Mga Marka sa Mukha—Naglalahong ‘Pagkakakilanlang Kard’ ng Nigeria
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NIGERIA
ISANG umaga noong pagtatapos ng dekada 1960, nilapitan ng anim-na-taong-gulang na si Danjuma ang kaniyang ama at pilit na hiniling na lagyan siya ng marka na ikinararangal na taglayin ng mga mamamayang Igala sa kanilang mukha. Nadama ni Danjuma na hindi na niya matitiis ang pag-alipusta ng kaniyang mga kaeskuwela na tumutuya sa kaniya dahil sa wala siyang mga marka sa mukha. Bagaman ang paghiwa ay karaniwang ginagawa sa mga sanggol na Igala na napakabata pa para katakutan ang operasyon, minamalas ng mga batang lalaki ang mga marka bilang tanda ng katapangan. Ang mga wala nito ay itinuturing nila na mga duwag na takot na takot mahiwa.
Hanggang sa panahong iyon, ayaw ng ama ni Danjuma na markahan sa mukha ang kaniyang anak. Subalit nang umagang iyon, palibhasa’y napilit dahil sa determinasyon ng kaniyang anak na patunayan ang katapangan nito, kumuha siya ng isang kutsilyo at gumawa ng tatlong malalalim na pahalang na hiwa sa magkabilang pisngi ng batang lalaki, sa bandang itaas lamang ng mga sulok ng kaniyang bibig.
Batid ng ama ni Danjuma na ang tunay na kabuluhan ng mga hiwa ay walang gaanong kinalaman sa katapangan. Sa halip, ang mga hiwa ay magiging mga pagkakakilanlang pilat kapag gumaling. Ang mga ito’y magiging permanenteng ‘pagkakakilanlang kard’ na hindi maaaring mawala o palsipikahin. Dahil dito, ang kaniyang anak ay agad na makikilala ng kaniyang mga kamag-anak, anupat siya ay magiging karapat-dapat sa mga karapatan at pribilehiyo ng isang mamamayang Igala. Subalit itatangi rin siya ng mga marka mula sa mahigit na 250 iba pang etnikong grupo sa Nigeria.
Ang pagkakadlit at paglikha ng pilat, bagaman hindi lamang ginagawa sa Aprika, ay may mahabang kasaysayan sa kontinente. Ang Griegong istoryador na si Herodotus ay sumulat noong ikalimang siglo B.C.E. tungkol sa mga Carian na naninirahan sa Ehipto: “Hinihiwa [nila] ng kutsilyo ang kanilang noo, sa gayo’y pinatutunayan na sila’y mga banyaga at hindi mga Ehipsiyo.” Ang mga ulong bronse na hinubog sa Ife, Nigeria, pitong daang taon na ang nakararaan ay nagpapakita ng mga guhit sa mukha na ipinalalagay ng marami na mga markang etniko. Makikita rin ang mga marka sa mukha sa mga nililok ng sinaunang kaharian ng Benin sa Nigeria.
Hindi lahat ng mga marka sa mukha ay para sa etnikong pagkakakilanlan. Ang ilang marka ay nagkaroon ng kaugnayan noon at hanggang sa ngayon sa espiritistiko at relihiyosong gawain. Ang iba naman ay sagisag ng katayuan sa tradisyonal na mga lipunan. Pampalamuti naman ang iba pa.
Palibhasa’y hiniwa ng mga espesyalista sa komunidad, iba’t iba ang mga marka sa mukha. Ang ilan ay mga kadlit lamang sa balat, samantalang ang iba naman ay malalalim na hiwa na hinilat ng mga daliri. Kung minsan ay inilalagay sa sugat ang isang katutubong pangkulay upang kulayan ang mga marka. Bawat grupong etniko ay may sariling bukod-tanging disenyo. Halimbawa, ang mga markang patayo, na tig-isa sa magkabilang pisngi, ay pagkakakilanlan ng mga lalaki at babaing Ondo. Ang tigatlong pahalang na marka sa magkabilang pisngi ay pagkakakilanlan naman ng mga taong Oyo. Sa mga maalam sa mga marka, ang pagsulyap lamang sa mukha ng isa ay sapat na upang malaman ang etnikong pinagmulan, bayan, o maging ang pamilya ng isang tao.
