Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 4/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagkukulang sa Aklat ang Bagong Aklatan sa Alexandria
  • Guniguning Kirot
  • Mabahong Hininga at mga Pag-asang Makapagtrabaho
  • Tumitinding Pagkasiphayo
  • Mga Biktima ng Panggagahasa sa Timog Aprika
  • Pag-opera Nang Walang Dugo sa Timog Aprika
  • Likas na mga Kapsulang May Bitamina-C
  • Nakapipinsalang Payo
  • Ang Pinakamalaking Butas sa Ozone Kailanman
  • Naglalahong Ozone—Sinisira ba Natin ang Atin Mismong Panangga?
    Gumising!—1989
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1991
  • Ang Pagdami ng mga Humihiling ng Paggamot at Pag-opera Nang Walang Dugo
    Gumising!—2000
  • Kapag Nasira ang Ating Atmospera
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 4/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Nagkukulang sa Aklat ang Bagong Aklatan sa Alexandria

Ang tanyag na aklatan sa Alexandria, “kilala sa pagtataglay ng lahat ng kaalaman ng tao noong panahon ni Kristo, . . . ay natupok sa apoy noong 47 B.C. at sa wakas ay naglaho noong ika-7 siglo A.D.,” sabi ng The Wall Street Journal. Sa tulong ng ibang mga bansang Arabe at ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization, gumawa ang Ehipto ng isang bagong aklatan sa Alexandria anupat umaasa na hihigitan nito ang naunang aklatan. “Ang unang apat na palapag ay nasa ilalim ng lupa. Pinalilibutan ng isang nagliliwanag na tipunan ng tubig, ang aklatan ay may 17 elebeytor, mga bintanang naglilinis sa sarili at isang sistemang pangkaligtasan na lubhang makabago anupat kaya nitong patayin ang apoy nang walang maiiwan na kahit isang patak ng tubig sa isang bihirang akda.” Gayunman, patuloy ng Journal, “kulang ang aklatan ng isang napakahalagang elemento. Mga aklat.” Idinagdag pa ng pahayagan na pagkatapos gumugol ng milyun-milyong dolyar sa maraming taon ng pagtatayo, “ang badyet ng bagong aklatan para sa aktuwal na pagbili ng mga aklat ay napakaliit anupat ang pinuno ng aklatan, . . . si Mohsen Zahran, ay kailangang magmakaawang humingi ng mga aklat na ang tanging bentaha ay na ang mga ito’y walang bayad.” Hindi pa naghahanap ng isang punong-katiwala para sa aklatan dahil “hindi namin siya kayang suwelduhan,” sabi ni Mr. Zahran. Ang bagong aklatan ay may lugar para sa walong milyong tomo.

Guniguning Kirot

“Ang mga tao na naputulan ng paa o kamay ay kadalasang nakararanas ng namamalaging kirot na tila nagmumula sa pinutol na bahagi, o may nararamdaman sa lugar ng pinutol na binti kapag may humihipo sa kanilang mukha,” ulat ng magasing New Scientist. “Kapag ang bahagi ng cortex ay hindi na nakadarama ng anuman​—dahil sa ginawang pagputol o pagkapinsala ng gulugod​—ang katabing mga nerbiyo ay nanghihimasok sa lugar na hindi na umiiral, anupat halos hinahalinhan ang paggana nito,” paliwanag ng magasin. Dagdag pa nito: “Madalas na ang resulta nito ay nararamdaman pa ng mga tao ang isang pinutol na paa o kamay, o nakararanas ng namamalaging kirot.”

Mabahong Hininga at mga Pag-asang Makapagtrabaho

“Hindi kalabisan na sabihing [ang mabahong hininga] ay nakapipinsala sa maraming karera,” sabi ng dentistang si Ana Cristina Kolbe sa magasing pang-negosyo na Exame sa Brazil. “Sa sukdulang mga kaso,” dagdag pa ng executive headhunter (tagakalap ng mga ehekutibo) na si Leandro Cerdeira, “sunud-sunod na nawawalan ng trabaho ang mga tao nang hindi man lamang nila nauunawaan kung ano ang tunay na problema.” Sa isang pag-aaral na isinagawa sa dalawang malalaking lunsod sa Brazil, 40 porsiyento ng mga taong sinurbey ang may halitosis, o mabahong hininga. Ang ilan sa pinakakaraniwang mga sanhi ay ang kaigtingan at isang diyeta na kulang sa fiber. Upang mabawasan ang mga sintomas, iminumungkahi ni Dr. Kolbe na ang mga mayroon nito ay magbakasyon ng ilang araw at dagdagan ang kanilang pagkain ng gulay. Bilang isang mabilis at panandaliang lunas, ang mga empleadong may halitosis ay maaaring magmumog ng tubig na may di-matapang na agua oxigenada.

