Nakamamatay na mga Alon—Mga Haka-haka at mga Katotohanan
KALULUBOG pa lamang ng araw mga ilang minuto ang nakararaan. Sa mapayapang araw na ito ng Biyernes, Hulyo 17, 1998, ang mga lalaki, babae, at mga bata sa ilang maliliit na nayon sa hilagaang baybayin ng Papua New Guinea ay biglang niyanig ng lindol na may lakas na 7.1. “Inuga ng pinakamalakas na pagyanig,” sabi ng Scientific American, “ang 30 kilometro (halos 19 na milya) ng baybayin . . . at bigla nitong binago ang kaanyuan ng sahig ng karagatan sa laot. Ang dating patag na pinakaibabaw ng dagat ay biglang pumaitaas dahil dito, na nagpangyaring mabuo ang isang nakatatakot na tsunami.”
Isang nagmamasid ang nagsabi na nakarinig siya ng parang kulog mula sa malayo, na unti-unting naglaho habang ang dagat ay dahan-dahang kumati nang mas mababa sa normal na ibinababa ng tubig. Pagkalipas ng ilang minuto, namataan niya ang unang alon, na mga tatlong metro ang taas. Naabutan siya nito habang sinisikap niyang takbuhan ito. Ang ikalawa, na mas malaking alon ay pumatag sa kaniyang nayon at tumangay sa kaniya nang halos isang kilometro, patungo sa isang kalapit na gubat ng mga bakawan. “Ipinakita ng mga pira-pirasong labí na nakasabit sa itaas ng mga puno ng palma na ang mga alon ay umabot sa taas na 14 na metro [46 na piye],” ang pag-uulat ng Science News.
Nang gabing iyon, napatay ng pagkalalaking mga alon ang di-kukulangin sa 2,500 katao. At isang kabalintunaan, isang tableriya ang nag-abuloy ng mga tabla para sa mga bagong paaralan, ngunit halos wala nang batang natira para pumasok sa paaralan. Halos lahat—mahigit na 230—ay napatay na ng tsunami.
Ano ba ang mga Tsunami?
Ang tsunami ay isang salitang Hapones na nangangahulugang “alon sa daungan.” Ito’y “isang angkop na termino,” sabi ng aklat na Tsunami!, “yamang ang pagkalalaking mga alon na ito ay madalas na nagdudulot ng kamatayan at pagkawasak sa mga daungan at mga nayon sa baybayin ng Hapon.” Ano ang pinagmumulan ng kasindak-sindak na lakas at laki ng kakaibang mga along ito?
Ang mga tsunami ay tinatawag kung minsan na mga tidal wave. Gayunman, ang totoo, ang mga tidal wave ay ang pagtaas at pagbaba lamang ng tubig na sanhi ng paghila ng grabitasyon ng araw at ng buwan. Maging ang naglalakihang alon—na kung minsan ay mahigit sa 25 metro ang taas—na pinaaalimbukay ng pagkalalakas na hangin ay hindi maihahalintulad sa mga tsunami. Kung sisisid ka sa ilalim ng mga tidal wave na ito, mapapansin mo na ang puwersa ng mga ito ay humihina habang papalalim ka. Pagsapit sa isang takdang lalim, ang tubig ay halos hindi na nito apektado. Ngunit hindi gayon ang mga tsunami. Ang puwersa ng mga ito ay umaabot mula sa ibabaw hanggang sa sahig ng karagatan, kahit na ang tubig ay ilang kilometro ang lalim!
Malalim ang naaabot ng tsunami dahil ito’y kadalasang likha ng malakas na paggalaw ng lupa sa pinakasahig ng dagat. Dahil dito, tinatawag kung minsan ng mga siyentipiko ang mga tsunami na mga seismic wave (alon na likha ng lindol). Ang sahig ng dagat ay maaaring umangat, na pinaaangat din ang tubig na nasa ibabaw nito at lumilikha ng bahagyang pagtaas, na maaaring sumaklaw ng 25,000 kilometro kudrado. O kaya, ang sahig ng dagat ay maaaring lumubog, na sandaling lumilikha ng hukay sa ibabaw ng dagat.
