Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 1/8 p. 16-18
  • Ang Misteryo ng Nan Madol

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Misteryo ng Nan Madol
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tanggulan ng mga Hari
  • Kakaibang mga Bloke Para sa Pagtatayo
  • Malulutas Pa Kaya ang Misteryo?
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2001
  • Lumampas sa $2 Trilyon ang Ginastos ng Buong Mundo Para sa Militar—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
    Iba Pang Paksa
  • Mga Kanal ng Britanya—Kawili-wili Pa Rin
    Gumising!—2008
  • Hiwaga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 1/8 p. 16-18

Ang Misteryo ng Nan Madol

Sino ang gumawa ng ‘Venice of the South Seas’ na ito? Paano nila ito ginawa? Bakit nila ito iniwan?

GUSTO mo ba ng isang kapana-panabik na misteryo​—isa na may halong pakikipagsapalaran? Kung gayon ay tayo na at suriin natin ang mga labí ng Nan Madol, isang hiwaga sa loob ng maraming siglo na palaisipan sa maraming dumadalaw.

Ang Nan Madol ay isang nakapupukaw-interes at masalimuot na daanan na binubuo ng gawang-taong maliliit na pulo at mga kanal na ginawa mga isang libong taon na ang nakalipas sa isang mababaw na bahura (reef) sa gilid ng isla ng Pohnpeia sa Micronesia. Habang paparating tayo sa pamamagitan ng paglalayag sa dagat, ang mga labí ay natatakpan ng mga puno ng bakawan at ng makakapal na halamang tropikal. Habang maingat na lumiliko ang ating bangka sa isang kurba, bigla na lamang nalantad sa atin ang mga tagumpay na ito sa inhinyeriya.

Malalaking pader, na ang iba’y kasinghahaba ng isang bloke sa lunsod, ang unang makikita. Ang malalaking pader na ito, na unti-unting kumukurba nang pataas hanggang sa mga kanto nito, ay gawa sa malalaking haligi ng basalto na nakasalansan nang paekis-ekis.

Ang pangalang Nan Madol ay nangangahulugang “Mga Lugar sa Pagitan,” at angkop na inilalarawan nito ang masalimuot na gawang-taong mga kanal na nakapaligid sa mga isla. Malamang na ang mga Europeong mandaragat noong mga taon ng 1800 ang unang dayuhan na nakatuklas sa Nan Madol. Lubha silang namangha sa nakita nila anupat tinagurian nila ang dating sentrong ito ng pulitika at relihiyon na Venice of the South Seas. Ngunit hindi kailanman nasaksihan ng mga mandaragat na iyon ang buong karingalan ng Nan Madol, yamang iniwanan ito sa di-maipaliwanag na kadahilanan mga isang siglo na ang nakalipas bago sila dumating.

Sinabi sa atin ng ating dalawang guide na mga 200 akre ang lugar na nasasakupan ng Nan Madol. Ipinaliwanag nila na ang bawat isa sa 92 maliliit na pulo nito ay may espesipikong layunin. Ang ilan ay ginamit bilang mga sentro ng tirahan. Ang iba naman ay ginamit para sa ibang bagay tulad ng paghahanda ng pagkain, paggawa ng bangka, at mga seremonyal na pagsasayaw. Bagaman ginawa ang mga isla na may iba’t ibang hugis at laki, karaniwan nang ito’y rektanggulo at kasinlaki ng laruan ng football. Karamihan sa maliliit na pulong ito ay natakpan ng mga tumutubong halaman, ngunit ang maaaring magalugad ay nakabibighani.

Tanggulan ng mga Hari

Ang maringal na tanggulan na tinatawag na Nan Douwas ang pinakamagandang lugar upang mapag-isipan ang misteryo ng Nan Madol. Bagaman posible na maglakad sa tubig-dagat upang magalugad ang mga labí na ito, ang mas mainam na paraan upang marating ang mga ito ay sa pamamagitan ng bangka. Dinisenyo ang Nan Madol para sa mga sasakyang pandagat, at ang mga kanal nito ay kasinluwang ng mga haywey na may apat na linya. Mabababaw rin ang mga ito. Kapag mataas ang tubig, ito’y umaabot hanggang baywang lamang, na tiyak na nagsanggalang sa Nan Madol mula sa mga sumasalakay na mga barko noong nakalipas na mga siglo. Maingat na nagmaniobra ang ating mga guide sa mga daanan sa tubig upang hindi masira ang mga propeler ng bangka sa mga korales sa ilalim.

Pagdaong natin sa Nan Douwas, umakyat tayo sa hagdan na direktang papunta sa sinaunang santuwaryo. Inakay tayo ng maringal na pasukang ito papalampas sa mga pader na 3 hanggang 4 na metro ang lapad at 8 hanggang 9 na metro ang taas. Ang matitibay na moog na ito ay nakatagal sa mga unos sa tropiko at maging sa napakalalakas na bagyo.

