Makabagong Medisina—Gaano Kataas ang Maaabot Nito?
MARAMING bata ang maagang natututo: Para mapitas ang isang mansanas na hindi nila maabot, sumasampa sila sa mga balikat ng isang kalaro. Sa larangan ng medisina, ganito rin ang nangyayari. Pataas nang pataas ang antas ng tagumpay na naaabot ng mga mananaliksik sa medisina sa pamamagitan ng pagtuntong sa mga balikat ng mga kilalang manggagamot noon.
Kabilang sa naunang mga tagapagpagaling na ito ay ang mga kilalang tao na gaya nina Hippocrates at Pasteur, pati ang mga taong gaya nina Vesalius at William Morton—mga pangalang di-pamilyar sa marami. Ano ang utang ng makabagong medisina sa kanila?
Noong sinaunang panahon, ang panggagamot ay kadalasan nang hindi isang gawain sa siyensiya kundi nagsasangkot ng pamahiin at relihiyosong ritwal. Ang aklat na The Epic of Medicine, na isinaayos ni Dr. Felix Marti-Ibañez, ay nagsasabi: “Upang malabanan ang sakit . . . , bumaling ang mga taga-Mesopotamia sa pinagsamang medisina at relihiyon, yamang naniniwala sila na ang sakit ay parusa sa kanila ng mga diyos.” Ang medisina ng mga Ehipsiyo, na sumunod di-nagtagal, ay nakaugat din sa relihiyon. Kaya naman, sa pasimula pa lamang, ang tagapagpagaling ay halos sambahin na.
Sa kaniyang aklat na The Clay Pedestal, ganito ang sabi ni Dr. Thomas A. Preston: “Maraming paniniwala ng mga sinaunang tao na nakaimpluwensiya sa panggagamot ang nananatili hanggang sa ngayon. Ang isa sa gayong paniniwala ay na ang sakit ay hindi kayang kontrolin ng pasyente, at may pag-asa lamang siyang gumaling sa pamamagitan ng mahiwagang kapangyarihan ng manggagamot.”
Paglalatag ng mga Pundasyon
Gayunman, sa kalaunan, ang paraan ng panggagamot ay unti-unting naging makasiyensiya. Ang pangunahin na sinaunang makasiyensiyang tagapagpagaling ay si Hippocrates. Siya’y isinilang noong mga 460 B.C.E. sa isla ng Kos sa Gresya at itinuturing ng marami bilang ang ama ng medisina sa Kanluran. Inilatag ni Hippocrates ang saligan para sa makatuwirang pamamaraan sa medisina. Tinanggihan niya ang palagay na ang sakit ay parusa mula sa isang bathala, na nangangatuwirang ito’y may likas na sanhi. Halimbawa, ang epilepsi ay malaon nang tinatawag na sagradong sakit dahilan sa paniniwala na malulunasan lamang ito ng mga diyos. Ngunit sumulat si Hippocrates: “Hinggil sa sakit na tinatawag na Sagrado: sa palagay ko’y hindi ito talaga nagmula sa mga diyos ni sagrado gaya rin ng ibang mga sakit, kundi may likas na sanhi.” Si Hippocrates din ang kauna-unahang kilalang tagapagpagaling na nagsuri sa mga sintomas ng iba’t ibang sakit at itinala ang mga ito upang mapagbatayan sa hinaharap.
Pagkalipas ng maraming siglo, gumawa rin si Galen, isang Griegong manggagamot na isinilang noong 129 C.E., ng makabago at makasiyensiyang pananaliksik. Batay sa mga pagsusuri sa mga bangkay ng tao at hayop, naglathala si Galen ng isang aklat-aralin sa anatomiya na ginamit ng mga doktor sa loob ng maraming siglo! Si Andreas Vesalius, na ipinanganak sa Brussels noong 1514, ang sumulat ng aklat na On the Structure of the Human Body. Ito ay napaharap sa pagsalansang, yamang sinalungat nito ang marami sa mga konklusyon ni Galen, ngunit inilatag naman nito ang pundasyon para sa makabagong anatomiya. Ayon sa aklat na Die Grossen (Ang mga Bantog na Tao), si Vesalius sa gayon ay naging “isa sa pinakamahahalagang mananaliksik sa medisina sa lahat ng tao at sa lahat ng panahon.”