Alinman dito, pinangyayari ng grabidad na tumaas-baba ang apektadong tubig—isang paggalaw na lumilikha ng sunud-sunod na mga along palayo mula sa pinakagitna, gaya ng nabubuo kapag nahulugan ng bato ang isang maliit na lawa. Ang kababalaghang ito ay nagpapawalang-saysay sa popular na haka-haka na ang mga tsunami ay mapangwasak na mga alon na paisa-isa lamang. Sa halip, kadalasang lumalaganap ang mga ito na tulad ng pamaypay sa tinatawag na tsunami wave train (sunud-sunod na magkakatulad na alon). Maaari ring pagsimulan ng mga tsunami ang mga pagsabog ng bulkan o pagguho sa ilalim ng dagat.
Ang isa sa pinakamapangwasak na serye ng mga tsunami sa nasusulat na kasaysayan ay nabuo noong Agosto 1883 dahil sa pagsabog ng Krakatau, isang bulkan sa Indonesia. Ang ilan sa mga alon nito ay umabot sa kahindik-hindik na taas na 41 metro mula sa pantay-dagat at pumalis ng mga 300 bayan at mga nayon sa baybayin. Ang bilang ng mga namatay ay malamang na lumampas sa 40,000.
Ang Doblihang Kalikasan ng Tsunami
Ang mga alon na likha ng hangin ay hindi kailanman bibilis pa sa 100 kilometro bawat oras, at kadalasang mas mabagal ang mga ito. “Ang mga alon ng tsunami, sa kabilang panig,” sinasabi ng aklat na Tsunami!, “ay maaaring rumagasa na kasimbilis ng isang eroplanong jet, sa nakagigitlang 800 kilometro bawat oras o higit pa sa malalalim na bahagi ng lunas ng dagat.” Gayunman, sa kabila ng bilis nito, hindi mapanganib ang mga ito sa mga dakong malalim. Bakit?
Una, sapagkat sa laot, ang isang alon ay kadalasang wala pang tatlong metro ang taas; at ikalawa, sapagkat ang pagitan ng pinakatuktok ng mga alon ay maaaring daan-daang kilometro, na nagpapangyaring ito’y maging banayad. Kaya, ang mga tsunami ay maaaring dumaan sa ilalim ng mga barko nang hindi man lamang namamalayan. Ni hindi napansin ng kapitan ng isang barko, na malayo sa dalampasigan ng isa sa mga Isla ng Hawaii, na isang tsunami ang dumaan hanggang sa makakita siya ng malalaking alon na humahampas sa dalampasigan. Ang pangkalahatang alituntunin upang maging ligtas sa dagat ay maglayag ang mga barko sa lalim na di-kukulangin sa 100 dipa, o 180 metro.
Nagbabago ang kalikasan ng mga tsunami kapag papalapit na ang mga ito sa lupa at umabot na sa dakong mas mababaw. Dito, ang pagsadsad sa sahig ng dagat ay nagpapabagal sa alon—ngunit hindi sa magkakaparehong antas. Ang likod ng alon ay laging nasa mas malalim na bahagi ng tubig kaysa sa harapan nito at sa gayo’y rumaragasa nang mas mabilis nang kaunti. Bunga nito, nasisiksik ang alon, anupat ang pagbagal nito ay nagpapataas pa sa alon. Samantala, ang kasunod na mga alon sa wave train ay nagpapang-abot, anupat pumapatong sa mga alon na nasa harapan.
Sa kahuli-hulihan, ang mga tsunami ay maaaring humampas sa isang bahagi ng baybayin bilang nababasag na alon o pader ng tubig na tinatawag na bore, ngunit kadalasan na, lumilitaw ang mga ito na tila mabilis na pagtaas ng tubig na makapupong lampas pa sa karaniwang pagtaas ng tubig. Ang tubig ay sinasabing tumataas nang mahigit sa 50 metro mula sa normal na pantay-dagat at nakatatangay ng mga basura, isda, at maging ng mga tipak ng korales nang ilang libong metro sa katihan, na winawasak ang lahat ng madaanan nito.
