Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 4/22 p. 13-15
  • Ano ang Kinabukasan ng Relihiyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Kinabukasan ng Relihiyon?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Naiibang Suliranin sa Relihiyon
  • Isa sa mga Pinupuntirya
  • Ang Pag-atake ay Hindi Makatuwiran
  • Ano ang Kinabukasan ng Relihiyon?
  • Pinahahalagahan ng mga Ruso ang Kalayaan sa Pagsamba
    Gumising!—2000
  • Nagtagumpay sa Korte ang Bayan ni Jehova!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Kung Paano Nakaligtas ang Relihiyon
    Gumising!—2001
  • Ang Pagsalakay ng Sobyet sa Relihiyon
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 4/22 p. 13-15

Ano ang Kinabukasan ng Relihiyon?

NAGING kapansin-pansin ang pagbabalik ng relihiyon sa mga bansa ng dating Unyong Sobyet. Sa Russia lamang, 50 porsiyento ng populasyon ang nagpapakilala ngayon na sila’y mga Ortodokso, at milyun-milyon ang kaanib ng ibang mga relihiyon. Ang Islam, Judaismo, at Budismo ay ilan sa mga matagal nang nakatatag, at ang mga Saksi ni Jehova ay matagal na ring naroroon.

Sing-aga ng 1891, ang mga kinatawan ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova bago ang taóng 1931, ay dumalaw sa Kishinev, Russia (ngayon ay Chisinau, Moldova). Doon ay nagdaos ng mga pakikipagpulong sa mga kapananampalataya. Noong 1928, si George Young, isang pantanging kinatawan ng mga Estudyante ng Bibliya, ay nakipagkita sa mga opisyal ng Sobyet sa Moscow, Russia, upang humingi ng pahintulot na makapaglathala ng literatura sa Bibliya sa Unyong Sobyet. Nang maglaon, napatanyag ang mga Saksi dahil sa pagtatangka ng mga Sobyet na lipulin sila.

Nang biglang magkawatak-watak ang Unyong Sobyet halos sampung taon na ang nakararaan, nagsimulang magtanong ang mga tao, ‘Bakit kaya sinikap ng mga Sobyet na lipulin ang relihiyon?’ Marami sa mga dinoktrinahan ng ateismo sa loob ng maraming dekada ang nag-usisa kung ano ang mapapakinabangan sa relihiyon. Posible kayang ang Bibliya, na sinupil bilang ipinagbabawal na literatura, ay talaga ngang naglalaman ng mga lunas sa mga suliranin na kinakaharap ng sangkatauhan? Ang mga Ruso ay nagsimulang magsuri para sa kanilang sarili.

Isang Naiibang Suliranin sa Relihiyon

Ang interes sa Bibliya ng napakaraming tao ay lumikha ng isang naiibang uri ng suliranin sa relihiyon sa dating Unyong Sobyet. Ang pahayagang Guardian ng London, Inglatera, ay nagsabi nitong nakaraang taon: “Ang ‘digmaan laban sa Diyos’ ay maaaring natapos na, ngunit isang dekada lamang pagkatapos ng kahiya-hiyang pagkatalo ng estado na nag-angkin bilang kauna-unahang ateistang estado sa daigdig, isang bagong relihiyosong cold war sa Russia ang maaaring nagsisimula pa lamang.” Ano itong tinatawag na relihiyosong cold war na tinukoy ng pahayagan?

Gaya ng nabanggit sa sinundang artikulo, ang Simbahang Ruso Ortodokso ay lubusang nakipagtulungan sa mga lider ng Sobyet upang makapanatili at tumanggap ng mga pribilehiyo. Inilalarawan ng The Guardian ang pagpapatuloy ng gayong kaugnayan, na ipinaliliwanag: “Nasaksihan din sa 10 taon ang pagkakaroon ng simbahan ng isang di-kaayaaya at napakalapit na kaugnayan sa halos di-narepormang estado na dating sumusupil dito, anupat laging sumusuporta sa pamahalaang Ruso (ang pagtataguyod ng Patriyarka sa digmaan sa Chechnya) at bilang kapalit ay nakahahawak ng malaking impluwensiya sa pulitika.”

Itinawag-pansin ng Los Angeles Times ng Pebrero 10, 1999, ang paggamit ng simbahan ng impluwensiya sa pulitika nang magkomento ito tungkol sa Batas Ukol sa Kalayaan ng Budhi at mga Relihiyosong Samahan. Sinabi ng Los Angeles Times na ang batas na ito, na nilagdaan ng dating presidente na si Boris Yeltsin noong Setyembre 1997, ay “itinaguyod ng Simbahang Ruso Ortodokso.” Ang batas ay nagbigay sa simbahan ng pantanging katayuan bilang “tradisyonal” na relihiyon, kasama ng Islam, Judaismo, at Budismo. Bukod sa iba pang kahilingan, iniutos ng batas na muling magparehistro ang mga relihiyosong organisasyon sa Russia.

