Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 5/22 p. 13-15
  • Paano Ako Higit na Mapapalapít sa Aking mga Lolo’t Lola?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ako Higit na Mapapalapít sa Aking mga Lolo’t Lola?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkukusa
  • Ano ang Puwede Naming Gawin Nang Magkasama?
  • Isang Espirituwal na Pamana
  • Mga Lolo’t Lola na Nasa Malayo
  • Bakit Dapat Kong Makilala ang Aking mga Lolo’t Lola?
    Gumising!—2001
  • Paano Ako Makikibagay Ngayong Kapisan Na Namin ang Aking mga Nuno?
    Gumising!—1992
  • Ano ang Ilan sa mga Problema?
    Gumising!—1995
  • Bakit Pumisan sa Amin ang Aming mga Nuno?
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 5/22 p. 13-15

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ako Higit na Mapapalapít sa Aking mga Lolo’t Lola?

“Parehong palakuwento ang dalawa kong lolo. Natutulungan ako ng kanilang mga kuwento na maunawaan ang aking damdamin.”​—Joshua.

MAY panahon noon na pangkaraniwan para sa ilang henerasyon ng mga miyembro ng pamilya na mamuhay nang malapit sa isa’t isa​—kadalasan ay nasa iisang tahanan. Ang malapit na pakikisama sa mga lolo’t lola ng isa ay kaugalian noon.

Sa ngayon, maaaring malalayong distansiya ang naghihiwalay sa mga kabataan mula sa kanilang mga lolo’t lola. Bukod dito, lumalaking bilang ng mga pamilya ang winawasak ng diborsiyo. Iniulat ng The Toronto Star na “ang mga lolo’t lola ay maaari ring maging biktima ng diborsiyo at mahadlangan na makita ang kanilang minamahal na mga apo.” Sa ibang mga kalagayan, ang problema ay na maraming kabataan ang talagang may negatibong pangmalas sa mga nakatatanda, anupat minamalas sila bilang makaluma, na may mga pananaw, kagalingan, at mga interes na lubhang naiiba sa taglay nila. Ano ang resulta? Maraming kabataan ang talagang hindi malapít sa kanilang mga lolo’t lola di-tulad ng maaari sana nilang gawin.

Talagang nakalulungkot ito. Gaya ng ipinakita ng nakaraang artikulo sa seryeng ito, ang pagkakaroon ng malapít na kaugnayan sa mga lolo’t lola ng isa​—lalo na kung sila ay may takot sa Diyos​—ay mabuti, kapaki-pakinabang, at kasiya-siya.a Ganito ang sabi ng isang tin-edyer na babae na nagngangalang Rebekah tungkol sa kaniyang lolo’t lola: “Maaari kaming magtawanan nang magkakasama.” Gayundin ang sinabi ng isang kabataang nagngangalang Peter: “Hindi ako natatakot na sabihin sa kanila ang aking nadarama o kung ano ang mga plano ko. Kung minsan ay mas palagay ang loob ko sa kanila kaysa sa aking mga magulang. Sa palagay ko’y maaari kong ipakipag-usap sa aking mga lolo’t lola ang kahit ano.”

Kumusta ka naman? Marahil ay malapít ka sa iyong mga lolo’t lola noong maliit ka pa. Ngunit ngayong tin-edyer ka na, marahil ay hindi mo gaanong naaalagaan ang kaugnayang iyon nitong nakalipas na mga panahon. Kung iyan ang kalagayan, ang simulain sa payo ng Bibliya na nasa 2 Corinto 6:11-​13 ay maaaring kapit na kapit dito, na nagsasabing, “magpalawak” sa iyong pagmamahal sa kanila. Ang tanong ay, Paano?

Pagkukusa

Ang ‘pagpapalawak’ ay nagpapahiwatig ng pagkukusa. Tutal, sinasabi ng Bibliya: “Huwag mong ipagkait ang mabuti doon sa mga kinauukulan, kapag nasa kapangyarihan ng iyong kamay na gawin ito.” (Kawikaan 3:27) Noong ikaw ay bata, marahil ay wala kang gaanong “kapangyarihan” na gumawa ng anuman may kinalaman sa kaugnayan mo sa iyong mga lolo’t lola. Ngunit ngayong malaki ka na, baka pa nga isa nang kabataang adulto, maaaring masumpungan mo na may ilang hakbangin na puwede mo namang gawin.

