Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 6/22 p. 16-19
  • Isang Natatanging Rehiyon ng mga Bulaklak

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Natatanging Rehiyon ng mga Bulaklak
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kamangha-manghang Pagkakasari-sari
  • Sugar-Bush at Sugarbird
  • Iba Pang Mahahalagang Tambalan
  • Isang Mapanganib na Tambalan
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2001
  • Polen—Alabok ng Buhay
    Gumising!—2007
  • Mga Bulaklak—Kababalaghan ng Paglalang
    Gumising!—1987
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 6/22 p. 16-19

Isang Natatanging Rehiyon ng mga Bulaklak

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA

PAGKATAPOS pagbukud-bukurin ang isang bunton ng mga bulaklak mula sa Aprika, inilarawan ng botaniko noong ika-18 siglo na si Carolus Linnaeus ang dakong pinagmulan ng mga ito bilang “ang paraisong iyon sa lupa, ang Cape of Good Hope, na ginayakan ng Mapagpalang Maylalang ng Kaniyang pinakapiling mga kababalaghan.”

Ang tinaguriang pinakapiling mga kababalaghang ito ay matatagpuan sa dakong sumasakop sa timugang dulo ng Aprika. Pinanganlan ng mga nanirahang Olandes ang pangunahing pananim sa lugar na iyon na fijnbosch, na nangangahulugang “maselang palumpong” o “maselang kakahuyan.” Yamang ang salitang fijn ay nangangahulugang “maliit,” maaaring pagtukoy ito sa liit ng mga dahon at halaman at gayundin naman sa patpatin na kahoy na tumutubo sa lugar na iyon. Nang maglaon, ang salitang fijnbosch ay naging “fynbos.” Ang mga dahon ng Fynbos ay maaaring maliliit at matitibay, ngunit ang mga bulaklak nito ay may mga kaakit-akit na laki, kulay, at hugis.

Ang rehiyon ng Fynbos ay matatagpuan sa isang kaharian ng mga bulaklak na lubhang di-katulad ng iba pa sa daigdig​—ang Cape Floral kingdom.a Bagaman maliit lamang ang lugar na sakop ng kahariang ito, matatagpuan dito ang pagkarami-rami at pagkasari-saring uri ng halaman​—ang sabi ng isang ulat ay mahigit sa 8,550​—dalawang katlo nito ay hindi masusumpungan saanman sa daigdig.

Sa Table Mountain lamang, may nabilang nang 1,470 uri ng halaman! “Ito,” sabi ng babasahing New Scientist, “ay higit pa sa matatagpuan sa buong British Isles.” Gayunman, naimpluwensiyahan din ng Fynbos ang iba pang bahagi ng daigdig. Paano?

Kamangha-manghang Pagkakasari-sari

Kung may geranium ka sa pasamano mo, malamang na supling ng halaman na mula sa rehiyon ng Fynbos ang inaalagaan mo. Sa 250 uri na likas na tumutubo sa lupa, mahigit sa dalawang katlo ang matatagpuan sa rehiyon ng Fynbos.

Karagdagan pa, tumutubo rito ang sangkatlo ng 1,800 bulaklak na kabilang sa pamilyang Iridaceae, kasama ang mahigit na 72 gladyola na wala sa ibang panig ng daigdig. Kung tungkol naman sa mga daisy at vygies, may 1,646 na uri sa timugang dulo ng Aprika.b Kabilang dito ang mga everlasting, na nanatiling matingkad at ginagamit sa loob ng maraming taon sa mga pag-aayos ng pinatuyong bulaklak.

Gayunman, ang pinakakapansin-pansing katangian ng Fynbos ay ang namumulaklak na halaman na tinatawag na erica, o heath. Magugulat kang malaman na sa 740 kabuuang bilang ng uri ng erica sa daigdig, 625 uri ang matatagpuan sa Fynbos!

Sugar-Bush at Sugarbird

Sinuri ni Linnaeus ang isang pumpon ng mga bulaklak ng Fynbos na may kakaibang pagkakasari-sari ng hugis. Tinawag niya ang mga iyon na protea (miyembro ng pamilyang Proteaceae), na isinunod sa pangalan ng diyos ng mga Griego na si Proteus, na pinaniniwalaang nakapagbabagu-bago ng katawan. Lahat-lahat, 328 iba’t ibang protea ang nagmumula sa rehiyon ng Fynbos. Tunay ngang kapana-panabik na umakyat sa kabundukan ng Cape at di-inaasahang makakita ng higanteng king protea! Kung minsan ay mas malaki pa nga sa mukha ng tao ang maringal na bulaklak nito.

