Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 10/8 p. 20-23
  • Ingatan ang Iyong Anak Mula sa mga Aksidente

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ingatan ang Iyong Anak Mula sa mga Aksidente
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sa Loob
  • Sa Labas
  • Sa Trapiko
  • Paano Mapoprotektahan ang Inyong mga Anak?
    Gumising!—2007
  • Tulungan ang Iyong Anak na Makayanan ang Pamimighati
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Ang Day Care—Pagpili ng Pinakamainam Para sa Inyong Anak!
    Gumising!—1987
  • Sanayin ang Inyong Anak na Pagyamanin ang Maka-Diyos na Debosyon
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 10/8 p. 20-23

Ingatan ang Iyong Anak Mula sa mga Aksidente

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA SWEDEN

SI Hanna, halos tatlong taon, ay kasama ng kaniyang mga magulang, sina Karl-Erik at Birgitta, habang nililinis nila ang tahanan ng isang namatay na kapitbahay. Maya-maya, lumabas si Hanna sa kuwarto na may hawak na botelya ng pildoras. Nalunok niya ang ilan sa mga ito. Nang tingnan ang botelya, nasindak si Birgitta. Iyon ang botelya ng gamot sa puso ng kapitbahay.

Dali-dali, isinugod si Hanna sa ospital, kung saan magdamag na nanatili siya sa intensive care. Sa kabila ng dosis ng gamot na dapat sana’y permanenteng nakapinsala sa kaniyang kalusugan, hindi siya naapektuhan ng masama sanang ibinunga nito. Bakit? Sapagkat nakakain muna siya ng kaunting nilutong cereal bago niya nalunok ang mga pildoras. Nasipsip ng cereal ang ilang lason, na nailabas nang siya’y sumuka.

Ang nangyari kay Hanna ay hindi pambihira. Araw-araw, libu-libong bata sa buong daigdig ang naaaksidente na nangangailangang itawag ng doktor o dalhin sa ospital. Taun-taon, 1 sa bawat 8 bata sa Sweden ang ipinagagamot matapos maaksidente. Kaya nga, kung ikaw ay isang magulang, malaki ang tsansa na gayundin ang mangyari sa iyong anak.

Hindi kataka-taka na ang mga bata ay madalas na napipinsala sa isang pamilyar na kapaligiran, gaya ng tahanan at sa palibot nito. Ang uri ng pinsala na natatamo nila ay nababago habang sila’y nagkakaedad. Ang isang sanggol ay madaling mahulog sa mesang pinagpapalitan ng lampin, o mahirinan ng isang piraso ng pagkain o isang maliit na bagay na bumara sa kaniyang lalamunan. Ang maliliit na bata ay madalas na nahuhulog kapag sila’y umaakyat o kaya’y napapaso o nalalason kapag humipo sila o tumikim ng mga bagay-bagay na naaabot nila. Ang mga batang nag-aaral na ay madalas na napipinsala sa mga aksidente sa sasakyan o kapag naglalaro sa labas.

Marami sa mga aksidenteng ito ang maiiwasan. Taglay ang bahagyang katalasan ng isip at pagkakilala sa antas ng pagsulong ng iyong anak, makatutulong kang maiwasan ang pinsala o nakamamatay pa ngang mga aksidente. Ito’y napatunayan na ng isang organisadong programa sa kaligtasan ng bata na naisagawa na sa Sweden mula pa noong 1954. Bago noon, mahigit sa 450 bata ang namamatay sa aksidente taun-taon. Sa ngayon, ang taunang tala ng namamatay ay bumaba hanggang sa mga 70.

Sa Loob

“Hindi mo puwedeng turuan ang batang isang taon, dalawang taon, o tatlong taon na umiwas sa mga panganib at pagkatapos ay umasang matatandaan na nila iyon,” sabi ng sikologo sa mga bata na si Kerstin Bäckström. Kaya nga, ang pananagutan ng pagtulong sa iyong anak na umiwas sa mga aksidente ay nasa iyong balikat bilang magulang​—o sa ibang adulto na nakakasama ng bata paminsan-minsan.

