Ang Pangmalas ng Bibliya
Si Jehova ba ay Diyos Lamang ng Tribo ng mga Judio?
SA MARAMING lupain sa ngayon, ang pangalang Jehova ay malapit na iniuugnay sa makabagong-panahong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. Gayunman, lumilitaw ang pangalang ito sa ilang salin ng Bibliya na ginagamit ng mga relihiyon bukod pa sa mga Saksi ni Jehova. Sa katunayan, ang pangalang Jehova na kinakatawan ng Tetragrammaton ay ginagamit na sa loob ng libu-libong taon.
Kung minsan, si Jehova ay tinatawag na “Diyos ng Israel.” (1 Cronica 17:24) Ang pananalitang ito ay umakay sa ilan upang maniwala na siya’y isa lamang lokal na diyos ng tribo na maaaring hiniram ng mga Hebreo sa ibang kultura o kaya’y inimbento para sa kanilang sarili. “[Si Jehova] ay nagsimulang umiral bilang isang napakamapusok na diyos ng tribo ng mga Israelita,” ang pahayag ni Karen Armstrong, manunulat ng aklat na A History of God. “Nang maglaon, ginamit ng mga propeta ng Israel . . . , noong mga ikapito at ikaanim na siglo B.C., ang Diyos na ito ng tribo bilang sagisag ng lubos na di-mailarawang katunayan.”
Sinikap na taluntunin ng ilang istoryador ng relihiyon ang pinagmulan ng pangalang Jehova sa mga mapagkukunan sa Canaan o Ehipto. Iginigiit naman ng iba na ito’y “isang lumang pantribong pangalan” at hindi tumutukoy sa Diyos na inilalarawan sa “Bagong Tipan.” Totoo ba iyan? Ano ang isinisiwalat ng isang maingat na pagbabasa ng Bibliya?
Si Jehova—Ang Diyos ng Lahat ng mga Tao
Kinikilala ng Bibliya ang matalik na kaugnayan ni Jehova sa bansang Israel. Ngunit hindi ito dahilan upang ituring na siya’y diyos lamang ng isang tribo. Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay nagtanong: “Siya ba ay Diyos ng mga Judio lamang? Hindi ba gayundin siya sa mga tao ng mga bansa?” Ang malinaw na sagot ni Pablo? “Oo, sa mga tao rin ng mga bansa.” (Roma 3:29) Sino ang Diyos na tinutukoy ni Pablo? Buweno, sa mismong liham na ito sa mga taga-Roma, ang pangalang Jehova ay lumilitaw nang 19 na beses. Sinabi ng apostol, bilang pagsipi sa sinaunang propetang Hebreo na si Joel, na hindi lamang ang mga Judio kundi “ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”—Roma 10:13; Joel 2:32.
Hindi pinili ng mga Israelita si Jehova bilang kanilang Diyos; sa halip, si Jehova ang pumili sa kanila upang isagawa ang kaniyang layunin—samakatuwid nga, upang ihanda ang daan para sa Mesiyas. Bukod pa riyan, ang kahihinatnan ng diyos ng isang tribo ay lubos na kaugnay ng kahihinatnan ng bayan nito. Kapag nalupig ang tribo, ang diyos din nito ay dumaranas ng pagkatalo. Hindi ganito ang kalagayan kung tungkol kay Jehova.
Ang tipan ni Jehova kay Abraham—na nagkabisa maraming siglo pa bago ang Kristiyanong kapanahunan—ay nangako ng mga pagpapala para sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na nagpapakita ng interes ng Diyos sa buong sangkatauhan. (Genesis 12:1-3; Gawa 10:34, 35; 11:18) Ipinakita ng Israelitang si Haring David na hindi lamang ang lupain ng Israel ang pag-aari ni Jehova: “Kay Jehova ang lupa at ang lahat ng naririto, ang mabungang lupain at ang mga tumatahan dito.”—Awit 24:1.
Nang maglaon, nang ang anak ni David na si Solomon ay mag-alay ng isang templo ng pagsamba kay Jehova, ipinakita niya na may isang paraan kung paano malalapitan si Jehova ng mapagpakumbabang mga tao ng alinmang bansa. Sa kaniyang panalangin ng pag-aalay, sinabi ni Solomon: “Gayundin sa banyaga, na hindi bahagi ng iyong bayang Israel at nagmula nga sa malayong lupain . . . at manalangin [siya] tungo sa bahay na ito, makinig ka nawa mula sa langit, sa iyong tatag na dakong tinatahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat ng ipinananawagan sa iyo ng banyaga; upang makilala ng lahat ng bayan sa lupa ang iyong pangalan upang matakot sila sa iyo gaya ng iyong bayang Israel.”—1 Hari 8:41-43.
Itinakwil ang Israel
May kinalaman sa kaugnayan ng Israel kay Jehova, isinulat ni Propesor C. J. Labuschagne: “Sa buong kasaysayan nito, paulit-ulit na naranasan ng Israel na ang ‘pambansang’ Diyos ay maaaring kumilos sa paraang lubhang di-makabansa at laban pa nga sa bansa.” Noong unang siglo, nang itakwil ng Israel ang Mesiyas, itinakwil din ni Jehova ang bansang iyon.
Gayunman, ang pangalan ni Jehova ay patuloy na gagamitin sa gitna ng mga Kristiyano. Habang lumalaki ang Kristiyanong kongregasyon, naging kabilang sa mga kaanib nito ang mga tao mula sa lahat ng mga bansa. Nang pinangangasiwaan ang isang Kristiyanong pagtitipon sa Jerusalem, sinabi ng Judiong alagad na si Santiago na “ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa[ng di-Judio] upang kumuha mula sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” Bilang patotoo na ito’y inihula, sinipi ni Santiago ang isang hula sa aklat ng Amos kung saan lumilitaw ang pangalan ni Jehova.—Gawa 15:2, 12-18; Amos 9:11, 12.
Nagmamalasakit sa Lahat, Nagpapala sa Lahat
Bilang higit pang pagpapatotoo na para sa lahat ang pagka-Diyos ni Jehova, sumulat si Pablo: “Walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, sapagkat may iisang Panginoon sa lahat, na mayaman sa lahat niyaong mga tumatawag sa kaniya.” (Roma 10:12) Oo, ang lahat ng taong masunurin ay maaaring tumanggap ng pagpapala ni Jehova.
Sa lahat ng kaniyang tapat at masunuring anak na tao—anuman ang kanilang bansang pinagmulan o lahi—si Jehova ay nangangako ng isang maluwalhating kinabukasan. Inilalarawan ng kaniyang Salita ang gayong mga tao bilang “ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa.” (Hagai 2:7) Nakikilala ng mga taong ito si Jehova at natututuhan nilang ibigin siya. Ang huling aklat ng Bibliya ay nagsasabi tungkol sa kanila: “Ang lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa harap mo [Jehova], sapagkat ang iyong mga matuwid na batas ay nahayag na.”—Apocalipsis 15:4.
[Larawan sa pahina 20]
Si Moises habang tangan ang Sampung Utos