Tumitinding Pagkasiphayo

Ayon sa isang ulat ng World Health Organization (WHO) sa 105 bansa, ang katamtamang dami ng nagpapatiwakal sa mga bansang iyon ay tumaas nang 60 porsiyento sa pagitan ng taóng 1950 at 1995, ulat ng pahayagang Pranses na Le Monde. Tinaya ni Dr. José-Maria Bertolote, ang coordinator ng kagawaran ng WHO sa mental na kalusugan, na isang milyong tao ang magpapatiwakal sa taóng 2000 at na 10 hanggang 20 milyon pa ang magtatangkang magpatiwakal. Gayunman, posible na ang aktuwal na bilang ay mas mataas pa. Ayon sa ulat, mas maraming tao ang namamatay taun-taon dahil sa pagpapatiwakal kaysa sa lahat ng pinagsama-samang digmaan sa daigdig. Sa mga may edad na nasa pagitan ng 15 at 35 taon, ang pagpapatiwakal ay naging “isa sa tatlong pangunahing sanhi ng kamatayan,” sabi ni Dr. Bertolote.

Mga Biktima ng Panggagahasa sa Timog Aprika

“Taun-taon, 1 milyong panggagahasa ang nagaganap sa Timog Aprika,” sabi ng World Press Review. Nangangahulugan ito na sa bawat humigit-kumulang 30 segundo, isang panggagahasa ang nagaganap. Sinasabi ng artikulo na “sa buong daigdig, ang Timog Aprika ang may pinakamataas na bilang ng panggagahasa na nagtatapos sa pagpatay.” Ang bilang na iyan ay 12 beses na mas mataas kaysa sa Estados Unidos, na siyang pangalawa sa listahan, bagaman ang Timog Aprika ay may populasyon lamang na 40 milyon. Sinabi pa ng artikulo: “Sa ibang mga bansa, maaaring gahasain ka ng mga tao, nakawan ka, o patayin ka. Ngunit sa Timog Aprika, gagahasain ka muna ng mga tao bago ka nila patayin, halos dahilan lamang sa nagkataong naroroon ka. Halos karaniwan nang nagaganap ang panggagahasa kaugnay ng iba pang krimen.” Gayundin, “ang panggagahasa ay naging bahagi ng mga ritwal sa inisyasyon para sa bagong mga miyembro ng mga gang,” na pagkatapos ay nagpapatuloy sa pagpatay sa kanilang mga biktima. Ang ilan sa mga dahilan na binanggit sa artikulo ay ang mataas na antas ng pang-aabuso sa mga bata at ang laganap na ideya na hindi mahalaga ang buhay. Karagdagan pa, isang surbey sa Johannesburg noong 1998 ang “nagsiwalat na pinaniwalaan ng mga kabataang lalaki na ang mga babae, sa katunayan, ay nasisiyahan na sila’y ginagahasa ngunit itinatago ito, at kung ipapasyal mo ang isang babae, may karapatan kang hilingin na makipagtalik siya sa iyo,” sabi ng artikulo.

Pag-opera Nang Walang Dugo sa Timog Aprika

“Ang nakababahalang mataas na mga estadistika ng Aids ay umakay sa isa sa grupo ng pangunahing mga pribadong ospital sa Timog Aprika na piliin ang ‘paggamot at pag-opera nang walang dugo,’” ulat ng pahayagang The Mercury ng Timog Aprika. “Ang aming tunguhin,” sabi ni Dr. Efraim Kramer, ang medikal na direktor ng programa, “ay ang pasiglahin ang samahan sa medisina na maglaan sa mga pasyente ng pangangalaga sa paggamot at pag-opera nang hindi gumagamit ng iniabuloy na dugo.” Bagaman di-kukulangin sa 800 doktor sa Timog Aprika ang indibiduwal na nag-aalok ng paggamot at pag-opera nang walang dugo, ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang isang grupo ng ospital ay nagpasiya na isagawa ang gayong programa na isinaayos sa buong bansa. Sinabi ni Dr. Kramer na ang tugon ng mga doktor ay “lubhang positibo.” Sinabi ng The Mercury: “Sa kalakhan, dahil sa mga kahilingan ng mga relihiyosong grupo tulad ng mga Saksi ni Jehova, na tumatanggi sa paggamot na ginagamitan ng dugong iniabuloy, nakabuo ng mabibisang pamamaraan ng paggamot nang walang dugo.”

