Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Haharapin ang Kawalang-Katarungan?
“Ang mga may salapi lamang ang iginagalang, pero kami na wala man lamang makain o matulugan ay pinakikitunguhan na gaya ng mga hayop. Kung may inaasahan man ako sa hinaharap, ito ay ang mamatay nang walang nakapapansin.”—Arnulfo, isang 15-taóng-gulang na batang walang tahanan.
PALASAK na ang kawalang-katarungan sa daigdig. Isang ulat mula sa United Nations Children’s Fund (UNICEF) ang nagsabi: “Sa nakalipas na dekada, mahigit na 2 milyong bata ang napatay sa mga digmaan, samantalang mahigit na 4 na milyon ang nakaligtas sa pagkapinsala ng katawan, at mahigit na 1 milyon ang naulila o napawalay sa kani-kanilang mga pamilya dahil sa digmaan.” Ang gutom at kahirapan, na nagpapahirap din sa malaking bilang ng populasyon sa daigdig, ay karaniwan nang umiiral na kasabay ng karangyaan at kasaganaan. Sa papaunlad na mga lupain, maraming kabataang katulad ni Arnulfo ang pinagkakaitan ng pagkakataon na makapag-aral.
Ang kawalang-katarungan ay lalo nang napakasakit kung ito’y kagagawan ng mga taong dapat sana’y nagmamahal at nagsasanggalang sa iyo. Isaalang-alang ang isang 17-taóng-gulang na batang babae na nagngangalang Susana. Siya at ang kaniyang dalawang nakababatang kapatid na lalaki ay inabandona ng kanilang ina. “Taon na ang lumipas,” may kapaitang sabi ni Susana, “pero hindi man lamang ako naalok ng aking ina na pumisan na sa kaniya, kahit nakatira lang kami sa iisang bayan. Hindi man lamang niya nasabi sa akin na ‘Mahal kita,’ at ito ang laging ikinagagalit ko kahit hanggang ngayon.” Kung ikaw ang biktima ng gayong pagmamaltrato, mahihirapan kang pigilin ang iyong galit. Isang biktima ng pagmomolestiya noong bata pa siya ang nagsabi: “Ito ang nagpasamâ ng loob ko sa Diyos.”
Likas lamang na masaktan at magalit kapag minaltrato ka. Sabi ng Bibliya: “Dahil sa paniniil ay napakikilos na parang baliw ang marunong.” (Eclesiastes 7:7) Ang mabuhay araw-araw nang walang-katarungan ay nakapanlulumo. (Ihambing ang Awit 43:2.) Pinananabikan mo kung gayon na magwakas na sana ang kawalang-katarungan. Naalaala ng isang dalagita mula sa Sentral Amerika: “Sa edad na 13, sumali ako sa kilusan ng mga estudyante. May pangarap ako na makatulong sa pagbabago, upang hindi na magutom pa ang mga bata. . . . Pagkatapos ay sumali ako sa armadong pakikipagbaka.” Gayunman, sa halip na matagpuan ang katarungan, nakaranas siya ng malulupit na pang-aabuso sa kamay ng kaniyang mga kapuwa sundalo.
Ipinaalaala sa atin ng gayong mga kalagayan na karamihan sa tao ay walang kapangyarihan na pasulungin ang kanilang kalagayan. Kung gayon, paano mahaharap ito ng mga biktima ng kawalang-katarungan?a Paano mo makakayanan ang pait at galit na maaari mong madama?
Pag-aalis ng Pait at Galit
Sa pana-panahon, baka kailangang paalalahanan mo ang iyong sarili na tayo ay nabubuhay sa “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay. Inihula ng Bibliya na ang mga tao ngayon ay magiging “mapang-abuso, . . . hindi mapagmahal, di-mapagpatawad, mapanirang-puri, walang pagpipigil-sa-sarili, mabangis, hindi maibigin sa mabuti, mga lilo.” (2 Timoteo 3:1-4, New International Version) Marami ang “nawalan ng lahat ng pakiramdam sa kabutihang-asal.” (Efeso 4:19) Kung gayon, ang kawalang-katarungan ay isang di-maiiwasang katotohanan sa buhay. Kaya “kung makakita ka ng anumang paniniil sa dukha at ng marahas na pag-aalis ng kahatulan at ng katuwiran sa isang nasasakupang distrito, huwag mong ikamangha ang pangyayari.”—Eclesiastes 5:8.