Ang The New York Times ng Pebrero 11, 1999, ay nag-ulat na nang maipatupad ang batas na ito, “patuloy na ginipit ng Simbahang Ortodokso ang mga karibal nito.” Idinagdag pa ng Times: “Nitong nakaraang Agosto, si Aleksei II, Patriyarka ng Simbahang Ruso Ortodokso, ay nanawagan na ipagbawal ang mga relihiyong nangungumberte, lalo na yaong mga nagsisikap na ilayo ang mga tao mula sa ‘mga relihiyon ng kanilang mga ninuno.’” Mula noon, ang mga pagsisikap na ipagbawal ang tinatawag na mga relihiyong nangungumberte ay nagpatuloy, na ang ibinunga ay inilalarawan bilang “relihiyosong cold war.”

Isa sa mga Pinupuntirya

Ang mga Saksi ni Jehova ang isa sa mga pangunahin nang pinupuntirya ng pag-atake na pinangunahan ng Simbahang Ruso Ortodokso. Noong Hunyo 20, 1996, pinasimulang isaalang-alang ng opisina ng tagapagsakdal ng Moscow ang isang habla na isinampa ng laban-sa-kultong Komite Para sa Pagsasanggalang ng mga Kabataan Mula sa mga Huwad na Relihiyon. Bagaman ang kaso ay ilang beses nang itinigil dahil sa kawalan ng ebidensiya na ang mga Saksi ay may mga gawaing labag sa batas, muli’t muli itong binubuksan.

Samantala, ang mga Saksi ay naging tudlaan ng baha ng propaganda. Ang Komsomolskaya Pravda, isang pahayagan sa Russia na may sirkulasyong 1,200,000, ay nagsabi sa isyu nito ng Nobyembre 21, 1998: “Sa loob lamang ng dalawang taon, ang Simbahang Ruso Ortodokso ay nagpalabas ng mahigit sa sampung aklat, mga brosyur, at mga manwal na ‘nauukol’ sa komunidad ng mga Jehovist.” Bakit pinagtutuunan ng pansin ng simbahan ang paninira sa mga Saksi?

“Malamang,” patuloy ng Komsomolskaya Pravda, “ang pangunahing dahilan ay ang pagdami ng bilang ng mga miyembro ng organisasyong ito nang makasampung ulit, nito lamang pitong taon na nakalipas, at tulad ng alinmang organisasyong herarkiyal, ayaw ng Simbahang Ruso Ortodokso ng kakompetensiya.”

Maaga noong 1999 nang muling buksan ang kaso sa korte laban sa mga Saksi, ito’y pinag-ukulan ng pansin sa buong daigdig. Isang ulong balita ng New York Times ng Pebrero 11 ang kababasahan: “Pinag-aaralan ng Korte sa Moscow ang Pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova.” Binanggit sa artikulo: “Ang kaso na nasa harap ngayon ng isang hukumang sibil sa Moscow, na dinirinig sa isang maliit na silid-hukuman, ay maingat na sinusubaybayan ng mga grupong relihiyoso at makakarapatang pantao bilang ang unang malaking pagsisikap na gamitin ang [Batas Ukol sa Kalayaan ng Budhi at mga Relihiyosong Samahan] upang higpitan ang pagsamba.”

Ipinaliwanag ni Lyudmila Alekseyeva, presidente ng International Helsinki Federation, kung bakit maingat na sinusubaybayan ang paglilitis sa mga Saksi. Sinabi niya na kung yaong mga nagsisikap na higpitan ang mga Saksi ni Jehova “ay magtagumpay sa kasong ito,” kung gayon ay “malaya na nilang masasalakay ang ibang mga grupo” na nakikilala rin bilang mga relihiyong di-tradisyonal. Gayunman, ang paglilitis ay muli na namang nasuspende noong Marso 12, 1999. Ngunit nang sumunod na buwan, noong Abril 29, ipinagkaloob ng Ministri ng Katarungan ng Russia ang isang sertipiko ng pagkakarehistro para sa “Administrative Center of Jehovah’s Witnesses in Russia.”

