Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 10/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Tore ng Babel”
  • Mga Alagang Hayop​—Makabubuti sa Iyong Kalusugan?
  • Nauubos na Suplay ng Tubig
  • Pag-arte Bilang Pulubi
  • Pang-aabuso sa Bata sa Buong Daigdig
  • Ang Nakababagot na Gawain ay Di-nakapagpapalusog
  • Ang mga Utak ng Ibon at ang Pagtulog
  • Tiyak na Walang Kapakinabangan
  • Mga Bisikleta Para sa mga Hamster
  • Binabawasan ang Pananakit ng Likod Kapag Naglalakbay
  • Paglalabas ng Galit
  • Talaga Bang Magkakaisa ang Europa?
    Gumising!—2000
  • Kung Bakit Kailangan ng Iyong Katawan na Matulog
    Gumising!—1995
  • Kumusta Na ang Moral sa Ngayon?
    Gumising!—2000
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 10/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

“Tore ng Babel”

Labing-isa ang opisyal na wika ng European Union (EU), at 10 pa ang maaaring mapadagdag sa kalaunan, ang ulat ng pahayagan sa Paris na International Herald Tribune. Sa kasalukuyan, ang European Commission, ang tagapagpaganap na lupon ng EU, ay gumagamit ng apat na beses na mas maraming tagasalin at tagapagpaliwanag kaysa sa punong-tanggapan ng United Nations, na mayroon lamang limang opisyal na wika. Samantalang gumagawa ng mga pagsisikap upang pagkaisahin ang Europa at gawing simple ang operasyon ng EU, ang kabaligtaran ang nangyayari pagdating sa wika. Ipinaglalaban ng bawat miyembrong bansa ang sariling wika nito. “Isang Tore ng Babel sa hinaharap,” ang komento ng pahayagan. Napapaharap din sa komisyon ang suliranin ng “Eurospeak”​—isang wika na ginagamit sa kanilang grupo lamang at punung-puno ng mga pantanging salita at terminong mahirap unawain. Ayon sa isang tagasalin, isang hamon na mapagsalita nang maliwanag ang mga pulitiko kapag “ang kadalasang tunguhin ay mismong ang huwag maging maliwanag.”

Mga Alagang Hayop​—Makabubuti sa Iyong Kalusugan?

“Ang pag-ibig sa mga hayop ay maaaring makatulong upang makaiwas ang isa mula sa mga pagpapadoktor,” ang sabi ng The Toronto Star. Sa loob ng nakaraang dekada, iba’t ibang pag-aaral ang nagpakita na “ang alagang mga hayop ay nauugnay sa mas kaunting kaigtingan, mas madalang na mga pagpapatingin sa doktor at maging sa mas madaling pagbawi pagkatapos maatake sa puso. Maaaring matulungan ng isang hayop ang mga biktima ng stroke na maging malakas at ang mga pasyenteng may sakit sa isip na mabawasan ang pagkabalisa.” Si Dr. Alan Beck, ng Purdue University School of Veterinary Medicine sa Indiana, E.U.A., ay naniniwala na “ang mga hayop ay nakapagpapakalma sa mga tao. Ang mga ito ay laging binibigyan ng atensiyon at laging hinahaplos.” Maaaring gayon ang maging mga epekto kahit pa ang isang hayop ay hindi naman alaga ng pamilya, at ang bagay na ito ang nagbunsod sa “paggagamot na ginagamitan ng hayop.” Dahil dito, pinasigla ng ilang manggagawa sa pangkaisipang kalusugan ang mga pasyenteng maysakit sa isip na gumugol ng panahon kasama ang isang alagang hayop, na nagdulot ng positibong mga resulta.

Nauubos na Suplay ng Tubig

“Wala pa sa kalahati ng tubig na para sa isang tao 50 taon na ang nakalipas, ang tubig na puwedeng magamit ngayon ng isang tao,” ang binanggit ng The UNESCO Courier. At ang pandaigdig na suplay ay inaasahang patuloy na mauubos. Ang matinding pagkaubos na ito ay patunay ng lumalaking pangangailangan para sa sariwang tubig na dulot ng dumaraming populasyon, pangangailangan sa agrikultura, at industriyalisasyon. Ang mga siyentipiko na nagbabaha-bahagi sa daigdig ayon sa kakulangan ng suplay nito sa tubig ay nagpahayag na ang ilang lugar ay “nanganganib.” Ayon sa Courier, nangangahulugan ito na “malamang na hindi masapatan [ng mga suplay] ang isang populasyon kapag nangyari ang isang krisis tulad ng tagtuyot.” Dagdag pa nito: “Limampung taon lamang ang nakalilipas, walang isa mang bansa sa daigdig ang nanganganib na mawalan ng suplay ng tubig. Sa ngayon, mga 35 porsiyento ng populasyon ang nabubuhay sa ganitong mga kalagayan.”

