlad, biglang pagtaas ng turismo, labis na pangingisda, at polusyon, nagkaroon ng krisis sa Mediteraneo. Nataranta ang mga nagmamalasakit na mga siyentipiko at naapektuhang mga bansa sa pag-iisip ng lunas, ngunit hindi sila gaanong nagtagumpay hanggang sa ngayon.
Ang Mediteraneo ang pinakamalaking loobang dagat sa daigdig. Ang 46,000-kilometrong baybayin nito, isang likas na hangganan na pinagsasaluhan ng 20 bansa, ay pinaninirahan ng mahigit sa 160 milyon katao, isang bilang na inaasahang madodoble pa pagsapit ng taóng 2025. Palibhasa’y mas mainit at mas maalat kaysa sa Atlantiko, na pangunahing pinagkukunan ng tubig nito, halos hindi nagbabago ang antas ng tubig ng Mediteraneo. Yamang humigit-kumulang na tuwing 80 o 90 taon lamang napapalitan ang tubig nito, madali rin itong makasagap ng polusyon. “Anumang bagay na itapon sa Mediteraneo ay nananatili roon nang mahabang panahon,” sabi ng National Geographic.
Pagdagsa ng mga Turista
Dahil sa nakabilad-sa-araw na mga dalampasigan, magagandang tanawin, Mediteraneong kaugalian ng pagiging mapagpatuloy, at mayamang kasaysayan nito, ang buong lugar na ito’y naging isang napakapopular na bakasyunan. Taun-taon, 100 milyong mahihilig sa dalampasigan na mga tagaroon at mga banyagang turista ang pumaparoon, at ang bilang na ito’y inaasahang matitriple pa sa loob ng 25 taon. May bahagi ba ng pananagutan ang pagdagsang ito ng mga tao sa pagsamâ ng kalagayan ng kanilang pasyalan kung tag-araw? Suriin natin ang mga bagay-bagay.
Ang mga kuyog na ito ng dumaragsang mga tao ay may dalang mga basura na hindi makakayanan ng mga bansang Mediteraneo. Mga 80 porsiyento ng basurang galing sa kanila—mahigit na 500 milyong tonelada taun-taon—ay napapatapon sa dagat nang hindi napoproseso! Karamihan sa mga turistang ito ay dumarating sa panahon ng tagtuyot, na lalong nagpaparumi sa pinanggagalingan ng tubig na limitado na sa dakong iyon. Ang kontaminadong tubig, mangyari pa, ay panganib sa kalusugan. Ang paglangoy sa ilang bahagi ng Mediteraneo ay maaaring maging dahilan ng impeksiyon sa tainga, ilong, at lalamunan, puwera pa ang mga sakit na gaya ng pamamaga ng atay (hepatitis) at disintirya at kung minsan ay kolera.
Gayunman, ang ekonomiya ng maraming lupain sa Mediteraneo ay nakasalalay sa turismo. Tungkol sa mga bansang ito, sinabi ni Michel Batisse, dating katulong na direktor-heneral ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization: “Ang tanging pag-asa nila ay ang turismo, ngunit iyan ay depende sa dalampasigang hindi pa nasisira ng di-makontrol na pagtatayo bunsod ng pagkagahaman sa dagliang pakinabang.”
Mabigat na Trapiko ng Tangker
Ang Mediteraneo ay isang pangunahing lagusan sa pagitan ng Gitnang Silangan at Europa, na nagiging dahilan ng mabigat na trapiko ng tangker ng langis. Mahigit sa 20 porsiyento ng langis sa daigdig ang idinaraan dito. Ang dami ng patapong langis na ibinubuhos sa Mediteraneo bawat taon ay tinatayang 17 ulit ang dami kaysa sa natapon ng Exxon Valdez sa Alaska noong 1989. Sa pagitan ng 1980 at 1995, 14 na pagtatapon ng langis mula sa tangker ang naganap sa Mediteraneo, at taun-taon, umaabot sa isang milyong tonelada ng langis na krudo ang itinatapon mula sa mga barko, na kadalasa’y dahil sa kawalan ng mga pasilidad sa mga daungan upang kolektahin ang mga patapong langis o kaya’y linisin ang mga tangke.
