Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 8/8 p. 4-7
  • Ang mga Ugat ng Pagkapoot

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Ugat ng Pagkapoot
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kawalang-Alam at Takot
  • Bakit Napakaraming Karahasan?
  • Paglason sa mga Isipan
  • Ang Tanging Paraan Upang Mapawi ang Poot
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Bakit Punong-puno ng Galit ang Mundo?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
    Iba Pang Paksa
  • Bakit Gayon na Lamang ang Poot?
    Gumising!—1997
  • Bakit Hindi Matapos-tapos ang Pagkapoot?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2022
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 8/8 p. 4-7

Ang mga Ugat ng Pagkapoot

ANG pagkapoot ay maagang lumitaw sa kasaysayan ng tao. Ang ulat ng Bibliya sa Genesis 4:8 ay nagsasabi: “Kaya nangyari, nang sila ay nasa parang, dinaluhong ni Cain si Abel na kaniyang kapatid at pinatay niya ito.” “At sa anong dahilan niya siya pinatay?” ang tanong ng manunulat ng Bibliya na si Juan. “Sapagkat ang kaniyang sariling mga gawa ay balakyot, ngunit yaong sa kapatid niya ay matuwid.” (1 Juan 3:12) Si Abel ay naging biktima ng isa sa pinakakaraniwang sanhi ng pagkapoot: paninibugho. “Ang pagngangalit ng isang matipunong lalaki ay paninibugho,” ang sabi ng Kawikaan 6:34. Sa ngayon, patuloy na pinaglalaban ng paninibugho ang mga tao sa isa’t isa dahil sa katayuan sa lipunan, kayamanan, pag-aari, at iba pang mga kapakinabangan.

Kawalang-Alam at Takot

Subalit ang paninibugho ay isa lamang sa maraming sanhi ng pagkapoot. Kadalasan, ang pagkapoot ay ginagatungan din ng kawalang-alam at takot. “Bago pa man ako natutong mapoot, natuto na akong matakot,” ang sabi ng isang kabataang miyembro ng isang marahas na pangkat ng mga nagtatangi ng lahi. Ang gayong takot ay karaniwang nag-uugat sa kawalang-alam. Ayon sa The World Book Encyclopedia, ang mga taong nagtatangi ay waring may mga opinyon na “pinanghahawakan nang wala namang katibayan. . . . Ang mga indibiduwal na nagtatangi ay may hilig na pilipitin, gawing baluktot, bigyan ng maling interpretasyon, o ipagwalang-bahala pa nga ang mga katotohanan na sumasalungat sa kanilang nabuo nang mga opinyon.”

Saan galing ang mga opinyong ito? Ganito ang sabi ng isang information service sa Internet: “Ang kasaysayan ang siyang dahilan ng maraming karaniwang paglalarawan sa kultura, subalit ang atin mismong personal na pinagmulan ang siya ring dahilan ng marami sa ating mga pagtatangi.”

Halimbawa, sa Estados Unidos, ang kalakalan ng alipin ay nag-iwan ng isang pamana ng mga hidwaan sa pagitan ng maraming puti at mga taong nagmula sa liping Aprikano​—mga hidwaan na nagpapatuloy hanggang sa ngayon. Kadalasan, ang negatibong mga pangmalas hinggil sa lahi ay naipapasa ng mga magulang sa mga anak. Inamin ng isang puting nagtatangi ng lahi na nagkaroon siya ng negatibong mga damdaming panlahi “nang hindi man lamang nakakasalamuha ang mga taong itim.”

Nariyan din yaong mga basta naniniwala na ang mga taong naiiba sa kanila ay walang-halaga. Ang opinyong ito ay maaaring batay sa iisa lamang at di-magandang pagkakilala sa isa na may ibang lahi o kultura. Mula roon, nagkaroon na sila ng labis na konklusyon na ang lahat sa lahi o kulturang iyon ay may di-kanais-nais na mga katangian.

Bagaman ang pagkapanatiko ay talagang hindi kaayaaya sa indibiduwal na antas, kapag nahawahan nito ang buong bansa o lahi, maaari itong makamatay. Maaaring pagmulan ng pagkapanatiko at xenophobia (ang paghamak sa sinuman o sa anumang banyagang bagay) ang paniniwala na ang nasyonalidad, kulay ng balat, kultura, o wika ng isa ay nakahihigit sa iba. Noong ika-20 siglo, ang gayong pagkapanatiko ay kadalasang ipinahayag sa marahas na paraan.

