Maputulan ng Isang Binti o Braso—Posible Kayang Mangyari Ito sa Iyo?
Nasa labas si Benjamin habang wiling-wili sa sikat ng araw sa panahon ng tagsibol na nagpapainit sa lunsod ng Sarajevo nang matapakan niya ang isang minang pampasabog. Nasabugan ang kaniyang kaliwang binti. “Pinilit kong tumayo,” nagunita ni Benjamin. “Hindi ko nagawa.” Si Benjamin ay isa lamang sa 20,000 tao na napapatay o nababalda ng mga minang pampasabog sa bawat taon.
ANG Angola ay nakakalatan ng hanggang 15 milyong minang pampasabog—mahigit na isa para sa bawat lalaki, babae, at bata na nasa bansa. Sa ngayon ay mayroon nang 70,000 katao sa Angola na naputulan ng binti o braso. Sa walong milyon hanggang sampung milyon nitong nakatanim na minang pampasabog, sa buong daigdig, ang Cambodia ang may pinakamataas na porsiyento ng mga taong naputulan ng binti o braso—tinatayang 1 sa bawat 236. Ang Bosnia at Herzegovina ay may mahigit sa tatlong milyong minang pampasabog ayon sa ulat—59 bawat kilometro kudrado.
Ngunit hindi lamang sa mga lupaing ginigiyagis ng digmaan napuputulan ng binti o braso ang mga tao. Halimbawa, may mga 400,000 naputulan ng binti o braso sa Estados Unidos. Sa karamihan ng mga adulto sa bilang na iyan, ang pagkawala ng binti o braso ay resulta ng isang malubhang karamdaman na di-umano’y tinatawag na “peripheral vascular disease,” o PVD. Ito ay isang pangkalahatang termino na sumasaklaw sa ilang karamdaman. Binibigyang-kahulugan ng Taber’s Cyclopedic Medical Dictionary ang PVD bilang isang di-tiyak na terminong sumasaklaw sa “mga sakit sa arterya at ugat ng mga paa’t kamay, lalo na yaong mga karamdaman na humahadlang sa sapat na pagdaloy ng dugo patungo o mula sa mga paa’t kamay.” Ang nangungunang sanhi ng PVD ay diyabetis. Ayon sa The World Health Report 1998, “hihigit pa sa doble ang bilang ng mga adultong magkakaroon ng diyabetis sa buong mundo mula 143 milyon noong 1997 tungo sa 300 milyon pagsapit ng 2025.”
Sa Estados Unidos, ang pagkasugat—lakip na ang mga aksidente sa mga sasakyan, makina, kagamitang de-kuryente, at mga baril—ang pangalawa sa pangunahing sanhi ng pagkawala ng binti o braso, anupat umaabot sa 20 hanggang 30 porsiyento ng lahat ng pagkaputol. Lakip sa iba pang sanhi ng pagkawala ng binti o braso ay ang mga tumor (mga 6 na porsiyento) at mga depekto sa panganganak (mga 4 na porsiyento).
Hindi lamang basta pagkabalisa ang madarama mo kapag inisip mong mapuputulan ka ng pinakaiingatan mong binti o braso. May paraan pa ba upang mabawasan ang panganib na iyan? At kung ikaw ay naputulan na nga ng binti o braso, paano mo matatamasa ang isang makabuluhang pamumuhay? Tatalakayin ito at ang iba pang tanong sa susunod na artikulo.