Mula sa Aming mga Mambabasa
Malubhang Sakit Mayroon kaming tatlong anak—ang isa ay may Down’s syndrome at ang isa naman ay may sickle-cell anemia. Kamakailan lamang, lumubha ang sakit ng anak naming may sickle cell at kinailangang maospital, na naging napakahirap para sa aming lahat. Nadama kong sinagot ni Jehova ang aking mga panalangin nang tumanggap ako ng isang kopya ng Mayo 22, 2000, ng Gumising! na may seryeng “Malubhang Sakit—Pagharap Dito Bilang Isang Pamilya.” Ang mga artikulong ito ay nagbigay sa aming mag-asawa ng lakas ng loob upang patuloy na magbata. Pinatibay rin nito ang aming pag-asa na hindi na magtatagal at wala nang magsasabing: “Ako ay may sakit.”—Isaias 33:24.
E.J.M., Brazil
Mayroon kaming 19-na-taóng-gulang na anak na lalaking may sakit na schizophrenia. Marami na kaming nabasang mga aklat tungkol sa sakit na ito subalit wala pa kaming nabasang anuman na may kinalaman sa pagharap sa sakit mula sa pangmalas ng pamilya, gaya ng mga artikulong ito. Inilarawan nitong mainam ang akin mismong panloob na pakikipagbaka at pagdurusa, na para bang isinulat ang aking nadaramang mga paghihirap.
H. T., Hapón
Sa nakalipas na sampung taon, pinahirapan ako ng isang lumalala at malubhang sakit, at talagang naantig ako sa pagkakalarawan ninyo sa nadarama ng isang tao. Kung minsan napakadaling maiwala ang mental at espirituwal na katatagan ng isa, subalit ipinakita ng mga kapatid sa aking kongregasyon na gusto nilang unawain ang dinaranas kong paghihirap. Sa pamamagitan ng maingat na pananalita, pinalalakas nila ako upang patuloy na mabuhay.
M. M., Italya
Binasa namin ang mga artikulo bilang isang pamilya. Ang aking anak na babae ay nagkasakit sa bato at sumasailalim ng kidney dialysis sa loob ng limang taon na. Napakahirap para sa amin na harapin ito. Napakarami na niyang pinagdaanang mga situwasyon na muntik-muntikanan na siyang mamatay anupat kami’y laging nabubuhay nang walang katiyakan, na nag-iisip kung kailan naman kaya mangyayari ang susunod na problema. Subalit napakahuhusay ng inyong payo. Dapat pahalagahan ang bawat araw. Mahalaga rin ang panalangin. Ang kabatiran na nauunawaan ni Jehova ang aking damdamin ay nakatutulong sa akin.
S. J., Estados Unidos
Nag-uumapaw ang aking puso sa kaligayahan habang natatalos ko na may nakauunawa sa kirot ng pagkakaroon ng malubhang sakit! Isa-isa, napagmasdan ko ang lahat ng tatlo kong anak na babae na pinahirapan ng epilepsiya, na gaya ko. Ang mga artikulong gaya nito ay nakatutulong sa amin na magtamo ng kaunawaan at maipamalas ang kaisipan ni Kristo.
G. L., Estados Unidos
Mga Anaconda Nakatira ako sa isang rehiyon kung saan may mga anaconda. Madalas na nagkukuwento ang mga tao tungkol sa mga ahas na ito, subalit mahirap matiyak kung dapat silang paniwalaan o hindi. Ang inyong artikulong “Mga Anaconda—Nagsisiwalat ba Sila ng Ilang Lihim?” (Mayo 22, 2000) ay nakatulong sa akin na makilala ang katotohanan mula sa kathang-isip, at sinagot nito ang lahat ng katanungan ko tungkol sa kababalaghang ito ng paglalang.
J.S.P., Brazil
Mga Amang Tumatakas Ako’y 25 taon nang nagbabasa ng Gumising!, at ako’y naniniwala na ang paksang ito’y hindi pa kailanman tinalakay. (“Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Mga Amang Tumatakas—Makatatakas Nga ba Sila?” Mayo 22, 2000) Oo, tinalakay na ang tungkol sa mga nagsosolong ina, subalit ang pananagutan ng binatang ama ay hindi pa. Hindi ko maunawaan kung bakit kung dalawang tao ang nakiapid, ang ina lamang at ang anak ang nagdurusa sa bunga nito. Ako ay nagdalang-tao nang ako’y 19. Ayaw panagutan ng lalaki ang ginawa niya sa akin. Pakisuyong patuloy ninyong pagsabihan ang mga kabataan na “tumakas [sila] mula sa pakikiapid.”—1 Corinto 6:18.
C. C., Espanya
Teatrong Griego Hindi ko masabi sa inyo kung gaano ko lubos na pinahalagahan ang artikulong “Ang Teatro ng Epidaurus—Naingatan sa Loob ng mga Siglo.” (Hunyo 8, 2000) Inaasahan kong ang artikulo ay magiging nakapupukaw-kaisipan, at tunay na gayon nga. Gayunman, hindi ko inaasahang maglalaman ito ng napakaraming espirituwal na mga impormasyon!
K. S., Estados Unidos