Isang Lunsod sa Aprika Kung Saan Nagtatagpo ang Silangan at Kanluran
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA
TUNAY na makikita ang isang makulay na tanawin kapag naglakad sa isang kalye sa Durban! Makikita mo na marami roon ang tumutulad sa istilo ng pananamit ng Kanluran, lalo na ang mga kabataan. Ngunit pansinin din ang matatandang babaing Zulu na suot ang kanilang mahinhin at mahahabang damit at ang kanilang mga ulo ay nagagayakan ng makukulay na bandana. May mga babaing taga-India rin na nakasuot ng mga sari o damit Punjabi at pantalon. Habang papalapit ka sa may baybaying-dagat, malamang na makikita mo ang ilang lalaking Zulu na nakasuot ng magagarbong damit na humihila ng mga ricksha. Tunay nga, ang Durban ay isang kakaibang lunsod sa Aprika, kung saan nagtatagpo ang Silangan at Kanluran. Ano ang kasaysayan ng kawili-wiling lunsod na ito?
Ang lunsod ng Durban sa Timog Aprika ay tinirhan nang wala pang dalawang siglo. Mga 40 kolonistang may lahing Europeo ang nanirahan dito noong 1824. Sa panahong iyon, nasa hilaga ng Durban ang sentro ng makapangyarihang kaharian ng mga Zulu sa ilalim ni Shaka, ang kanilang haring mandirigma. Pagkalipas ng dalawang dekada, ang Durban at ang nakapalibot na loobang rehiyon ay sinakop ng Britanya. Naganap noong ika-19 na siglo ang ilang digmaan sa pagitan ng bagong mga kolonista at ng mga Zulu.
Samantala, natuklasan ng mga naninirahang Ingles na madaling tumubo ang tubó sa mga rehiyong malapit sa baybayin. Upang may magtrabaho sa kanilang mga taniman ng tubó, isinaayos nila na magkaroon ng mga manggagawa mula sa India, isa pang kolonya ng Britanya noon. Sa pagitan ng 1860 at 1911, mahigit na 150,000 taga-India ang dumating sa Durban. Bilang resulta, ang malaking lunsod ng Durban sa ngayon ay may populasyon na mahigit sa tatlong milyon, na binubuo ng mga tao mula sa tatlong magkakaibang bahagi ng lupa—ang katutubong mga Zulu, mga taga-Asia mula sa India, at mga tao na may lahing nagmula sa Britanya at kanlurang Europa.
Ang lunsod ay may iba pang nakawiwiling mga katangian. Tulad ng makikita sa kalakip na larawan, ito ay may isang likas na daungan na naipagsasanggalang mula sa Indian Ocean ng isang mahaba at tulad-daliring lupain na tinatawag na Bluff. Ang kaakit-akit na palatandaang ito ay may taas na mahigit sa 90 metro at tinatakpan ng mga pananim. Araw-araw, dumaraan ang malalaking barko sa daungang ito na likas na protektado. Ipinaliliwanag ng aklat na Discovery Guide to Southern Africa na ang Durban ay may “pinakamalaki at pinakaabalang daungan sa Aprika, anupat inihanay itong ikasiyam sa daigdig.” Naaakit ang mga bakasyunista sa maiinam na baybayin ng Durban at nasisiyahan sa mainit-init na mga tubig nito. May magagandang lugar para sa surfing, at makadarama ng katiwasayan ang mga naliligo sa kaligtasang inilalaan ng minamantining mga lambat laban sa pating.
Ang mga umiibig sa Bibliya ay may karagdagang dahilan upang maging interesado sa lunsod. Ang mga Estudyante ng Bibliya, na tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ay nagtayo ng isang tanggapang pansangay rito noong 1910. Pagkatapos, noong Abril 1914, ang unang kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Aprika ay idinaos sa Durban. Mga 50 katao ang dumalo, kabilang na ang mga delegado mula sa malalayong bahagi ng Timog Aprika. Sa makasaysayang kombensiyong iyon, 16 na bagong mananamba ang nabautismuhan. Ang ilan sa mga dumalo ay mga pinahirang Kristiyano na napatunayang tapat hanggang kamatayan, kasama si William W. Johnston, na siyang unang nangasiwa sa isang tanggapang pansangay sa Aprika.
Isinaayos ng mga Saksi ni Jehova ang marami pang kombensiyon sa Durban mula noong 1914. Noong Disyembre 2000, mga 14,848 ang dumalo sa dalawang kombensiyon ng “Mga Tagatupad ng Salita ng Diyos” na idinaos sa lunsod, at 278 baguhan ang nabautismuhan. Isaalang-alang ang isa sa maraming pamilyang taga-India na dumalo. Sampung taon bago nito, ang ama, si Alan, ay nakaalam ng katotohanan sa Bibliya sa kaniyang anak na babae na si Somashini. Bumabangon pa lamang si Alan mula sa alkoholismo at naghahanap ng layunin sa buhay. Dinala ni Somashini, na tatlong taóng gulang pa lamang noon, sa kaniyang ama ang isang aklat na kaniyang nakita sa bahay ng isang kapitbahay. Ang pamagat nito, Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan—Paano Mo Masusumpungan?, ay kaagad na nakaakit kay Alan. Nasiyahan siya sa kaniyang nabasa at nagsimulang makisama sa mga Saksi ni Jehova. Dahil sa kaniyang natutuhan mula sa Bibliya, ginawang legal ni Alan ang kaniyang pag-aasawa. Di-nagtagal, ang kaniyang asawa na si Rani ay naging interesado rin at nagsimulang dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Sa panahong iyon, naninirahan ang mag-asawa sa mga magulang ni Rani, na kaanib sa isa sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan. Sinalansang ng mga magulang ang bagong-tuklas na relihiyon ng kabataang mag-asawa at binigyan sila ng ultimatum: “Iwanan ninyo ang mga Saksi o lumayas kayo sa bahay namin!”
Nagpasiya sina Alan at Rani na umalis sa bahay, bagaman mahirap makahanap ng matutuluyan. Tinulungan sila ng mga kaibigang Saksi ni Jehova na makahanap ng isang angkop na tirahan. Noong 1992, sina Alan at Rani ay nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova. Patuloy silang sumulong, at ngayon ay naglilingkod si Alan bilang isang matanda sa kongregasyong Kristiyano.
May mahigit na 50 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa malaking lunsod ng Durban. Karamihan sa mga ito ay binubuo ng mga Zulu. Gayunman, ang ilang kongregasyon, lalo na yaong malapit sa sentro ng lunsod, ay binubuo ng mga Zulu, mga taga-India, at mga taong may lahing Europeo. Kung dadalaw ka sa isa sa mga pulong na ito, higit pa sa pagtatagpo ng Silangan at Kanluran ang makikita mo. Marahil ang mangangasiwa ay isang Saksing Aprikano na eleganteng manamit o isang Saksing taga-India o isang Saksing may lahing Europeo. Ngunit isang bagay ang tiyak: Sa mga tagapakinig ay makikita mo ang buháy na patotoo na ang Bibliya ay may kapangyarihan na pagkaisahin ang mga tao ng lahat ng mga bansa sa magiliw at nagtatagal na pagkakaibigan.
[Larawan sa pahina 26]
Pinagsasama-sama ng mga pulong ng kongregasyon ang mga tao mula sa lahat ng lahi
[Larawan sa pahina 26]
Sina Alan, Rani, at ang kanilang mga anak
[Larawan sa pahina 26]
Munisipyo ng Durban
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Mga larawan: Sa kagandahang-loob ni Gonsul Pillay