Kapansin-pansin, ang pagkapoot at pagkapanatiko ay hindi naman dapat umiral dahil lamang sa kulay ng balat o nasyonalidad. Ang mananaliksik na si Clark McCauley ng University of Pennsylvania ay sumulat na ang “di-makatuwirang pagbubukud-bukod ng mga tao sa dalawang grupo, maging sa pamamagitan lamang ng pagkakara-krus, ay sapat na upang mapili ang gustong grupo.” Ipinakita ito ng isang guro sa ikatlong-baitang nang, bilang bahagi ng isang kilalang eksperimento, hatiin niya ang kaniyang klase sa dalawang pangkat​—mga batang asul ang mata at mga batang brown ang mata. Sa loob ng sandaling panahon, nagkaroon ng matinding poot sa pagitan ng dalawang pangkat. Kahit na ang pagsasanib-sanib batay sa mga bagay na di-gaanong mahalaga gaya ng piniling iisang koponan sa isports ay maaaring magbunga ng mararahas na labanan.

Bakit Napakaraming Karahasan?

Subalit bakit kadalasang ibinubulalas sa mararahas na paraan ang gayong matitinding poot? Masusing sinuri ng mga mananaliksik ang gayong mga isyu at hanggang sa ngayon ang naipapanukala lamang nila ay mga teoriya. Nagtipon si Clark McCauley ng maraming bibliograpiya ng isinagawang pananaliksik may kinalaman sa karahasan at pagiging mabalasik ng tao. Binanggit niya ang isang pagsusuri na nagpapahiwatig na ang “marahas na krimen ay nauugnay sa pagtataguyod at pagwawagi sa mga digmaan.” Nasumpungan ng mga mananaliksik na ang “mga bansang lumahok sa Digmaang Pandaigdig I at Digmaang Pandaigdig II, lalo na ang mga bansang nasa panig ng mga nagtagumpay sa mga digmaang ito, ay kinakitaan ng pagdami ng pagpaslang sa tao pagkatapos ng digmaan.” Ayon sa Bibliya, tayo’y nabubuhay sa panahon ng pagdidigmaan. (Mateo 24:6) Maaari kayang ang mga digmaang iyon sa paano man ay nakatulong sa paglitaw ng iba pang mga anyo ng karahasan?

Ang iba namang mananaliksik ay naghahanap ng biyolohikal na paliwanag sa pagiging mabalasik ng tao. Sinikap na iugnay ng isang pagsusuri sa pananaliksik ang ilang anyo ng pagiging mabalasik sa “mababang mga antas ng serotonin sa utak.” Ang isa pang popular na teoriya ay na ang pagiging mabalasik ay nasa ating mga gene. “Ang malaking bahagi ng [pagkapoot] ay maaaring namamana,” ang katuwiran ng isang siyentipikong pampulitika.

Sinasabi mismo ng Bibliya na ang di-sakdal na mga tao ay isinilang taglay ang masasamang katangian at mga depekto. (Genesis 6:5; Deuteronomio 32:5) Sabihin pa, ang mga salitang ito ay kumakapit sa lahat ng tao. Subalit hindi lahat ng tao ay may di-makatuwirang pagkapoot sa iba. Iyan ay natututuhan. Kaya, napansin ng kilalang sikologo na si Gordon W. Allport na ang mga sanggol ay “hindi gaanong . . . nakikitaan ng mapanirang likas na ugali. . . . Ang sanggol ay positibo, lumalapit sa lahat halos ng uri ng pangganyak, sa lahat ng uri ng tao.” Sinusuportahan ng gayong mga obserbasyon ang bagay na ang pagiging mabalasik, pagtatangi, at pagkapoot ay pangunahin nang natututuhang mga paggawi! Maliwanag na ang kakayahang ito ng mga tao na matutong mapoot ay lubhang sinasamantala ng mga guro ng pagkapoot.

Paglason sa mga Isipan

Nangunguna ang mga lider ng iba’t ibang grupong nagtataguyod ng pagkapoot, gaya ng neo-Nazi na mga skinhead at ang Ku Klux Klan. Kadalasang pinupuntirya ng mga grupong ito ang mga kabataang madaling maimpluwensiyahan na nagmula sa wasak na mga pamilya upang sumali sa kanilang kilusan. Maaaring madama ng mga kabataang dumaranas ng kawalang-kasiguruhan at pagiging hamak na ang mga grupong nagtataguyod ng pagkapoot ay nakapagbibigay sa kanila ng pagkadama na sila’y kabilang sa isang grupo.

