Mahusay na Paggamit sa Isang Mabisang Video
NOONG 12 taóng gulang pa lamang siya, sinamantala ni Tillie ang isang pagkakataon upang makapagpatotoo sa paaralan. Pinag-aaralan noon ng klase ang Digmaang Pandaigdig II, at bumangon ang paksa hinggil sa Holocaust. Sinabi ni Tillie sa kaniyang guro na hindi lamang mga Judio ang pinahirapan at pinatay sa kakila-kilabot na panahong iyon, kundi maging ang mga Saksi ni Jehova. Pumayag ang guro na dalhin ni Tillie sa klase ang video na Purple Triangles. Bago ipalabas ang video, sinabi ng guro sa klase: “Dahilan sa napakaraming Judio ang pinatay noong panahon ng Holocaust, ang marami pang iba na pinag-usig ay hindi na napansin. Kabilang ang mga Saksi ni Jehova sa gayong mga grupo.”
Labis na humanga ang guro sa video anupat ipinahiram niya ito sa isa pang guro upang magamit ito sa kaniyang klase. Naalaala ni Tillie na ang kuya ng kaniyang guro sa ikaapat na grado ay pinatay ng mga Nazi noong panahon ng Holocaust. Dinala rin niya ang video sa gurong iyon, at pinanood nito ang video nang gabi ring iyon.
Lahat-lahat, mahigit sa 60 katao ang nakapanood sa Purple Triangles, at napukaw ang malaking interes. Naganap ang lahat ng ito sapagkat isang kabataang babae ang may lakas-ng-loob na nagsalita tungkol sa kaniyang relihiyon.—Awit 8:2.