Ang Pangmalas ng Bibliya
Mali Bang Magdalamhati?
“BUKOD DIYAN, MGA KAPATID, HINDI NAMIN IBIG NA KAYO AY WALANG-ALAM MAY KINALAMAN SA MGA NATUTULOG SA KAMATAYAN; UPANG HINDI KAYO MALUMBAY NA GAYA RIN NG IBA NA WALANG PAG-ASA.”—1 TESALONICA 4:13.
ANG Bibliya ay nagbibigay ng pag-asa para sa mga namatay. Ang mga pagbuhay-muli na isinagawa ni Jesus, at gayundin ang kaniyang mga turo, ay tumutukoy sa isang panahon kung kailan ang mga patay ay muling bubuhayin. (Mateo 22:23-33; Marcos 5:35, 36, 41, 42; Lucas 7:12-16) Paano tayo dapat maapektuhan ng pag-asang ito? Ipinakikita ng mga salita ni apostol Pablo na sinipi sa itaas na ang pag-asang ito ay maaaring magsilbing kaaliwan kapag namatay ang isang minamahal.
Kung namatayan ka na ng isang minamahal, walang alinlangan na nadama mo ang kirot sa damdamin na kaakibat ng gayong trahedya. Si Theresa, na ang asawa sa loob ng 42 taon ay namatay di-kalaunan matapos itong operahan sa puso, ay nagsabi: “Talagang nakagigitla! Ang una kong nadama ay ganap na pagkatakot. Pagkatapos ay nakadama ako ng matinding kirot na patuloy na tumitindi sa paglipas ng panahon. Iyak ako nang iyak.” Ang gayon bang mga reaksiyon ay nagpapahiwatig ng kawalan ng pananampalataya sa pangako ni Jehova na bubuhaying-muli ang mga patay? Ang mga salita ba ni Pablo ay nangangahulugan na mali ang magdalamhati?
Mga Halimbawa ng Pagdadalamhati sa Bibliya
Masusumpungan natin ang kasagutan sa mga katanungang iyon sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga halimbawa ng pagdadalamhati sa Bibliya. Sa maraming ulat, ang pagkamatay ng isang kapamilya ay may kasabay na yugto ng pagdadalamhati. (Genesis 27:41; 50:7-10; Awit 35:14) Kadalasan ay napakatindi ng damdaming kaakibat ng pagdadalamhating ito.
Isaalang-alang kung paano ipinagdalamhati ng ilang lalaking may pananampalataya ang pagkamatay ng isang minamahal. Halimbawa, si Abraham ay may matibay na pananampalataya na kaya ng Diyos na buhaying-muli ang mga patay. (Hebreo 11:19) Kahit may ganitong pananalig, nang mamatay ang kaniyang asawa, siya ay “pumaroon upang hagulhulan si Sara at upang tangisan siya.” (Genesis 23:1, 2) Nang magsinungaling ang mga anak na lalaki ni Jacob at sabihin sa kaniya na ang minamahal niyang anak na si Jose ay patay na, ‘hinapak [ni Jacob] ang kaniyang mga balabal at . . . patuloy [niya] siyang tinangisan.’ (Genesis 37:34, 35) Aba, pagkaraan ng maraming taon, mabigat pa rin sa kalooban ni Jacob ang alalahanin ang pagkamatay ng kaniyang mahal na anak! (Genesis 42:36-38) Si Haring David din ay namighati nang lantaran at labis-labis sa pagkamatay ng kaniyang dalawang anak na lalaking sina Amnon at Absalom. Bagaman kapuwa sila nagdulot ng pighati kay David at sa kaniyang pamilya, sila’y mga anak pa rin niya, at ang kanilang kamatayan ay nagdulot sa kaniya ng matinding kalumbayan.—2 Samuel 13:28-39; 18:33.
May mga panahon na ang buong bansang Israel ay nagdalamhati, gaya ng ginawa nila noong mamatay si Moises. Sinasabi sa atin ng Deuteronomio 34:8 na tinangisan siya ng mga Israelita sa loob ng 30 araw.
Bilang panghuli, nariyan ang halimbawa ni Jesu-Kristo. Namatay ang kaniyang matalik na kaibigang si Lazaro. At nang makita ni Jesus na gayon na lamang ang pagtangis ng mga kapatid na babae ni Lazaro, sina Marta at Maria, at ng kanilang mga kaibigan, siya’y “dumaing sa espiritu at nabagabag.” Bagaman alam niya na ilang sandali na lamang at bubuhayin niyang muli ang kaniyang kaibigan, siya’y “lumuha” pa rin. Iniibig ni Jesus ang kaniyang mahal na mga kaibigang sina Marta at Maria. Kaya lubha siyang naantig nang makita niya ang kanilang pamimighati sa pagkamatay ng kanilang kapatid.—Juan 11:33-36.