Ang World Wide Web ay lalo nang isang malakas na kasangkapan na ginamit ng ilan upang itaguyod ang pagkapoot. Ayon sa isang pagbilang kamakailan, maaaring kasindami ng 1,000 Web site sa Internet ang nagpapalaganap ng pagkapoot. Sinisipi ng magasing The Economist ang may-ari ng isang Web site hinggil sa pagkapoot na nagmamalaki: “Ang Internet ay nagbigay sa amin ng pagkakataon na ihatid ang aming punto de vista sa daan-daang libo katao.” Kabilang sa kaniyang Web site ang “Kids’ Page.”

Kapag naggagalugad ang mga tin-edyer sa Internet ng hinggil sa musika, maaaring matuklasan nila nang di-sinasadya ang mga site na doo’y maililipat nila sa kanilang computer ang musika na humihimok ng pagkapoot. Ang gayong musika ay karaniwan nang maiingay at mararahas, na may mga lirikong nagpapahayag ng matitinding mensahe ng pagtatangi ng lahi. Naikokonekta naman sila ng mga Web site na ito sa mga newsgroup, chat room, o iba pang Web site na nagtataguyod ng pagkapoot.

Ipinakikita ng ilang Web site na nagtataguyod ng pagkapoot ang pantanging mga bahagi na may mga laro at mga gawain para sa mga kabataan. Tinangkang gamitin ng isang neo-Nazi Web site ang Bibliya upang bigyang-matuwid ang pagtatangi ng lahi at pagkamuhi sa mga Judio. Gumawa rin ang grupo ng isang Web page sa Internet na nagbibigay ng mga crossword puzzle na may mga komento hinggil sa pagtatangi ng lahi. Ang layunin nito? “Upang ipaunawa sa mga kabataang miyembro ng puting lahi ang aming pakikipaglaban.”

Subalit hindi lahat ng mga tagapagtaguyod ng pagkapoot ay mula sa mga kakatwang grupong may ekstremistang pangmalas. Ganito ang sinabi ng isang sosyologo na sumulat tungkol sa mga labanan kamakailan sa Balkans hinggil sa ilang kilalang mga awtor at mga taong nakaiimpluwensiya sa opinyon ng publiko: “Natitigilan ako na makita [sila] na nagtataguyod ng isang istilo ng pagsulat na nagbibigay-lugod sa abang mga hangarin ng kanilang mga kababayan, pinupukaw ang kanilang matinding pagkapoot, pinalalabo ang kanilang kaisipan sa pamamagitan ng paghimok sa kanila na isiping walang ipinagbabawal na paggawi . . . , at pinabubulaanan ang katotohanan.”

Hinggil sa bagay na ito, hindi rin dapat ipagwalang-bahala ang papel ng ginagampanan ng mga klero. Sa kaniyang aklat na Holy Hatred: Religious Conflicts of the ’90’s, ganito ang nakapangingilabot na obserbasyon ng awtor na si James A. Haught: “Ang isang malaking kabalintunaan sa dekada ng 1990 ay na ang relihiyon​—na dapat sana’y siyang pinagmumulan ng kabaitan at pagmamalasakit sa tao​—ang nangungunang dahilan ng pagkapoot, digmaan, at terorismo.”

Kaya makikita na ang mga sanhi ng pagkapoot ay marami at masalimuot. Nangangahulugan ba ito na walang paraan upang hindi na maulit ng sangkatauhan ang kahangalan sa kasaysayan nito na lipos ng pagkapoot? May magagawa pa ba sa indibiduwal na kalagayan gayundin sa pangglobong antas upang madaig ang di-pagkakaunawaan, ang kawalang-alam, at ang takot na pinagmumulan ng pagkapoot?

[Blurb sa pahina 6]

Ang pagtatangi at pagkapoot ay natututuhang mga paggawi!

[Larawan sa pahina 4, 5]

Hindi tayo isinilang na nagtataglay ng . . .

. . . mga damdamin ng pagkapoot at pagkapanatiko

[Larawan sa pahina 7]

Ginagamit ng mga grupong nagtataguyod ng pagkapoot ang Internet upang makapangalap ng mga kabataan

[Larawan sa pahina 7]

Kadalasang ginagatungan ng relihiyon ang alitan

[Credit Line]

AP Photo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share