Nakalilinlang, ang unang tanda ng isang papalapit na tsunami ay hindi laging ang pagkakita ng tumataas na tubig na rumaragasa patungo sa dalampasigan. Ito’y maaaring ang mismong kabaligtaran—ang di-normal na pagbaba ng tubig patungo sa laot na nagpapakati sa mga dalampasigan, look, at mga daungan at nag-iiwan ng mga isdang papalag-palag sa buhanginan o putikan. Ang magpapangyari sa mga unang kalagayan ay nakasalalay sa kung aling bahagi ng wave train ang unang makararating sa dalampasigan—ang rise (pataas na bahagi ng alon) o ang trough (pinakamababang bahagi ng alon).a
Kapag Kumati ang Dalampasigan
Iyo’y isang mapayapang gabi noong Nobyembre 7, 1837, sa pulo ng Maui sa Hawaii. Bandang alas siyete ng gabing iyon, ang paliwanag ng aklat ng Tsunami!, ang tubig ay nagsimulang kumati mula sa mga dalampasigan, anupat nahantad ang mga bahura at hindi makalangoy ang mga isda. Maraming tagapulo ang tuwang-tuwang tumakbong palabas upang pulutin ang mga isda, ngunit ilang indibiduwal, na mas alerto, ang tumakbo patungo sa mas matataas na dako, malamang na dahil nababatid mula sa nakalipas na karanasan kung ano ang malapit nang mangyari. Di-nagtagal, isang nakasisindak na daluyong ng tubig ang dumaluhong at tumangay sa buong nayon na may 26 na bahay-kubo, pati na sa mga mamamayan at hayupan, nang papaloob sa layong 200 metro at inihagis sila sa isang maliit na lawa.
Nang gabi ring iyon, libu-libong tao ang natipon sa dalampasigan sa isa pang pulo para sa isang misa. Muli, ang biglang pagkati ng tubig ang gumanyak sa mapag-usisang mga taga-Hawaii upang pulu-pulutong na magtungo sa dalampasigan. Pagkatapos, isang pagkalaki-laking alon, na mas mataas nang anim na metro kaysa sa karaniwang itinataas ng tubig, ang biglang lumitaw at dumaluhong sa dalampasigan “taglay ang bilis ng isang kabayong pangkarera,” ayon sa isang nagmamasid. Ang pabalik na tubig ay tumangay maging sa mahuhusay na manlalangoy patungo sa laot, kung saan nalunod ang ilan dahil sa pagod.
Gaano Kadalas Manalanta ang mga Ito?
“Mula noong 1990,” sabi ng Scientific American, “10 tsunami ang kumitil nang mahigit sa 4,000 buhay. Lahat-lahat, 82 ang naiulat sa buong daigdig—isang bilang na mas mataas kaysa sa katamtamang dami sa kasaysayan na 57 bawat dekada.” Gayunman, ang iniulat na pagtaas na ito, ang sabi pa ng magasin, ay pangunahin nang dahilan sa humusay na mga komunikasyon, samantalang ang mataas na bilang ng mga namatay ay dahil na rin sa pagdami ng mga taong naninirahan sa mga baybayin.
Ang Karagatang Pasipiko ay lalo nang kilala dahil sa mga tsunami sapagkat ang lunas nito ang pinakaaktibo sa pagyanig. Sa katunayan, “halos walang taóng lumipas na hindi nanalanta ang kahit isang mapaminsalang tsunami sa may Pasipiko,” sabi sa isang reperensiya, na nagsasabi ring “sa nakalipas na limampung taon, 62 porsiyento ng lahat ng namatay sa lindol sa Estados Unidos ay dahil sa mga tsunami.”
Mahuhulaan ba Kung Kailan Mananalanta ang mga Ito?
