Mula sa Aming mga Mambabasa
Paggamot sa Sarili Tuwang-tuwa akong makita ang serye ng mga artikulo na “Paggamot sa Sarili—Makatutulong o Makapipinsala ba Ito sa Iyo?” (Hulyo 8, 1998) Mahusay ang pagkakasulat nito at nagbibigay ng timbang na panlahat na pangmalas may kinalaman sa paksa, na maaaring maging praktikal sa karamihan ng mga bansa sa buong daigdig. Napakahusay nito sa pagdiriin sa kahalagahan ng pagkuha ng personal na pananagutan sa ating kalusugan sa pamamagitan ng mabuting mga istilo-sa-buhay sa halip na bumaling sa isang ‘gamot para sa lahat ng karamdaman.’
J. M. J., Inglatera
Pakikipagligaw-biro Salamat sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Ano ang Masama sa Pakikipagligaw-biro?” (Hulyo 8, 1998) Ang pamilya ko’y nakababawi na mula sa mga epekto ng aking pagiging mapanligaw-biro. Hindi ko inalintana ang kirot na idinudulot ko sa aking pamilya, lalo na sa aking maibiging asawang babae. Kung may masasabi akong anumang bagay sa aking Kristiyanong mga kapatid, ito’y: “Pakisuyong makinig kayo sa ating Ama, si Jehova. Talikdan ang pakikipagligaw-biro, humingi ng tulong, manalangin kay Jehova, at tumakas, tumakas, tumakas mula sa kasamaan.”
D. B., Estados Unidos
Para sa akin, pinatunayan ng artikulong ito ang bagay na ang pakikipagligaw-biro ay hindi isang maliit na bagay. Malubhang naapektuhan ng diborsiyo ang aming pamilya, at malaking papel ang ginampanan ng inosenteng pagbibiro sa problemang ito. Inaasahan kong tutulungan ng payong ito yaong mga hindi patiunang nakakakita kung paanong ang kanilang paggawi, pananalita, o kilos ay maaaring makaimpluwensiya sa hindi kasekso.
O. M., Czech Republic
Tulad ito ng isang nakagiginhawang balsamo sa nasaktang puso ng maraming kapatid na babae. Sa pamamagitan ng artikulong ito, nakita namin na napapansin at nagmamalasakit si Jehova sa mga nadarama natin sa kaloob-looban.
A. M. P., Espanya
Ang parapo sa ilalim ng subtitulong “Emosyonal na Pakikipagrelasyon” ay isang pagsisiwalat sa akin. Nagkakasundo sa intelektuwal na mga bagay ang aking asawang lalaki at isang sister sa kongregasyon dahil sa pagkakahawig ng kanilang mga pinagmulan. Sa aming 17 taon ng pagsasama bilang mag-asawa, hindi pa niya ako binigyan ng anumang dahilan upang pagdudahan siya, subalit nagdududa na ako. Hindi madaling sabihin ito sa aking asawa. Nagulat siya sa simula ngunit sinikap niyang unawain ang aking punto de vista. Sinabi niya na hindi niya gustong saktan ako o ang aming tatlong anak, at agad niyang inihinto ang lahat ng pakikipag-ugnayan. Labis akong naginhawahan sa kaniyang tugon.
D. T., Canada
Banta ng Nazi Binasa ko ang artikulong “Mga Saksi ni Jehova—May Lakas ng Loob sa Harap ng Banta ng Nazi” taglay ang malaking interes. (Hulyo 8, 1998) Sa ministeryong Kristiyano, madalas kong makausap ang mga tao, ang ilan ay taimtim na naniniwala na sila’y tama at ang iba naman ay hindi, na nagpaparatang sa mga Saksi ni Jehova ng pakikipagkompromiso sa rehimeng Nazi. Ang impormasyon sa artikulong ito ay magagamit ko upang tulungan ang taimtim na mga tao na maunawaan ang makasaysayang katotohanan sa likod ng huwad na mga paratang na kumakalat tungkol sa atin.
A. F., Slovenia
Maraming salamat sa artikulo. Ilang buwan na ang nakalipas, nakita ng aking asawang lalaki, na hindi ko kapananampalataya, ang ilang negatibong materyal na inilathala ng mga apostata. Nagpapasalamat ako sa artikulo na sumasagot sa mga kasinungalingang iyon.
C. G., Alemanya
Pagmamasid-Ibon Ako po’y pitong-taóng-gulang na batang babae. Nagustuhan ko po ang artikulong “Pagmamasid-Ibon—Isa Bang Kawili-wiling Libangan Para sa Lahat?” (Hulyo 8, 1998) Ang mga larawan at paliwanag ay talagang nakatulong sa akin na maunawaan na ginawa ni Jehova ang daigdig sa kahanga-hangang paraan. Ang hayop na gustung-gusto ko ay ang tipol na may itim na taluktok mula sa Aprika—dahil mukhang nakakatawa ito. Salamat sa pananaliksik na ginawa ninyo.
F. C., Italya