Saan Napunta ang Lahat ng Tubig?
Ang Cherrapunji, India, ay isa sa pinakabasang lugar sa daigdig. Kapag panahon ng tag-ulang dulot ng habagat, 9,000 milimetro ng ulan ang bumabasâ sa mga burol nito, na nasa paanan ng Kabundukan ng Himalaya. Ngunit mahirap man itong paniwalaan, ang Cherrapunji ay dumaranas din ng kakapusan sa tubig.
YAMANG kakaunti na ang natitirang pananim na pipigil sa tubig, ang pag-agos nito ay halos kasimbilis din ng pagpatak nito mula sa himpapawid. Dalawang buwan pagkatapos ng pag-ulang dulot ng habagat, kinakapos na ng tubig. Inilarawan ni Robin Clarke ang Cherrapunji, sa kaniyang aklat na Water: The International Crisis, ilang taon na ang nakalilipas bilang “ang pinakabasang disyerto sa daigdig.”a
Hindi kalayuan sa Cherrapunji, sa direksiyon ng agos ng tubig, ay matatagpuan ang Bangladesh, isang bansang matao at nasa mababang dako na lubhang naaapektuhan ng tubig-ulan na dulot ng habagat na umaagos sa mga kinalbong gilid ng mga burol ng India at Nepal. May mga taon na dalawang katlo ng Bangladesh ang binabaha. Ngunit kapag humupa na ang tubig-baha, ang Ilog Ganges ay nagiging maliit na daloy na lamang, at ang lupain ay nagiging tigang. Mahigit na 100 milyon katao sa Bangladesh ang napapaharap sa malupit at taunang siklong ito ng mga baha at tagtuyot. Dagdag pa sa problema, ang tubig sa mga balon doon ay narumhan ng arsenic, na malamang na lumason na ng milyun-milyong tao.
Sa Nukus, Uzbekistan, di-kalayuan sa Dagat Aral, asin ang problema sa halip na arsenic. Nababalot ng puti at malakaliskis na deposito ang mga halamang bulak at pinipigil ang paglaki ng mga ito. Ang asin ay pumapaibabaw mula sa pang-ilalim na lupang babad sa tubig. Ang suliraning ito, na tinatawag na salinization, ay hindi na bago. Ang agrikultura sa Mesopotamia ay humina apat na libong taon na ang nakalilipas sa mismong dahilan ding iyon. Ang labis-labis na irigasyon kalakip na ang di-sapat na malalabasan ng tubig ang nagiging dahilan upang maipon sa ibabaw ang mga asin sa lupa. Upang magkaroon ng sapat na ani, parami nang paraming sariwang tubig ang kailangang gamitin. Gayunman, sa dakong huli ay hindi na rin mapapakinabangan ang lupa—ng mga darating na salinlahi.
Saan Napupunta ang Lahat ng Tubig?
Nakalulungkot, madalas na ang pag-ulan ay dumarating sa anyong malalakas na pagbuhos. Hindi lamang ito sanhi ng pagbaha kundi nagiging dahilan din ng mabilis na pag-agos ng tubig mula sa lupa patungo sa dagat. At madalas umulan sa ilang lugar, samantalang madalang naman sa iba. Kilala ang Cherrapunji sa pagtatala ng mahigit sa 26,000 milimetro ng ulan sa isang yugto na 12 buwan, samantalang ang Disyerto ng Atacama sa hilagang Chile ay maaaring dumanas ng ilang taon na wala man lamang medyo malakas-lakas na pag-ulan.
Karagdagan pa, karamihan ng mga tao sa ating planeta ay naninirahan sa mga lugar na hindi sagana sa tubig. Halimbawa, masasabing kakaunting tao lamang ang naninirahan sa tropikal na mga lugar sa Aprika at Timog Amerika kung saan sagana ang ulan. Ibinubuhos ng malaking Ilog Amazon sa Karagatang Atlantiko ang 15 porsiyento ng taunang pandaigdig na tubig-ulan, ngunit dahil ang populasyon sa lugar na iyon ay maliit, napakakaunting tubig lamang ang kailangan ng mga tao. Sa kabilang dako, mga 60 milyon katao ang naninirahan sa Ehipto, kung saan kakaunti ang ulan, at halos lahat ng kanilang pangangailangan sa tubig ay dapat na masapatan ng nasasaid na Ilog Nilo.
Maraming taon na ang nakalilipas, ang gayong kapansin-pansing pagkakaiba sa mga suplay ng tubig ay hindi nagdudulot ng malulubhang problema. Ayon sa isang surbey, noong 1950 ay walang rehiyon sa lupa na dumanas ng napakababa o lubhang napakababang suplay ng tubig. Ngunit nagbago na ang mga panahong iyon ng kasaganaan sa tubig. Sa tigang na mga rehiyon ng Hilagang Aprika at Gitnang Asia, ang dami ng tubig na makukuha ng bawat tao ay bumaba tungo sa ikasampung bahagi ng makukuha ng bawat tao noong 1950.