Ang mga teoriya ni Galen tungkol sa puso at sa sirkulasyon ng dugo ay pinawalang-bisa rin nang maglaon.a Ang Ingles na manggagamot na si William Harvey ay gumugol ng maraming taon sa pagsusuri sa mga bangkay ng mga hayop at mga ibon. Sinuri niya ang ginagawa ng mga barbula ng puso, sinukat ang dami ng dugo sa bawat ventricle ng puso, at tinaya ang dami ng dugo sa katawan. Inilathala ni Harvey ang kaniyang mga natuklasan noong 1628 sa isang aklat na tinawag na On the Motion of the Heart and Blood in Animals. Siya ay binatikos, sinalansang, inatake, at ininsulto. Ngunit ang kaniyang akda ay lumikha ng isang malaking pagbabago sa medisina—natuklasan ang sistema ng sirkulasyon ng dugo sa katawan!
Mula sa Pagbabarbero Tungo sa Pag-oopera
Malalaking pagsulong din ang nagawa noon sa pag-oopera. Noong Edad Medya, ang pag-oopera ay kadalasang gawain ng mga barbero. Hindi naman nakapagtataka, sinasabi ng ilan na ang ama ng makabagong pag-oopera ay ang Pranses noong ika-16 na siglo na si Ambroise Paré—isang tagapangunang siruhano na naglingkod sa apat na hari ng Pransiya. Nakaimbento rin si Paré ng maraming kasangkapan sa pag-oopera.
Ang isa sa malalaking problema na kinaharap pa rin ng siruhano noong ika-19 na siglo ay ang kaniyang kawalang-kakayahan na pahupain ang kirot ng pag-oopera. Subalit noong 1846, isang siruhano sa ngipin na nagngangalang William Morton ang nagbukas ng daan sa malawakang paggamit ng pampamanhid sa pag-oopera.b
Noong 1895, samantalang nag-eeksperimento sa elektrisidad, nakakita ang pisikong Aleman na si Wilhelm Röntgen ng mga ray (sinag) na tumatagos sa kalamnan ngunit hindi sa buto. Hindi niya alam ang pinagmulan ng mga ray, kaya tinawag niya ang mga ito na mga X ray, isang pangalan na ginagamit pa rin sa daigdig ng mga nagsasalita ng Ingles. (Kilala ito ng mga Aleman bilang Röntgenstrahlen.) Ayon sa aklat na Die Großen Deutschen (Mga Bantog na Aleman), sinabi ni Röntgen sa kaniyang asawa: “Sasabihin ng mga tao: ‘Nababaliw na si Röntgen.’” Sinabi nga ito ng ilan. Ngunit binago ng kaniyang natuklasan ang pag-oopera. Maaari na ngayong makita ng mga siruhano ang loob ng katawan nang hindi ito hinihiwa.
Pagdaig sa mga Sakit
Sa paglipas ng panahon, ang mga nakahahawang sakit gaya ng smallpox (bulutong) ay paulit-ulit na nagdulot ng epidemya, pangingilabot, at kamatayan. Isinulat ni Ar-Rāzī, isang Persiano noong ikasiyam na siglo na itinuturing ng ilan na siyang pinakamagaling na manggagamot sa daigdig ng Islam nang panahong iyon, ang kauna-unahang tumpak na medikal na paglalarawan sa bulutong. Ngunit lumipas pa ang maraming siglo bago natuklasan ng isang manggagamot na Britano na nagngangalang Edward Jenner ang paraan upang lunasan ito. Napansin ni Jenner na minsang mahawahan ang isang tao ng cowpox (bulutong-baka)—isang di-mapanganib na sakit—hindi na siya tinatablan pa ng bulutong. Salig sa obserbasyong ito, gumamit si Jenner ng bagay mula sa mga piraso ng balat na nahawahan ng bulutong-baka upang makagawa ng isang bakuna laban sa bulutong. Iyon ay noong 1796. Tulad ng ibang mga tagapagbago na nauna sa kaniya, si Jenner ay binatikos at sinalansang. Ngunit ang kaniyang pagkatuklas sa proseso ng pagbabakuna ang umakay nang maglaon sa pagsugpo sa sakit at nagbigay sa medisina ng isang mabisa at bagong pamamaraan upang labanan ang sakit.
