Isang Nanganganib na Henerasyon
“Noong nagdaang dalawang buwan, ako’y masaya at aktibo. Ngayon sa tuwing may pagkakataon akong gawin ang isang bagay, pagod na pagod ako para gawin iyon. Miserable ang pakiramdam ko at napakamagagalitin ko, hindi ko alam kung may makapagtitiis sa akin. Mahirap sabihin kung bakit bigla na lamang sumasama ang pakiramdam ko.”—Paul.
“Umiiyak ako at talagang napakasama ng loob ko. Kapag hindi masama ang loob ko, basta ang pakiramdam ko’y para akong patay. Hindi ako nasisiyahan sa anumang bagay. Ayaw ko nang makihalubilo sa aking mga kaibigan. Tulog lamang ako nang tulog. Maraming araw na hindi ako makabangon para pumasok sa paaralan at bumaba nang husto ang mga marka ko sa paaralan.”—Melanie.
HINDI lamang sina Paul at Melanie ang nakararanas ng ganito. Ipinakikita ng pagsusuri na humigit-kumulang 8 porsiyento ng mga nasa kabataan sa Estados Unidos ang nakararanas ng panlulumo at na taun-taon halos 4 na porsiyento ang nakararanas ng matinding panlulumo. Subalit hindi sinasabi ng mga estadistikang ito ang buong detalye ng kalagayan, yamang ang panlulumo ay malimit na hindi nasusuri o lubusang hindi napapansin. “Sa katunayan,” ang sulat ng sikologo para sa mga nasa kabataang gulang na si David G. Fassler, “pagkatapos repasuhin ang isinagawang pananaliksik sa mga bata at mga tin-edyer, sa palagay ko’y mahigit sa isa sa bawat apat na kabataan ang makararanas ng matinding sumpong ng panlulumo bago pa man sila tumuntong sa edad na labingwalo.”
Mapangwasak na mga Epekto
Ang panlulumo ay may mapangwasak na mga epekto sa mga tin-edyer. Sa katunayan, naniniwala ang mga eksperto na ito’y may mahalagang papel na ginagampanan sa mga sakit ng mga nasa kabataang gulang na nauugnay sa pagkain, mga sakit na nasa isip lamang, mga problema sa paaralan, at mga kaso ng paggamit ng nakasusugapang sangkap.
Higit na kalunus-lunos, ang panlulumo ay nauugnay sa pagpapatiwakal ng mga tin-edyer. Ayon sa U.S. National Institute of Mental Health, kasindami ng 7 porsiyento ng mga kabataang matindi ang panlulumo ang nagpapatiwakal.a Maging ito man ay hindi nagsisiwalat ng buong saklaw ng problema, yamang ipinalalagay na sa bawat kabataang nagpapatiwakal, mas marami pa ang nagtatangkang gawin ito. Kaya may makatuwirang dahilan na ganito ang sabihin ng isang ulat ng Carnegie Council on Adolescent Development: “Ang pagwawalang-bahala sa mga problema ng mga kabataan sa ngayon ay paglikha lamang ng malaking kapahamakan. Talagang isinasapanganib ng gayong pagwawalang-bahala ang isang henerasyon.”
Isang Walang-Iniintinding Buhay?
Mahirap paniwalaan ng iba na ang mga tin-edyer ay maaaring manlumo. ‘Mga bata lang sila,’ maaaring ikatuwiran ng mga adulto. ‘Wala silang iniintindi sa buhay, at tiyak na wala silang mga kabalisahan na nararanasan ng mga nasa hustong gulang.’ O talaga nga kayang hindi sila nababalisa? Ang totoo, ang mga nasa kabataang gulang ay napapaharap sa mga panggigipit na mas matindi kaysa inaakala ng maraming adulto. Si Dr. Daniel Goleman ay nagsabi: “Ang bawat magkakasunod na henerasyon sa buong mundo, sapol nang pagpapasimula ng [ika-20] siglo, ay nabubuhay nang mas nanganganib na makaranas ng matinding panlulumo kaysa sa mga magulang nila—hindi lamang basta pagkalungkot, kundi nakagugupong pananamlay, pamamanglaw, at pagkahabag sa sarili, at labis-labis na kawalang pag-asa. At ang mga yugto ng panlulumong iyon ay nagsisimula sa mas pabata nang pabatang edad.”
Gayunpaman, maaaring maraming magulang ang tumutol: ‘Nalampasan namin ang pagiging nasa kasibulan nang hindi kami nanlulumo. Bakit nadaraig nang husto ang aming anak ng negatibong mga damdamin?’ Subalit hindi dapat ihambing ng mga adulto ang kanilang karanasan noong kanilang kabataan sa mga kabataan sa ngayon. Sa paanuman, magkakaiba ang mga indibiduwal kung paano nila minamalas ang daigdig na nakapalibot sa kanila at kung paano sila tumutugon dito.
Isa pa, napapaharap ang mga kabataan sa ngayon sa mas maraming hamon. “Sila’y lumalaki sa isang daigdig na ibang-iba kaysa noong kabataan ng kanilang mga magulang,” ang sulat ni Dr. Kathleen McCoy sa kaniyang aklat na Understanding Your Teenager’s Depression. Pagkatapos banggitin ang maraming malaking pagbabago na naganap nitong nakalipas na mga dekada, ganito nagtapos si Dr. McCoy: “Nadarama ng mga tin-edyer sa ngayon na sila’y lalong di-ligtas, lalong walang pagtitiwala at mas mababa ang pagtingin sa sarili at walang gaanong pag-asa kaysa noong henerasyon natin.”
May kaugnayan sa laganap na panlulumo ng mga tin-edyer, sasagutin ng sumusunod na mga artikulo ang tatlong katanungan:
• Ano ang ilang sintomas ng panlulumo ng mga tin-edyer?
• Anu-ano ang sanhi ng kalagayang ito?
• Paano matutulungan ang nanlulumong mga tin-edyer?
[Talababa]
a Naniniwala ang ilang eksperto na mas malaki pa ang tunay na bilang, yamang ang dami ng sinasabing pagkamatay dahil sa aksidente ay malamang na pagpapatiwakal nga.