Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Maihihinto ang Labis na Pag-aalala?
“Maaaring ang kinabukasan ang isa sa pinakanakababalisang mga bagay para sa isang kabataan. Nag-aalala ka tungkol sa iyong sarili. Dapat ba akong bumukod? Mag-aral? Pumasok sa buong-panahong ministeryo? Mag-asawa? Napakarami mong pagpipilian anupat ito’y nakatatakot.”—Shane, 20 taóng gulang.
MADALAS ka bang mag-alala? Maraming kabataan ang nag-aalala, at sa iba’t ibang kadahilanan. Ganito ang iniulat ng isang babasahin na inilathala upang magbigay ng patnubay sa mga magulang: “Isiniwalat ng isang surbey kamakailan sa buong daigdig sa mga tin-edyer na edad 15 hanggang 18 sa 41 bansa na ang pagkakaroon ng isang magandang trabaho ang pangunahing ikinababahala ng mga tin-edyer sa ngayon.” Kasunod nito ang pag-aalala sa kalusugan ng kanilang mga magulang. Nangunguna rin sa talaan ang takot na mamatay ang isa na kanilang minamahal.
Nasumpungan ng isang surbey ng Kagawaran ng Edukasyon sa Estados Unidos na “ang panggigipit na makakuha ng matataas na marka” ang pangunahing ikinababahala ng maraming kabataan sa Estados Unidos. Isiniwalat ng surbey ring iyon na maraming kabataan ang nakadarama na gaya ni Shane (na sinipi sa pasimula). Isa pang kabataang nagngangalang Ashley, ang nagsabi: “Nag-aalala ako tungkol sa aking kinabukasan.”
Gayunman ang ibang kabataan ay nag-aalala tungkol sa kanilang pisikal na kaligtasan. Ayon sa isang surbey noong 1996, halos 50 porsiyento ng mga kabataan sa Estados Unidos ang nakadarama na ang kanilang paaralan ay nagiging lalong marahas. Mahigit sa walong milyong tin-edyer (37 porsiyento) ang nag-ulat na mayroon silang kakilalang nabaril!
Subalit, hindi lahat ng mga pagkabahala ay nakatatakot. Para sa maraming kabataan, lubha nilang ikinababahala ang tungkol sa kanilang pakikisalamuha sa ibang tao. Sabi ng isang magasin sa computer na patungkol sa mga magulang: “Ang mga tin-edyer ay nag-aalala tungkol sa pagkakaroon ng isang kasintahang lalaki o babae, subalit kadalasang mas nag-aalala sila tungkol sa hindi pagkakaroon ng mga kaibigan.” Isang tin-edyer na babaing nagngangalang Meagan ang nanangis: “Paano ka nagtitingin at kumikilos na sunod sa uso? Kailangan ko ng mga kaibigan.” Sa katulad na paraan, ganito naman ang sabi ng isang 15-taóng-gulang na kabataang Kristiyano na nagngangalang Natanael: “Nababahala ang mga kabataan sa paaralan tungkol sa istilo. Nag-aalala sila kung paano sila lumalakad, nagsasalita, at tinitingnan ng iba. Natatakot silang magmukhang hangal.”
Mga Problema—Bahagi Na ng Buhay
Maganda sana kung makapamumuhay tayo nang walang mga álalahanín. Gayunman, sinasabi ng Bibliya: “Ang tao, na ipinanganak ng babae, ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan.” (Job 14:1) Samakatuwid bahagi na ng buhay ang mga problema—at ang mga pagkabahala na kaagapay nito. Subalit kung hahayaan mong mangibabaw ang mga pagkabahala at mga kabalisahan sa iyong pag-iisip, mapipinsala mo nang husto ang iyong sarili. Ang Bibliya ay nagbababala: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito.”—Kawikaan 12:25.
Ang isang paraan upang maiwasan ang di-kinakailangang pag-aalala ay supilin ang iyo mismong paggawi. Ganito ang sabi ng 16-anyos na si Ana: “Nag-aalala ang marami sa aking mga kaklase na magdalang-tao o magkaroon ng sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik.” Subalit maiiwasan mo ang gayong mga pagkabahala sa pamamagitan ng panghahawakan sa mga pamantayang moral ng Bibliya. (Galacia 6:7) Magkagayon man, hindi lahat ng iyong problema ay maaaring maging napakaliwanag o napakadaling lutasin. Paano mo maihihinto ang labis na pag-aalala?