Sa loob ng malalaking pader, isang malaking looban na pumapalibot sa isang batong arko ang naghihintay sa atin. Ang mapitagang lugar na ito ang pinagbuburulan ng mga maharlika, kung saan tinatangisan ang mga hari noon. Sa patuloy pa nating paggagalugad, nasumpungan natin ang isang mistulang daanan sa ilalim ng lupa. Ginanyak tayo ng ating mga guide na piliting makapasok sa makipot na butas sa mga bato, at di-nagtagal, nagsisiksikan na tayo sa isang maliit at madilim na silid sa ilalim ng lupa. “Nasa bilangguan kayo,” paliwanag ng isang guide. “Dito ikinukulong noon ang mga preso sa Nan Madol.” Habang ginuguniguni natin kung ano ang malamang na nadama ng isang preso kapag ang “pintuan” ay mahigpit na isinara sa pamamagitan ng isang dalawang-toneladang bato, mabuti na lamang at tayo’y nasa labas na.

Kakaibang mga Bloke Para sa Pagtatayo

Ang paggagalugad sa mga labí ng Nan Madol ay nakatulong sa atin na mapahalagahan ang pagsisikap na malamang na ginugol sa pagtatayo nito. Ang kaguhuan ng mga korales ay nagsilbing mga pundasyon para sa maliliit na pulo. Dinisenyo ang mga ito upang makayanan ang mabibigat na salansan ng mahahabang haligi ng basalto. Talagang kahanga-hanga ang hitsura ng mga haligi anupat inakala ng mga naunang dumalaw rito na ang mga ito’y hinubog ng kamay. Nang maglaon, natuklasan na ang mga ito’y likas na hugis-prisma, na ang bawat isa ay may lima hanggang walong panig.

Libu-libong malalaking haliging bato​—ang ilan ay may haba na umaabot sa limang metro at may bigat na mahigit sa limang tonelada​—ang kinailangang dalhin. Tinataya na ang isa sa mga batong-panulok ng pundasyon ay may bigat na 50 tonelada! Yamang lulubog sa mababaw na tubig ang balsa na may gayong bigat, napag-isip-isip tuloy natin, ‘Paano kaya nadala ang pagkalalaking batong ito sa Nan Madol at pagkatapos ay nailagay sa dako nito?’ Aba, ang pinakamalapit na mapagkukunan ng basalto ay kilu-kilometro ang layo​—halos kalahati ng isang ikot sa palibot ng ilang isla ng Pohnpei!

Sa paglipas ng mga taon, lumitaw ang mga alamat dahil sa misteryo ng Nan Madol. Sinasabi ng isang alamat na maraming siglo na ang nakalipas, mayroon daw dalawang magkapatid na lalaki na binigyan ng mga diyos ng kapangyarihan na “makapagpalipad” ng mabibigat na bato tungo sa dako ng pagtatayo. Ayon sa isa pang alamat, ang Pohnpei ay tinitirhan noon ng isang maunlad na lipunan na nakaaalam sa lihim ng pagkontrol ng mga sound wave, anupat napaaangat nila ang malalaking bato papunta sa kalalagyan nito.

Nagbigay ang ating mga guide ng isang mas kapani-paniwalang paliwanag​—na ang Nan Madol ay itinayo ng napakaraming manggagawa at inabot ito ng maraming siglo bago natapos. Malamang na ang mga haliging basalto ay inilagay sa puwesto nito sa pamamagitan ng lakas ng tao, na ginagamit ang mga nakahilig na katawan ng mga puno ng palma bilang mga suporta. Ngunit itatanong pa rin natin, “Paano kaya nadala ang mabibigat na batong iyon sa Nan Madol?”

Malulutas Pa Kaya ang Misteryo?

Walang makapagsasabi nang may katiyakan kung paano naitayo ang Nan Madol, o higit pa ngang nakapupukaw-interes, kung bakit ito iniwanan. Marami ang nagsasabi na ang Nan Madol ay sinalakay at kinubkob. Sinasabi naman ng iba na ang mga dayuhan ay nagdala ng sakit sa Pohnpei, anupat halos naubos ang populasyon. Ang isa pang teoriya ay na ang isang malakas na bagyo raw ang sumira sa suplay ng pagkain sa isla, anupat napilitang lumikas ang mga tao. Anuman ang dahilan, napabayaan na ang Nan Madol nang hindi kukulangin sa 200 taon.

Kaya naman, ang sinaunang kababalaghang ito ay nag-iiwan sa atin ng maraming katanungan at kakaunting kasagutan. Habang papaalis na ang ating bangka, pinag-iisipan pa rin natin ang tanong na, May makalulutas pa kaya sa misteryo ng Nan Madol?

[Talababa]

a Ang Pohnpei ay malapit sa ekwador, mga 5,000 kilometro sa timog-kanluran ng Hawaii.

[Mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Pohnpei

[Larawan sa pahina 16]

Ang daungan at ang pangunahing pasukan ng tanggulan

[Larawan sa pahina 17]

Ang malaking pader sa labas

[Larawan sa pahina 18]

Ang sentrong batong arko na pinagbuburulan ng patay

[Larawan sa pahina 18]

Ang ilan sa 200 akre ng gawang-taong mga kanal

[Credit Line]

© 2000 Nik Wheeler

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share