Bilang pasimula, tingnan ang palibot ng iyong bahay. Gamitin ang talaan sa katabing kahon. Baka hindi mabibili ang ilang kasangkapang pangkaligtasan sa lahat ng bansa o hindi mabibili sa katamtamang halaga. Pero sa kaunting talino at imahinasyon, malamang na makaisip ka ng mga solusyon na mapapakinabangan mo sa iyong partikular na kalagayan.

Halimbawa, kung ang mga hawakan ng mga drower sa iyong kusina ay pabilog, maikakandado mo ang mga ito kung papasukan mo ng patpat ang mga hawakan. Gayundin ang maaari mong gawin sa pinto ng oven para makandaduhan. Hindi magiging gaanong mapanganib ang mga supot na plastik kung ibubuhol mo muna ang mga ito bago itago.

Marahil ay makaiisip ka pa ng ibang simpleng paraan upang maiwasan ang mga aksidente sa loob at palibot ng tahanan at maibabahagi ito sa mga kaibigan at kakilala na may maliliit na anak.

Sa Labas

Tingnan ang lugar na pinaglalaruan ng iyong anak. Karamihan sa mga aksidente sa mga batang mahigit sa apat na taon ay nagaganap kapag naglalaro sila sa labas. Nahuhulog sila at nasasaktan o marahil ay nahuhulog sa kanilang bisikleta. Ang pinakamadalas na aksidente sa labas na nagbubuwis ng buhay ng mga bata sa pagitan ng tatlo at pitong taon ay ang mga aksidente sa sasakyan at pagkalunod.

Kapag iniinspeksiyon mo ang mga palaruan, tingnan kung ang mga kagamitan ay maayos pa upang hindi masaktan ang bata kapag ginamit iyon. Ang mga kahuhulugan ba mula sa mga duyan, mga rehas na inaakyatan, at mga kagamitang gaya nito ay malambot, gaya ng buhaghag na lupa, upang sa gayon ay hindi masaktan ang bata sakaling mahulog?

May mga lawa-lawaan ba o mga batis na malapit sa inyong tahanan? Ilang centimetro lamang ng tubig ay sapat na upang malunod ang isa- o dalawang-taóng-gulang na bata. “Kapag ang isang paslit ay nahulog nang pasubsob sa isang lawa-lawaan, hindi na nila alam kung alin ang pataas o pababa,” sabi ng isang sikologo sa mga bata na si Bäckström. “Basta hindi na lamang muling makatatayo ang bata.”

Samakatuwid, ang pinakapangunahing tuntunin ay ito: Huwag kailanman papayagan ang isang batang nasa pagitan ng isa at tatlong taon na maglaro sa labas nang walang kasamang matanda. Kung may natitipong tubig sa komunidad, maghintay hanggang ang bata ay magkaedad-edad na bago siya payagang maglaro sa labas nang walang kasama.

Sa Trapiko

Totoo rin ito kapag may dumaraang mga sasakyan sa palibot ng inyong tahanan. “Ang naiintindihan lamang ng isang batang hindi pa nag-aaral ay yaong maliliwanag na signal at isa-isa lamang,” sabi ni Bäckström. “Pero ang trapiko ay batbat ng mahihirap-unawaing senyas at malalabong mensahe.” Huwag papayagan ang iyong anak na tumawid mag-isa kapag hindi pa siya nag-aaral. Ang mga bata ay hindi maituturing na puwede nang magpatawid-tawid sa abalang trapiko hangga’t hindi pa sumasapit nang di-kukulangin sa 12 taon, ayon sa mga eksperto.