Lalong masama, ang tubig na umaagos mula sa Mediteraneo patungong Atlantiko na lumalagos sa Strait of Gibraltar ay malalim. Yamang nakalutang ang langis, nawawala ang mas malalim at mas malinis na tubig nito anupat patuloy na tinitipon nito ang langis sa ibabaw. “Ang ekolohiya ng Mediteraneo ay nabahiran ngayon ng polusyon ng langis,” sabi ni Colette Serruya, dating direktor ng Institute of Oceanography sa Israel. “Naging bahagi na ito ng tisyu ng ating mga isda at mga mollusk.” Noong 1990 iniulat ng United Nations Environment Program (UNEP) na 93 porsiyento ng mga shellfish na kinuha sa Mediteraneo ay may higit na baktirya mula sa dumi kaysa sa pinakamataas na ipinahihintulot ng World Health Organization.
Huminang Ekosistema
Bukod sa mapangwasak na polusyong ito, napakalaking pinsala ang nagaganap sa baybayin ng Mediteraneo, na karamihan sa mga ito’y tinubuan na ng makakapal na tanim noon pa mang ika-15 siglo C.E. Ang pagkalbo sa kagubatan, na ginagawa upang lumikha ng mga sakahan, upang mapalawak ang mga lunsod, o upang makapaglaan ng mga materyales sa paggawa ng mga barko para sa mga galera ng Venetia, ay nagbunga ng unti-unting pagkasira na hindi na malulunasan. Bukod pa sa mga bagay na solido na natatangay ng ulan, inaanod din ng ilog patungo sa dagat ang mga duming gaya ng mga detergent, pamatay-insekto, at mabibigat na metal. Ang Rhône sa Pransiya, ang Nilo sa Ehipto, ang Po sa Italya, ang Ebro sa Espanya, at ang iba pang ilog ay nagdadala ng parami nang paraming basura galing sa agrikultura at industriya.
Ang tuwirang resulta ng polusyong ito ay ang red tide na puminsala sa maraming lugar sa karagatan ng Adriatiko at Aegeano, anupat nabalot ang mga dalampasigan ng mababaho at malalagkit na burak. Ang di-pangkaraniwang bagay na ito ay dahil sa eutropikasyon (eutrophication), isang prosesong nagaganap kapag inuubos ng nabubulok na mga basura ang oksiheno sa tubig, anupat hindi na makahinga ang karamihan sa mga naroroong halaman at hayop. Kasali sa iba pang lugar na nanganganib sa di-pangkaraniwang bagay na ito ay ang Gulf of Lions (Pransiya), ang Lake of Tunis (Tunisia), ang Gulf of Izmir (Turkey), at ang Lagoon of Venice (Italya).[29]
Humina na ang ekosistema ng dalampasigan hanggang sa puntong napangingibabawan na ng mga uring napadpad lamang sa Mediteraneo ang mga uring likas nang naroroon. Ang isang tipikal na halimbawa ay ang “mamamatay” na lumot, Caulerpa taxifolia, na lumilipol sa ibang uring nasa dagat. Bagaman di-sinasadyang nakapasok mula sa Monaco, ito ngayo’y kumalat na sa sahig ng dagat. Ito’y lason, wala pang natutuklasang makapupuksa rito, at kalat na kalat na ito. “Maaaring makita na natin ang pasimula ng pagkawasak ng ekolohiya,” sabi ni Alexandre Meinesz, propesor sa biyolohiyang pandagat sa University of Nice, Pransiya.
Mayroon pang masamang balita. Ayon sa biyologong pandagat na si Charles-François Boudouresque, mahigit sa 300 napadpad na mga organismong pandagat ang natangay sa Mediteraneo. Karamihan ay nanggaling sa Dagat na Pula na umagos sa Suez Canal. Naniniwala ang ilang mananaliksik na ang biyolohikal na polusyong ito ay wala nang lunas at na ito’y maaaring maging isa sa pangunahing problema sa ekolohiya sa susunod na siglo.
Kamatayan sa Tubig
Napapaharap sa maraming panganib ang mga halaman sa Mediteraneo, anupat isa sa mga ito ay ang pagkasira ng kaparangan ng mga damong-dagat na Posidonia, na nagsisilbing mga bagà, panustos na pagkain, at punlaan ng dagat at isang kanlungan na doo’y nagpaparami ang daan-daang uring pandagat. Maaaring sirain ng mga pamasag-alon at mga daungan ang mga kaparangang ito, na gaya ng pagsira sa mga halaman na ginagawa ng mga angkla ng mga bangkang gamit sa pamamasyal.
