Pagmamasid sa Daigdig
Karaniwan ang Pag-abuso sa Bata
“Natuklasan ng isang bagong pag-aaral [sa Estados Unidos] tungkol sa kalusugan ng mga batang lalaki na mahigit na 1 sa 8 batang lalaki sa haiskul ang nagsabi na sila’y pisikal o seksuwal na inabuso,” ulat ng The New York Times. Natuklasan ng pag-aaral na “ang pisikal na pag-abuso sa mga batang lalaki ay mas karaniwan kaysa sa seksuwal na pag-abuso, at na dalawang-katlo ng pisikal na pag-abuso ay ginawa ng isang miyembro ng pamilya at nangyari sa loob ng tahanan.” Sinasabing may pinakamataas na insidente ng seksuwal na pag-abuso sa mga batang lalaki na Asiano-Amerikano, na may 9 na porsiyento ang nagsasabing sila’y inabuso. Sa mga batang Hispaniko, 7 porsiyento ang nagsabi na sila’y seksuwal na inabuso, samantalang 3 porsiyento ng mga itim at mga puti ang nag-ulat ng seksuwal na pag-abuso. Hindi binigyan-kahulugan ng palatanungan ang katagang pag-abuso. Basta itinanong nito kung ang sumasagot ay nakaranas kailanman ng pisikal o seksuwal na pag-abuso.
Ang “Pinakamalayong Ninuno”?
Nagtipon kamakailan ang mga obispo mula sa buong Asia sa Vatican City upang talakayin ang mga paraan upang mapalaganap ang Katolisismo sa mga lupain sa Asia. “Sa karamihan ng mga bansa sa Asia, ang Kristiyanismo ay isang Kanluraning relihiyon na dumating kasama ng kolonyanismo,” sabi ni Monsinyor Oswald Gomis ng Sri Lanka. Kaya nga, ang hamon ay ang “ipakilala si Jesus sa mga termino sa Asia,” ulat ng Associated Press. “Pinag-usapan ng mga obispo ang hinggil sa pakikibagay ng simbahang Romano sa lokal na mga kaugalian at wika at ang kabaligtaran nito.” Isang halimbawang ibinigay ay ang gawain ng pagsamba sa ninuno. Upang makaakit sa mga nagsasagawa ng sinaunang kaugaliang ito, iminungkahi ni Monsinyor John Tong Hon ng Hong Kong na unti-unting ipakilala ng mga Katoliko ang ideya ng “Kristiyanong” diyos bilang ang “pinakamalayong ninuno.”
Siruhanong Robot
Dalawang siruhano sa isang ospital sa Paris ang nagsagawa ng unang matagumpay na operasyon sa puso sa pamamagitan ng paggamit ng isang robot na kontrolado ng computer, ulat ng pahayagang Pranses na Le Figaro. Anim na operasyon ang isinagawa, pati na ang isang coronary bypass. Ang pamamaraan ay nagsasangkot ng pag-opera sa hiwa na apat na centimetro ang laki. Habang nakaupo sa isang console mga ilang metro ang layo mula sa pasyente, tinitingnan ng mga siruhano ang loob ng katawan ng pasyente sa pamamagitan ng isang kamera at gumagamit ng dalawang joystick upang gabayan ang pagkilos ng braso ng robot. Yamang binabawasan ng computer ang kilos ng mga siruhano nang tatlo hanggang limang ulit, ang pag-opera ay mas eksakto at hindi gaanong malaki ang hiwa. Ang isa pang bentaha ay na walang gaanong kirot ang pasyente sa panahon ng paggaling.
Dumarami ang Namamatay Dahil sa Trapiko
Sa bawat taon, mahigit na 500,000 katao ang napapatay sa mga haywey ng daigdig, at sa buong daigdig, ang namamatay dahil sa trapiko ay dumarami, ulat ng Fleet Maintenance & Safety Report. Ano ang tsansa na ikaw ay masangkot sa isang malubhang aksidente sa trapiko? Ayon sa ulat, “sa mga bansang ‘maraming kotse,’ hindi kukulangin sa 1 sa 20 katao ang namamatay o nasasaktan sa isang banggaan sa haywey sa bawat taon at 1 sa 2 katao ang naoospital ng hindi kukulanging minsan sa kanilang buong buhay dahil sa pinsala sa trapiko.”