“May Katalinuhang Mag-alala”
Hinahayaan ng maraming tao na patigilin sila ng pag-aalala. Subalit iminungkahi ng isang artikulo na lumabas sa isang magasin para sa mga tin-edyer na ang isa ay maaaring “may katalinuhang mag-alala” sa pamamagitan ng pagbaling ng pag-aalala tungo sa positibong pagkilos! Maraming simulain sa Bibliya ang tutulong sa iyo na gawin iyan. Isaalang-alang ang Kawikaan 21:5: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan.” Halimbawa, nais mong magkaroon ng isang pagtitipon ng ilang mga kaibigan sa kongregasyon. Wala kang gaanong alalahanin sa pamamagitan ng mabuting pagpaplano. Tanungin ang iyong sarili, ‘Sinu-sino ang aanyayahan? Anong oras ko sila gustong dumating? Anong oras ko sila gustong umuwi? Gaano karaming pagkain at inumin ang talagang kakailanganin ko? Ano ang ilang nakatutuwang gawain na masisiyahan ang lahat?’ Habang pinag-iisipan mo ang mga bagay-bagay, lalong magiging maayos ang inyong pagtitipon.
Gayunman, mag-aalala ka kung hahayaan mong maging masalimuot ang mga bagay-bagay. Ibinigay ni Jesu-Kristo ang payong ito sa isang babae na labis na nag-abala sa paglalaan para sa kaniyang bisita: “Gayunman, iilang bagay ang kinakailangan, o isa lamang.” (Lucas 10:42) Kaya tanungin ang iyong sarili, ‘Ano talaga ang mahalaga upang maging matagumpay ang pagtitipong ito?’ Makatutulong sa iyo na panatilihing simple ang mga bagay-bagay upang mabawasan ang iyong kabalisahan.
Maaaring ang isa pang pinagmumulan ng pagkabahala ay ang iyong kaligtasan sa paaralan. Maaaring wala kang gaanong magagawa upang mabago ang kalagayan doon. Subalit makagagawa ka ng praktikal na mga hakbang upang mapangalagaan ang iyong sarili. “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli,” ang sabi ng Kawikaan 22:3. Ang basta pag-iwas sa mapanganib na mga lugar—hindi lamang ang mga ilang na dako kundi gayundin ang mga dakong hindi pinangangasiwaan kung saan nagtitipun-tipon ang magugulo—ay maaaring makabawas sa iyong mga tsansa na masangkot sa gulo.
Maaaring maging isa pang pinagmumulan ng pagkabahala ang gawain sa paaralan. Marahil mayroon kang ilang mahahalagang araling-bahay at nag-aalala ka na hindi mo matapos sa takdang panahon ang mga ito. Makatutulong ang simulaing nasa Filipos 1:10: ‘Tiyakin ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga.’ Oo, matutong unahin ang mas mahalagang bagay! Isipin kung aling takdang-aralin ang nangangailangan ng higit na panahon, at unahin ito. Pagkatapos, gawin ang susunod. Unti-unti mong madarama na kaya mo na ang situwasyon.
Humingi ng Payo
Nang si Aaron ay isang kabataan, labis siyang nag-alala na makapasa sa panghuling eksamen anupat kumikirot ang dibdib niya. Gunita niya: “Kinausap ko ang aking mga magulang, at pinapunta nila ako sa doktor. Agad nakita ng doktor na wala namang diperensiya ang aking puso at ipinaliwanag kung paano naaapektuhan ng kabalisahan ang katawan. Nang maglaon, tinulungan ako ng aking mga magulang na matanto na ginawa ko na ang lahat ng aking makakaya sa paghahanda para sa mga pagsusulit at na ngayon ay dapat kong pag-isipan nang higit ang tungkol sa pangangalaga sa aking sarili. Nawala ang aking kabalisahan, nawala ang mga kirot sa dibdib, at mahusay ang kinalabasan ng aking mga eksamen.”
Kung ikaw ay napabibigatan ng pag-aalala, huwag pahirapan ang sarili sa pamamagitan ng pananahimik. Ang Kawikaan 12:25, na bahagyang sinipi kanina, ay nagsasabi ng ganito sa kabuuan: “Ang pagkabalisa sa puso ng tao ang siyang magpapayukod nito, ngunit ang mabuting salita ang siyang nagpapasaya nito.” Tanging kung ipakikipag-usap mo ang tungkol sa iyong “pagkabalisa” ay saka ka lamang makakakuha ng “mabuting salita” ng pampatibay-loob!