Isa pang karaniwang protea ay ang sugar-bush. Ang mga bulaklak sa punong ito ay tulad ng mga tasa, at naglalaman ang mga ito ng maraming nektar. Inaalog ng mga naunang nanirahan ang mga bulaklak na ito sa ibabaw ng isang lalagyan upang maipon ang nektar, na pagkatapos ay pinakukuluan nila upang maging arnibal.

Gusto rin ng Cape sugarbird​—isang nilalang na matatagpuan lamang sa rehiyon ng Fynbos​—ang nektar ng mga protea. Sa pamamagitan ng mahabang tuka at mahabang dila nito, sinisipsip ng sugarbird ang nektar na inilalaan ng halaman at bilang kapalit ay inililipat nito ang polen mula sa isang bulaklak tungo sa iba pa​—isang mahusay na paglilingkod ukol sa pertilisasyon. Karagdagan pa, kinakain ng sugarbird ang mga insekto na naaakit sa malalaking bulaklak. Dahil dito, kailangan ng ibon at ng bulaklak ang isa’t isa upang mabuhay.

Iba Pang Mahahalagang Tambalan

Ang ilang bulaklak na protea ay tumutubong nakasayad sa lupa, na nakatago sa ilalim ng ibang pananim. Naaakit ang mga daga sa tulad-lebadurang amoy ng mga protea na ito. Habang nakasubsob ang mga ulo ng mga ito sa mga bulaklak, iniinom ng mga daga ang nektar at pagkatapos ay dinadalaw ang iba pang protea, anupat naililipat ang polen na naipon sa mabalahibong mga mukha nito. Sa gayon ang mga dagang bukid at mga protea ay bumubuo ng isang tambalan upang mabuhay.

Umiiral ang katulad na tambalan sa pagitan ng mga bulaklak na erica at ng makulay na sunbird na may kulay-kahel na dibdib, na matatagpuan lamang sa rehiyon ng Fynbos. Dahil ang mga bulaklak ay may hugis na tulad ng nakabaluktot na tubo, ang mga ito ay akmang-akma sa tuka ng sunbird. Kapag ipinapasok ng ibon ang tuka nito upang sipsipin ang nektar, may naiipong polen sa ulo nito. Sinasapatan ng mga namumulaklak na erica ang mga pangangailangan ng sunbird sa buong taon, at nakikinabang naman ang mga halaman sa mga paglilingkod ng ibon ukol sa polinasyon. Talaga namang nakatutuwang maglakad sa gilid ng burol at tunghayan ang kamangha-manghang ugnayang ito!

Marami pang ibang nabubuhay na nilalang ang mahalaga sa Fynbos. Halimbawa, isang paruparo na tinatawag na Table Mountain beauty ang tanging tagapaglipat ng polen ng 15 uri ng mapupulang bulaklak. Isa sa mga bulaklak na ito ay ang kilaláng disa, na pumapalamuti sa Table Mountain.

Nariyan din ang ilang mole rat (dagang-lupa) na kumakain ng mga tulad-bombilyang ugat ng mga halaman na kabilang sa mga pamilya ng orkid, liryo at iris. Tinatangay ng mga Cape mole rat ang mga kaputol ng ugat tungo sa mga lungga nito at iniimbak ang mga ito. Nahuhulog sa daan ang mga bahagi nito o kaya naman ay hindi nakakain sa loob ng lungga, at ang mga ito ay kadalasan nang nag-uugat at tumutubo.

Gumagawa ang daan-daang halaman ng Fynbos ng malalaman at malalangis na bagay na nakadikit sa mga buto ng mga ito na nagkakalat ng amoy anupat umaakit ng mga langgam. Pagkatapos sunggaban ang mga “hawakan” na ito, tinatangay ng mga langgam ang mga buto patungo sa ilalim ng lupa. Pagkatapos nito, kinakain ng mga langgam ang malalambot na bagay na nakadikit sa buto ngunit hindi ang matitigas na buto. Sa gayong paraan, tutubo ang mga nakabaong buto, na ligtas mula sa mga ibon at daga.

Nariyan din ang mga langaw na nasasangkapan ng mahabang tubo, o proboscis, na nakausli sa bibig ng mga ito. Tamang-tama ang mga langaw na ito bilang mga tagapaglipat ng polen ng mga halaman ng Fynbos na may mahahabang tulad-tubong bulaklak. Isang langaw ang may proboscis na halos tatlong pulgada. Tunay ngang ang mga tambalan ay mahalaga sa pananatiling buháy ng Fynbos!

