Isang Liwanag na Nagliligtas ng Buhay
IYON ay isang nakapapagod na limang-linggong pagtawid sa Atlantiko sa pagtatapos ng ika-19 na siglo. Inaasahan ng mga pasahero na anumang araw ay makakakita na sila ng lupa. Nang magkagayo’y lumitaw ang isang liwanag, isang mapanglaw na bituin sa abot-tanaw. Pero hindi iyon isang bituin; iyon ay isang parola. “Pagkakita namin ng liwanag, lumuhod kami at nagpasalamat sa Diyos,” sabi ng isang pasahero nang dakong huli. Sila’y ligtas na inakay ng liwanag hanggang sa kanilang destinasyon. Gayunman, hindi lahat ng mga unang paglalakbay na iyon ay natapos nang gayon.
Noong Disyembre 22, 1839, maaliwalas ang araw sa baybayin ng New England sa Hilagang Amerika. Inakala ng katiwala ng parola sa Plum Island, Massachusetts, na maaari niyang iwan ang isla sakay ng kaniyang munting bangkang de-sagwan para samahang mamili ang kaniyang kabiyak, at saka magbalik bago dumilim. Pero habang sila’y wala, nagsimulang lumakas ang hihip ang hangin. May dumarating na bagyo, at napakabilis nito. Di-nagtagal at kumulimlim ang langit at dagat, anupat bumuhos ang malakas na ulan, mistulang bumubula ang dagat sa lakas ng mga alon na nagsasaboy ng tubig. Sinikap ng katiwala na makabalik sa isla pero nabigo siya. Nang gabing iyon, nanatiling madilim ang parola.
Nang maghahatinggabi, sinikap ng barkong Pocahontas na hanapin ang ilog at pasukan sa daungan na karaniwan nang inihuhudyat ng parola, pero nawalan ng saysay. Sa halip, ang barko ay bumangga sa isang malaking bunton ng buhangin sa ilalim ng tubig. Nasira ang bandang likuran nito, at lumubog ito kasama ng lahat ng tripulante. Bago magbukang-liwayway, ang Richmond Packer, na patungo rin sa daungang iyon, ay nawasak din, ngunit isa lamang ang nasawi, ang kabiyak ng kapitan.
Ang kasaysayan ng pagdaragat ay punung-puno ng mga kasakunaan na maaari sanang nahadlangan ng mga ilaw na galing sa parola. “Noon, maraming barko ang ligtas na nakatatawid sa karagatan, subalit lumulubog lamang habang sinisikap na pumasok sa daungan,” sabi ng aklat na America’s Maritime Heritage. “Ang pinakamapanganib na bahagi ng paglalakbay sa karagatan ay ang ilang huling milya, habang ang isang barko ay papalapit na at sa wakas ay nakatanaw ng lupa.”
Ayon sa mananalaysay ng parola na si D. Alan Stevenson, sa pagitan ng 1793 at 1833, ang katamtamang bilang ng mga barkong lumulubog taun-taon sa mga dalampasigan ng Britanya ay tumaas mula 550 hanggang 800. Marami pang parola ang kinailangan, gayundin ang mas maliliwanag na ilaw.
Sa ilang bansa, pati na sa Inglatera at Estados Unidos, lalo pang naging mapanganib ang paglalayag dahil sa napabalitang mga moon cusser, mga bandido na naglalagay ng mapanlinlang na mga ilaw upang akayin ang mga barko patungo sa mga batuhan, upang doo’y pagnakawan lamang ang mga ito. Kadalasang pinapatay ang mga nakaligtas; ayaw ng mga moon cusser na may maiwang mga testigo. Ngunit kapag maliwanag ang buwan, mabibigo ang kanilang pakana. Kaya tinawag silang mga moon cusser. Subalit nang maglaon, dahil sa mas marami at mas kumpletong mga parola kung kaya nawalan ng trabaho ang mga magnanakaw at mamamatay-taong ito.
Ang mga Unang Parola
Ang pinakaunang pagbanggit sa mga parola ay sa Iliad. “Sa paglubog ng araw, sunud-sunod na mga apoy ng parola ang nagliliyab,” sabi nito. Sinasabi ng aklat na Keepers of the Lights na “ang orihinal na mga parola ay malalaking siga lamang ng kahoy, kung minsan ay nasa mga bunton ng bato, at nang dakong huli ay sa malalaking hawlang bakal, na kadalasang hinahayaang mamatay anupat kalunus-lunos ang mga resulta.”