Una, baka gusto mong ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa iyong mga magulang; maaari silang magbigay ng ilang mungkahi. Isa pang pinagmumulan ng suporta ang espirituwal na mga maygulang sa inyong lokal na kongregasyon. Ganito ang sabi ng 15-taóng-gulang na si Janelle: “Nag-aalala akong pumasok sa haiskul, anupat natatakot na makaharap ang lahat ng bagay—droga, sekso, karahasan—hanggang sa makipag-usap ako sa isang matanda sa kongregasyon. Binigyan niya ako ng maraming praktikal na mungkahi. Agad na bumuti ang pakiramdam ko sapagkat natalos ko ngayon na mapagtatagumpayan ko ang kalagayan.”
Huwag Ipagpaliban ang mga Bagay
Kung minsan mayroon tayong kailangang gawin, subalit ipinagpapaliban natin ito dahil sa ito’y hindi kaayaaya sa atin. Halimbawa, may personal na di-pagkakaunawaan ang 19-anyos na si Shevone sa isang kapuwa Kristiyano. Batid niya na kailangang ipakipag-usap niya ang mga bagay na ito, subalit ipinagpabukas-bukas niya ito. “Habang ipinagpapaliban ko ito, lalo lamang itong nakabahala sa akin,” ang sabi niya. Pagkatapos ay naalaala ni Shevone ang pananalita ni Jesus sa Mateo 5:23, 24, na humihimok sa mga Kristiyano na lutasin kaagad ang gayong mga problema. “Nang gawin ko ito sa wakas,” gunita ni Shevone, “naginhawahan ako.”
Ipinagpapaliban mo ba ang isang bagay—isang di-kaayaayang atas o isang nakaaasiwang komprontasyon? Buweno, ayusin mo ito kaagad, at mababawasan ka ng isang álalahanín.
Malulubhang Kalagayan
Hindi lahat ng kalagayan ay napakadaling nalulutas. Isaalang-alang ang isang binatang nagngangalang Abdur. May kanser ang nanay niya, at kailangan niyang suportahan kapuwa ang kaniyang ina at ang kaniyang nakababatang kapatid na lalaki. Natural, nababahala si Abdur sa kalagayan ng kaniyang ina. Subalit ang sabi niya: “Kumukuha ako ng pahiwatig mula sa pananalita ni Jesus, ‘Sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay?’ Sa halip na mabalisa, pinag-iisipan kong mabuti ang kalagayan at tinitiyak ko kung ano ang magdudulot ng pinakamabuting mga resulta.”—Mateo 6:27.
Hindi madali ang manatiling mahinahon sa isang krisis. Ang ilan ay labis na nababagabag anupat pinababayaan ang kanilang sarili, ayaw kumain. Gayunman, ang aklat na Helping Your Teenager Deal With Stress ay nagbababala na kapag pinagkaitan mo ang iyong sarili ng mahalagang pagkain, “lalong hindi [mo] makakayanan ang mga pinsala ng kaigtingan at mas madali kang tablan ng sakit.” Kaya ingatan mo ang iyong sarili sa pisikal na paraan. Magkaroon ng sapat na pahinga at pagkain.
Makasusumpong ka ng pinakamalaking kaginhawahan sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.” (Awit 55:22) Nababalisa si Shane, na sinipi sa pasimula, tungkol sa kaniyang kinabukasan. “Nagtuon ako ng higit na pansin sa Salita ng Diyos at sa kaniyang layunin,” ang gunita niya. Di-nagtagal ay natanto niya na ang kaniyang kinabukasan ay magiging maligaya kung gagamitin niya ang kaniyang buhay upang paglingkuran ang Diyos. (Apocalipsis 4:11) “Hindi na ako nag-alala tungkol sa aking sarili,” ang sabi ni Shane. “May mas mahalagang bagay na dapat kong isipin.”
Kaya kapag napansin mong labis kang nag-aalala, humanap ng positibong mga paraan upang malutas ang iyong problema. Humingi ng payo mula sa mga maygulang. At higit sa lahat, idulog mo kay Jehova ang iyong mga pagkabalisa “sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.” (1 Pedro 5:7) Sa tulong niya, marahil ay maihihinto mo na ang labis na pag-aalala.
[Larawan sa pahina 13]
Ipakipag-usap sa iyong mga magulang ang iyong mga pagkabahala
[Larawan sa pahina 14]
Habang nilulutas mo agad ang iyong mga problema, mas madali mong maihihinto ang pag-aalala