Isang Pulandit ng Gatas na Naging Isang Kutsarang Pinulbos na Gatas
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NEW ZEALAND
SA LOOB ng libu-libong taon at sa halos lahat ng bansa, ang gatas ay pangunahing pagkain ng tao. Sabihin pa, ang gatas ay galing sa mga mammary gland ng mga babae at isang kumpletong pagkain para sa kanilang mga anak. Subalit, di-gaya ng iba pang nilalang, nakukuha ng mga tao ang pinakamasustansiyang pagkaing ito mula sa iba’t ibang mamal—partikular na, mula sa mga baka, kamelyo, kambing, llama, usa, tupa, at kalabaw. Bukod sa pag-inom ng gatas nang walang halo, nasisiyahan din ang mga tao sa maraming produktong galing dito, kabilang na rito ang mas popular na mantikilya, keso, yogurt, at sorbetes.
Ang isa sa pinakakaraniwan sa mga gatas, ang gatas ng baka, ay pangunahin nang binubuo ng 87 porsiyentong tubig at 13 porsiyentong mga solido. Kabilang sa mga solidong ito ang mga carbohydrate, protina, taba, bitamina, at mga mineral na gaya ng kalsiyum—na mahalaga para sa paglaki at pagpapanatiling malusog ng mga buto. Gayunpaman, ang mga baka ay hindi siyang pinagmumulan ng pinakamasustansiyang gatas. Sa mga hayop na nakatala sa itaas, ang karangalang iyan ay sa usa, na ang lubhang masustansiyang gatas ay halos 37 porsiyentong solido!
Anuman ang pinagmulan, ang gatas ay hindi tumatagal malibang ito’y palamigin sa repridyeretor. Ang karaniwang solusyon sa problemang ito ay ang pinulbos na gatas. Ngunit paano ba ginagawang pulbos ang gatas? Tayo nang dumalaw sandali sa isang modernong pagawaan na nagpoproseso ng gatas sa Waikato, New Zealand. Ang pagawaang ito ay isa sa pinakamalaki sa mga pagawaan ng gatas sa buong daigdig at gumagawa araw-araw ng 400 tonelada ng mas masustansiyang pinulbos na gatas para sa industriya ng pagkain sa buong daigdig.
Likido na Naging Pulbos
Sa bawat araw, isang plota ng mga trak na may makikintab na bakal na trailer tank ang nagdadala ng sariwang gatas mula sa mga gatasan ng New Zealand tungo sa pagawaan, kung saan ang gatas ay pinananatiling sariwa sa may insulasyong mga imbakan. Mula rito, ang gatas ay nagtutungo sa mga standardization separator, kung saan pinaghihiwalay ang gatas na inalisan ng taba at krema at pagkatapos ay muling pinaghahalo sa tiyak na dami upang magkaroon ng tamang pamantayan, o lapot ang produkto. Mula sa mga separator ay nagtutungo ito sa pan samantalang imbakan bago ito gawing pinulbos na gatas.
Kasunod ng pastyurisasyon, ang gatas ay pinakukuluan sa loob ng vacuum. Bakit sa loob ng vacuum? Tinitiyak nito na ang gatas ay kumukulo sa temperatura na mas mababa sa normal, anupat nababawasan ang pinsalang gawa ng init. Kapag natapos na ang yugtong ito ng pagsingaw, ang solidong lapot ng gatas ay halos 48 porsiyento. Ang malapot na produkto ay handa na ngayon sa huling proseso—ang pagpapatuyo.
Ang proseso ng pagpapatuyo ay nagsisimula sa malapot na gatas na pinararaan sa tubo sa ibabaw ng isang mataas na hindi kinakalawang na bakal na dryer (tagatuyo), kung saan ito ay iniisprey sa mainit na hangin sa loob ng dryer. Ang nilalamang tubig ng gatas ay bumababa na ngayon sa 6 na porsiyento, at ito’y nagiging pulbos. Isa pang yugto ang nagbabawas ng tubig hanggang sa 3 porsiyento, pagkatapos ang pinulbos na gatas ay dahan-dahang pinalalamig bilang paghahanda sa pag-eempake at paghahatid. Ang buong proseso ay maingat na ginagawa anupat kaunti lamang ang nawawalang sustansiya at sarap ng gatas.
Maaaring nakatira ka sa isang lugar kung saan madaling makakuha ng sariwang gatas. Subalit maraming tao ang nakatira sa malalayong lugar kung saan mahirap makabili ng sariwang gatas at ito ay mataas ang halaga. Dahil sa kamangha-manghang pinulbos na gatas, lutas na ang kanilang mga problema. Inihahalo lamang nila ang ilang kutsarang pinulbos na gatas sa tubig, at ang bagong gatas, bagaman hindi kasinsarap ng sariwang gatas, ay masustansiya rin.
[Kahon/Larawan sa pahina 14]
Ano ba ang Pastyurisasyon at Homogenization?
Isinunod sa pangalan ng siyentipikong Pranses na si Louis Pasteur, ang pastyurisasyon ay ang pag-iinit ng gatas sa isang itinakdang panahon at pagkatapos ay ang mabilis na pagpapalamig nito. Pinapatay ng prosesong ito ang nakapipinsalang baktirya at sa gayo’y hindi madaling masira ang gatas. Gayunman, hindi napapatay ang lahat ng baktirya, kaya nasisira pa rin ang mga produktong galing sa gatas. Kapag wastong nailagay sa palamigan, ang mataas-na-uri ng pastyurisadong gatas ay tumatagal ng mga 14 na araw.
Binabago naman ng homogenization ang taba o krema sa gatas anupat ang mga ito’y hindi lumulutang sa ibabaw ng gatas at nagiging isang suson ng krema. Pinaliliit ng mga homogenizer ang mga taba sa sapat na laki upang manatiling buo, anupat nagbibigay sa gatas ng masarap at tamang lapot.
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng U.S. National Library of Medicine
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang mataas na dryer na ito ay makatutuyo ng mahigit sa siyam na toneladang pinulbos na gatas sa isang oras