Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 10/8 p. 18-19
  • Kung Paano Pipili ng Mapapangasawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Pipili ng Mapapangasawa
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Huwag Tumingin sa Pisikal
  • ‘Mag-asawa Tangi Lamang sa Panginoon’
  • Ipinagkasundong Pag-aasawa
  • Patnubay ng Diyos sa Pagpili ng Mapapangasawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Pag-aasawa—Kaloob ng Isang Maibiging Ama
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Pag-aasawa—Isang Regalo Galing sa Diyos
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Makapagtatagumpay ang Pag-aasawa sa Daigdig sa Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 10/8 p. 18-19

Ang Pangmalas Ng Bibliya

Kung Paano Pipili ng Mapapangasawa

ISANG DALAGA ANG TINANONG, “NAPAG-ISIPAN MO NA BANG MAG-ASAWA?” “NAPAG-ISIPAN?” MABILIS NIYANG SAGOT. “NABABAHALA AKO.”

ANG maikli at tuwirang sagot na ito ng dalaga ay nagdiriin sa paghahangad ng ilang tao sa pag-ibig at pagkakaroon ng makakasama sa buhay. Ipinalalagay ng marami na ang paghahanap ng mapapangasawa ay isa sa pinakamahalagang bagay sa buhay. Kaya naman, sa buong daigdig, nagsulputan ang mga pagseserbisyo na sinadya upang tulungan ang mga tao na makakita ng mapapangasawa. Gayunman, sa maraming bahagi ng daigdig, mas marami ang nabibigo sa pag-aasawa kaysa sa mga nagtatagumpay rito.

Karaniwan na sa Kanluraning lupain na sila mismo ang pumipili sa kanilang mapapangasawa. Sa ilang bahagi naman ng Asia at Aprika, kaugalian pa rin ang ipinagkasundong pag-aasawa. Alinman sa dalawa, ang bagay na ito’y hindi dapat ipagwalang-bahala. Ang ilang desisyong ginagawa ng isang tao sa kaniyang buhay ay may malaking posibilidad na magdulot ng kaligayahan o kaya’y kalungkutan. Ang isang pag-aasawang lipos ng pag-ibig ay lubhang nakabubuti at nakasisiya. Sa kabaligtaran, ang isang samahang batbat ng pagtatalo ay patuloy na pinagmumulan ng kirot at igting.​—Kawikaan 21:19; 26:21.

Gaya ng iba, nais ng tunay na mga Kristiyano na ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa ay magdulot ng kagalakan at pagkakontento. Ngunit hangad din naman nila na paluguran ang Diyos at parangalan siya. (Colosas 3:23) Bilang Maylalang at Tagapagpasimula ng pag-aasawa, alam na alam ng Diyos kung ano ang talagang kailangan natin at kung ano ang pinakamabuti para sa atin. (Genesis 2:22-24; Isaias 48:17-19) Bukod diyan, nasaksihan na niya ang milyun-milyong pag-aasawa, mabuti at masama, sa loob ng mga milenyo na pag-iral ng tao. Alam niya kung ano ang magtatagumpay at kung ano ang hindi. (Awit 32:8) Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, nagtatakda siya ng maliwanag at partikular na mga simulaing makatutulong sa sinumang Kristiyano na makagawa ng isang may-kabatirang pagpili. Ano ang ilan sa mga simulaing ito?

Huwag Tumingin sa Pisikal

Sa mga lugar na may kalayaang pumili ang mga indibiduwal ng mapapangasawa, baka sa di-inaasahan ay makakilala sila ng potensiyal na makakasama o baka ipakilala ito ng mga kaibigan o kapamilya. Kadalasan, nagsisimula ang pagkakagustuhan dahil sa pagkaakit sa pisikal. Bagaman tiyak na ito’y isang likas at malakas na pangganyak, pinasisigla tayo ng Bibliya na huwag sa hitsura lamang tumingin kapag nagbabalak nang mag-asawa.

“Ang halina ay maaaring magbulaan, at ang kariktan ay maaaring walang-kabuluhan; ngunit ang babaing may takot kay Jehova ang siyang nagkakamit ng papuri para sa kaniyang sarili,” sabi ng Kawikaan 31:30. Binanggit ni apostol Pedro ang tungkol sa “walang-kasiraang kasuutan ng tahimik at mahinahong espiritu, na may napakalaking halaga sa mga mata ng Diyos.” (1 Pedro 3:4) Oo, ang espirituwal na mga katangian ng isang mapapangasawa​—ang debosyon ng taong iyan sa Diyos at pag-ibig sa Diyos gayundin ang kaniyang Kristiyanong personalidad​—ay makapupong higit na mahalaga kaysa sa pisikal na kagandahan. Napakahalagang huwag magmadali sa paggawa ng tapat na pagpili, anupat ang pinipili ay yaong may katulad na mga tunguhin sa espirituwal at yaong nagsisikap na maipamalas ang mga bunga ng espiritu ng Diyos. Malaki ang maitutulong nito sa pagkakaroon ng isang maligayang pagsasama bilang mag-asawa.​—Kawikaan 19:2; Galacia 5:22, 23.

