Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ako Matutulungan ng Panalangin?
“Panalangin ang nakatulong sa akin na makabalik sa tamang landas.”—Brad.a
MARAMING kabataan ang nananalangin—marahil higit pa kaysa sa iyong inaakala. Isiniwalat ng isang Gallup Youth Survey sa mga 13- hanggang 17-taóng-gulang sa Estados Unidos na 56 na porsiyento sa kanila ang nananalangin bago maghapunan. Ipinakita ng isang surbey sa mga kabataang adulto na 62 porsiyento sa kanila ang nananalangin araw-araw.
Gayunman, para sa maraming kabataan ang panalangin ay isa lamang walang-kabuluhang ritwal o basta isang rutin. Iilang kabataan ang nagtataglay ng tinatawag ng Bibliya na “tumpak na kaalaman sa Diyos.” (Colosas 1:9, 10) Bunga nito, maliit lamang ang ginagampanang papel ng Diyos sa kanilang buhay. Isang surbey ang nagtanong sa mga tin-edyer kung nasubukan na ba nilang humingi ng tulong sa Diyos sa paggawa ng mahalagang pasiya. Isang kabataang babae ang sumagot: “Lagi akong bumabaling sa Diyos sa panalangin upang patnubayan ako sa pagpili ng mga tamang landasin sa buhay.” Gayunman, inamin niya: “Wala akong maalaala na anumang partikular na pasiya sa ngayon.” Hindi nga kataka-taka kung gayon, na maraming kabataan ang hindi nagtitiwala na may anumang kapangyarihan ang panalangin o na ito’y magkakabisa para sa kanila!
Sa kabila nito, tulad ni Brad, na sinipi sa pasimula, personal na naranasan ng libu-libong kabataan ang kapangyarihan ng panalangin. Maging ikaw man! Ipinakita ng isang nakaraang artikulo kung bakit tayo makapagtitiwala na diringgin ng Diyos ang ating mga panalangin.b Ngayon ang tanong ay, Paano ka matutulungan ng panalangin? Una, suriin natin kung paano sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin.
Kung Paano Sinasagot ng Diyos ang mga Panalangin
Noong panahon ng Bibliya ang mga taong may pananampalataya ay tumanggap ng tuwiran—makahimala pa nga—na mga sagot sa kanilang mga panalangin. Halimbawa, nang malaman ni Haring Hezekias na mayroon siyang nakamamatay na sakit, nagsumamo siya sa Diyos na tulungan siya. Tumugon ang Diyos: “Narinig ko ang iyong panalangin. Nakita ko ang iyong mga luha. Narito, pagagalingin kita.” (2 Hari 20:1-6) Naranasan din ng iba pang mga lalaki’t babae na may takot sa Diyos ang pamamagitan ng Diyos alang-alang sa kanila.—1 Samuel 1:1-20; Daniel 10:2-12; Gawa 4:24-31; 10:1-7.
Gayunman, bihirang makialam ang Diyos, maging noong panahon ng Bibliya. Kadalasan na, sinasagot ng Diyos ang mga panalangin ng kaniyang mga lingkod, hindi sa pamamagitan ng makahimalang pakikialam, kundi sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na ‘mapuspos ng tumpak na kaalaman sa kaniyang kalooban na may buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa.’ (Colosas 1:9, 10) Oo, tumutulong ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kaniyang bayan sa espirituwal at moral—anupat binibigyan sila ng karunungan at kaalaman upang makagawa ng matalinong mga pasiya. Kapag ang mga Kristiyano ay nasa gipit na kalagayan, hindi naman inaalis ng Diyos ang pagsubok. Sa halip, pinaglalaanan niya sila ng “lakas na higit sa karaniwan” upang mabata nila ito!—2 Corinto 4:7; 2 Timoteo 4:17.
Gayundin sa ngayon, malamang na ang sagot sa iyong panalangin ay hindi naman magsasangkot ng isang bagay na kagila-gilalas. Ngunit gaya ng ginawa niya noon, mapagkakalooban ka ng Diyos ng kaniyang banal na espiritu at mapalalakas ka niya na harapin ang anumang mga situwasyon na napapaharap sa iyo. (Galacia 5:22, 23) Upang mailarawan, tingnan natin ang apat na espesipikong paraan na maaari kang matulungan ng panalangin.
