Ang Pangarap na Makalipad
“ANG mga makinang lumilipad, bawat isa sa mga ito, ay mabilis na naglalarawan sa kasabihan ng ating mga kabataan, ‘Ang tumataas ay tiyak na bababa.’”
Gayon nagsimula ang isang medyo negatibong editoryal sa The New York Times ng Mayo 25, 1908—wala pang limang taon matapos ang napabalitang paglipad ng magkapatid na Wright sa Kitty Hawk, North Carolina, E.U.A. Palibhasa’y nag-aalinlangan pa rin sa tagumpay ng bagong-tuklas na “mga makinang lumilipad” na nagsimulang lumitaw sa himpapawid, inisip ng manunulat na “halos iilan lamang sa atin ang nagnanais na lumutang sa hangin nang napakataas mula sa lupa.” Bagaman inamin na baka mas magustuhan ng mga susunod na salinlahi ang paglalakbay sa himpapawid, iginiit ng artikulo na ang “pangarap na pangmalayuang-distansiya na mga sasakyang panghimpapawid . . . ay maaaring hindi kailanman matupad.”
Napatunayang maling-mali ang hulang iyan! Sa ngayon, mahigit sa isang bilyong pasahero ang lumilipad sa “pangmalayuang-distansiya na mga sasakyang panghimpapawid” taun-taon. Oo, sa loob lamang ng isang siglo, ang mga eroplano ay nagbago mula sa marurupok na kagamitang yari sa kahoy at tela noong pagsisimula ng siglo tungo sa magagara at de-computer na mga eroplanong jet sa ngayon, na lumilipad nang sampung kilometro sa ibabaw ng lupa at nagdadala ng daan-daang komportableng pasahero sa malalayong lugar.
Talagang naging kapansin-pansin at nagdulot ng malaking pagbabago sa ating daigdig ang mabilis na pagsulong ng teknolohiya sa abyasyon sa ika-20 siglo. Ang totoo, ang kuwento ng pagsisikap ng tao na madaig ang himpapawid ay maaaring taluntuning pabalik nang lampas pa sa nakaraang ilang dekada—o maging sa nakalipas na ilang siglo. Ang paglipad ng tao ay isang pangarap na matagal nang kinahumalingan ng mga tao mula pa noong unang panahon.
[Larawan sa pahina 2, 3]
Ang Lockheed SR-71 Blackbird, ang pinakamabilis na jet sa daigdig, sa tulin na mga 2,200 milya bawat oras
[Larawan sa pahina 3]
Ang Boeing Stratoliner 307, noong c. 1940, lulan ang 33 pasahero at lumilipad sa bilis na 215 milya bawat oras
[Credit Line]
Boeing Company Archives
[Larawan sa pahina 3]
Ang “Flyer” ng magkapatid na Wright, 1903
[Credit Line]
U.S. National Archives photo