Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Magagawang Higit na Kasiya-siya ang Pagbabasa ng Bibliya?
“Kung minsan ay mahirap maunawaan ang Bibliya, at talagang nakasisira ng loob iyan.”—Annalieza, 17 taong gulang.
“Nakababagot ang Bibliya.”—Kimberly, 22 taong gulang.
MARAMING tao ang hindi nasisiyahan sa pagbabasa ng anuman. Kaya ang isang aklat na kasinlaki ng Bibliya ay maaari ngang napakabigat basahin—maging para sa mahihilig magbasa. “Para sa akin, ang Bibliya ay isang makapal na aklat na naglalaman ng maraming di-pamilyar na salita na mahirap maunawaan,” ang sabi ni Tammy, na 17 taong gulang. “Nangangailangan ng lubusang pagtutuon ng isip at pagbabata ang pagbabasa ng Bibliya.”
Karagdagan pa, ang takdang-aralin, mga gawain sa bahay, at paglilibang ay maaaring umubos ng iyong malaking panahon at lakas. Maaari rin nitong gawing mahirap ang pagtutuon ng isip at pagkanasisiyahan sa pagbabasa ng Bibliya. Si Alicia, na isang Saksi ni Jehova, ay gumugugol din ng panahon sa paghahanda para sa pulong at pagdalo sa Kristiyanong mga pagpupulong at pagbabahagi ng kaniyang paniniwala sa iba. Inaamin niya: “Maaaring maging mahirap ang pagbabasa ng Bibliya dahil sa waring walang katapusan ang napakaraming bagay na dapat gawin.”
Subalit, nadaig nina Alicia, Tammy, at ng marami pang ibang mga kabataan ang hamon. Ngayon ay binabasa na nila nang regular ang Bibliya at nasisiyahan dito. Magagawa mo rin ito! Isaalang-alang ang tatlong bagay na magagawa mo upang maging higit na kasiya-siya ang pagbabasa ng Bibliya.
Maglaan ng Panahon sa Pagbabasa ng Bibliya
“Sa palagay ko kaya nasasabi ng mga kabataan na nakababagot ang pagbabasa ng Bibliya ay dahil sa hindi naman talaga nila pinagsisikapang gawin iyon,” sabi ni Kelly, na 18 taong gulang. Kung paano ka nasisiyahan sa isang isport o sa isang laro na madalas mong gawin, masisiyahan ka rin sa pagbabasa ng Bibliya kung gagawin mo iyon nang palagian.
Subalit paano kung kaunti lamang ang iyong libreng panahon? Si apostol Pablo ay nagpapayo: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.” (Efeso 5:15, 16) Maaari mong ‘bilhin ang panahon’ sa pamamagitan ng di-gaanong paggugol ng panahon sa di-mahahalagang gawain gaya ng panonood ng TV. Ang katagang ginamit ni Pablo para sa “panahon” ay maaaring mangahulugan ng panahong itinakda para sa isang espesipikong layunin. Ano ang iyong itinakdang panahon para sa pagbabasa ng Bibliya?
Binabasa ng marami ang Bibliya sa umaga, pagkatapos na isaalang-alang ang teksto at komento sa Kasulatan na masusumpungan sa buklet na Pagsusuri sa Kasulatan sa Araw-Araw.a Mas gusto naman ng iba na magbasa bago matulog sa gabi. Pumili ng isang makatotohanang oras na angkop sa iyo, at ibagay ito ayon sa pangangailangan. Ganito ang sabi ni Alicia: “Ang pagiging handang makibagay ang talagang susi upang mapanatili kong regular ang iskedyul sa pagbabasa.”
Nag-iiskedyul ang ilang kabataang Kristiyano ng 10 hanggang 15 minuto araw-araw sa pagbabasa ng Bibliya. Sa paggawa ng gayon, nabasa nila ang buong Bibliya sa loob ng isang taon o dalawa! Kahit na waring hindi mo iyon magagawa, gawin mong tunguhin na makapagbasa ng isang bahagi ng Bibliya sa araw-araw. Sa pamamagitan ng pagiging determinado na sundin ang iyong itinakdang panahon sa pagbabasa ng Bibliya, lálakí ang iyong pag-ibig sa Salita ng Diyos.—Awit 119:97; 1 Pedro 2:2.