Pag-arte Bilang Pulubi

Bagaman maraming pulubi ang totoong dukha, ipinakikita ng isang ulat sa The Week, isang magasing nililimbag sa India, na ang ilan sa kanila ay hindi gaya ng ating inaakala. Sa estado ng India na Maharashtra, isang pulubing nakasaklay ang lumapit sa isang kotse na nakahinto sa may ilaw-trapiko. Hindi pinansin ng nagmamaneho ng kotse ang pulubi kundi patuloy na nakipag-usap sa kaniyang nobya. Kaya naman nilakasan ng pulubi ang kaniyang panlilimos. Dahil dito, ibinaba ng nagmamaneho ang kaniyang bintana at itinulak ang pulubi, anupat natapon ang mga barya sa lalagyan ng pulubi. Bigla na lamang gumaling ang pulubi na “lumpo” at pinagbabasag ang salamin sa harap ng kotse gamit ang kaniyang saklay. “Isang grupo ng ‘bulag,’ ‘pilay’ at ‘lumpo’ na mga kaibigan na namamalimos sa tagiliran ng ibang mga sasakyan ang tumulong,” at naghagis ng mga bato, patpat, at mga saklay, at nang bandang huli, kanilang hinila ang kabataang lalaki palabas mula sa kaniyang kotse, ang sabi ng The Week. Eksaktong dumating ang mga pulis at biglang nagsitakas ang mga pulubi.

Pang-aabuso sa Bata sa Buong Daigdig

Tinataya ng World Health Organization (WHO), sa Geneva, Switzerland, na 40 milyong bata sa buong daigdig ang nagdurusa dahil sa pang-aabuso. Tulad ng iniulat sa The New York Times, ang mga pag-aaral na isinagawa sa 19 na bansa sa mga batang 14 na taong gulang ay nagpakita na 29 na porsiyento sa mga batang lalaki at 34 na porsiyento sa mga batang babae na pinag-aralan ay mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso. Sa Estados Unidos lamang, ang sabi ng WHO, mga dalawang milyong bata ang napipinsala ng pang-aabuso taun-taon.

Ang Nakababagot na Gawain ay Di-nakapagpapalusog

Isang pag-aaral sa 50,000 manggagawa sa Alemanya ang nagsiwalat na ang kalusugan ng mga may trabaho na kakaunti ang gawain ay higit na nanganganib kaysa roon sa mga abala. “Natiyak na ang mga manggagawa na may gawaing paulit-ulit at sinusuperbisyunan ay dalawang ulit na mas madalas maging masasakitin kaysa sa mga taong may magawaing trabaho,” ang sabi ng pahayagang Augsburger Allgemeine. Wala nang iba pang salik na nagdudulot ng kaigtingan na nauugnay-sa-trabaho ang may gayong katinding epekto sa dalas at tagal ng pagliban sa trabaho kaysa sa isang trabahong di-gaanong magawain. Ayon sa ulat, ang mga tao na may trabahong walang gaanong mga hamon ay madalas na nagdurusa dahil sa “alta-presyon, kirot sa tiyan at bituka, at sakit sa likod at mga kasu-kasuan.”

Ang mga Utak ng Ibon at ang Pagtulog

Binanggit sa isang ulat ng Toronto Star na matagal nang naunawaan ng mga siyentipiko na regular na sumusulyap ang isang mata ng mga ibon samantalang natutulog, na nagsisilbing proteksiyon sa kanila mula sa mga maninila. Ang bagong mga natuklasan ay nagpakita na maaaring magpasiya ang mga ibon na patulugin ang buo nilang utak o panatilihing gising ang kalahati ng utak upang mapagalaw ang sumusulyap na mata. Ang pagsasaliksik na ginawa sa mga bibeng mallard na natutulog sa isang hilera ay nagpakita na yaong mga nasa dulo ng hilera ay gumugol ng isang ikatlong bahagi ng panahon nila sa pagtulog, na gising ang kalahati ng kanilang utak. Ang mga nasa gitna ay bahagyang gising nang 12 porsiyento lamang ng panahon nila sa pagtulog. Waring “kapag mapanganib ang kalagayan, mas madalas na pinatutulog ng mga ibon ang kalahati lamang ng kanilang utak,” ang sabi ni Propesor Niels Rattenborg ng Indiana State University.