Turuan ang iyong anak na gumamit ng safety helmet kapag namimisikleta, sakay ng anumang uri ng hayop, nag-iiskeyting, o sakay ng isang toboggan. Ang pinsala sa ulo ay napakahirap gamutin at posibleng magdulot ng permanenteng pinsala​—o nakamamatay pa nga! Sa isang klinika sa mga bata, 60 porsiyento ng mga ginamot matapos maaksidente sa bisikleta ang nagkaroon ng pinsala sa ulo at mukha, ngunit yaong mga gumamit ng helmet ay hindi gaanong nagkaroon ng pinsala sa ulo.

Gayundin, tiyaking ligtas ang iyong anak kapag nagbibiyahe sa sasakyan. Maraming bansa ang may mga batas na dapat na naka-buckle-up ang maliliit na bata sa isang pantanging upuan na dinisenyo para sa kaligtasan ng mga ito. Ito ay lubhang nagpababa sa dami ng mga pinsala at pagkasawi ng mga batang nasasangkot sa mga aksidente sa sasakyan. Kung may mabibiling mga upuang pangkaligtasan sa inyong lugar, ang paggamit nito’y makapagliligtas ng buhay. Subalit tiyaking ito’y isang aprobadong modelo. Pansinin na ang mga upuan para sa mga sanggol ay iba kaysa doon sa mga batang nasa mga tatlong taon na.

Ang ating mga anak ay mahahalagang kaloob mula kay Jehova, at nais natin silang alagaan sa anumang paraan. (Awit 127:3, 4) Bilang mabubuting magulang, laging pinag-iingatan nina Karl-Erik at Birgitta ang kanilang mga anak​—bago at pagkatapos ng nangyari kay Hanna. “Pero siyempre pa, lalo kaming naging maingat pagkatapos ng nangyari,” inamin ni Karl-Erik. “May mga apo na kami ngayon, at palagi naming tinitiyak na nakasusi ang aming mga gamot,” pagtatapos ni Birgitta.

[Kahon sa pahina 22]

Kaligtasan sa Inyong Tahanan

• Mga gamot: Ilagay ang mga ito sa isang nakasusing kabinet na hindi maaabot ng bata. Ganito rin ang gawin sa mga di-inireresetang gamot o mga bitamina. Gayundin, hilingin sa mga panauhing matutulog sa inyo na itago ang kanilang mga gamot.

• Mga kemikal na gamit sa bahay: Itago ang mga ito sa may susiang kabinet na hindi abot ng bata. Panatilihing nasa orihinal na lalagyan ang mga ito upang maliwanag na makita ito. Bantayang mabuti ang mga produktong ito habang ginagamit, at laging itago ang mga ito, kahit na saglit lamang kayong lalabas. Huwag kailanman magtitira ng sabong panlinis sa inyong pinaghuhugasan ng pinggan.

• Kalan: Palaging iharap ang mga tatangnan ng kawali papaloob sa kalan. Kabitan ng proteksiyon ang kaserola, kung mayroon. Kalangan ang kalan para hindi matumba sakaling umakyat ang bata sa nakabukas na pinto ng oven. Dapat na may susian ang pinto mismo ng oven. Mapapaso ba ang bata sakaling hawakan nito ang pinto ng oven? Kung gayon, kabitan ito ng proteksiyon o parilya upang hindi niya mahawakan ang mainit na pinto.

• Mapanganib na mga gamit sa bahay: Ang mga kutsilyo, gunting, at mapanganib na mga kasangkapan ay dapat itago sa mga kabinet o drower na may susian o trangka o itago sa lugar na di-maaabot ng bata. Kapag ginagamit mo ang mga kagamitang ito at pansamantalang bibitiwan muna, ilayo ito sa gilid ng mesa o patungan, na hindi maaabot ng bata. Ang mga posporo at supot na plastik ay mapanganib din para sa maliliit na bata.

• Hagdan: Halangan, ng di-kukulangin sa taas na 70-5 centimetro, ang magkabilang dulo ng hagdan.