Likas na mga Kapsulang May Bitamina-C

Ang diyametro ng azarole, na kilala rin bilang jungle cherry, ay may sukat na dalawang sentimetro lamang. Gayunman, ang mapakla’t manamis-namis na prutas na ito ay may bitamina C na 50 beses na nakahihigit kaysa sa isang kahel at 100 beses na nakahihigit kaysa sa isang lemon. Ipinakikita ng mga pag-aaral sa San Martín State University ng Tarapoto, Peru, na ang 100 gramong lamukot ng pinakamaasidong lemon ay may 44 na miligramo ng ascorbic acid, samantalang ang gayunding dami ng azarole ay may 4,600 miligramo. Ang apat na piraso lamang ng mga likas na “kapsulang” prutas na ito ay maglalaan ng kinakailangang bitamina C sa isang araw para sa isang adulto. Ayon sa pahayagang El Comercio, pinagsisikapang alamin kung ang azarole, “isang prutas na madaling mabulok,” ay maaaring itanim upang ikalakal bilang isang pamalit sa halamang coca.

Nakapipinsalang Payo

“Itinataguyod ng mga sikologo sa media at popular na kultura ang ideya na ang ‘paglalabas’ [ng galit] ay kapaki-pakinabang,” sabi ng magasing Psychology Today. “Ngunit ang payong ito ay higit na nakapipinsala kaysa makatulong.” Ayon sa sikologo sa Iowa State University na si Brad Bushman, “ang totoo ay nakapagpapatindi ng kapusukan ang pagbubulalas ng galit.” Ang mga sinuri na “naglabas ng kanilang galit” sa pamamagitan ng pagsuntok sa isang punching bag ay nagpakita ng dalawang beses na kahigitan sa kapusukan at kalupitan kaysa roon sa mga hindi naglabas ng galit. Maging “ang mga sinuri na nagbasa ng isang artikulo hinggil sa mga kapakinabangan ng catharsis (pamamaraan sa paglalabas ng nadarama) bago manuntok ng punching bag ay mas malamang na nagnanais na makipagsuntukan kaysa sa iba,” sabi ng artikulo. “Sa halip na unti-unting magpalamig ng ulo,” sabi ni Bushman, “pahupain na lamang ang silakbo ng galit. Bumilang ng hanggang 10​—o 100, kung kailangan​—at lilipas ang galit.”

Ang Pinakamalaking Butas sa Ozone Kailanman

Noong Setyembre 2000, iniulat ng satelayt ng NASA na nagmamasid sa ozone ang pinakamalaking butas sa suson ng ozone na nakita kailanman sa ibabaw ng Antarctica. Gayon ang ulat ng pahayagang Clarín sa Buenos Aires, Argentina. Nagkaroon ng butas sa ibabaw ng isang lugar na may sukat na mga 28.3 milyong kilometro kuwadrado, anupat hinihigitan nito ang dating rekord nang mahigit sa 1,000,000 kilometro kuwadrado. Nagitla ang mga siyentipiko sa napakalaking sukat ng butas. Sinabi ni Dr. Michael Kurylo ng NASA na ang mga obserbasyong ito ay “nagpapasidhi sa pagkabahala hinggil sa pagiging madaling masira ng suson ng ozone ng lupa.” Ang pisikong si Rubén Piacentini ng National Committee for Space Activities ng Argentina ay nagkomento na bagaman ang butas ay kasalukuyang nasa ibabaw ng hindi-tinitirhang Antarctica, “maaari itong umabot sa ibabaw ng timugang bahagi ng [Argentina].” Sinabi ng Clarín na nagsisilbing isang pananggalang ang ozone sa pamamagitan ng pagbabawas sa nakamamatay na epekto ng ultraviolet radiation ng araw.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share