‘Mag-asawa Tangi Lamang sa Panginoon’

Napakahalaga na ang iyong mga tunguhin at paniniwala ay katulad ng sa kaniya na ibig mong pakasalan. Ang pag-aasawa ay talagang isang hamon, na nangangailangan ng maraming pakikibagay sa paggawi at saloobin ng magkabilang panig. Makatuwiran lamang, habang dumarami ang pagkakatulad mo sa iyong mapapangasawa, mas magiging madali ang mga pakikibagay na iyon.

Tumutulong ito sa atin na maunawaan kung bakit pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na iwasang “makipamatok nang kabilan sa mga di-mananampalataya.” (2 Corinto 6:14) Batid ni Pablo na ang pakikipag-asawa sa isang di-kapananampalataya at may ibang pagkaunawa sa mga simulain ng Bibliya ay lilikha ng hidwaan at di-pagkakaunawaan. Makatuwiran ang payo na ‘mag-asawa tangi lamang sa Panginoon.’ (1 Corinto 7:39) Ipinaaaninag nito ang pag-iisip ng Diyos. Yaong may-katalinuhang sumusunod dito ay nakaiiwas sa maraming malulubhang kaguluhan at problema.​—Kawikaan 2:1, 9.

Ipinagkasundong Pag-aasawa

Kumusta naman ang mga lugar na kaugalian pa rin ang ipinagkasundong pag-aasawa? Halimbawa, sa timugang India, tinataya ng ilan na 80 porsiyento ng lahat ng pag-aasawa ay ipinagkasundo ng mga magulang. Isa na itong personal na desisyon kung sundin man o hindi ng mga Kristiyanong magulang ang tradisyong ito. Sa paanuman, ang gayong ipinagkasundong pag-aasawa ay magtatagumpay kapag nangibabaw ang espirituwal na mga simulain.

Nadarama niyaong sumasang-ayon sa mga ipinagkasundong pag-aasawa na inilalagay nito ang pagpapasiya sa mga kamay ng makaranasan at maygulang na mga tao. “Ipinalalagay ng ilang magulang na dahil sa edad ng kanilang mga anak at kakulangan ng karanasan, hindi nila ito maaasahan na makahahatol nang tama hinggil sa espirituwal na pagkamaygulang ng mapapangasawa,” sabi ng isang Kristiyanong elder sa Aprika. “Wala pang karanasan sa buhay ang mga kabataan at baka pagpasiyahan ang mga bagay-bagay ayon sa emosyon,” dagdag pa ng isang naglalakbay na ministro na taga-India. Yamang mas kilala ng mga magulang ang pagkatao ng kanilang mga anak kaysa kaninuman, nadarama nilang sila ang nasa pantanging kalagayan na makapili nang may katalinuhan para sa kanilang mga anak. Magiging matalino rin sila kung isasaalang-alang ang mga pananaw ng kabataang lalaki at babae.

Gayunman, kapag ipinagwalang-bahala ng mga magulang ang mga simulain ng Bibliya, baka sila pa ang masisi kapag nagkaroon ng problema ang mag-asawa sa bandang huli. Palibhasa’y halos walang pagkakataong magkakilala munang mabuti ang magiging mag-asawa, baka magkaroon ng mga problema. At kapag nagkagayon nga, paliwanag ng isang Kristiyanong ama sa India, “ang tendensiya ay ang ibunton ang sisi sa mga magulang.”

Para sa mga Kristiyanong magulang na ipinagkakasundo ang pag-aasawa, dapat ding isaalang-alang ang motibo. Kapag nangibabaw sa pagpili ng mapapangasawa ang materyalistikong mga tunguhin o pagnanasang maging tanyag, bumabangon ang mga problema. (1 Timoteo 6:9) Samakatuwid, dapat magtanong sa sarili yaong mga nagsasagawa ng ipinagkasundong pag-aasawa, ‘Tinitiyak ba ng pagpiling ito ang kaligayahan at espirituwal na kalusugan ng magkabilang panig? O, ito’y upang maiangat lamang ang kalagayan o kayamanan ng pamilya o upang makapagtamo lamang ng ilang pinansiyal na kapakinabangan?’​—Kawikaan 20:21.

Maliwanag at kapaki-pakinabang ang payo ng Bibliya. Kapag nagsasaalang-alang ng isang mapapangasawa, dapat na ang maging pangunahing isaisip ay ang kagalingan at espirituwalidad ng magiging kabiyak, anuman ang ginawang pagpili. Kapag ito ang ginawa, napararangalan ang Diyos na Jehova, ang Awtor ng kaayusan ng pag-aasawa, at yaong mga mag-aasawa ay makapagpapasimula sa isang matatag na espirituwal na pundasyon. (Mateo 7:24, 25) Malaki ang maitutulong nito sa isang maligaya at mabuting pagsasama.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share