• Mga bintana at mga pinto sa balkonahe: Kabitan ang mga ito ng pamproteksiyon sa bata na matataas na trangka o kadena o iba pang gamit na pangkaligtasan na hahadlang sa bata na mabuksan ang mga ito o sumiksik sa mga ito kapag nakabukas para pasingawin ang kuwarto.

• Mga iskaparate ng aklat: Kung ang bata ay mahilig umakyat at bumitin sa mga bagay-bagay, ikabit sa dingding ang mga iskaparate at iba pang matataas na kasangkapan, upang hindi matumba ang mga ito.

• Mga saksakan at kurdon ng kuryente: Ang mga saksakang hindi ginagamit ay dapat lagyan ng anumang uri ng panakip. Ang mga kurdon ng ilawan sa mesa at anumang gaya nito ay dapat idikit sa dingding o sa kasangkapan para hindi mahila ng bata ang ilawan at matamaan nito. Kung hindi, alisin na lamang ang ilawang iyon. Huwag na huwag iiwan ang plantsa sa plantsahan, at huwag hayaang nakalawit ang kurdon.

• Mainit na tubig: Kung mababago mo ang temperatura ng inyong mainit na tubig, dapat na ilagay mo ito sa mga 50 digri Celsius para hindi mapaso ang bata sakaling buksan niya ang gripo.

• Mga laruan: Itapon ang mga laruang matatalas. Itapon ang mga laruang natatanggal nang pira-piraso, dahil baka mahirinan ang bata kapag isinubo iyon. Ang mga mata at ilong sa mga teddy bear ng iyong anak ay dapat na matibay na nakakabit. Turuan ang nakatatandang kapatid na alisin ang kanilang maliliit na laruan kapag nasa sahig ang sanggol.

• Mga kendi at meryenda: Huwag mag-iwan ng kendi at meryenda, gaya ng mani o matitigas na kendi, sa lugar na maaabot ng bata. Baka bumara ito sa lalamunan ng bata.

[Credit Line]

Pinagkunan: The Office of the Children’s Ombudsman

[Kahon sa pahina 22]

Kapag May Aksidente

• Pagkalason: Kapag nakainom ang bata ng anumang nakalalasong likido, hugasang mabuti ang kaniyang bibig at painumin ito ng isa o dalawang baso ng tubig o gatas. Pagkatapos, tumawag sa doktor o sa isang sentro ng impormasyon hinggil sa pagkalason para humingi ng payo. Kapag nalagyan ng asido ang mata ng bata, banlawan agad ng maraming tubig sa loob ng di-kukulangin sa sampung minuto.

• Pagkapasò: Para sa bahagyang pagkapasò, lagyan ng malamig (huwag napakalamig) na tubig ang pasò sa loob ng di-kukulangin sa 20 minuto. Kung ang pasò ay mas malaki sa palad ng bata o nasa mukha, kasukasuan, o sa gawing ibaba ng tiyan o sa ari, dapat mong dalhin ang bata sa emergency room. Dapat ipagamot sa doktor ang mas malalalim na sugat.

• Pagkahirin: Kapag may bumara sa lalaugan ng bata, kailangang-kailangan na maalis agad ang bara. Ang isang mabisang paraan na maaari mong gawin ay ang tinatawag na Heimlich maneuver. Kung hindi ka pamilyar dito, makipag-alam sa inyong doktor para sa impormasyon hinggil sa pamamaraang ito, o dumalo sa isang kursong may kinalaman sa mga aksidente sa mga bata o pangunang lunas kung saan itinuturo ang pamamaraang ito.

[Credit Line]

Pinagkunan: The Swedish Red Cross

[Larawan sa pahina 23]

Pagsusuot ng pamproteksiyong helmet sa pamimisekleta

[Larawan sa pahina 23]

Ligtas na nasa upuan sa sasakyan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share