Ginamit ng Pranses na si Louis Pasteur ang pagbabakuna upang labanan ang rabis at anthrax. Pinatunayan din niya na ang mga mikrobyo ay may malaking papel sa pagdudulot ng sakit. Noong 1882, nakilala ni Robert Koch ang mikrobyo na nagdudulot ng tuberkulosis, na inilarawan ng isang istoryador bilang “ang pinakamatinding nakamamatay na sakit noong ikalabinsiyam na siglo.” Makalipas ang mga isang taon, nakilala naman ni Koch ang mikrobyo na nagdudulot ng kolera. Ganito ang sabi ng magasing Life: “Ang gawa nina Pasteur at Koch ang nagpasimula sa siyensiya ng mikrobiyolohiya at umakay sa mga pagsulong sa imyunolohiya, sanitasyon at kalinisan na nakatulong nang higit upang palawigin ang haba ng buhay ng tao kaysa sa anumang pagsulong sa siyensiya sa nakalipas na 1,000 taon.”
Medisina sa Ikadalawampung Siglo
Sa pasimula ng ika-20 siglo, ang medisina ay nakatuntong sa mga balikat ng mahuhusay na manggagamot na ito at ng iba pa. Mula noon, naging napakabilis at sunud-sunod ang pagsulong sa medisina—ang insulin para sa diyabetis, chemotherapy para sa kanser, paggamot sa pamamagitan ng hormone para sa mga kapansanan sa glandula, mga antibiotic para sa tuberkulosis, chloroquine para sa mga partikular na uri ng malarya, at dialysis para sa mga sakit sa bato, at gayundin ang open-heart na operasyon, at mga paglilipat ng sangkap ng katawan, bilang pagbanggit sa ilan.
Ngunit ngayong nasa bukang-liwayway na tayo ng ika-21 siglo, gaano na kalapit ang medisina sa tunguhing magarantiyahan ang “isang katanggap-tanggap na antas ng kalusugan para sa lahat ng tao sa daigdig”?
Isa Bang Tunguhin na Di-Maaabot?
Natututuhan ng mga bata na ang pagsampa sa balikat ng isang kalaro ay hindi magpapangyaring maabot niya ang lahat ng mansanas. Ang ilan sa mga pinakamakatas na mansanas ay nasa tuktok ng punungkahoy, na hindi pa rin niya kayang abutin. Sa katulad na paraan, naabot ng medisina ang sunud-sunod na tagumpay, pataas nang pataas. Ngunit ang pinakamimithing tunguhin—ang mabuting kalusugan para sa lahat—ay hindi pa rin maabot sa tuktok ng punungkahoy.
Kaya nga, bagaman iniulat noong 1998 ng European Commission na ang “mga Europeo ay hindi pa kailanman nakapagtamasa ng gayong kahaba at kalusog na buhay,” idinagdag ng ulat: “Isang tao sa bawat lima ang maagang mamamatay bago ang edad na 65. Kanser ang magiging sanhi ng mga 40% ng mga pagkamatay na ito, ang mga sakit sa puso naman para sa karagdagan pang 30% . . . Kailangang maglaan ng mas mabuting proteksiyon laban sa mga bagong banta sa kalusugan.”