Sa pagitan ng 1948 at 1998, mga 75 porsiyento ng mga babala ng tsunami sa Hawaii ay mga maling babala. Mauunawaan naman kung bakit ang gayong ulat ay nagiging dahilan ng pagiging kampante. Gayunman, ginagamit na ngayon ang isang mas mainam na detection system, na nilakipan ng makabagong teknolohiya. Ang pinakamahalagang bahagi nitong pinaghusay na detection system ay isang bottom pressure recorder (BPR), at gaya ng ibinabadya ng pangalan nito, ito’y inilulubog nang ilang libong metro, sa sahig ng karagatan.
Kayang itala ng lubhang sensitibong instrumentong ito ang pagkakaiba sa presyon ng tubig habang ang isang tsunami ay dumaraan sa itaas—maging ang isa man na wala pang isang sentimetro ang taas. Sa paggamit ng mga sound wave, ang BPR ay naghahatid ng impormasyon tungo sa isang espesyal na boya, na siya namang nagpapadala nito sa isang satelayt. Ang satelayt naman ang nagpapadala ng hudyat doon sa tsunami-warning center. Nagtitiwala ang mga siyentipiko na ang mas tumpak na sistemang ito ng patiunang pagbababala ay makababawas sa bilang ng mga maling babala.
Marahil ang pinakaimportanteng mga salik sa pagtataguyod ng kaligtasan ay ang kabatiran at edukasyon ng publiko. Maging ang pinakamahusay na sistema sa pagbababala ay walang kabuluhan kung ipagwawalang-bahala ito ng mga tao. Kaya kung naninirahan ka sa lugar na madalas salantain ng tsunami at mababa ang dalampasigan at ipatalastas ng lokal na mga awtoridad ang isang babala ng tsunami o maramdaman mong lumindol o makakita ka ng di-karaniwang pagbaba ng tubig patungong laot, tiyaking magtungo kaagad sa mataas na lugar. Tandaan, sa laot, ang mga tsunami ay kayang maglakbay sa bilis ng isang eroplanong jet at rumagasa nang ubod bilis malapit sa dalampasigan. Kaya sa sandaling makita mo ang alon, malamang na hindi mo na ito kayang takbuhan. Gayunman, kung makakita ka ng isang tsunami habang naglalayag ka o nangingisda sa dagat, maaari kang magrelaks—ang iyong tasa ng kape o baso ng alak na nakapatong sa mesa ay malamang na hindi makikilos.
[Talababa]
a Ayon sa magasing Discover, ang pabilog o hugis-itlog na galaw ng tubig na nasa lahat ng alon ay isa ring salik sa pagbaba ng tubig. Ang mga taong naliligo sa dagat ay waring nakadarama ng palayong hatak ng tubig bago sila abutan ng isang alon. Ang epektong ito ay mas matindi sa mga tsunami at sa gayo’y isang salik sa pagkati ng mga dalampasigan o mga daungan bago dumating ang unang alon.
[Dayagram sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang mga tsunami ay kadalasang nagsisimula sa isang pagyanig sa sahig ng karagatan
FAULT
GENERATION
PROPAGATION
INUNDATION
[Dayagram sa pahina 27]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Tinatangkang hulaan ng bagong teknolohiya, na ginagamitan ng mga deep-ocean detector, ang pagsalanta ng mga tsunami
SATELLITE LINK
BOYA
HYDROPHONE
ANGKLA
ACOUSTIC LINK
DETEKTOR NG TSUNAMI
5,000 metro
[Credit Line]
Karen Birchfield/NOAA/Pacific Marine Environmental Laboratory
[Larawan sa pahina 25]
Isang tsunami ang nagtusok ng tabla sa gulong ng trak na ito
[Credit Line]
U.S. Geological Survey
[Mga larawan sa pahina 26]
Ang parola na Scotch Cap sa Alaska bago ang pagsalanta ng tsunami noong 1946 (kaliwa)
Ang lubusang pagkawasak pagkatapos (itaas)
[Credit Line]
U.S. Coast Guard photo
[Picture Credit Line sa pahina 24]
U.S. Department of the Interior