Manalangin Ukol sa Karunungan
Sabihin pa, nahihirapang unawain maging ng regular na mga nagbabasa ng Bibliya ang mga bahagi ng Salita ng Diyos. Ibig ng Awtor ng Bibliya, ang Diyos na Jehova, na maunawaan mo ang kaniyang Salita. Inilalahad ng aklat ng Mga Gawa ang tungkol sa isang naglalakbay na Etiope na hindi lubusang maunawaan ang isang hula sa Isaias kabanata 53. Handang magpatulong ang lalaking ito, at isinugo ng anghel ni Jehova ang misyonerong si Felipe upang ipaliwanag sa kaniya ang hula.—Gawa 8:26-39.
Sa gayon, ang mabisang pagbabasa ng Bibliya ay hindi nagsisimula sa basta pagbabasa lamang nito, kundi sa pamamagitan ng panalangin. Bago buksan ang kanilang Bibliya, nakaugalian na ng ilan na humingi ng karunungan kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin upang maunawaan at maisapuso ang mga aral na kanilang mababasa. (2 Timoteo 2:7; Santiago 1:5) Maipaaalaala pa nga sa iyo ng espiritu ng Diyos ang mga talata sa Bibliya na makatutulong sa iyo na masagot ang mga katanungan o mabata ang mga pagsubok.
Nagugunita ng isang Kristiyanong kabataang lalaki: “Nang ako’y 12 taong gulang, iniwan ng tatay ko ang aming pamilya. Isang gabi ako’y nananalangin sa aking higaan, nagsusumamo kay Jehova na pabalikin ang aking ama. Pagkatapos ay kinuha ko ang aking Bibliya at binasa ang Awit 10:14: ‘Sa iyo [Jehova] ipinagkakatiwala ng isang sawi, ng batang lalaking walang ama, ang kaniyang sarili. Ikaw naman ang naging kaniyang katulong.’ Huminto ako sandali. Nadama ko na nakikipag-usap sa akin si Jehova at ipinaaalam sa akin na siya ang aking katulong; siya ang aking Ama. Mayroon pa ba akong mas mabuting ama kaysa sa kaniya?”
Maaari mo bang gawing kaugalian na manalangin sa bawat pagkakataong mauupo ka upang magbasa ng Bibliya? Iminumungkahi ni Adrian: “Manalangin bago magbasa—at manalangin ka rin naman pagkatapos—para talagang pagpapalitan iyon ng pakikipagtalastasan kay Jehova.” Ang taos-pusong pananalangin ay magpapatindi sa iyong determinasyon na manatili sa iyong iskedyul sa pagbabasa ng Bibliya at magpapatibay sa iyong kaugnayan sa Diyos.—Santiago 4:8.
Gawing Buháy na Buháy Ito
Nasumpungan ni Kimberly, na sinipi sa pasimula, na nakababagot ang Bibliya. Totoo naman, napakatanda nang aklat ang Bibliya—naisulat ito bago pa man naimbento ang computer, ang telebisyon, o ang eroplano—at libu-libong taon nang namatay ang mga tauhan sa Bibliya. Magkagayunman, sumulat si apostol Pablo: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Paano magkakaroon ng lakas ang gayong sinaunang aklat?
Noong kapanahunan ng tagakopya na si Ezra, libu-libong kalalakihan, kababaihan, at “lahat ng may sapat na unawa upang makinig” ang nagtipun-tipon sa Jerusalem upang makinig sa pagbabasa ng Kautusan ni Moises. Nang panahong iyon ang Kautusan ay mahigit nang 1,000 taon ang tanda! Subalit, si Ezra at ang kaniyang mga katulong ay ‘patuloy na bumasa nang malakas mula sa aklat, mula sa kautusan ng tunay na Diyos, na ipinaliliwanag iyon, at binibigyan iyon ng kahulugan; at patuloy silang nagbibigay ng unawa sa pagbasa.’ Nang ipaliwanag ng mga lalaking ito ang Kasulatan at binigyang buhay ang kanilang pagbabasa, ano ang naging resulta? “Ang buong bayan ay lumisan upang kumain at uminom at upang magpadala ng mga bahagi ng pagkain at upang magdaos ng isang malaking kasayahan, sapagkat naunawaan nila ang mga salita na ipinaalam sa kanila.”—Nehemias 8:1-12.