Tulong sa Paggawa ng mga Pasiya
Nakikipag-date si Karen sa isang kabataang lalaki na waring may matataas na espirituwal na tunguhin. “Lagi niyang binabanggit sa akin na gusto niyang maging isang elder sa kongregasyon,” sabi ni Karen. Magandang pakinggan ang lahat ng ito. Ngunit “marami rin siyang ikinukuwento tungkol sa itinatayo niyang negosyo at sa lahat ng bagay na mabibili niya para sa akin. Nagsimula akong mag-alinlangan sa kaniyang kataimtiman.” Idinalangin ni Karen ang tungkol dito. “Nagsumamo ako kay Jehova na buksan ang aking mga mata at ipakita sa akin ang kinakailangan kong malaman tungkol sa lalaking ito.”
Kung minsan ang pananalangin mismo ay kapaki-pakinabang, yamang matutulungan ka nitong huminto at pag-isipan ang mga bagay-bagay mula sa pangmalas ni Jehova. Ngunit kailangan din ni Karen ng praktikal na payo. Makatatanggap kaya siya ng makahimalang sagot? Buweno, isaalang-alang ang isang ulat sa Bibliya tungkol kay Haring David. Nang mabalitaan niya na ang kaniyang pinagkakatiwalaang kaibigan na si Ahitopel ay nagpapayo sa kaniyang traidor na anak na si Absalom, dumalangin si David: “Pakisuyo, gawin mong kamangmangan ang payo ni Ahitopel, O Jehova!” (2 Samuel 15:31) Ngunit kumilos din si David kasuwato ng kaniyang panalangin. Ipinagkatiwala niya sa kaniyang kaibigang si Husai ang misyong ito: ‘Kung magkagayon ay bibiguin mo ang payo ni Ahitopel para sa akin.’ (2 Samuel 15:34) Sa katulad na paraan, kumilos si Karen kasuwato ng kaniyang panalangin sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa isang maygulang na matandang Kristiyano na nakakakilala sa kaniyang kasintahan. Pinatunayan nito ang kaniyang kinatatakutan: Ang kaniyang kasintahan ay halos walang espirituwal na pagsulong.
Ganito ang sabi ni Karen: “Ang kalagayang iyon ang higit na nagpatunay sa akin ng kapangyarihan ng panalangin.” Nakalulungkot, sinikap na magpayaman ng kaniyang dating kasintahan at tumigil sa paglilingkod sa Diyos. “Kung pinakasalan ko siya,” sabi ni Karen, “baka ako lamang mag-isa ang dadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong.” Nakatulong ang panalangin kay Karen upang makagawa ng matalinong pasiya.
Tulong sa Pagkontrol ng Iyong Damdamin
“Inilalabas ng hangal ang kaniyang buong espiritu,” sabi ng Bibliya sa Kawikaan 29:11, “ngunit siyang marunong ay nagpapanatili nitong mahinahon hanggang sa huli.” Ang suliranin ay na maraming tao sa ngayon ang nabubuhay sa ilalim ng matinding panggigipit sa damdamin at kadalasa’y nawawalan ng kontrol—kung minsan taglay ang kapaha-pahamak na mga resulta. Naalaala ng kabataang si Brian: “Nagkakaproblema ako sa isang katrabaho ko. Isang araw ay naglabas siya ng kutsilyo.” Ano sana ang ginawa mo? Nanalangin si Brian. Sinabi niya: “Tinulungan ako ni Jehova na manatiling mahinahon, at sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kaniya, nakumbinsi ko ang aking katrabaho na huwag gamitin ang kutsilyo. Binitiwan niya ang kutsilyo at umalis.” Ang pagkontrol sa kaniyang damdamin ay nakatulong kay Brian na huwag bigyang-daan ang galit, at malamang na ito ang nagligtas sa kaniyang buhay.
Maaaring hindi ka naman laging tinututukan ng kutsilyo. Ngunit babangon ang maraming situwasyon sa iyong buhay kung saan kakailanganin mong kontrolin ang iyong damdamin. Matutulungan ka ng panalangin na manatiling mahinahon.
Tulong Kapag Nababagabag
Naalaala ni Barbara na siya’y “dumaan sa mahirap na panahon” ilang taon na ang nakararaan. Sinabi niya: “Ang aking trabaho, pamilya, mga kaibigan—waring walang nagtatagumpay. Hindi ko alam kung anong gagawin ko.” Kaagad na nanalangin si Barbara ukol sa tulong. Ngunit may problema. “Hindi ko alam kung anong hihilingin ko kay Jehova,” sabi niya. “Sa wakas, humiling ako ng kapayapaan ng isip. Hiniling ko gabi-gabi na tulungan niya akong huwag mabagabag sa lahat ng bagay.”
