Ang Ginto na Nagpakilos ng Bundok
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Espanya
“Isang tulad-katedral na luwad na maraming taluktok ang nililok mula sa bundok. Ang ginto at ang Roma ang may pananagutan dito. Pinatawad na sila ng panahon at ng kagandahan.”—Pedro García Trapiello.
SA GAWING hilagang-kanluran ng Espanya ay matatagpuan ang isang kakaibang hugis ng bato na nililok mula sa ginintuang batong-buhangin. Ang luntiang mga puno ng kastanyas na tumatakip dito ay lumilikha ng ilusyon na ang baku-bakong mga dalisdis at nagtataasang tore ay nililok ng mga puwersa ng kalikasan. Tanging ang paminsan-minsang pagbubukas ng tunel ang nagsisiwalat ng isang sinaunang sekreto. Dito, sa isang lugar na tinatawag ngayong Las Médulas, ang dating kinaroroonan ng pinakamalaking minahan ng ginto ng Imperyo ng Roma.
Ang ginto ay walang-kupas na bumibighani, anupat gumanyak sa mga tao na puspusang magsumikap upang makuha ito. Inilalarawan ng aklat ng Bibliya na Job kung paanong sa loob ng libu-libong taóng nagdaan ang ‘mga tao ay naghuhukay ng mga daanan sa minahan, naghuhukay nang malalim sa kabundukan, at gumagawa ng tunel sa mga bato’ upang maghanap ng ginto, pilak, at mamahaling bato.—Job 28:1-10, Today’s English Version.
Pagkalipas ng mga dantaon, nang ang Roma ang namahala sa daigdig, naging napakahalaga pa rin ng ginto. Ibig ni Emperador Augustus ng isang matatag na ekonomiya, at ang denaryong pilak at ang gintong aureus (baryang ginto ng Roma) ang maaasahang mga barya na kinakailangan niya upang mapasulong ang komersiyo ng Roma. Sabihin pa, upang makagawa ng sapat na mga barya, kailangan niya ng ginto at pilak. Kaya, kasunod ng mga sumasalakay na mga lehiyong Romano ang mga manggagalugad ng ginto.
Nang sa wakas ay masakop ng mga lehiyon ang hilagang-kanluran ng Espanya, bago magsimula ang Karaniwang Panahon, natuklasan nila ang mga bagong imbakan ng ginto. Nakalulungkot, ang mahalagang metal ay nakabaon sa loob ng bulubunduking mga deposito ng alluvium kung saan mahirap kunin ang ginto. Nangailangan ng dalawa at kalahating siglo ng pagpapagal upang mahukay ang natatagong kayamanan.
Gayunman, desidido ang mga Romano. Mura ang pagpapatrabaho, at ang mga pamamaraan sa pagmimina noong panahong iyon—bagaman mahirap—ay nagpangyaring maisagawa ang proyekto. Ang plano nila ay kunin ang ginto sa pamamagitan ng unti-unting pagpapahugos ng lupa sa bundok sa pamamagitan ng tubig. Upang maisagawa ang kanilang balak, nagtayo sila ng mahigit na 50 kanal, gumawa ng ilang malalaking imbakan ng tubig sa itaas ng bundok, at naghukay ng mga tunel na daan-daang kilometro ang haba.
Pagkatapos maitayo ang magkakarugtong na tunel sa loob ng isang bahagi ng bundok, pinaapawan ito ng mga inhinyero ng tubig na may malakas na presyon. Tinangay ng daluyong ng katubigan ang tone-toneladang lupa. Ang buhangin at bato na may ginto ay umagos pababa ng bundok, kung saan maaaring ihiwalay ang ginto mula sa graba sa pamamagitan ng paghugas at pagsala rito. Pagkatapos ay uulitin ang buong proseso sa pamamagitan ng pagtatayo ng isa pang set ng mga tunél.
Sulit ba ang pagsisikap? May pagtitiis na kinuha ng mga Romano ang mga 800 toneladang ginto mula sa Las Médulas. Upang makuha ang lahat ng gintong iyon, libu-libong manggagawa ang literal na nagpakilos ng bundok—mahigit na 240 milyong metro kubiko ng lupa. At sa bawat sampung tonelada ng lupa na nahukay nila, tatlumpung gramo lamang ng ginto ang nakuha nila.
Sa ngayon, kaunti na lamang ang natitira maliban sa mga tunél at matatarik na bato ng nasirang bundok, na pinakinis ng pagkaagnas ng lupa at tinakpan ng kagubatan ng mga punong kastanyas. Balintuna nga naman, ang masasarap na kastanyas na dinala ng mga Romano sa Espanya ay napatunayang mas nagtatagal kaysa ginto.
[Larawan sa pahina 22]
Baryang ginto (aureus) na may larawan ng ulo ni Emperador Augustus
[Larawan sa pahina 23]
Las Médulas, ang kinaroroonan ng pinakamalaking minahan ng ginto ng Imperyo ng Roma
[Larawan sa pahina 23]
Bahagi ng sinaunang sistema ng tunél
[Picture Credit Line sa pahina 23]
Lahat ng barya: Musée de Normandie, Caen, Pransiya