Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 9/22 p. 15-17
  • Kente—Ang Tela ng mga Hari

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kente—Ang Tela ng mga Hari
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Sinaunang Sining
  • Ang Pagnanais Para sa Tela
  • Ang Paghahanap sa Kulay
  • Makabagong Kente
  • Habihan
    Glosari
  • Hiblang paayon
    Glosari
  • Hiblang Paayon
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kayo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 9/22 p. 15-17

Kente​—Ang Tela ng mga Hari

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA GHANA

SA NAKALILITONG bilis, paroo’t parito ang mga kamay ng manghahabi sa tela. Kumikilos ang mga kamay sa ritmo ng lumalangitngit na mga kalô at mga torno, pinagtutuunan ng pansin ng artisano ang makulay na piraso ng tela na nasa harap niya. Hinahawakan niya ang mga lubid sa pagitan ng kaniyang mga daliri sa paa; ang mga lubid na ito ang nagpapatakbo sa mga talim​—mga lubid na tumataas at bumababa na naghihiwalay at naggigiya sa patayong mga hibla na umaabot nang 6 na metro sa harap ng habihan.a Mabilis na hinahabi ng kaniyang mga daliri ang isahang mga hibla ng makulay na seda nang pahalang sa nakahiwalay na mga patayong hibla ng sinulid, anupat lumilikha ng isang dibuho sa pahalang na hibla na hinihigit naman nang mahigpit sa natapos na tela.

Ang piraso ng tela na lumalabas ay 10 sentimetro lamang ang lapad. Subalit nagtatanghal ito ng matingkad na kulay at masalimuot na mga dibuho. Nangingiti ang artisano sa kasiyahan habang sinusuri niya ang kaniyang obramaestra​—tunay na telang kente.

Isang Sinaunang Sining

Sa loob ng libu-libong taon, ginamit ng dalubhasang mga artisano ang sinaunang sining ng paghahabi. Ang mga sinulid na inikid mula sa lino, bulak, at seda ay laging mapagkukunan ng mga materyales para sa paghahabi. Galing sa mga ugat at mga dahon ng halaman ang pangunahing mga kulay, na nagbibigay sa mga manghahabi ng kakayahang lumikha ng simpleng mga disenyo at mga dibuho sa kanilang gawa.

Gumawa ng maliliit at madaling bitbitin sa bawat dako na mga habihan ang mga manghahabi mula sa pagala-galang mga tao ng Aprika. Kilala bilang mga habihan ng mahaba’t makitid na tela (strip loom), gumagawa ang mga ito ng isang makitid na piraso ng tela na 7.5 hanggang 11.5 sentimetro lamang ang lapad. Ang mahahaba’t makikitid na tela ay saka tatahiin, pagdurugtungin ang mga gilid, upang makagawa ng mas malaking tela na maibabalot sa katawan bilang isang kasuutan. Ang nabibitbit na mga habihan ng mahaba’t makitid na tela ay isinasakay sa likod ng mga hayop sa ibayo ng mga disyerto, sa mga ilog, at sa matataas na hanay ng mga bundok. Palibhasa’y dinadala sa kahabaan ng sinaunang mga ruta ng kalakalan, ang habihan ng mahaba’t makitid na tela ay lubhang nakaimpluwensiya sa mga taong gumamit nito.

Ang Pagnanais Para sa Tela

Sa loob ng maraming siglo, kontrolado ng mga hari at mga pinuno sa Kanlurang Aprika ang lupaing mayaman sa mineral na tinawag ng mga manggagalugad na Europeo na Gold Coast.b Maraming ginto ang namina rito, anupat nagdala ito ng kayamanan sa nagpupunong mga hari sa Ashanti at sa kanilang maharlikang mga sambahayan. Nagagayakan ng maraming hiyas na ginto at nadaramtan ng natatanging hinabing tela, itinatanghal ng mga haring ito at ng kanilang kilaláng mga pinuno ang kanilang kayamanan, kapangyarihan, at awtoridad sa harap ng kanilang mga sakop. Ang walang-katulad na telang suot ng mga pinunong ito ay tinawag na kente, isang salita na maaaring tumukoy sa pagkakahawig ng tela sa habi ng isang basket. Nagsagawa rin ang iba pang mga tribo sa Gold Coast ng paghahabi ng mahaba’t makitid na tela, subalit para sa mga hari ng Ashanti, ang telang kente ay kumakatawan sa prestihiyo at maharlikang katayuan.

Ginamit ng mga manghahabi ng mahaba’t makitid na tela sa Gold Coast ang lokal na inikid na bulak. Tanging hilatsa na tinina ng asul ang magagamit. Ang mga sinulid na asul ay hinahabi sa puting telang bulak upang gumawa ng mga linya at mga bloke sa simpleng heometrikong mga dibuho para sa lokal na mga tao.

Limitado sa isang grupo ng mga tao ang paghahabi ng mas mainam na maharlikang telang kente ng hari. Nagtatag ng mga grupo ng bihasang mga manghahabi ng hari upang lumikha at gumawa ng materyal na mataas ang uri. Mahigpit na binantayan at pinakaiingat-ingatang lihim ang paraan ng paghahabi. Ang lahat ng iba pang manghahabi ay pinagbawalang maghabi ng mga dibuho at disenyo sa tela na para lamang sa hari at sa kaniyang maharlikang korte. Nakaipon ang hari ng daan-daang tela, na bawat isa’y may kani-kaniyang walang-katulad na disenyo at dibuho. Ayon sa kinaugalian, minsan lamang niyang isuot ang isang tela sa publiko.

