Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 3/8 p. 26-27
  • Ang Pabagu-bagong Eskultura ng Namibia

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pabagu-bagong Eskultura ng Namibia
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Iba Pang mga Eskultor na Gumagawa
  • Isang Sumpunging Eskultor
  • Ang Karilagan ng Buhangin
    Gumising!—2003
  • Ang Kamangha-manghang Kabundukan ng Buhangin sa Baybayin ng Poland
    Gumising!—2004
  • Ang Mailap na Sand Cat
    Gumising!—2013
  • Buhangin
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 3/8 p. 26-27

Ang Pabagu-bagong Eskultura ng Namibia

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA

ANG istilo ng eskultor ay laging nagbabago, ngunit maganda naman ang resulta. Ang gamit niya ay buhangin. Ang eskultor? Ang hangin na siyang humuhubog sa mga pabagu-bagong sand dune tungo sa natatanging mga hugis. Marahil ang pinakakilala ay ang pakurbang (crescent) hugis. Ang panig ng “eskultura” na nakaharap sa hangin ay may dalisdis na hindi matarik. Ang dalisdis nito sa kabilang panig (o leeward side) ay matarik ngunit mababaw. Ang pinakatuktok ng dune ay parang napakatalas, ngunit madaling mapapurol ito sa pamamagitan ng pagsipa ng isang di-maingat na bota.

Ang Disyerto ng Namib sa timog-kanlurang Aprika ay isang magandang lugar upang pagmasdan itong mga pabagu-bagong eskultura. Narito ang ilan sa pinakamatataas na sand dune sa buong daigdig, na umaabot sa taas na lampas pa sa 400 metro. Gayunman, kung sa lawak, ang Namib ay mas maliit kaysa sa pinakamalalaking disyerto sa daigdig. Nagsisimula ito sa Atlantic Ocean at umaabot ng mga 160 kilometro sa pinakamalayo papaloob at 1,900 kilometro ang haba.

Iba Pang mga Eskultor na Gumagawa

Hindi lamang hangin ang tanging eskultor sa liblib na ‘art gallery’ na ito. Ang malapitang pagsusuri sa mga dune ay nagpapakita ng ebidensiya ng mga natatanging disenyo ng iba pang mga eskultor. Halimbawa, maaaring makakita ka ng isang waring mahaba at pinong kadena na basta itinapon na lamang sa buhangin. Kung medyo maghihintay ka pa, maaari mo pa ngang makita ang mga eskultor sa kanilang paggawa. Ang “kadena” ay naiwang mga bakas ng paa ng mga beetle habang naglalakad sila sa buhangin sa gabi. Hindi kalayuan mula sa “kadena” ay isang hilera ng tila maliliit na butas sa buhangin. Mga bakas din ito ng paa na naiwan ng isang elephant shrew na lumuksu-lukso patungo sa paroroonan nito. Bigla mong matatanto na ito palang liblib at tila iláng na art gallery ay namumutiktik sa buhay.

Sa hilaga, sa kahabaan ng Skeleton Coast, ay maaari mong makita ang ginawa ng iba pang mga eskultor ng disyerto. Mabigat ang pagtrato nila sa buhangin, at ang kanilang ginawa ay medyo magulo. Tingnan mo! Dumarating na sila na sumasampa sa dune. Isang bagay ang tiyak, natutuwa sila sa ginagawa nila. Ang malalaking nilalang na ito ay tumatakbo sa dune sa pambihirang bilis, anupat nagtatalsikan ang buhangin kung saan-saan. Hindi pa nakontento sa pagtakbo, nagpapadulas pa sila at kinakaladkad ang mga likurang binti nila na nakalilikha tuloy ng mga hukay sa buhangin. Susugod sila sa isang malapit na inuman ng tubig, lulundag doon at magtatampisaw gaya ng mga batang tuwang-tuwa. Ang mga eskultor na ito, mga African elephant, ay may bigat na mga anim na tonelada ang bawat isa!

Ang isa pang kakaibang eskultor na may kakatwang mga galaw, bagaman hindi kasinggulo, ay ang Péringuey’s adder. Ang grapikong disenyo nito sa buhangin ay mukhang sunud-sunod na mga baluktot na patpat. Ang mga bakas na ito ay naiiwan ng ahas habang umuusad ito sa isang kakatwang patagilid na paraan. Bigla na lang na mapuputol ang mga bakas at hindi mo na makikita ang adder. Saan iyon pumunta? Kung pagmamasdan mong mabuti, makikita mo ang dalawang singkit na mga mata na nakasilip sa iyo mula sa buhangin. Ang buong katawan ng ahas ay nakabaon sa buhangin. Habang hindi ito nakikita, matiyaga itong naghihintay ng pagkain​—kadalasan ay isang dumaraang butiki.

May isang disenyo sa buhangin na hindi magandang tingnan. Makikita ang malalapad na bakas ng gulong na naiwan ng mga motorsiklo na may tatlong gulong na sadyang dinisenyo para makaandar sa ganitong uri ng lugar. Ang tao ay nag-iwan din ng kaniyang bakas.

Isang Sumpunging Eskultor

Maraming iba pa, napakarami upang banggitin, ang nag-iiwan ng kanilang bakas sa mga buhanging ito. Kasama sa mga ito ang mga rhino, mga leon, mga giraffe, at mga chakal na maaaring makita sa game park ng Skeleton Coast at sa iba pang lugar.

Ngunit ang hangin ang pangunahing eskultor. Ito ang gumagawa ng pambuong hitsura ng gallery at binabago nito ang mga hugis ayon sa kagustuhan nito. Lagi itong gumagawa ng mga pagbabago. Kung babalik ka sa gallery na ito pagkalipas ng isang taon, mapapansin mo na ang ilang dune ay naiusog nang sinlayo ng 30 metro habang wala ka roon! Iyan ang nagagawa ng mga hangin ng Namibia.

[Mapa sa pahina 27]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

APRIKA

NAMIBIA

[Larawan sa pahina 26]

Elephant shrew

[Larawan sa pahina 26]

Des at Jen Bartlett

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share