Ang Pangmalas ng Bibliya
Ano ba ang Banal na Espiritu ng Diyos?
“Ngayon nang ang lahat ng mga tao ay mabautismuhan, si Jesus din ay nabautismuhan at, habang siya ay nananalangin, ang langit ay nabuksan at ang banal na espiritu sa hugis ng katawang tulad ng isang kalapati ay bumaba sa kaniya, at isang tinig ang nanggaling sa langit: ‘Ikaw ang aking Anak, ang iniibig; Ikaw ay aking sinang-ayunan.’”—Lucas 3:21, 22.
SA ISANG talumpati sa isang grupo ng mga pilosopo sa sinaunang Gresya, ang Diyos ay tinawag ni apostol Pablo na “Panginoon ng langit at lupa.” Ang Diyos na ito, ang sabi ni Pablo, ang siyang “gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay rito” at siya ang “nagbibigay sa lahat ng mga persona ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay.” (Gawa 17:24-28) Paano nagagawa ng Diyos ang lahat ng ito? Ito’y sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa.
Ipinaliliwanag din ng Bibliya na ang Diyos ay may “kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan.” (Isaias 40:26) Oo, nilalang ng Diyos ang buong uniberso, na nagtatanghal ng kaniyang dinamikong lakas at kapangyarihan.
Aktibong Kapangyarihan
Hindi lubusang tumpak na sabihing ang banal na espiritu ay ang kapangyarihan ng Diyos. Ito ay sapagkat ang kapangyarihan ay maaaring nalilingid, o di-aktibo, bagaman taglay ng isang indibiduwal o ng isang bagay, gaya ng isang puwersa na nakaimbak sa isang kinargahan ngunit hindi pa gamít na batirya. Gayunman, inilalarawan ng Kasulatan ang espiritu ng Diyos sa diwa na ito’y kumikilos, tulad ng daloy ng kuryente na nagmumula sa isang ginagamit na batirya. (Genesis 1:2) Samakatuwid, ang banal na espiritu ng Diyos ay ang kaniyang ginagamit na lakas, ang kaniyang aktibong puwersa.
Kung minsan, binabanggit ng Bibliya ang banal na espiritu na nagsasakatuparan ng isang gawain o iba ang kinaroroonan nito sa kinaroroonan ng Diyos. (Mateo 28:19, 20; Lucas 3:21, 22; Gawa 8:39; 13:4; 15:28, 29) Ang ilan na nakabasa sa gayong mga teksto ay nag-aakala na ang banal na espiritu ay may sariling pagkakakilanlan na hiwalay sa Diyos. Bakit ginagamit ang ganitong pananalita sa Kasulatan? Ang banal na espiritu ba ay isang bagay na umiiral na hiwalay sa Diyos?
Ang pag-iral ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay lubusang naiiba sa kaniyang materyal na nilalang. Siya ay isang espiritu, di-nakikita ng ating limitadong mga pandamdam. (Juan 4:24) Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ay nakatira sa mga langit at na mula roon ay minamasdan niya ang sangkatauhan. (Awit 33:13, 14) Mauunawaan naman ito. Ang Maylalang ay dapat na mas dakila sa mga elementong kaniyang pinaiiral. Kaniyang pinangingibabawan ang mga ito, minamaniobra ang mga ito, inaanyuan ang mga ito, at kinokontrol ang mga ito.—Genesis 1:1.
Mula sa kaniyang di-nakikitang tirahang dako, kayang papangyarihin ng Diyos ang mga bagay anumang panahon at saanman. Samakatuwid, hindi siya kailangang pumunta sa dako na doo’y kumikilos ang kaniyang aktibong puwersa. Maaari niyang isugo ang kaniyang espiritu upang isakatuparan ang isang gawain. (Awit 104:30) Ito ay madaling maiintindihan ng mga tao sa modernong panahon na nagpapaandar ng mga kagamitan sa bahay sa pamamagitan ng walang-kawad na remote control. Sa ngayon ay kinikilala natin ang kapangyarihan ng di-nakikitang mga puwersa tulad ng elektrisidad o mga infrared wave. Gayundin naman, sa pamamagitan ng kaniyang di-nakikitang banal na puwersa, o espiritu, maisasakatuparan ng Diyos ang anumang nilayon niya, nang hindi lumilipat mula sa isang dako tungo sa isa pa.—Isaias 55:11.
Noong panahon ng Bibliya, ang kaisipang ito ay maaaring naging mahirap maintindihan. Ang paglalarawan sa banal na espiritu bilang isang hiwalay na puwersa ay walang-alinlangang nakatulong sa mga mambabasa na maunawaan kung paano pinagagana ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan bagaman hindi siya personal na pumupunta sa dako na doo’y pinakikilos niya ito. Kapag binabanggit ng Bibliya na ginawa ng banal na espiritu ang ganito o ang ganoon, sa diwa ay sinasabi nito na ginamit o pinagana mismo ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan sa mga tao o mga bagay upang maisakatuparan ang kaniyang kalooban.
Ang Iba’t Ibang Pagkilos ng Banal na Espiritu
Ginamit ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu sa paglalang sa lahat ng may-buhay at walang-buhay na mga bagay. (Awit 33:6) Ginamit din ito ng Diyos upang puksain ang isang marahas at di-nagsisising salinlahi ng mga tao sa pamamagitan ng isang delubyo. (Genesis 6:1-22) Ang aktibong puwersa ring ito ang ginamit ng Diyos upang ilipat ang napakahalagang buhay ng kaniyang Anak sa bahay-bata ng Judiong birhen na si Maria.—Lucas 1:35.
Kung minsan, ang espiritu ay nagkakaloob ng lakas sa mga tao upang salitain ang katotohanan nang may katapangan at lakas ng loob sa harap ng mga kaaway, bagaman kadalasa’y nanganganib ang kanilang buhay. (Mikas 3:8) At maraming halimbawa sa Bibliya, lalo na may kinalaman sa hula, na ang mga lalaki at babae ay binigyan ng pantanging unawa o kakayahang umintindi sa pamamagitan ng puwersang ito. Yamang walang tao ang makahuhula nang tumpak kung ano ang mangyayari sa hinaharap, ito ay isang natatanging pagkilos ng espiritu.—2 Pedro 1:20, 21.
Ang espiritu ay makapagbibigay rin ng makahimalang kapangyarihan sa mga indibiduwal. Halimbawa, sa pamamagitan ng puwersang ito, nakontrol ni Jesus ang mga puwersa ng kalikasan, nagamot ang mga sakit, at nakabuhay pa nga ng patay. (Lucas 4:18-21; 8:22-26, 49-56; 9:11) Ang espiritu ay ginamit sa pag-oorganisa at pagpapalakas sa sinaunang mga Kristiyano upang maglingkod bilang mga saksi ng Diyos sa buong lupa.—Gawa 1:8; 2:1-47; Roma 15:18, 19; 1 Corinto 12:4-11.
Ginamit ang Kapangyarihan ng Diyos Alang-alang sa Atin
Posible ba para sa mga taong lingkod ng Diyos sa ngayon na matamasa ang walang-hanggang bukal ng lakas na ito? Oo! Ang Diyos ay nagkakaloob ng isang sukat ng banal na espiritu sa kaniyang bayan upang tulungan silang maunawaan at maisakatuparan ang kaniyang kalooban. Ipinagkakaloob niya ang kaniyang espiritu sa mga taimtim at may-pananalanging humihiling, na pinakikilos ng matuwid na puso, at nakatutugon sa kaniyang mga kahilingan. (1 Corinto 2:10 -16) Ang di-sakdal na mga tao ay maaaring sangkapan ng espiritung iyan ng “lakas na higit sa karaniwan,” anupat pinangyayari nitong mapaglingkuran nila ang Diyos nang may katapatan sa kabila ng mga hadlang. Kung gayon, tiyak na hangarin ng lahat ng mga taong natatakot sa Diyos na makamtan at mapanatili ang espiritu ng Diyos.—2 Corinto 4:7; Lucas 11:13; Gawa 15:8; Efeso 4:30.
Di-magtatagal at gagamitin ng Diyos ang dinamikong puwersang ito upang wakasan ang kawalang-katarungan at pagdurusa sa balakyot na daigdig na ito, sa gayo’y pinababanal ang kaniyang dakila at banal na pangalan. Ang banal na espiritu ay makaaapekto sa buong daigdig sa ikabubuti, at ang mga bunga nito ay makikita ng lahat, sa ikaluluwalhati ng Pinagmumulan nito.—Galacia 5:22, 23; Apocalipsis 21:3, 4.