Halimbawa, kung malapit lamang ang tirahan ng iyong mga lolo’t lola, maaari mong gawing kaugalian na dalawin sila nang regular. Nakababagot ba? Marahil nga, kung uupo ka lamang doon at mananahimik. Kaya pasimulan mo ang pag-uusap! Ano ang maaari mong ipakipag-usap? Makatutulong ang simulain ng Bibliya na nasa Filipos 2:4. Sinasabi nito sa atin na ‘ituon ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.’ Sa ibang salita, magpakita ng interes sa iyong mga lolo’t lola. Ganyakin mo silang magkuwento tungkol sa mga bagay na doon ay interesado sila. Ano ba ang pakiramdam nila? Ano na ba ang ginagawa nila? Marahil ay matutuwa silang ikuwento ang tungkol sa nakalipas. Kaya tanungin sila kung paano ang buhay noong sila ay bata pa. O ano bang uri ng mga bata ang tatay o nanay mo noon? Kung mga Kristiyano ang iyong mga lolo’t lola, itanong kung ano ang nakaakit sa kanila sa mga katotohanan ng Bibliya.

Kadalasan, ang mga lolo’t lola ay napakaraming alam tungkol sa kasaysayan ng pamilya, at malamang na gustung-gusto nilang aliwin ka sa pamamagitan ng kawili-wiling mga kuwento. Sa katunayan, maaari mo pa nga itong gawing isang nakatutuwang proyekto. Subukin mong kapanayamin ang iyong mga lolo’t lola, marahil ay isinusulat ito o inirerekord ito sa isang audio o video recorder. Kung hindi mo tiyak kung ano ang itatanong, magpatulong ka sa iyong mga magulang upang makabuo ng angkop na mga tanong. Malamang na malalaman mo ang maraming bagay na tutulong sa iyo upang higit na maunawaan ang iyong mga lolo’t lola, ang iyong mga magulang, at maging ang iyong sarili. “Parehong palakuwento ang dalawa kong lolo,” ang paglalahad ni Joshua. “Natutulungan ako ng kanilang mga kuwento na maunawaan ang aking damdamin.”

Subalit, huwag kaliligtaan na ang iyong mga lolo’t lola ay lubha ring interesado sa iyong buhay at sa iyong mga gawain. Kapag ikinukuwento mo sa kanila ang iyong ginagawa, inaanyayahan mo silang maging bahagi ng iyong buhay. Tiyak na tutulong ito upang mapalapít kayo sa isa’t isa. Isang kabataan sa Pransiya na nagngangalang Igor ang nagsabi: “Kami ng lola ko ay mahilig uminom ng tsa nang magkasama sa isang café, habang pinag-uusapan kung ano ang mga ginawa namin nitong nakalipas na mga araw.”

Ano ang Puwede Naming Gawin Nang Magkasama?

Kapag nasimulan na ninyong mag-usap, marahil ay maaari na ninyong gawin ang ilang bagay nang magkasama. Sa kaunting pagpaplano, maaari ninyong matuklasan ang lahat ng uri ng gawain na puwede ninyong gawin nang magkasama. Nagugunita ng kabataang si Dara: “Tinuruan ako ng dalawang lola ko ng pagluluto, pagpepreserba ng pagkain sa lata, pagbi-bake, paghahalaman, at paghahardin.” Nakakasama naman ni Amy ang kaniyang mga lolo’t lola sa mga salu-salo at pagbabakasyon ng pamilya. Depende sa kanilang edad, ang ilang lolo’t lola ay lubhang aktibo. Gustung-gusto ni Aaron na makipaglaro ng golf sa kaniyang lola. Si Joshua naman ay nangingisda at gumagawa ng mga proyekto sa bahay kasama ng kaniyang mga lolo.