Tiyak na Walang Kapakinabangan

“Hindi napananatiling payat ng paninigarilyo ang mga tao,” ang ulat ng University of California Berkeley Wellness Letter. “Maraming dalagita, lalo na, ang nagsisimulang manigarilyo sa paniniwalang matutulungan sila nito na manatiling payat.” Ngunit isang pag-aaral sa 4,000 adulto sa pagitan ng 18 hanggang 30 taóng gulang ay nagpakita na “sa loob ng pitong taon, karaniwan na ang pagtaba (sa aberids na mahigit isang libra bawat taon), naninigarilyo man ang mga adultong ito o hindi.” Nagtapos ang artikulo: “Ang mapanatili ang timbang ay hindi isang kapakinabangan ng paninigarilyo. Walang mga kapakinabangan.”

Mga Bisikleta Para sa mga Hamster

Isang kompanya ng mga kagamitan sa pag-aalaga ng hayop sa Hong Kong ang nag-imbento ng isang “bisikleta para sa alagang hayop,” ang ulat ng magasing New Scientist. Ang gulong sa harap ay ginawang katulad sa gulong na tinatakbuhan ng mga hamster, at kapag ang hayop ay tumakbo sa loob ng gulong, umuusad ang bisikleta. Gayunman, kung nangangamba ang may-ari na baka madisgrasya ang kaniyang alagang hayop, maaari niyang kalabitin ang isang pingga sa bisikleta na nagpapangyaring umangat ang unahang gulong mula sa lupa. Sa gayon, maaaring ligtas na mag-ehersisyo ang alagang hayop sa isang lugar lamang.

Binabawasan ang Pananakit ng Likod Kapag Naglalakbay

Para sa masasakitin ang likod, mahirap ang paglalakbay. Gayunman, ang The Toronto Star ay nagbigay ng sumusunod na mga payong nakatutulong. Sa paglalakad, “magsuot ng angkop na sapatos. Hindi nagiging tuwid ang katawan dahil sa mga sapatos na may matataas na takong, sa gayo’y napahihirapan ang iyong gulugod. . . . Kung naglalakbay sakay ng kotse, huminto nang regular upang makapag-inat at makapaglakad-lakad. . . . Kumuha ng unan para sa iyong upuan na pang-suporta sa likod kapag naglalakbay.” Gayundin, magbago ng posisyon sa pagkakaupo. Binanggit ng Star na maaaring bawasan ang hirap ng pagdadala ng mga bagahe dahil sa “madali na ngayong makahanap ng mga maleta na may iba’t ibang hugis at laki na maaaring pagulungin sa halip na bitbitin. Tiyakin na tamang-tama ang haba ng hawakan upang mahila mo ito nang maalwan; hindi rin makabubuti para sa iyong likod kung hindi mo nga bibitbitin ang iyong bagahe subalit kailangan mo namang hilahin ito habang lumalakad nang nakabaluktot.”

Paglalabas ng Galit

Ang karaniwan nang tinatawag na katarsis, “ang pagbubuhos ng galit sa mga bagay na walang buhay​—halimbawa, ang pagsuntok sa unan o punching bag​—ay nagpapasigla sa halip na nagpapahinto ng marahas na pagkilos,” ang ulat ng National Post ng Canada. Sinabi ni Dr. Brad J. Bushman, kasamahang propesor sa sikolohiya sa Iowa State University: “Ang matinding pagsuporta ng popular na media sa katarsis ay lalong higit kaysa sa literatura ng pagsasaliksik.” Binanggit ng Post, na natuklasan din ng mga mananaliksik, na “ang mga aklat at artikulo na nagmumungkahi ng ‘katarsis’ bilang isang mabuting paraan ng pakikitungo sa galit, sa katunayan, ay nagpapasigla ng pagkamarahas dahil nagpapahintulot ito sa mga tao na huwag magpigil ng kanilang sarili.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share