Pagkatapos, noong mga 300 B.C.E., sa isla ng Pharos, sa entrada ng daungan ng Alexandria, Ehipto, ay itinayo ang unang tunay na parola, ang Pharos of Alexandria. Palibhasa’y isang kahanga-hangang istrakturang yari sa bato na ang taas ay sa pagitan ng 100 at 120 metro (mga 40 palapag), iyon ang pinakamataas na parolang naitayo kailanman. Bilang isa sa Pitong Kababalaghan sa Mundo, tumagal iyon nang mga 1,600 taon hanggang sa nabuwal iyon, malamang na dahil sa isang lindol.
Ang mga Romano ay nagtayo ng di-kukulangin sa 30 parola, mula sa Itim na Dagat hanggang sa Atlantiko. Ngunit nang bumagsak ang imperyo, humina ang komersiyo at ang mga parola ay nagdilim at napabayaan. Muling sinimulan ang pagtatayo noong mga 1100. Ang isang bantog na parola ng bagong panahon ay ang Lanterna of Genoa, na ang katiwala noong 1449 ay si Antonio Columbo, ang tiyuhin ng manggagalugad na si Christopher Columbus.
Ang unang parola na itinayo sa laot ng dagat ay isa na yari sa kahoy na itinayo ni Henry Winstanley noong 1699 sa mapanganib na Eddystone Rocks sa baybayin ng Plymouth, Inglatera. Ipinagmalaki niya ang kaniyang nagawa. Habang nangingisda mula sa kaniyang parola, sabi ng dokumentaryo sa video na Guardians of the Night, sinasabi ni Winstanley: “Bumangon ka, dagat. Halika at subukin mo ang aking gawa.” Isang araw noong 1703, tumalima ang dagat. Si Winstanley at ang kaniyang parola ay naglahong parang bula.
Bilang paggunita sa pagkakaibigan ng mga mamamayan ng Estados Unidos at Pransiya, ang 302-talampakan-ang-taas na Statue of Liberty, sa New York Harbor, ay nagsilbi ring isang tulong sa paglalayag sa loob ng isang panahon. Tatlong katiwala ang naghali-halili sa loob ng 16 na taon upang panatilihing nagdiringas ang kaniyang sulo. “Mula sa kaniyang kamay na ilaw pansenyas ay nagniningning ang pagsalubong sa buong daigdig,” sabi ng isang soneto na nakaukit sa pedestal nito.
Mula sa mga Liyab ng Apoy Hanggang sa mga Xenon Flashtube
Ang uling, mga kandila—maging ang mga kandelabra—at langis ang pumalit nang dakong huli sa kahoy bilang pang-ilaw sa mga parola. Tinangka na gumamit ng mga reflector para ipokus ang liwanag, pero dahil sa usok at pinong abo mula sa apoy ay nangingitim ang mga ito. Gayunman, noong 1782, nakaimbento ang Suwekong siyentipiko na si Aimé Argand ng isang lamparang de-langis na nagpapailanlang ng hangin sa gitna ng isang hugis silindrong mitsa at palabas sa pamamagitan ng isang tsimneang yari sa salamin. Yamang hindi na mangingitim ang mga ito, ang mga parabolic reflector (ang hugis ay gaya ng mga salamin sa mga ilaw sa unahan ng kotse) ay naging popular sa mga parola. Ang isang mainam na reflector ay nagpapatindi sa liwanag ng ilaw ng mga 350 ulit.
Ang isa pang malaking hakbang ay naganap noong 1815 nang maimbento ng Pranses na pisikong si Augustin-Jean Fresnel ang pinakamahusay na lente na ginamit kailanman sa mga parola. Bago ito naimbento ni Fresnel, ang pinakamahusay na mga sistemang may salamin—na gumagamit ng mga lampara ni Argand, na naging popular sa loob ng mahigit na 100 taon—ay nakalilikha ng mga 20,000 candlepower.a Dinagdagan ito ng mga lente ni Fresnel hanggang sa 80,000—halos kasinliwanag ng ilaw sa unahan ng isang kotse ngayon—at iyon ay sa pamamagitan lamang ng nagniningas na mitsa! Naimbento noong 1901 ang mga pressurized oil burner, at hindi nagtagal bago ang mga yunit ni Fresnel ay nagsasabog ng liwanag na hanggang isang milyong candlepower. Kasabay nito, ang acetylene gas ay sinimulang gamitin at lubhang nakaapekto sa teknolohiya at makina ng parola, pangunahin nang dahil sa gawa ni Nils Gustaf Dalén, ng Sweden. Ang awtomatikong sun valve ni Dalén—patay-sinding switch na kumokontrol sa daloy ng acetylene gas sa pamamagitan ng reaksiyon sa sikat ng araw—ay nagpanalo sa kaniya ng Nobel Prize para sa Pisika noong 1912. Ang mga lamparang electric filament ay naging popular noong dekada ng 1920 at nananatiling pangunahing ilaw hanggang sa panahong ito. Kapag ipinareha sa mga lente ni Fresnel, ang isang bombilyang 250 watts lamang ay nakapaglalabas ng ilang daan libong candlepower. Sa ngayon, ang pinakamaliwanag na parola sa mundo, isang parola sa Pransiya, ay nakapagliliwanag sa kalangitan kung gabi sa pamamagitan ng isang nakasisilaw na sinag na may 500 milyong candlepower.