Sina Abraham, Jacob, David, at Jesus ay pawang nagpakita ng malaking pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang mga pangako, gayunma’y namighati sila. Ang kanila bang pagdadalamhati ay isang tanda ng espirituwal na kahinaan? Ang kanila bang pamimighati ay isang palatandaan ng kawalan ng pananampalataya sa pagkabuhay-muli? Hinding-hindi! Ang pagdadalamhati ay isang normal na reaksiyon sa pagkamatay ng isang minamahal.
Kung Bakit Tayo Nagdadalamhati
Hindi kailanman nilayon ng Diyos na ang mga tao ay mamatay. Ang orihinal na layunin ni Jehova, gaya ng ipinahayag kina Adan at Eva, ay ang gawin ang lupa na isang magandang paraiso na punô ng maibigin at maligayang pamilya. Magkakaroon lamang ng kamatayan kung pipiliin ng unang mag-asawang iyon na sumuway kay Jehova. (Genesis 1:28; 2:17) Nakalulungkot, sumuway nga sina Adan at Eva, at dahil sa pagsuway, “ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao.” (Roma 5:12; 6:23) Kaya ang kamatayan ay isang malupit na kaaway na hindi kailanman nilayong umiral.—1 Corinto 15:26.
Makatuwiran lamang kung gayon na ang di-likas na pagkamatay ng isang mahal sa buhay ay nagdudulot ng matinding kirot ng damdamin sa mga naaapektuhan nito. Lumilikha ito ng isang malaking puwang sa kanilang buhay. Sinabi ni Theresa, ang balo na binanggit sa itaas, tungkol sa kaniyang asawa: “Nakatitiyak ako na makikita ko siyang muli sa pagkabuhay-muli, ngunit labis akong nangungulila sa kaniya ngayon. Iyan talaga ang masakit.” Ang pagkamatay ng isang magulang ay maaaring magpaalaala sa atin ng ating sariling mortalidad. Ang pagkamatay ng isang kabataan ay lalo nang masakit sa atin dahil sa trahedya ng isang buhay na hindi pa nalubos.—Isaias 38:10.
Oo, hindi likas ang kamatayan. Ang kirot na idinudulot nito ay dapat asahan, at hindi minamalas ni Jehova ang pagdadalamhati bilang kawalan ng pananampalataya sa pagkabuhay-muli. Gaya ng makikita sa mga halimbawa nina Abraham, Jacob, David, ng bansang Israel, at ni Jesus, ang hayagang pagbubulalas ng kirot sa ating puso ay hindi isang palatandaan na may pagkukulang tayo sa espirituwal.a
Gayunpaman, bagaman tayo bilang mga Kristiyano ay tiyak na namimighati dahil sa kamatayan, hindi tayo nalulumbay “na gaya rin ng iba na walang pag-asa.” (1 Tesalonica 4:13) Hindi tayo nagbibigay-daan sa di-makatuwirang mga kalabisan sa pamimighati dahil hindi naman tayo nalilito kung tungkol sa kalagayan ng mga patay. Alam natin na hindi sila dumaranas ng kirot o paghihirap kundi nasa isang kalagayan na tulad ng mahimbing at mapayapang pagtulog. (Eclesiastes 9:5; Marcos 5:39; Juan 11:11-14) Mayroon din tayong lubos na pagtitiwala na tutuparin ni Jesus, “ang pagkabuhay-muli at ang buhay,” ang kaniyang pangako na muling ibabangon “ang lahat ng nasa mga alaalang libingan.”—Juan 5:28, 29; 11:24, 25.
Kung gayon, kung ikaw ay namimighati sa panahong ito, magkaroon ka ng kaaliwan sa pagkaalam na nauunawaan ni Jehova ang iyong nadaramang kirot. Nawa’y ang kaalamang ito at ang iyong pag-asa sa pagkabuhay-muli ay makapagpalubag sa iyong pamimighati at makatulong sa iyo na maharap ang iyong kawalan.
[Talababa]
a Para sa tulong upang maharap ang pamimighati, tingnan ang pahina 14-19 ng brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.