Sa kabila ng pagkilalang ito ng pamahalaan, ang mga pagsalakay laban sa mga Saksi at sa iba pang relihiyosong minoridad ay nagpatuloy sa Russia at sa iba pang dating republika ng Sobyet. Sinabi ni Lawrence Uzzell, direktor ng Keston Institute sa Oxford, Inglatera, na “laging sulit ang pagsubaybay sa mga Saksi ni Jehova” sapagkat ang nangyayari sa kanila ay nagsisilbing “isang maagang babala.” Tunay nga, nakataya ang napakahalagang kalayaan sa relihiyon ng sampu-sampung milyon katao!

Ang Pag-atake ay Hindi Makatuwiran

Noong unang siglo, inusig ng mga punong saserdote at ng iba pang lider ng relihiyon ang mga tagasunod ni Jesus. (Juan 19:15; Gawa 5:27-33) Bunga nito, nabanggit tungkol sa Kristiyanismo: “Totoong kung tungkol sa sektang ito ay nalalaman namin na sa lahat ng dako ay pinagsasalitaan ito ng masama.” (Gawa 28:22) Hindi dapat pagtakhan, kung gayon, na ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay pinupulaan din, gaya ng ginagawa sa mga Saksi ni Jehova.

Gayunman, matapos na suriin ang ebidensiya laban sa mga unang Kristiyano, si Gamaliel, ang bantog na Pariseo at guro ng Kautusan, ay nagpayo: “Huwag ninyong panghimasukan ang mga taong ito, kundi pabayaan ninyo sila; (sapagkat, kung ang pakanang ito o ang gawaing ito ay mula sa mga tao, ito ay maibabagsak; ngunit kung ito ay mula sa Diyos, hindi ninyo sila maibabagsak;) sa halip, baka masumpungan pa kayong lumalaban mismo sa Diyos.”​—Gawa 5:38, 39.

Ang mga kritiko ay maingat ding nagsisiyasat ngayon tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Ano ang resulta? Sinabi ni Sergey Blagodarov, na nag-aangkin mismo na isang Ortodokso, sa Komsomolskaya Pravda: “Sa mahigit na sa isang daang taon, walang isa mang bansa sa daigdig ang nakapagpatunay na ang mga miyembro ng komunidad na ito ay may mga gawaing labag sa batas, o na di-legal ang pag-iral nito.”

Ano ang Kinabukasan ng Relihiyon?

Tinutukoy ng Bibliya ang “dalisay na relihiyon,” o “pagsamba na malinis at walang dungis.” (Santiago 1:27a; tingnan din ang King James Version.) Gaya ng nabanggit sa sinundang artikulo, inilalarawan ng Bibliya ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon bilang isang “dakilang patutot . . . na pinakiapiran ng mga hari sa lupa.” Ang makasagisag na relihiyosong patutot na ito​—ang “Babilonyang Dakila”​—ay sinasabing “lasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus.”​—Apocalipsis 17:1-6.

Talagang angkop ang ganitong paglalarawan sa relihiyon na lubusang nakipagtulungan sa mga lider ng pulitika sa daigdig upang mapanatili ang pribilehiyo nito! Ngunit ang kinabukasan ng dakila at makasagisag na relihiyosong patutot na ito ay nakatakda na. “Sa isang araw,” ang sabi ng Bibliya, “ay darating ang kaniyang mga salot, kamatayan at pagdadalamhati at taggutom, at lubusan siyang susunugin sa apoy, sapagkat ang Diyos na Jehova, na humatol sa kaniya, ay malakas.” Hindi nga kataka-taka na apurahan ang babala ng anghel: “Lumabas kayo sa kaniya . . . kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot”!​—Apocalipsis 18:4, 7, 8.

Nang ilarawan ng alagad na si Santiago ang “dalisay na relihiyon,” tinukoy niya na ito’y “walang batik mula sa sanlibutan.” (Santiago 1:27b) Bukod pa riyan, sinabi ni Jesu-Kristo tungkol sa kaniyang tunay na mga tagasunod: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Kaya nauunawaan mo ba kung bakit nananatiling hiwalay ang mga Saksi ni Jehova sa nagpaparuming impluwensiya ng mga gawain sa pulitika ng sanlibutang ito? Ginagawa nila ito dahil lubusan silang nagtitiwala sa pangako ng Bibliya: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”​—1 Juan 2:17.

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang paglilitis na ginanap sa Moscow noong Pebrero 1999. Ang panig ng depensa (kaliwa), ang hukom (gitna), at ang panig ng tagapagsakdal (kanan)

[Larawan sa pahina 15]

Inilalarawan ng Bibliya ang kinabukasan ng lahat ng relihiyon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share