Kung ang iyong mga lolo’t lola ay mga mananamba ni Jehova, maaaring lalong kasiya-siya na makibahaging kasama nila sa mga pitak ng pagsamba kay Jehova, gaya ng pakikipag-usap sa iba tungkol sa Bibliya. Naglakbay si Igor kasama ng kaniyang lola patungo sa isang internasyonal na pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova sa Poland. “Iyon ay isang di-malilimutang karanasan na aming pinagsamahan, at nasisiyahan pa rin kaming pag-usapan ang tungkol doon,” ang sabi niya. Totoo, hindi lahat ng mga lolo’t lola ay nakalilibot nang gayon. Gayunman, kapaki-pakinabang pa rin na gumugol ng panahon kasama nila.

Isang Espirituwal na Pamana

Noong panahon ng Bibliya, isang babaing nagngangalang Loida ang gumanap ng mahalagang papel sa pagtulong sa kaniyang apo, si Timoteo, upang maging isang mahusay na tao ng Diyos. (2 Timoteo 1:5) Hindi kataka-taka, maraming Kristiyanong lolo’t lola ang gumaganap ng gayunding papel sa ngayon. Sinabi ni Joshua tungkol sa kaniyang mga lolo’t lola: “Mas mahaba ang panahon na ipinaglingkod nila kay Jehova kaysa sa panahon na ako ay buháy, kaya matindi ang paggalang ko sa kanila, hindi lamang bilang mga lolo’t lola ko kundi bilang mga tagapag-ingat ng katapatan.” Sinabi ni Amy: “Laging sinasabi ng aking mga lolo’t lola kung paano sila napatitibay at naliligayahan na makitang ako ay tapat na naglilingkod kay Jehova. Gayunman, ang pagkakita sa kanilang mainam na halimbawa at sigasig para kay Jehova bilang mga payunir [buong-panahong mga ebanghelisador] ay nagpapatibay sa akin na magpatuloy sa aking paglilingkod bilang payunir.”

Tinatawag ni Chris ang kaniyang lola na “ang taong lubhang nakaganyak sa akin na mag-aral at sumulong.” Sinabi pa niya: “Hindi ko malilimutan kailanman ang sinasabi niya na ‘dapat nating gawin ang pinakamainam para kay Jehova.’” Ang lolo’t lola ni Pedro ay may lalong malaking papel na ginampanan sa kaniyang espirituwal na pagsulong. Sinabi niya: “Nakatulong nang malaki sa akin ang kanilang karanasan. Lagi akong isinasama ng aking lolo’t lola sa pangangaral, at lubha ko itong pinahahalagahan.” Oo, ang pagiging malapít sa mga lolo’t lola na may takot sa Diyos ay makatutulong sa iyo na lubusang mapaglingkuran ang Diyos.

Mga Lolo’t Lola na Nasa Malayo

Paano kung nakatira sa malayo ang iyong mga lolo’t lola? Kung posible, sikaping dumalaw nang regular. Sa pagitan ng mga pagdalaw, sikaping mapanatili ang ugnayan. Nadadalaw lamang ni Hornan ang kaniyang lolo’t lola nang tatlong beses sa isang taon, subalit sinabi niya: “Tinatawagan ko sila tuwing Linggo.” Si Dara, na nakatira rin nang malayo sa kaniyang mga lolo’t lola, ay nagsabi: “Interesado sila sa aking buhay, at nagtatawagan kami o nagpapadala ng E-mail sa isa’t isa halos linggu-linggo.” Angkop naman na magpadala ng E-mail at tumawag sa telepono, ngunit huwag maliitin ang bisa ng isang makalumang sulat-kamay na liham. Nagugulat ang maraming kabataan kapag nalaman na itinatago ng kanilang mga lolo’t lola ang mga liham na kanilang isinulat mula noong sila ay bata pa. Ang mga liham ay maaaring basahin at muling basahin​—at pakaingatan. Kaya tiyaking lumiham!

Kadalasan, ang mga lolo’t lola ay may lubhang natatanging pagmamahal sa kanilang mga apo. (Kawikaan 17:6) Maraming paraan upang makapagtatag at mapanatili ang isang malapít na kaugnayan sa iyong mga lolo’t lola, sila man ay nakatira sa malapit o sa malayo. Pagsikapan nawang gawin ito.

[Talababa]

a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Dapat Kong Makilala ang Aking mga Lolo’t Lola?” sa aming Abril 22, 2001 na isyu.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share