Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagtuturo sa mga Anak na Mahalin ang mga Nilalang Bilang bahagi ng pagsasanay sa aming mga anak, sinisikap naming linangin sa kanila ang pagpapahalaga sa likas na kagandahan na lubhang maibiging inilalaan ni Jehova. Gustung-gusto naming gamitin ang mga artikulo na regular na lumalabas sa Gumising!, gaya ng “Jenny Wren—Munting Ibon, Mapuwersang Awit.” (Setyembre 8, 1998) Buong-siglang tumutugon ang aming mga anak! Kagalakan naming ibahagi sa kanila ang impormasyong ito.
K. A., Estados Unidos
Mga Bangungot Talagang pinahahalagahan ko ang mga mungkahi sa artikulong “Pangkaraniwan ang mga Bangungot sa mga Bata” na nasa “Pagmamasid sa Daigdig.” (Setyembre 8, 1998) Binabangungot ang aking mga anak, subalit lagi kong sinasabi sa kanila na huwag ikuwento ang mga ito kundi basta matulog na lamang muli. Ngayon, dahil sa mga mungkahing ibinigay, mahaharap ko na nang mas mahusay ang mga problemang ito. Pakisuyong huwag kayong huminto sa paglalathala ng gayong nakatutulong na impormasyon.
R. N., Zimbabwe
Pumapatay na mga Leon Tunay na nasiyahan ako sa artikulong “‘Hangal na Transportasyon’ ng Silangang Aprika.” (Setyembre 22, 1998) Subalit nagkamali kayo sa pagsasabi na isang lalaki at isang babae ang mga leong kumain ng tao. Parehong lalaki ang mga ito.
K. B., Estados Unidos
Nagkamali ang “Gumising!” sa puntong iyon, at pinahahalagahan namin ang paglilinaw.—ED.
Alzheimer’s Disease Pinangungunahan ko ang isang pangkat ng mga mananaliksik hinggil sa Alzheimer’s disease para sa isang pangunahing kompanya ng gamot. Kaya buong-pananabik kong binasa ang inyong napakagandang serye na “Alzheimer’s Disease—Iniibsan ang Kirot.” (Setyembre 22, 1998) Ako’y lubos na humanga sa masusing pagtalakay ninyo sa laganap na sakit na ito ng bayan. At bilang isang matanda sa kongregasyon, nasumpungan ko na napakahalaga ng praktikal na payo ng mga artikulong ito.
S. S., Estados Unidos
Naantig ng mga artikulo ang aking puso dahil ang aking ina ay mahigit na sampung taon nang may sakit na Alzheimer’s. Taos-puso ko kayong pinasasalamatan sa pagtalakay sa paksang ito sa paraang mataktika at may paggalang sa mga may ganitong sakit.
E. M., Italya
Isang kamanggagawa na may suskrisyon ng Gumising! ang nagbigay sa akin ng labas na ito dahil ang aking ama ay may sakit na Alzheimer’s. Lalo akong naantig sa artikulong “Ingatan ang Dignidad ng Pasyente.” Hindi ko akalain na may makapagdiriin sa puntong ito. Salamat sa inyong napapanahong payo. Natitiyak kong nakatulong ang artikulong ito sa napakaraming tao.
M. P., Canada
Nais ko kayong taos-pusong pasalamatan dahil sa mga artikulo. Mula nang masuring may sakit na Alzheimer’s ang aking ina noong 1986, marami na kaming nabasang literatura hinggil dito. Gayunman, nahigitan ng inyong mga artikulo ang lahat ng nabasa namin pagdating sa pagkamagiliw, damdamin, at empatiya. Tamang-tama ang pagkasabi ninyo na yaong mga may Alzheimer’s ay nangangailangan ng pag-ibig at magiliw na pangangalaga, hanggang sa huling yugto. Ang aking ina ay hindi makakain o makapagsalita. Subalit pinalakas kami ng artikulo na lalong magpakita ng pag-ibig at pagmamahal sa kaniya.
H. E., Austria
Bilang presidente ng Brazilian Alzheimer’s Association, nais ko kayong batiin sa inyong mga artikulo. Maliwanag ang inyong pagkakalarawan sa Alzheimer’s at sa epekto nito sa mga pamilya. Naging maingat kayo sa pagpapakita ng paggalang sa maysakit bilang isang indibiduwal, at nakapagharap kayo ng mga karanasan ng mga maysakit mismo na nagpapakita na pag-ibig pa rin ang pinakamabisang gamot.
V. C., Brazil