Paano mo ‘bibigyan ng kahulugan’ ang iyong pagbabasa ng Bibliya? Si Cathy, na nahihirapan sa pagbabasa, ay nagbabasa nang malakas upang maituon niya ang kaniyang pansin. Sinisikap naman ni Nicki na gunigunihin ang kaniyang sarili sa tagpo ng pangyayari. “Ginuguniguni ko kung ano kaya ang madarama ko sa situwasyong iyan,” ang sabi niya. “Noon pa man ang paborito kong salaysay ay tungkol kina Ruth at Noemi. Paulit-ulit ko itong binabasa. Nang ako’y lumipat sa isang bagong lunsod, naaliw ako mula sa salaysay na ito dahil naguguniguni ko kung ano ang nadama ni Ruth nang magtungo siya sa isang banyagang lupain at wala man lamang kakilala. Nakita ko kung paano siya nagtiwala kay Jehova, at talagang nakatulong iyan sa akin na gayundin ang gawin.”—Ruth, mga kabanata 1-4.
Upang ‘magkaroon ng lakas’ ang Bibliya, kailangan ang pagbubulay-bulay. Sa tuwing magbabasa ka, magbigay ng panahon sa pagninilay-nilay sa mga kasulatan na iyong binabasa at pag-isipan kung paano mo magagamit ang iyong natutuhan. Baka nanaisin mong sumangguni sa mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na inilathala ng mga Saksi ni Jehova upang mapaunlad ang iyong pagbabasa.b
Magtiyaga!
Hindi madali ang pananatili sa isang iskedyul sa pagbabasa ng Bibliya. Maging ang pinakamahusay na programa sa pagbabasa ng Bibliya ay baka kailangang baguhin sa pana-panahon. Paano ka makapagtitiyaga sa iyong tunguhin na basahin ang Bibliya araw-araw?
Maaaring makatulong ang iyong mga kaibigan at pamilya. Ganito ang sabi ng labinlimang-taong-gulang na si Amber: “Kasama ko sa kuwarto ang aking kapatid na babae. May mga gabing pagod na pagod na ako anupat gusto ko na lamang matulog, pero ipinaaalaala sa akin ng kapatid ko na magbasa ako. Kaya hindi ko kailanman nalilimutan iyon!” Kung may nabasa kang partikular na kasulatan o talata na kawili-wili, ipakipag-usap iyon sa iba. Mapasisidhi nito ang iyong pagpapahalaga sa Salita ng Diyos at maaari pa nga nitong mapasigla ang kanilang interes sa pagbabasa ng Bibliya. (Roma 1:11, 12) Kung nakaligtaan mo ang pagbabasa ng Bibliya sa loob ng isang araw o mas matagal pa, huwag kang sumuko! Basta ipagpatuloy mo ang pagbabasa kung saan ka huminto, at maging determinado ka higit kailanman na manatili sa iyong iskedyul.
Huwag kailanman kalilimutan ang mayayamang pakinabang na nagmumula sa araw-araw na pagbabasa ng Bibliya. Sa pamamagitan ng pakikinig kay Jehova mula sa kaniyang Salita, magtatamasa ka ng isang malapít na kaugnayan sa kaniya. Mauunawaan mo ang kaniyang mga kaisipan at mga damdamin. (Kawikaan 2:1-5) Magiging isang proteksiyon ang mahahalagang katotohanang ito mula sa ating makalangit na Ama. “Paano lilinisin ng isang kabataang lalaki ang kaniyang landas?” ang tanong ng salmista. “Sa pananatiling mapagbantay ayon sa iyong salita.” (Awit 119:9) Kaya magpasimula—at manatili—sa isang rutin ng pagbabasa ng Bibliya. Baka masumpungan mo na ito’y higit na kasiya-siya kaysa iyong inaakala!
[Mga talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Ang Oktubre 1, 2000, labas ng Ang Bantayan, pahina 16-17, ay nagbibigay ng maraming praktikal na mungkahi upang makatulong sa iyong mas masusing pagsasaliksik sa Bibliya.
[Mga larawan sa pahina 24]
Ang pananalangin at pagsasaliksik ay magpapaunlad sa iyong pagbabasa ng Bibliya at makatutulong sa iyo upang maunawaan ang kahulugan ng Kasulatan
[Larawan sa pahina 25]
Magiging buháy na buháy ang Kasulatan kung gugunigunihin mo ang iyong sarili sa tagpo ng pangyayari