May mabuting dahilan ang Bibliya sa pagbababala na huwag mong pahintulutang pinsalain ka ng kapaitan. Halimbawa, sinabi nito: “Ang lahat ng mapaminsalang kapaitan at galit at poot . . . ay alisin mula sa inyo.” (Efeso 4:31) Bakit? Sapagkat sa kalaunan, ang pananatiling galít ay nakasasama at nakapipinsala sa sarili. (Ihambing ang Kawikaan 14:30; Efeso 4:26, 27.) Lalung-lalo na nga kung masumpungan mo ang iyong sarili na “nagngangalit laban kay Jehova.” (Kawikaan 19:3) Ang pagkagalit sa Diyos ay naglalagay sa iyo sa alanganin sa mismong Isa na higit na makatutulong sa iyo. Sinasabi ng Bibliya na “ang mga mata” ni Jehova “ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.”—2 Cronica 16:9.
Sinabi rin ng Bibliya patungkol kay Jehova: “Ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.” (Deuteronomio 32:4) Umiral ang kawalang-katarungan dahil sa paghihimagsik nina Adan at Eva. (Eclesiastes 7:29) Ang tao—hindi Diyos—ang “nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Tandaan din na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Si Satanas, at hindi si Jehova, ang nasa likod ng mga kawalang-katarungan sa daigdig.
Ang Wakas ng Kawalang-Katarungan
Mabuti na lamang, ang kawalang-katarungan ay hindi magpapatuloy magpakailanman. Ang pagsasaisip dito ay makatutulong sa iyo na makayanan ito. Tingnan ang karanasan ng taong nagngangalang Asap, na nabuhay noong panahon ng Bibliya. Nagaganap ang kawalang-katarungan sa palibot niya, kahit na nabubuhay siya kasama ng mga taong nag-aangking naglilingkod kay Jehova. Sa halip na maparusahan dahil sa kanilang pagmamaltrato sa iba, ang malulupit na tao ay para bang namumuhay nang walang suliranin at masagana! Inamin ni Asap: “Ako ay nainggit . . . kapag nakikita ko ang kapayapaan ng mga taong balakyot.” Pansamantalang naiwala ni Asap ang kaniyang pagiging timbang dahil sa pagpapahintulot niya sa kaniyang sarili na maging abala sa gayong mga bagay.—Awit 73:1-12.
Sa kalaunan, nagising si Asap sa katotohanan. Tungkol sa balakyot, sinabi niya: “Tunay na inilalagay mo sila [ng Diyos] sa madulas na dako. Inilugmok mo sila sa pagkawasak.” (Awit 73:16-19) Oo, natanto ni Asap na sa kalaunan, hindi talaga makatatakas sa kaparusahan ang mga taong gumagawa ng kabalakyutan. Kadalasan, inaabutan sila ng kanilang masamang gawain, at sila’y nakararanas na makulong, maghirap sa pinansiyal, mawalan ng trabaho, o matanggal sa kapangyarihan. Kahuli-hulihan, ang balakyot ay ‘ilulugmok sa pagkawasak’ kapag ipinataw na ng Diyos ang paghatol sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay.—Awit 10:15, 17, 18; 37:9-11.
Ang pagkaalam na itutuwid ng Diyos ang mga bagay sa malapit na hinaharap ay makatutulong sa iyo na kontrolin ang iyong galit at pagkasiphayo. “Huwag gumanti ng masama para sa masama sa kaninuman,” payo ng Bibliya. “Maglaan ng maiinam na bagay sa paningin ng lahat ng tao. Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga iniibig, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’”—Roma 12:17-19; ihambing ang 1 Pedro 2:23.