Magkakaibang Saloobin
Kung paanong malaki ang pagkakaiba ng mga marka at ang mga dahilan para sa mga ito, gayon din ang saloobin tungkol sa mga ito. Ikinararangal ng marami ang pagkakaroon ng mga marka. Sinabi ng editor ng Daily Times sa Nigeria: “Itinuturing ng ilan ang mga marka bilang isang sagisag ng pagkamakabayan. Ipinadarama nito sa kanila na sila’y tunay na mga anak ng kanilang mga ninuno.”
Ito ang pangmalas ni Jimoh, isang lalaking taga-Nigeria, na nagsabi: “Hindi ko kailanman ikinahiya ang aking markang Oyo dahil ipinakikita nito na ako’y isang tunay na mamamayang Yoruba mula sa bayan ng Alafin.” Inilahad pa niya kung paanong noong 1967 ay nailigtas ng mga marka ang kaniyang buhay noong panahon ng Gera Sibil sa Nigeria: “Ang bahay na tinitirahan ko . . . ay sinalakay at pinatay ang lahat [ng iba pa]. Hindi ako sinaktan ng mga mamamatay-tao dahil sa mga marka sa aking mukha.”
Kinamumuhian naman ng iba ang mga marka. Ganito ang sabi ni Tajudeen tungkol sa mga marka sa kaniyang mukha: “Kinasusuklaman ko ito, at isinusumpa ko ang araw nang ilagay ito sa akin.” At pinupuri ng isang tin-edyer na babae ang kaniyang ina dahil sa hindi pagpayag na mapasailalim siya sa ganitong operasyon nang siya’y bata pa. Sinabi niya: “Baka nagpakamatay na ako kung nilagyan ako ng mga marka.”
Pananagumpay sa mga Pagtuya
Si Danjuma, na binanggit sa pambungad, ay tinuya dahil sa wala siyang mga marka. Subalit ang kabaligtaran ang siyang karaniwan. Mahigit sa 45 taon na ang nakararaan, isinulat ni G. T. Basden sa kaniyang aklat na Niger Ibos: “Nawawala na sa uso ang pagkakadlit at pagtatato. Marami sa mga kabataang lalaki . . . ang matutuwa kung maaalis ang [kanilang mga marka]. Ang bagay na ipinagkakapuri, kapag kasama ng kaniyang sariling kamag-anak, ay nagiging kadustaan, dahil sa pagtuya at paghamak na nararanasan niya sa ibang panig ng bansa.”
Totoong-totoo ang mga salitang iyon ngayon. Pinag-aralan kamakailan ni Ajai, na nagtapos ng sikolohiya sa Pamantasan ng Lagos, ang mga marka sa mukha sa Nigeria. Ganito ang sabi niya: “Sa ngayon, ang mga taong may mga marka sa mukha, kahit man lamang sa mga lunsod na gaya ng Lagos, ay kakaunti na lamang at nakakaharap ng mga taong tumutuya sa kanila. Halimbawa, karaniwang maririnig sa mga tao ang pagtawag ng koronel sa isang indibiduwal, upang matuklasan lamang na hindi naman pala miyembro ng hukbong sandatahan ang tinutukoy niya, kundi ang mga guhit sa pisngi nito ay kasindami ng mga guhit na nasa uniporme ng isang koronel sa Hukbo. Ang ilan ay tinatawag na tigre, dahil sa kanilang guhitang pisngi o ang ilan naman ay tinutukoy na walang-hanggang luha. . . . Gunigunihin ang epekto nito sa pagpapahalaga ng indibiduwal sa kaniyang sarili.”