Paano nakatulong sa kaniya ang panalanging iyon? Sinabi niya: “Pagkalipas ng ilang araw, natanto ko na bagaman hindi naman nawala ang aking mga problema, hindi na ako labis na nag-iisip o nababahala sa mga ito.” Ang Bibliya ay nangangako: “Ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:6, 7.
Tulong Upang Lalong Mapalapít sa Diyos
Isaalang-alang ang karanasan ng isang kabataang nagngangalang Paul. “Bago pa lang akong nakikitira sa ilang kamag-anak,” sabi niya. “Isang gabi ay nakadama ako ng matinding panlulumo. Kamakailan lamang ako nagtapos sa haiskul, at hinahanap-hanap ko ang lahat ng aking mga kaibigan. Tumulo ang luha sa aking mga mata nang gabing iyon habang naaalaala ko ang masasayang araw namin na magkakasama.” Ano kaya ang maaaring gawin ni Paul? Sa kauna-unahang pagkakataon, taimtim siyang nanalangin. Sinabi niya: “Binuksan ko ang aking puso at humiling kay Jehova ng lakas at kapayapaan ng isip.”
Ano ang naging resulta? Naalaala ni Paul: “Kinaumagahan, noon lamang ako gumising na mas magaan ang pakiramdam sa buong buhay ko. Nagbago ang takbo ng aking naghihirap na isipan tungo sa pagkakaroon ng ‘kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.’ ” Ngayong mahinahon na ang kaniyang puso, maaari nang malasin ni Paul ang mga bagay-bagay mula sa isang di-gaanong emosyonal na punto de vista. At di-nagtagal ay natanto niya na ang ‘dating masasayang araw’ ay hindi naman pala talaga masaya. (Eclesiastes 7:10) Sa katunayan, ang “mga kaibigan” na labis niyang hinahanap-hanap ay hindi naman talaga naging mabuting impluwensiya sa kaniya.
Higit sa lahat, naranasan ni Paul ang pagkalinga ni Jehova sa personal na paraan. Nadama niya ang katotohanan ng mga salita sa Santiago 4:8: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” Para kay Paul, ito ay isang mahalagang pagbabago. Siya ay napakilos na unahin si Jehova nang higit sa lahat ng bagay sa kaniyang buhay at ialay ang kaniyang buhay sa kaniya.
Makipag-usap sa Diyos!
Nagbibigay katiyakan ang mga positibong karanasan na ito na ang panalangin ay makatutulong sa iyo. Sabihin pa, mangyayari lamang iyan kung taimtim ka na makilala ang Diyos, anupat nililinang ang pakikipagkaibigan sa kaniya. Nakalulungkot, ipinagpapaliban ng maraming kabataan ang paggawa ng gayon. Si Carissa ay pinalaki sa isang pamilyang Kristiyano. Ngunit inaamin niya: “Sa palagay ko’y lubusan kong naunawaan nito lamang nakalipas na ilang taon ang natatanging kahalagahan ng ating walang-katulad na pakikipag-ugnayan kay Jehova.” Si Brad, na binanggit sa pasimula, ay pinalaki bilang isang Kristiyano ngunit iniwan niya ang tunay na pagsamba sa loob ng maraming taon. “Noon lamang nang matanto ko kung ano ang nawala sa akin,” ang sabi niya, “saka ako bumaling kay Jehova. Alam ko na ngayon na ang buhay ay walang sigla at walang saysay kung wala ang pakikipag-ugnayang iyan.”
Subalit, huwag nang hintayin na may mangyari pang masama sa iyo bago ka lumapit sa Diyos. Magsimulang makipag-usap sa kaniya ngayon—nang palagian! (Lucas 11:9-13) “Sa harap niya ay ibuhos ninyo ang inyong puso.” (Awit 62:8) Di-magtatagal at makikita mo na talagang matutulungan ka ng panalangin!
[Mga talababa]
a Binago ang ilang pangalan.
b Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Diringgin Kaya ng Diyos ang Aking mga Panalangin?” sa Hunyo 22, 2001, na isyu ng Gumising!
[Kahon/Mga larawan sa pahina 15]
Matutulungan Ka ng Panalangin
● Na gumawa ng mas mahuhusay na pasiya
● Na manatiling mahinahon sa panahon ng kaigtingan
● Na makasumpong ng kaginhawahan sa kabagabagan
● Na lalong mapalapít sa Diyos