Maruruming Ibabaw
Parang hindi inaasahan, ang upuan ng inodoro sa inyong bahay ay maaaring mas malinis kaysa sa sangkalan sa inyong kusina. Iyan ang konklusyon ng mga mananaliksik mula sa University of Arizona pagkatapos gumugol ng 30 linggo ng pagsubaybay sa baktiryang nasumpungan sa 15 tahanan. Ang pangkat ay kumuha ng mga sampol mula sa 14 na lugar sa bawat tahanan, pati na ang mga hawakan ng gripo, ibabaw ng lababo, sangkalan, trapo, at upuan ng inodoro. Ang kanilang natuklasan? “Natuklasan ng mga mananaliksik na mas marami nang isang milyon ang baktirya sa pinigang tubig mula sa mga trapo kaysa sa upuan ng inodoro,” sabi ng magasing New Scientist. “Kahit na ang mga sangkalan ay tatlong ulit ang dami ng baktirya.” Isang tagapagsalita para sa pag-aaral, si Pat Rusin, ay may palagay na “ang mga upuan ng inodoro ay napakatuyo upang panirahan ng baktirya, na mas naiibigan ang basang mga kapaligiran,” ulat ng magasin. Upang mapasulong ang kalinisan, iminumungkahi ni Rusin ang paglalaba ng mga trapo linggu-linggo. “Basta magdagdag ng isang tasang kemikal na pampaputi sa isang lababong tubig, ilagay ang trapo at ibabad ito sa loob ng 10 minuto bago pigain,” ang sabi niya.
Pagbawas sa Panganib ng mga Bato sa Bato
Natuklasan ng mga mananaliksik na sumubaybay sa pagkain ng mahigit na 80,000 nars sa Estados Unidos sa pagitan ng 1986 at 1994 na ang ilang likido ay mas malamang na makatulong sa isang tao na maiwasan ang mga bato sa bato, ulat ng Science News. Sa 17 inumin na pinag-aralan, 8 porsiyento ang nabawas ng tsa sa panganib na magkaroon ng mga bato sa bato, samantalang mga 9 na porsiyento naman ang nabawas na panganib ng karaniwan o walang caffein na kape. Ang katamtamang pag-inom ng alak ay nakatulong upang mabawasan nang 20 porsiyento o higit pa ang panganib sa isang tao na magkaroon ng mga bato sa bato. “Nakapagtataka, ang pag-inom ng 8-onsang baso ng katas ng suha araw-araw ay nagpapalaki sa panganib na magkaroon ng mga bato nang 44 na porsiyento,” ang ipinakita ng pag-aaral. “Walang ibang inumin ang may gayong negatibong epekto.” Si Dr. Gary Curhan, isang neprologo (espesyalista sa bato) at epidemiologo sa Boston, ang sinipi na nagsabing: “Malaki ang maaaring magawa ng pagbabago ng inumin,” ngunit bilang bahagi lamang ng isang malawakang isinasagawang paraan ng paggamot.
Kahulugan ng Easter sa Australia
Nagsagawa ng isang surbey ang pahayagan sa Australia na Sun Herald kung saan ang mga tao’y tinanong nang pasumala kung ano ang kahulugan sa kanila ng Easter (Pasko ng Pagkabuhay). Ganito ang inilathalang mga resulta ayon sa pagkakasunud-sunod: mga tsokolateng Easter egg (54 na porsiyento), isang mahabang dulo-ng-sanlinggong bakasyon (39 na porsiyento), ang Royal Easter Show (21 porsiyento), isang relihiyosong okasyon (20 porsiyento). Si David Milikan, isang ministro ng Uniting Church, ang nagsabi na hindi siya nagtataka na kakaunting tao sa Sydney ang nag-uugnay ng Easter sa relihiyon. Sabi pa niya: “Namamatay na ang mga relihiyon . . . Lahat ng pangunahing denominasyon ay nawawalan ng maraming miyembro.” Ganito ang malungkot na sinabi ng Romano Katolikong arsobispo sa Sydney: “Para sa marami, ang Easter ay walang relihiyosong kahulugan; isa lamang itong sekular na kapistahan.”
Pornograpya Para sa mga Babae
“Unti-unti nang humahabol ang mga babae sa mga lalaki kung tungkol sa kanilang interes sa materyal na naglalantad ng sekso na nasa computer,” ulat ng The New York Times. Pinagsasama ng maraming site na ito para sa mga babae ang “mahahalay na larawan . . . at pamimili.” Pagkatapos ng kauna-unahang pagpapalabas ng isang site na partikular na dinisenyo para sa mga babaing heteroseksuwal, sinabi ng Times na “ang site ay isa na namang patak sa malalim na balon ng paglalantad ng sekso bukod pa sa karaniwang impormasyon na nakukuha ng mga gumagamit nito sa daigdig.”
Gumon sa Pamimili
“Parami nang paraming tao sa Alemanya ang pinahihirapan ng walang taros na pamimili,” ulat ng pahayagang Grafschafter Nachrichten. Ayon sa sikologo sa negosyo na si Alfred Gebert, agad na naglalaho ang tuwa ng mga walang taros na mamimili pagkatapos magbayad ng mga pinamili. Kakikitaan pa nga sila ng pisikal na mga sintomas ng withdrawal, sabi ni Gebert. “Sila’y nangangatog, pinagpapawisan, at sinisikmura.” Sa kadahilanang ito, ang mga taong may malalaking kita at mabuting katayuan sa pag-utang ay mas malamang na maging walang taros sa pamimili kaysa sa mahihirap. Sinasabing kabilang sa posibleng mga dahilan ng pagkagumon ang ‘kalungkutan, mababang pagpapahalaga-sa-sarili, kaigtingan, at mga problema sa dako ng trabaho.’ Upang mapaglabanan ang pagkagumon, iminungkahi ni Gebert ang pagkakaroon ng isang libangan. Lalong mahalaga, sabi ni Gebert, ang sosyal na pakikipag-ugnayan. “Kung walang tulong mula sa iba, nakikilala lamang ang pagkagumon kapag nabaon na sa utang at nagamit na ang huling balanse sa pag-utang,” aniya.
Pagmamanman sa mga Bata
Ang ilang magulang sa Hapón ay nagsimulang umupa ng mga pribadong tiktik na magmamanman sa kanilang mga anak upang pangalagaan ang mga ito mula sa mga maton sa paaralan. Ayon sa The Daily Yomiuri, isang propesor sa Osaka City University na nagsurbey sa mahigit na 6,000 estudyante ang nagsabi: “Karaniwan nang inililihim ng mga batang inaapi ang bagay na ito sa kanilang pamilya, sa takot na sila’y pipintasan dahil hindi nila kayang lumaban o pahintuin ito.” Ang ilang magulang na nagsususpetsang nililigalig ang kanilang mga anak ay bumaling sa paglalagay sa mga ito ng mga electronic bug upang mapakinggan ang kanilang mga pag-uusap. Ang iba naman ay umupa ng pribadong mga tiktik upang sundan “ang bata sa katamtamang layo, na itinatala ang katibayan laban sa mga nagpapahirap at mabilis na sasaklolo na parang mga anghel de la guwardiya upang sagipin ang bata na nanganganib ang buhay.” Subalit ang mga tagapagtanggol ng bata, sabi ng pahayagan, “ay bumatikos sa pagmamanman ng mga magulang bilang isang napakasamang hakbang na malamang ay lalo lamang magpapalayo sa mga kabataan na lubhang nangangailangan na magtiwala at magtapat sa isang nasa hustong gulang.” Gayunman, sinasabi ng mga magulang na ito ay isang paraan upang tulungan ang kanilang naliligalig na mga anak kung hindi na sila nakikipag-usap sa kanilang mga magulang.