Ang Paghahanap sa Kulay

Noong ika-16 na siglo, isa pang uri ng tela ang nagsimulang lumitaw sa Gold Coast. Ang bagong tela na ito ay hindi hinabi sa mga habihan ng mahaba’t makitid na tela ng Aprika kundi ginawa sa malalayong lupain at dinala ng unang mga magdaragat na Europeo na naghahanap ng garing, ginto, at mga alipin. Ang inangkat na tela ay may matitingkad at magagandang-kulay na sinulid. Di-nagtagal, naging mahalagang paninda sa kalakalan ang inangkat na telang ito, na makulay na hinabi sa mga sinulid na pula, dilaw, at berde. Iilan lamang ang may kayang bumili ng gayong mamahaling tela mula sa mga Europeong mangangalakal. Tanging ang mayayamang Ashanti, na kumokontrol sa daloy ng ginto, garing, at mga alipin sa naglalayag na mga barkong naghihintay sa baybayin, ang kayang bumili nito. Subalit ang hinabing tela ay hindi siyang ninanais ng hari ng Ashanti at ng kaniyang mga pinuno.

Minsang makuha na ang tela, maingat na tinatastas at inaalis ng mga manghahabi ang pinakahahangad na mga sinulid na may kulay at itinatapon ang natitirang tela. Ang mahahalagang sinulid na iyon ay saka hinahabing-muli ng mga manghahabi ng hari sa mga habihan ng mahaba’t makitid na tela. Habang dumarami ang kulay ng mga materyales, sumasagana rin ang pagkukusa at paraan ng paggawa ng bagong mga tela, anupat nauudyukan ang mga artisano na ipahayag ang kanilang pagkamalikhain at teknikal na mga kasanayan sa tela nang higit kailanman. Binigyan ng trabaho ng mga hari ng Ashanti ang bihasang mga manghahabi mula sa ibang tribo, na nagbunga sa paggawa ng telang kente na walang-kaparis sa uri.

Mga disenyong heometriko na kahawig ng mga isda, ibon, prutas, dahon, paglubog ng araw, bahaghari, at iba pang tanawin ng kalikasan ang naging sining sa tela na masyadong detalyado at may simbolikong kahulugan. Ang telang pinaghabi-habi ng mga ginintuang sinulid ay kumakatawan sa kayamanan, ang kulay berde ay naghahatid ng ideya ng pagiging sariwa at bago, sumasagisag sa kalungkutan ang itim, nagpapakita ng galit ang pula, at naglalarawan naman ng kadalisayan at kagalakan ang kulay pilak.

Matiyaga at hindi dali-dali na gumagawa ang mga manghahabi sa loob ng maraming buwan sa isang tela, yamang alam nila na ang kanilang kadalubhasaan at natatanging kakayahan sa paglikha ay susukatin sa kanilang natapos na gawa. Kaunti ang pangangailangan para sa gayong napakagandang gawa, yamang kakaunti ang makabibili ng pambihira at mahal na telang kente.

Makabagong Kente

Sa paglipas ng panahon, humina ang impluwensiya ng mga hari at ng makapangyarihang mga pinuno. Wala nang pangangailangan upang ihiwalay ang maharlika sa karaniwang tao sa pamamagitan ng isang tela. Dumami ang pangangailangan para sa magandang telang ito, yamang sinimulan itong gamitin para sa mga layuning walang kaugnayan sa hari. Mabilis na hinahabi upang matugunan ang malaking pangangailangan, nagsimulang bumaba ang uri, paggawa, at presyo ng telang kente.

Sa ngayon ang karamihan ng paghahabi ng kente ay ginagawa sa pamamagitan ng sintetik na sinulid at pagkatapos ay ginagamit sa maramihang paggawa ng mga bag, kurbata, sinturon, sombrero, at pananamit. Iilang manghahabi ang interesado sa paggawa ng telang kente sa pamamagitan ng nakapapagod at umuubos-panahon na pamamaraan noon. Pinakaiingatan at ipinapasa ngayon ang dating mahusay na uri ng kente sa mga henerasyon sa loob ng mga pamilya. Oo, lipas na ang mga araw nang ang telang kente na walang-kaparis sa husay at galíng ang pagkakagawa ay ginawa sa simpleng mga habihang kahoy at pinuri bilang ang tela ng mga hari.

[Mga talababa]

a Patayong hibla​—sunud-sunod na hilatsa na patayo sa habihan. Pahalang na hibla​—sunud-sunod na hilatsang tumatakbo nang pahalang sa mga hilatsa ng patayong hibla.

b Kasalukuyang-panahong Ghana.

[Mga larawan sa pahina 16]

Magaang at nabibitbit ang mga habihan ng mahaba’t makitid na tela

[Larawan sa pahina 17]

Ginagamit ng manghahabi ang kaniyang mga paa upang magpaandar sa mga talim, o sa mga lubid

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share