Maliban sa pagdami ng populasyon at sa madalang na pag-ulan sa maraming mataong lugar, tumaas din ang pangangailangan sa tubig sa iba pang mga kadahilanan. Sa daigdig sa ngayon, ang pagsulong at kasaganaan ay kaagapay ng maaasahang suplay ng tubig.
Ang Lumalaking Pangangailangan sa Tubig
Kung naninirahan ka sa isang industriyalisadong bansa, walang alinlangan na napansin mong ang mga pagawaan ay nakapalibot sa malalaking ilog. Simple lamang ang dahilan. Kailangan ng industriya ang tubig upang makagawa ng halos lahat ng bagay, mula sa mga computer hanggang sa mga klip ng papel. Ang pagpoproseso ng pagkain ay gumagamit din ng nakagugulat na dami ng tubig. Ang mga istasyon ng kuryente ay nangangailangan ng walang-katapusang suplay ng tubig at matatagpuan sa tabi ng mga lawa o mga ilog.
Ang pangangailangan ng agrikultura sa tubig ay mas malaki pa. Sa maraming lugar, alinman sa ang ulan ay napakakaunti o labis na di-maaasahan upang makatiyak ng isang mabuting ani, kaya ang irigasyon ang waring angkop na solusyon para mapakain ang isang nagugutom na planeta. Dahil sa pagdepende sa mga pananim na pinatutubigan, ginagamit ng agrikultura ang malaking bahagi ng suplay ng sariwang tubig ng planeta.
Karagdagan pa, ang konsumo sa tubig sa mga tahanan ay lumaki. Noong dekada ng 1990, isang napakalaking 900 milyong bagong naninirahan sa lunsod ang nangailangan ng sapat na sanitasyon at mapagkukunan ng ligtas na tubig. Ang dating mga pinagkukunan ng tubig, gaya ng mga ilog at mga balon, ay hindi na sapat para sa malalaking lunsod. Halimbawa, ang Mexico City ngayon ay kailangang kumuha ng tubig sa pamamagitan ng linya ng tubo mula sa layong mahigit sa 125 kilometro at padaluyin ito sa pamamagitan ng bomba ng tubig pabagtas sa isang kabundukan na mas mataas ng 1,200 metro kaysa sa kapantayan ng lunsod. Ang kalagayan, sabi ni Dieter Kraemer sa kaniyang ulat na Water: The Life-Giving Source, ay “parang isang pugita; ang mga galamay ay papalabas ng lunsod upang sikaping kumuha ng tubig.”
Kaya naman, ang industriya, agrikultura, at mga lunsod ay pawang nananawagan para sa mas maraming tubig. At marami sa kanilang mga pangangailangan ang nasasapatan, pansamantala, sa pamamagitan ng pagkuha nito mula sa mga reserba ng planeta—ang tubig sa ilalim ng lupa. Ang mga aquifer ay isa sa mga pangunahing deposito ng sariwang tubig sa daigdig. Ngunit maaari rin itong maubos. Ang gayong mga deposito ng tubig ay gaya ng salapi sa bangko. Hindi ka maaaring maglabas nang maglabas nito kung paminsan-minsan ka lamang nagdedeposito. Sa malao’t madali, darating ang araw ng pagtutuos.
Paggamit at Maling Paggamit ng Tubig sa Ilalim ng Lupa
Ang tubig sa ilalim ng lupa ang suplay ng tubig na nakukuha natin kapag humukay tayo ng isang balon. Tinataya ng ulat ng United Nations Children’s Fund na Groundwater: The Invisible and Endangered Resource na kalahati ng tubig na ginagamit para sa mga tahanan at para sa irigasyon ng mga pananim ay dito nagmumula. Yamang ang tubig sa ilalim ng lupa ay kadalasan nang mas malinis kaysa sa tubig sa ibabaw ng lupa, inilalaan din nito ang karamihan sa ating iniinom na tubig, kapuwa sa mga lunsod at sa mga lalawigan. Kung ang pagkuha ay katamtaman lamang, ang suplay ng tubig sa ilalim ng lupa ay hindi magbabago, yamang regular na pinupunan ang mga ito ng ulan na unti-unting tumatagos sa mga imbakang ito sa ilalim ng lupa. Ngunit sa loob ng maraming dekada ay mas maraming tubig ang sinisipsip ng sangkatauhan kaysa sa kayang palitan ng likas na siklo ng tubig.
