Ang Oil Palm—Isang Punungkahoy na Maraming Gamit
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Solomon Islands
GUADALCANAL—sa maraming tao, ang pangalan ng isla ay singkahulugan ng ilan sa pinakamatitinding labanan ng Digmaang Pandaigdig II. Subalit ngayon, sinumang bumabalik sa dating larangang ito ng digmaan sa Solomon Islands ay makasusumpong ng isang naiibang tanawin—ang waring napakaraming pangkat, hindi ng mga sundalo, kundi ng malalaking oil palm.
Ang lupa sa ilalim ng mayayabong at matatayog na mga oil palm na ito ay dating natatakpan ng tone-toneladang naiwang bomba at iba pang mapanganib na materyales sa digmaan. Ngunit ang mga kasangkapang ito sa digmaan ay inalis upang magbigay-daan sa oil palm. Paano ba nagsimula ang pagtatanim ng punungkahoy na ito? At bakit natin masasabi na maraming gamit ang maganda at mataas na punungkahoy na ito?
Isang Mayamang Kasaysayan
Ang unang modernong paglalarawan sa isang punungkahoy na nakakahawig ng oil palm ay isinulat noong kalagitnaan ng ika-15 siglo ng taga-Venice na si Alvise Ca’da Mosto, na gumalugad sa kanlurang baybayin ng Aprika. Pagkatapos, halos 500 taon na ang nakaraan, dinala ng mga Aprikanong alipin ang bungang ito sa mga bansa sa kabila ng Atlantiko. Kaya ang palm oil ay lumitaw bilang isa sa pinakamalawak gamiting langis mula sa gulay sa daigdig ngayon. Mas maraming langis ang nakukuha sa mga oil palm bawat akre kaysa sa anumang ibang halamang nakukunan ng langis. Karagdagan pa, ang oil palm ay isang matibay na halaman na nakukunan ng mga bunga at langis sa loob ng 25 hanggang 30 taon.
Isang mahalagang salik sa produksiyon ng palm oil, lalo na sa ilang lupain sa Dulong Silangan, ang natuklasan noong huling bahagi ng mga taon ng 1970. Dati, inaakala na ang polinasyon ng mga oil palm ay pangunahin nang sa pamamagitan ng hangin. Samakatuwid, ang isang mahinang ani ay ipinagpapalagay na dahil sa di-magandang kalagayan ng klima. Gayunman, isiniwalat ng kamakailang pananaliksik na ang polinasyon ay pangunahing isinasagawa ng mga kulisap! Kaya naman, napatunayang kapaki-pakinabang ang paglipat mula sa Kanlurang Aprika tungo sa Dulong Silangan ng mga kulisap na maaaring magdala ng pollen ng mga punungkahoy.
Ang bunga ng oil palm na kulay mamula-mulang kahel ay nakukunan ng dalawang uri ng langis. Ang dalawang ito ay ginagamit sa iba’t ibang produkto, na ang ilan ay malamang na ginagamit mo na. Bago natin pag-usapan ang mga ito, dalawin natin ang isang gilingan ng palm oil at tingnan kung paano kinakatas ang langis.
Pagpoproseso sa Ginintuang Likido
Habang papalapit tayo sa gilingan, tayo ay sasalubungin ng ating giya at dadalhin niya tayo sa loob. Sa palibot natin ay umaandar ang malalaking makina. Ang unang hakbang sa pagpoproseso ng bunga ng oil palm, paliwanag niya, ay ang paglalagay nito sa isang malaking pasingawang pugon na hugis-tubo. Bawat buwig ng bunga ay may 200 mumunting butil na sinlalaki ng datiles, na kabit-kabit. Iniisterilisa ng pasingawang pugon ang bunga at tumutulong ito upang maglaglagan ang mumunting butil mula sa buwig.