Ang mga hayop sa dagat ay nanganganib din. Paubos na ang mga monk seal sa Mediteraneo, isa sa 12 pinakananganganib na uri sa daigdig. May halos 1,000 monk seal sa Mediteraneo noong 1980, subalit ang uring ito ay pulu-pulutong na nililipol ng mga mangangaso at mga mangingisda, at ngayo’y nasa pagitan ng 70 at 80 na lamang ang natitira. Ang mga pagong na loggerhead ay doon na lamang ngayon nangingitlog sa mga dalampasigan ng Gresya at Turkey, na doo’y natatapakan na lamang ang mga ito kung minsan ng mga turista. Madalas na nasasabit ang mga pagong sa mga lambat at ginagawang putahe sa mga restawran doon. Naparagdag na rin sa mga paubos nang uri ang mga mantis shrimp, ang rough pen shell, at ang date mussel.
Isang “Action Plan”
Upang malutas ang nakaaalarmang kalagayang ito, pinagtibay ang Mediterranean Action Plan (MAP) noong 1975 sa ilalim ng pagtangkilik ng UNEP. Naging mithiin nito na italaga ang mga bansa sa Mediteraneo, gayundin ang iba pang miyembro ng European Union, hindi lamang upang maingatan ang dagat mula sa polusyon kundi upang matiyak din naman na iginagalang ng pagpapaunlad sa mga dalampasigan ang kapaligiran. Noong 1990 inilunsad ang Mediterranean Environmental Technical Assistance Program (METAP), na hinalinhan ng METAP II noong 1993. Ang iba pang mga pagsisikap na makalikha ng mga reserbadong kalikasan, mga preserbasyon na doo’y ligtas ang mga hayop, at mga pambansang parkeng pandagat ay kinakitaan na ng ilang kapuri-puring resulta sa pag-iingat sa mga lampasot, balyena, monk seal, pagong, at iba pang paubos nang uri.
Gayunman, mas marami silang sinasabi kaysa sa ginagawa. Sa pagsisimula ng mga taon ng 1990, halos magsara na ang MAP, yamang hindi makabayad ang mga pangunahing tumutulong na mga bansa. Ayon sa mga awtoridad ng plano, wala isa man sa mga layunin nito ang natupad. Bilang pag-uulat hinggil sa pagnanais ng mga bansa sa Mediteraneo na gumawa ng pagpapasulong, nagbabala si Ljubomir Jeftic, deputy coordinator ng MAP: “Huwag maging lubhang optimistiko.” Kahit na sumang-ayon pa ang mga bansang ito na sila’y kikilos, baka kailanganin pa ang ilang dekada bago maremedyuhan ang pinsalang nagawa na. Ganito ang sabi ng magasing New Scientist: “Sa kasalukuyan, gaya ng karamihan ng buhay-ilang sa Mediteraneo, ang MAP ay mistulang patay na rin.”
Ano na nga ba kung gayon ang kinabukasan ng Mediteraneo? Ito ba’y magiging isang patay na dagat na puno ng mabaho at maputik na mga lumot? Kung ang kinabukasan nito’y nakasalalay lamang sa tao, posibleng magkaganito nga. Gayunman, ang Maylalang ng planetang ito, ang Diyos na Jehova, ay may malasakit sa “dagat, na siya mismo ang gumawa.” (Awit 95:5) Ipinangako niya na di-magtatagal at kaniya nang ‘dadalhin sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Matapos ang kinakailangang pag-aalis na ito sa mga iresponsableng tao na nagpaparumi sa dagat, bukod pa sa iba, isasauli ng Diyos ang pagkakatimbang ng ekolohiya at ang angkop na biyodibersidad sa ating globo. Kung magkagayon “ang mga dagat at ang bawat bagay na gumagalaw sa mga ito” ay ‘pupuri sa kaniya’ na taglay ang napakalinis at walang bahid na kalagayan.—Awit 69:34.
[Mapa/Mga Larawan sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ATLANTIKO
PORTUGAL
ESPANYA
MOROCCO
PRANSIYA
MONACO
ALGERIA
TUNISIA
SLOVENIA
ITALYA
CROATIA
YUGOSLAVIA
ALBANIA
MALTA
GRESYA
TURKEY
LIBYA
EHIPTO
CYPRUS
SIRYA
LEBANON
ISRAEL
[Mga larawan sa pahina 16]
Humantong sa polusyon ang labis na pagpapaunlad
Lloret de Mar, Costa Brava, Espanya
Mga otel sa Benidorm, Espanya
[Mga larawan sa pahina 16]
Maruming tubig sa Espanya at (ibaba) natapong langis sa Genoa, Italya
[Kapsiyon]
V. Sichov/Sipa Press
[Mga larawan sa pahina 17]
Nanganganib ang mga pagong na loggerhead
Nasa bingit na ng pagkaubos ang mga monk seal
[Credit Lines]
Pagong: Tony Arruza/Corbis; Leong-dagat: Panos Dendrinos/HSSPMS