Marahil ang pinakamatitinding pagsubok ay binabata sa paaralan. Si Samuel lamang ang may mga marka sa mukha sa kaniyang klase. Ganito ang paglalahad niya: “Madalas akong pagtawanan sa paaralan. Nandiyang tawagin ako ng aking mga kamag-aral na ‘riles ng tren’ at ‘ang batang lalaking may daanan ng tren’. Lagi nila akong pinagtatawanan at sinasaluduhan ng tatlong daliri. Ipinadama nito sa akin na ako’y hamak.”
Paano niya ito napanagumpayan? Sinabi pa ni Samuel: “Isang araw ang panunudyo ay talagang napakatindi anupat pumunta na ako sa aking guro sa biyolohiya at tinanong siya kung posible bang tanggalin ang aking mga marka. Sinabi niya sa akin na posible ito sa pamamagitan ng plastic surgery subalit huwag na raw akong mabahala dahil libu-libong tao sa Nigeria ang may mga marka. Sinabi niya na pinagtatawanan ako ng aking mga kasamahan dahil hindi sila maygulang ngunit kapag kami’y nagsilaki na, lahat ng panunudyo ay hihinto. Sinabi rin niya na hindi ang mga marka ang tumitiyak kung sino talaga ako o kung magiging ano ako.
“Nakabuti iyon sa aking pakiramdam, at naglaho ang sama ng loob ko tungkol sa mga marka. Hindi na gaanong pinapansin ngayon ng mga tao ang aking mga marka. Kahit na kapag pinapansin nila ito, ngumingiti na lang ako. Hindi naaapektuhan ang aking kaugnayan sa iba. Iginagalang ako ng mga tao hindi dahil sa ako’y may mga marka kundi dahil sa kung sino ako.”
Isang Naglalahong Tradisyon
Dahil sa ang pagmamarka ay karaniwan nang ginagawa sa mga bata, ang karamihan sa mga taga-Nigeria na ang mga mukha’y may etnikong mga marka ay halos walang mapagpipilian sa bagay na ito. Subalit kapag sila’y naging magulang na, dapat silang magpasiya kung mamarkahan ang kanilang mga anak.
Nagpapasiya ang ilan na gawin ang gayon. Ayon sa Times International ng Lagos, may ilang dahilan sa pasiyang ito. Sinabi ng magasin: “Itinuturing ito ng ilan na pampaganda. Ang iba naman ay naniniwala na ang mga markang pangkatutubo ay makatutulong sa pagtiyak sa pinagmulan ng nagtataglay nito sa layuning mapagkalooban ng pabor. Ang isa pang gamit nito ay ang pagtiyak sa pagiging lehitimo ng isang anak sa tradisyonal na situwasyon.”
Subalit sa ngayon, ang mga dahilang ito ay hindi na nakapipilit sa parami nang paraming magulang. Maging sa mga ikinararangal ang kanilang mga marka, kaunti na lamang ang nagpapahintulot na magkaroon ng pantribong marka ang mukha ng kanilang mga anak. Lalo na itong totoo sa mga lunsod. Ang kirot at ang panganib na maimpeksiyon lakip na ang pagtuya at pagtatangi na maaaring makaharap ng bata pagdating ng araw ay pawang mga salik kaya tinatanggihan ng mga magulang ang pagmamarka sa mukha.
Maliwanag, ang popularidad at pagtanggap sa pagmamarka ng mukha ay mabilis na naglalaho. Waring sa Nigeria sa malapit na hinaharap, ang ‘pagkakakilanlang kard’ ay magiging isa nang bagay na nasa kanilang mga pitaka, hindi sa kanilang mga mukha.
[Larawan sa pahina 23]
Ang mga marka sa mukha ay nagpapahiwatig ng etnikong mga grupo
[Larawan sa pahina 24]
Ang pagmamarka sa mukha ay isang naglalahong tradisyon