Paghingi ng Tulong at Suporta
Gayunman, maaaring nagtataglay ka ng malalalim na pilat sa emosyon, tulad ng masasakit na alaala. Ayon sa isang ulat ng UNICEF, “ang mga bata na patuloy na nahahantad sa karahasan ay malamang na nakararanas ng malaking pagbabago sa kanilang mga paniniwala at saloobin, kabilang na ang pangkalahatang kawalan ng tiwala sa iba. Totoong-totoo ito sa mga bata na inatake o inabuso ng mga taong dating itinuturing na mga kapitbahay o mga kaibigan.”
Walang madaling solusyon sa ganitong mga suliranin. Ngunit kung nangingibabaw sa iyong isip ang negatibong mga damdamin o masasakit na alaala, malamang na kailangan mo na ng tulong. (Ihambing ang Awit 119:133.) Una, maaaring basahin mo ang mga materyal na pantanging tumutukoy sa mga suliraning nararanasan mo. Halimbawa, ang magasing Gumising! ay nakapaglathala na ng maraming artikulo na nagbibigay ng praktikal na payo sa mga biktima ng panghahalay, panloloob, at pang-aabuso sa bata. Ang pagsasabi sa isang maygulang at mahusay na tagapakinig hinggil sa iyong mga kabalisahan at mga nararamdaman ay makatutulong nang malaki. (Kawikaan 12:25) Marahil ay makapagtatapat ka sa iyong mga magulang.
Ngunit paano kung walang suporta ang mga magulang? Kung gayon ay humingi ng tulong mula sa Kristiyanong kongregasyon. Sa mga Saksi ni Jehova, ang matatanda sa kongregasyon ay nagsisilbing kanlungan para sa mga nagdurusa. (Isaias 32:1, 2) Hindi lamang sila makikinig sa iyo kundi maaaring may ilang praktikal na payo pa silang maibibigay sa iyo. Huwag mo ring kalilimutan na ang ibang maygulang na mga Kristiyano ay maaaring magsilbing “mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina” sa iyo. (Marcos 10:29, 30) Natatandaan mo ba si Susana, na inabandona ng kaniyang ina? Siya at ang kaniyang mga kapatid ay nakakuha ng suporta mula sa kongregasyong Kristiyano. Gayon na lamang ang interes na ipinakita ng isang Kristiyanong ministro sa pamilya ni Susana anupat tinatawag niya itong ama-amahan. Ang gayong suporta, ani Susana, “ay tumulong sa akin na maging maygulang at maging matatag sa katotohanan.”
Sinasabi ng mga eksperto na ang pagpapanatili ng pang-araw-araw na rutin ng makabuluhang mga gawain ay makatutulong din. Ang pagpasok lamang sa paaralan at paggawa ng mga gawaing bahay ay malaki ang magagawa upang maalis sa iyong isip ang mga negatibong álalahanín. Gayunman, higit kang makikinabang mula sa pagsunod sa isang rutin ng mga espirituwal na mga gawain—pagdalo sa mga pagpupulong Kristiyano at pangangaral ng mabuting balita.—Ihambing ang Filipos 3:16.
Ang kawalang-katarungan ay hindi maglalaho sa lupa hanggang sa dumating ang Kaharian ng Diyos at isagawa nito ang layunin ng Diyos sa buong lupa. (Daniel 2:44; Mateo 6:9,10) Pansamantala, gawin mo ang makakaya mo upang maharap ito. Patibayin ang iyong sarili sa mga pangako na bilang Tagapamahala ng Kaharian ng Diyos, “ililigtas [ni Jesu-Kristo] ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya.”—Awit 72:12,13.
[Talababa]
a Bagaman ang artikulong ito ay nagtutuon ng pansin sa kawalang-katarungan na maaaring dinaranas ng mga kabataan sa mahihirap na lupain, ang mga simulain na tinatalakay rito ay kapit sa anumang anyo ng kawalang-katarungan na maaaring nararanasan ng isa.
[Blurb sa pahina 11]
“Ito ang nagpasamâ ng loob ko sa Diyos”
[Larawan sa pahina 12]
Ang suporta ng mga kapuwa Kristiyano ay makatutulong sa iyo na harapin ang kawalang-katarungan