Dahil dito, ang taas ng tubig sa ilalim ng lupa ay bumababa, at nagiging magastos o kaya’y di-praktikal na humukay hanggang sa sapat na lalim upang maabot ito. Kapag natuyo ang balon, nagbubunga ito ng kasakunaan sa kabuhayan at sa mga tao. Sa India ang gayong mga trahedya ay nagsimula nang maganap. Yamang ang pagkain para sa isang bilyong tao na naninirahan sa gitnang kapatagan ng Tsina at India ay nakasalalay sa tubig na nakaimbak sa ilalim ng lupa, ang hinaharap ay nakababahala.
Ang pagkaubos ng suplay ng tubig sa ilalim ng lupa ay pinalalala pa ng polusyon. Ang mga pataba sa agrikultura, mga dumi ng tao at hayop, at mga kimikal sa industriya ay pawang nakatatagos sa tubig sa ilalim ng lupa. “Minsang marumhan ang isang aquifer, ang mga pamamaraan upang malunasan ito ay maaaring matagal at magastos, o baka imposible pa nga,” ang paliwanag ng isang ulat na inilathala ng World Meteorological Organization. “Ang mabagal na pagtagos ng mga dumi ay tinawag na ‘chemical time bomb.’ Pinagbabantaan nito ang sangkatauhan.”
Ang pangwakas na kabalintunaan ay na ang tubig na binobomba mula sa mga aquifer sa ilalim ng lupa ay maaaring siya pang sumira sa mismong lupa na dapat nitong patubigan. Karamihan sa mga lupang may irigasyon sa tigang o medyo-tigang na mga bansa sa daigdig ay dumaranas ngayon ng salinization. Sa India at sa Estados Unidos—dalawa sa mga pangunahing bansa na pinagmumulan ng pagkain sa daigdig—lubhang nasira ang 25 porsiyento ng lupang may irigasyon.
Huwag Aksayahin Upang Hindi Ka Kapusin
Sa kabila ng lahat ng mga suliraning ito, ang situwasyon ay hindi naman lubhang nakapangangamba kung ang mahalagang tubig sa planeta ay ginagamit nang mas maingat. Ang di-mahusay na mga pamamaraan sa irigasyon ay kadalasang umaaksaya ng 60 porsiyento ng tubig bago ito makarating sa mga pananim. Ang higit na pagpapahusay—na ginagamit ang makukuhang teknolohiya—ay makapagpapababa sa konsumo sa tubig ng industriya nang 50 porsiyento. At maging ang paggamit ng tubig sa lunsod ay maaaring mabawasan ng 30 porsiyento kung ang mga sirang tubo ay aayusin kaagad.
Upang makapagtipid ng tubig, kailangan ang kapuwa determinasyon at pamamaraan. Mayroon bang makatuwirang mga dahilan upang maniwala na ang mahalagang tubig ng ating planeta ay matitipid para sa mga salinlahi sa hinaharap? Tatalakayin ng pangwakas na artikulo ang katanungang ito.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Cherrapunji—Isa sa Pinakabasang Lugar sa Daigdig,” sa Gumising! ng Mayo 8, 2001.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
TUBIG ANG NAGPAPAINOG SA MUNDO
Halos lahat ng mga proseso sa industriya ay kumokonsumo ng maraming tubig.
◼ Ang paggawa ng isang tonelada ng bakal ay maaaring kumonsumo ng 280 tonelada ng tubig.
◼ Ang paggawa ng isang kilo ng papel ay maaaring mangailangan ng 700 kilo ng tubig (kung ang pabrika ay hindi nagreresiklo ng tubig).
◼ Upang makagawa ng isang karaniwang kotse sa Estados Unidos, ang pagawaan nito ay gumagamit ng dami ng tubig na katumbas ng 50 beses ng timbang ng kotse.
Ang agrikultura ay maaaring mangailangan din ng gayon karaming tubig, lalo na kung ang hayupan ay pinalalaki sa medyo-tigang na mga rehiyon sa daigdig.
◼ Upang makagawa ng isang kilo ng steak mula sa kinakarneng mga baka sa California, nangangailangan ng 20,500 litro ng tubig.
◼ Ang paglilinis at pag-iilado ng isa lamang manok ay nangangailangan ng di-kukulangin sa 26 na litro ng tubig.
[Graph/Mga larawan sa pahina 8]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
SAAN GINAGAMIT ANG TUBIG?
Agrikultura 65%
Industriya 25%
Tahanan 10%
[Mga larawan sa pahina 9]
Milyun-milyong litro ng tubig ang nasasayang dahil sa mga sirang tubo ng tubig at mga gripo na naiwang nakabukas
[Credit Line]
AP Photo/Richard Drew