Iniulat ng magasing pangkalusugan sa Alemanya na Gesundheit noong Nobyembre 1998 na lumalaki ang bantang inihaharap ng mga nakahahawang sakit gaya ng kolera at tuberkulosis. Bakit? Ang mga antibiotic “ay hindi na nagiging mabisa. Parami nang paraming baktirya ang hindi na tinatablan ng kahit isa man lamang sa karaniwang gamot; sa katunayan, marami ang hindi na tinatablan ng ilang uri ng gamot.” Hindi lamang bumabalik ang mga dating sakit kundi lumilitaw rin ang mga bagong sakit gaya ng AIDS. Ang publikasyon hinggil sa gamot na Statistics ’97 sa Alemanya ay nagpapaalaala sa atin: “Sa dalawang katlo ng lahat ng kilalang mga karamdaman—mga 20,000—hanggang sa kasalukuyan ay wala pang paraan upang magamot ang sanhi nito.”
Nasa Gene Therapy ba ang Solusyon?
Ipagpalagay na ngang sumusulong ang mga makabagong panggagamot. Halimbawa, nadarama ng marami na hawak ng henetikong inhinyeriya ang susi sa mas mabuting kalusugan. Pagkatapos ng pagsasaliksik sa Estados Unidos noong dekada 1990 ng mga manggagamot na gaya ni Dr. W. French Anderson, ang gene therapy ay inilarawan bilang “ang pinakakapana-panabik at pinakapopular na bagong larangan ng pananaliksik sa medisina.” Sa katunayan, ang aklat na Heilen mit Genen (Pagpapagaling sa Pamamagitan ng mga Gene) ay nagsasabi na sa pamamagitan ng gene theraphy ang “siyensiya sa medisina ay maaaring nalalapit na sa isang panibagong pagsulong. Totoo ito lalo na sa paggamot sa mga karamdaman na hanggang sa ngayon ay wala pang lunas.”
Umaasa ang mga siyentipiko na darating ang panahon na malulunasan ang likas na mga henetikong sakit sa pamamagitan ng pag-iiniksiyon sa mga pasyente ng mga corrective gene. Maging ang mga mapaminsalang selula, gaya ng mga selula ng kanser, ay marahil mapangyayari na puksain nito ang ganang sarili. Ang pagsusuri sa gene upang makilala ang pagiging madaling tablan ng isang tao ng partikular na mga karamdaman ay posible na. Sinasabi ng ilan na ang pharmacogenomics—ang pagbabago ng mga gamot upang ibagay sa henetikong kayarian ng isang tao—ang susunod na susulong. Ipinahiwatig ng isang prominenteng mananaliksik na balang araw ay magagawa ng mga doktor na “suriin ang mga karamdaman ng kanilang mga pasyente at bigyan sila ng angkop na mga bahagi ng hibla ng molekula upang gamutin sila.”
Gayunman, hindi lahat ay kumbinsido na ang gene therapy ay nagbibigay ng “silver bullet” na lunas sa hinaharap. Sa katunayan, ayon sa mga surbey, baka nga ayaw ng mga tao na masuri ang kanilang henetikong kayarian. Marami rin ang natatakot na baka ang gene theraphy ay isang mapanganib na pakikialam sa kalikasan.
Panahon lamang ang makapagsasabi kung ang henetikong inhinyeriya o iba pang makabagong mga pamamaraan sa medisina ay makatutupad sa pagkagagandang pangako nito o hindi. Gayunman, may dahilan upang huwag labis-labis na umasa. Inilalarawan ng aklat na The Clay Pedestal ang isang karaniwang siklo: “Isang bagong therapy ang lalabas, na pinapupurihan sa mga pagpupulong ng mga manggagamot at sa mga propesyonal na mga babasahin. Ang mga lumikha nito ay nagiging tanyag sa kanilang propesyon, at pinapupurihan ng media ang pagsulong. Matapos ang panahon ng pagsasaya at dokumentadong mga testimonyo bilang pagsuporta sa kamangha-manghang panggagamot, magsisimula ang unti-unting pagkasiphayo, na tumatagal mula sa ilang buwan hanggang sa ilang dekada. Pagkatapos ay matutuklasan ang isang bagong lunas, at halos sa isang kisap-mata lamang, hahalinhan naman nito ang dati, na agad namang ituturing na walang-kabuluhan.” Totoo naman, marami sa mga lunas na itinuring ng karamihan sa mga doktor na hindi mabisa ay mga dating pamantayang panggagamot.