Isang Mapanganib na Tambalan

“Nakapanghihinayang,” sabi ng dalubhasa sa kapaligiran na si T.F.J. van Rensburg sa aklat na An Introduction to Fynbos, “na ang Tao, na pinagkatiwalaang mangasiwa sa Sangnilalang, ang maraming beses na may-kagagawan sa paninirâ ng ilang dako ng kalikasan.” Sa katunayan, naganap ang napakalaking pagkawasak sa maikling panahon lamang, katulad ng ipinaliliwanag ni Dr. Piet van Wyk: “Sa halos 300 taon mula nang ito ay sakupin, ang nasa mababang lugar na damuhang fynbos ay sinira at binago ng tao nang gayon na lamang anupat 31 porsiyento na lamang ng orihinal . . . na umusbong na fynbos ang natira. Nalipol na ang 39 na uri ng fynbos, habang ang kalagayan ng 1 033 iba pa ay nagbago mula sa nanganganib tungo sa bihirang-bihira na.”

Isinasapanganib din ng mga gawa ng tao ang mahalagang tambalang umiiral sa pagitan ng mga hayop at halaman ng Fynbos. Sinasabi ng aklat na Table Mountain​—A Natural Wonder, “nagsisimula pa lamang na maunawaan ng mga ekologo ang masasalimuot na ugnayan ng hayop at halaman sa fynbos. Kapag nalipol ang isang uri ng halaman, malilipol din kaya ang mga tagapaglipat ng polen (daga, paruparo o salagubang) nito?” At paano naman ang mga ibong Fynbos? Ayon sa biyologong taga-Timog Aprika na si C. J. Skead, nanganganib ang pag-iral ng mga sugarbird dahil sa kanilang “malapit na kaugnayan sa mga uring Protea.”

Ang gayong nakaliligalig na mga ulat hinggil sa rehiyon ng Fynbos ay dahilan upang mabahala. Gayunpaman, para sa mga tao na tulad ni Linnaeus na naniniwala sa “Mapagpalang Maylalang,” may dahilan din para umasa. Sapagkat makapagtitiwala ang isa na sasagana at mamumulaklak ang lupa nang higit kailanman kapag tinupad na ng Diyos na Jehova ang kaniyang pangako na ‘gawing bago ang lahat ng bagay.’​—Apocalipsis 21:5.

[Mga talababa]

a Ang lupa ay nahahati sa anim na mga kaharian ng bulaklak. Ang mga kahariang ito ay nakikilala ng mga heograpo ng halaman dahil sa natatanging buhay-halaman ng mga ito. Ang dakong nakapalibot sa Cape sa Timog Aprika ay kabilang sa isa sa anim na mga kahariang ito.

b Ang mga daisy ay kabilang sa pamilyang Asteraceae, at ang vygies ay ang lokal na pangalan ng mesems, na mula sa pamilyang Mesembryanthemum.

[Mga mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Rehiyon ng Fynbos (nakalarawan nang luntian)

Table Mountain

[Credit Line]

Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 16]

Ang “painted lady,” isa sa 72 gladyola na wala sa ibang panig ng daigdig

[Credit Line]

Una Coetzee (www.agulhasfynbos.co.za)

[Larawan sa pahina 16]

Ang ilang protea ay mas malaki pa nga sa mukha ng tao

[Credit Line]

Nigel Dennis

[Larawan sa pahina 16, 17]

Sa Table Mountain lamang, may naitala nang 1,470 iba’t ibang uri ng halaman

[Larawan sa pahina 16, 17]

Ang bulaklak na “strawberry everlasting”

[Credit Line]

Nigel Dennis

[Larawan sa pahina 17]

Isa sa maraming uri ng daisy na matatagpuan sa Fynbos

[Credit Line]

Kirstenbosch, Cape Town

[Larawan sa pahina 17]

Ang Table Mountain beauty ang tanging tagapaglipat ng polen ng 15 uri ng mapupulang bulaklak

[Credit Line]

Colin Paterson-Jones

[Larawan sa pahina 17]

Pincushion protea

[Credit Line]

National Parks Board of South Africa

[Larawan sa pahina 18]

Isang natatanging tambalan ang umiiral sa pagitan ng mga bulaklak na erica at ng sunbird

[Credit Line]

Colin Paterson-Jones

[Larawan sa pahina 18]

Ang mga protea at ang Cape sugarbird ay espesyal na magkaibigan

[Credit Line]

Kirstenbosch, Cape Town

[Larawan sa pahina 18]

Isang Watsonia

[Credit Line]

Kirstenbosch, Cape Town

[Picture Credit Line sa pahina 18]

National Parks Board of South Africa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share