Isang kamakailang imbensiyon ang xenon flashtube. Naglalabas ito ng maningning na kislap sa loob lamang ng milyung-milyong bahagi ng isang segundo. Dahil sa ang puwersa ng liwanag ay napakaigsi at matindi, agad itong nangingibabaw kahit kasama ng iba pang ilaw.
Lumulutang na mga Parola
Ang lumulutang na mga parola, o mga barkong parola, ay ginamit kung saan di-praktikal na magtayo ng isang tore. Subalit gaya ng mga tore, ang mga barkong parola ay may mahabang kasaysayan. Ang una ay isang Romanong galera na ginamit noong panahon ni Julius Caesar. Sa itaas ng palo, isang bakal na brasero ng nagliliyab na uling ang nagliliwanag sa kalangitan kung gabi—at naglalaglag ng mga alipato sa pawisang mga katawan ng mga aliping tagagaod na nakatanikala sa kanilang mga puwesto sa ibaba.
Ang unang sumunod na barkong parola ay ginamit noong 1732 sa wawa ng Thames, malapit sa London. Mula noon, dumami na ang mga barkong parola. Sa loob ng maraming taon, ang giya ng mga barkong pumapasok at lumilisan sa New York Harbor ay ang barkong parola na Ambrose. Subalit nitong nakalipas na mga taon, ang mga barkong parola ay pinalitan ng mga awtomatikong lumulutang na ilaw at mga tore ng ilaw, na mga istrakturang metal at nahahawig sa mga balon ng langis sa laot ng dagat.
Kapag Pinalabo ng Ulap at Bagyo ang mga Ilaw
Kahit ang pinakamaliwanag na ilaw ay lumalabo kapag maulap at umuulan nang malakas—mga panahon na kailangang-kailangan ang mga ilaw na panghudyat! Ang isang solusyon, bagaman hindi perpekto, ay ang tunog—isang napakalakas at regular na tunog. Dahil dito, maraming parola ang may malalakas na aparatong tumutunog gaya ng kampana, busina de niyebla, sirena at, may panahon na kahit mga kanyon! Sa katunayan, ang ilang mga parola ay gumamit ng mga kanyon hanggang noong dekada ng 1970.
Gayunman, ang mga tunog ay apektado ng mga biglaang pagbabago sa atmospera. Ang pagkakaiba sa temperatura at halumigmig sa mga suson ng hangin sa ibabaw ng tubig ay maaaring makaapekto sa tunog, anupat kung minsa’y patatalbugin ito paitaas, kung minsan nama’y paibaba. Karagdagan pa, kung paanong ang isang munting bato ay mapatatalbog sa isang lawa, maaari ring tumalbog ang isang malakas na tunog sa ibabaw ng isang barko at hindi man lamang marinig iyon! Pero kung walang mga problema, ang mga hudyat na tunog ay karaniwan nang maririnig hanggang sa malayo.
Ang Katapusan ng Isang Panahon
Sa pagdating ng mga makina, naging kalabisan na ang mga katiwala ng parola. Ang nabigasyon sa pamamagitan ng radar, radyo, sonar, at satellite ay pumalit na ngayon maging sa parola mismo, at marami sa mga ito ang hindi na ginagamit. Pero waring hindi natin makalimutan ang mga ito. Para sa maraming tao, ang mga parola ay sagisag ng liwanag at pag-asa sa isang madilim na mundo, at ang mga ito ay patuloy na pumupukaw ng inspirasyon sa mga potograpo, dalubsining, at gayundin sa mga makata. Sa pagsisikap na maingatan ang magagandang lumang gusaling ito, ang mga samahan ukol sa mga parola ay nagsulputan sa buong daigdig.