Bagaman ang mga doktor sa ngayon ay hindi na pinagkakalooban ng relihiyosong katayuan na ibinibigay sa mga tagapagpagaling noong sinaunang panahon, may hilig ang ilang tao na iukol ang halos tulad-diyos na kapangyarihan sa mga manggagamot at maniwalang tiyak na masusumpungan ng siyensiya ang lunas para sa lahat ng mga karamdaman ng sangkatauhan. Gayunman, ang realidad ay hindi nakaaabot sa pamantayang ito. Sa kaniyang aklat na How and Why We Age, sinabi ni Dr. Leonard Hayflick: “Noong 1900, 75 porsiyento ng mga tao sa Estados Unidos ang namatay bago nila naabot ang edad na animnapu’t lima. Sa ngayon, ang estadistikang ito ay halos kabaligtaran na: mga 70 porsiyento ng mga tao ang namamatay paglampas ng edad na animnapu’t lima.” Ano kaya ang dahilan ng kapansin-pansing paglawig na ito ng haba ng buhay? Ipinaliwanag ni Hayflick na ito “ay dahilan na rin sa pagbaba ng dami ng namamatay na mga bagong silang.” Ngayon, ipagpalagay natin na kayang pawiin ng siyensiya sa medisina ang pangunahing mga sanhi ng kamatayan ng matatanda—sakit sa puso, kanser, at istrok. Hindi ba iyan nagpapahiwatig ng pagkakaloob ng imortalidad? Hinding-hindi. Sinabi ni Dr. Hayflick na kahit magkagayon, “karamihan ng mga tao ay mabubuhay nang hanggang mga isang daang taóng gulang.” Idinagdag pa niya: “Ang mga sentenaryong ito ay hindi pa rin imortal. Ngunit ano ang ikamamatay nila? Sila’y basta hihina na lamang nang hihina hanggang sa mamatay.”
Sa kabila ng pinakamahuhusay na pagsisikap ng siyensiya sa medisina, ang pagpawi sa kamatayan ay hindi pa rin naaabot ng medisina. Bakit ganito ang kalagayan? At ang tunguhin ba na mabuting kalusugan para sa lahat ay isang imposibleng pangarap?
[Mga talababa]
a Ayon sa The World Book Encyclopedia, inakala ni Galen na binabago ng atay ang natunaw na pagkain upang maging dugo, na dumadaloy naman patungo sa buong katawan at nasisipsip nito.
b Tingnan ang artikulong “Mula sa Matinding Paghihirap Tungo sa Anestisya,” sa Nobyembre 22, 2000, na isyu ng Gumising!
[Blurb sa pahina 4]
“Maraming paniniwala ng mga sinaunang tao na nakaimpluwensiya sa panggagamot ang nananatili hanggang sa ngayon.”—The Clay Pedestal
[Mga larawan sa pahina 4, 5]
Sina Hippocrates, Galen, at Vesalius ang naglatag ng mga pundasyon ng makabagong medisina
[Credit Lines]
Kos Island, Greece
Courtesy National Library of Medicine
Woodcut by Jan Steven von Kalkar of A. Vesalius, taken from Meyer’s Encyclopedic Lexicon
[Mga larawan sa pahina 6]
Si Ambroise Paré ay isang tagapangunang siruhano na naglingkod sa apat na hari ng Pransiya
Ang Persianong manggagamot na si Ar-Rāzī (kaliwa), at ang Britanong manggagamot na si Edward Jenner (kanan)
[Credit Lines]
Paré at Ar-Rāzī: Courtesy National Library of Medicine
From the book Great Men and Famous Women
[Larawan sa pahina 7]
Pinatunayan ng Pranses na si Louis Pasteur na ang mga mikrobyo ay nagdudulot ng sakit
[Credit Line]
© Institut Pasteur
[Mga larawan sa pahina 8]
Kahit na mapawi ang pangunahing mga sanhi ng kamatayan, ang pagtanda ay magdudulot pa rin ng kamatayan