Ang susunod na hakbang ay ang paghihiwalay ng mumunting butil mula sa buwig sa pamamagitan ng isang makinang tinatawag na stripper. Ang natanggal na mumunting butil ay saka dinadala sa isang malaking blender, kung saan ang malaman na lamukot na nasa labas ay inihihiwalay sa nuwes. Ang mahiblang laman nito sa labas ay saka pinipiga sa isang malaking extruder, o pisaan, upang makuha ang likas na palm oil. Matapos linisin at dalisayin, ang palm oil ay handa nang ibiyahe.
Subalit may pangalawang uri ng langis. Galing ito sa nuwes. Ang nuwes ng oil palm ay kailangan munang basagin upang makuha ang laman. Pagkatapos, ang laman ay pinipiga upang katasin ang napakahalagang likido nito. Ang langis na ito ay tinatawag na palm-kernel oil.
Ang sapal ng laman ay ginagamit upang gumawa ng masustansiyang pagkain ng hayop. Sa katulad na paraan, matapos ihiwalay ang mumunting butil, ang nalabi sa mga buwig ng bunga ay ibinabalik sa bukid upang magsilbing abono. Nireresiklo rin ang himaymay ng bunga at ang balat, anupat ginagamit bilang panggatong sa mga pakuluan ng gilingan. Tunay na isang mahusay na operasyon!
Mula Sorbetes Hanggang Pamahid sa Mukha
Ang palm oil ay pangalawa sa pinakamalawak gamiting langis mula sa gulay sa daigdig, kasunod ng langis ng balatong. Ganito ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Noong mga taon ng 1700, ginagamit ng mga Ingles ang palm oil bilang isang gamot at pamahid sa kamay.” Subalit ngayon, isinasangkap ito sa sorbetes, margarina, mantikilya, at mantika, gayundin sa di-nakakaing mga produkto na gaya ng sabon at kosmetiko.
Ang palm-kernel oil ay ginagamit din sa paggawa ng margarina pati ng tsokolate at iba pang matatamis na pagkain. Pero hindi lamang iyan ang gamit ng langis. Pagkatapos ng karagdagang pagpoproseso, ang mga bahagi ng palma at palm-kernel oil ay ginagawang gamot, sabon, panlinis, kandila, at maging mga pampasabog!
Tunay, popular na popular ang oil palm sa Solomon Islands. Ang epekto ng oil palm sa ekonomiya ay idiniin ng bagay na 13 porsiyento ng iniluluwas ng bansa ay galing sa punungkahoy na ito.
Kapag tiningala natin ang oil palm, nakatutuwang gunigunihin na ang isang produkto na kulay matingkad-kahel na bunga nito ay maaaring tumutulong sorbetes sa bibig ng isang tumatawang bata at maaaring ito ay nasa mukha ng kaniyang ina, sa make-up nito. Oo, ang oil palm ay isang punungkahoy na maraming gamit, at makapagpapasalamat tayo dahil sa saganang bunga nito.
[Kahon/Larawan sa pahina 27]
Dalawang Tonelada Bawat Araw sa Pamamagitan ng Kamay
Tug . . . tug. Tug . . . tug! Dinig na dinig sa paligid ang tunog ng bumabagsak na mga buwig habang inaani ng mga manggagawa sa taniman ang mga bunga ng oil palm. Paano nila naaabot ang bunga gayong napakataas ng mga puno?
Sa paggamit ng isang matalas na kurbadong talim na nakakabit sa dulo ng isang mahabang tikin, nagagawang sungkitin ng mga mang-aani ang bunga mula sa puno na kung minsan ay sintaas ng isang gusaling may apat na palapag. Sa isang pangkaraniwang araw, bawat manggagawa ay makaaani ng 80 hanggang sa 100 buwig at dinadala ito sa tabing-daan para kunin. Yamang bawat buwig ay tumitimbang ng halos 25 kilo, talagang mabigat ang kanilang binubuhat! Kailangan ng apat at kalahating tonelada ng mga bunga para makagawa ng isang tonelada ng palm oil.