Ang ilang parola ay nagsisilbi ngayong naiibang tuluyan para sa mga panauhing sabik na matikman ang buhay ng isang katiwala ng parola, bagaman ito ay mas maluho. Ang iba namang panauhin ay gusto lamang masiyahan sa pag-iisa—nang walang naririnig kundi ang mapanglaw na huni ng mga golondrina at dagundong ng mga alon. Sa ilang panig ng daigdig, ang mga parola ay nagsisilbi ring mahuhusay na dako sa pagmamasid ng mga balyena, ibon, at mga seal. Malamang na sa ganito ring paraan pinalipas ng mga katiwala sa Alexandria at ng tiyuhin ni Christopher Columbus sa Genoa ang kanilang malayang mga sandali.
[Talababa]
a Pinalitan na ngayon ng candela. Dati, ang internasyonal na kandila, na sinusukat sa candlepower, ang siyang tindi ng liwanag ng isang ilaw sa isang itinalagang direksiyon kung ihahambing sa isang karaniwang kandila.
[Kahon sa pahina 21]
Dalawang Babaing Malalakas ang Loob
Sa kasaysayan ng mga parola ay kalakip ang mga salaysay tungkol sa pambihirang lakas ng loob at dedikasyon, kadalasang sa bahagi ng mga kababaihan. Isinapanganib ni Grace Darling (1815-42) ang kaniyang buhay upang sagipin ang siyam na nakaligtas sa paglubog ng barko malapit sa parola ng kaniyang ama sa Farne Islands, sa gawing hilagang-silangang baybayin ng Inglatera. Sa kaniyang pagpupumilit, gumaod silang mag-ama sa nagngangalit na dagat hanggang sa dako kung saan lumubog ang barko, isinakay ang mga nakaligtas sa isang bangka, gumaod pabalik sa parola, at inalagaan sila hanggang sa dumating ang tulong. Isang bantayog ang itinayo bilang pag-alaala sa kaniya.
Si Abigail Burgess ang 17-taong-gulang na anak ng katiwala ng parola sa Matinicus Rock, sa laot ng baybayin ng Maine sa Hilagang Amerika. Isang araw ng Enero 1857, kinailangang iwan ng kaniyang ama ang parola ngunit hindi ito nakabalik sa loob ng apat na linggo dahil sa masungit na panahon. Si Abbie, na siyang tawag sa kaniya, ang siyang humalili sa kaniya. Inalagaan din niya ang kaniyang inang may sakit at inasikaso ang kaniyang tatlong kapatid, na napakabata pa para tumulong sa mga gawain sa parola. Sumulat si Abbie: “Bagaman kung minsan ay pagod na pagod ako [ang pagpapanatiling nakasindi ang isang ilaw bago pa nagkaroon ng elektrisidad ay isang mabigat na trabaho], hindi kailanman namatay ang mga ilaw. Sa tulong ng Diyos ay nagawa ko ang lahat ng nakasanayan kong tungkulin gayundin yaong sa aking ama.” Nang sumunod na taglamig, si Abbie ay kinailangan na namang humalili. Sa pagkakataong ito, siya at ang kaniyang pamilya ay nakaraos lamang sa pamamagitan ng rasyon sa araw-araw na isang itlog at isang tasa ng mais. Pero hindi kailanman namatay ang ilaw.
[Kahon/Larawan sa pahina 23]
Ang Lente ni Fresnel
Ang lente ni Fresnel sa aktuwal ay pinagsamang mga lente, o panel ng lente, na ang panggitnang lente ay napalilibutan ng kurbadang mga prisma na salamin. Ang mga panel ng lente ni Fresnel ay maaaring pagkabitin upang bumuo ng salaming bariles na lubusang nakapalibot sa pinagmumulan ng liwanag. Itinutuon ng bawat panel ang liwanag upang maging mistulang patayong lapis na sinag. Ang mas maraming panel ay nangangahulugan ng mas maraming sinag ng liwanag, tulad ng mga rayos mula sa pinakasentro ng isang gulong. Habang umiikot ang bariles sa pinagmumulan ng liwanag, ang mga rayos ng liwanag ay sumisinag sa abot-tanaw. Ang dami ng mga sinag, ang panahon sa pagitan ng mga sinag, at maging ang kulay ng mga ito ay ilan lamang sa mga salik na nagbibigay sa bawat parola ng pambihirang tatak, o katangian, ng ilaw nito. Ang mga barko ay may talaan ng mga ilaw upang makilala ng mga marinero ang bawat parolang dinaraanan nila.
[Credit Line]
South Street Seaport Museum
[Larawan sa pahina 23]
Peggy’s Cove, Nova Scotia, Canada
[Larawan sa pahina 23]
Statue of Liberty, New York
[Larawan sa pahina 23]
Weser River, Alemanya
[Larawan sa pahina 23]
Washington State, E.U.A.
[Picture Credit Line sa pahina 20]
The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck