Taglagas—Isang Kagila-gilalas na Panahon ng Taon
ANG taglagas ay isang pantanging panahon ng taon. Ito ang panahon kung kailan, sa mga lupaing may katamtamang klima, unti-unting ginagayakan ng bughaw na kalangitan, magandang sikat ng araw, at malalamig na gabi ang makahoy na mga burol ng daan-daang kulay ng dilaw, kahel, at pula. Ito ang panahon na ang mga berdeng pino at mga sedro ay nagiging mapusyaw na tanawin sa likuran para sa matitingkad na pula at dilaw ng kanilang kauring mga punungkahoy—ang mga punong nalalagas ang mga dahon.
Partikular nang pinahahalagahan ang taglagas sa mga bansa sa Silangan tulad ng Hapon at Korea. Sa Hapon, ang mga tao ay madalas na “naghahanap ng mga kulay ng taglagas”—ang kanilang kasabihan para sa mga pagliliwaliw kung taglagas na nagpapangyari sa kanila na hangaan ang sining ng kalikasan.
Naaabot ng maraming pambansang parke sa Korea ang tugatog ng kanilang kagandahan sa panahong ito ng taon. Kaya ipinaaalam ng mga pahayagan sa publiko ang hinggil sa pinakamainam na panahon upang makita ang mga kulay ng taglagas. Ang Soraksan, isa sa pinakabantog sa mga pambansang parke ng Korea, ang paboritong puntahan. Ang granitong mga dalisdis nito at nagtataasang bato na nagagayakan ng animo’y nangungunyapit na mga puno ng pino ay waring siya mismong diwa ng isang tanawin sa Silangan. Sa taglagas, parang mapulang kuwintas ng bulaklak sa mga granitong bato ng Soraksan ang mga punong beech at maple. At kapag ang mga taluktok na ito ay lumilitaw mula sa maninipis na ulap sa umaga, ang bumabangon nang maaga ay ginagantimpalaan ng isang tanawin na hinding-hindi niya malilimot.
“Lagi akong nasisiyahang maglakad sa mga kabundukan, subalit lalo na sa taglagas,” ang sabi ni Park Ii-kyun, isang masiglang Koreano na nasa mga edad 70. “Sa taglagas, waring binibihisan ng Diyos ang mga burol ng maraming kulay—mga kulay na nagbabagu-bago sa araw-araw, mga kulay na buháy na buháy sa ilalim ng ating maaliwalas na kalangitan sa taglagas.” Ang kaniyang maybahay, si Kòng-young, ay tuwang-tuwa sa pagmamasid sa mga dahon kung taglagas na wumawagayway sa langit na parang ginintuang mga paruparo.
Bakit Nagbabago ng Kulay ang mga Dahon?
Sa mausisang isipan, ang makulay na pagbabagong ito ay humihiling ng isang paliwanag. Ano ang tumitiyak kung ang isang dahon ay magiging dilaw o pula?
Ang mga kulay ng taglagas ay bahagi ng proseso kung paanong ang mga punungkahoy ay naghahanda para sa taglamig. Ang mas maiikling araw ng taglagas ay naghuhudyat sa panloob na orasan ng punungkahoy upang magsimulang bawasan ang suplay ng tubig at mga nutriyente sa mga dahon. Ang bawat dahon ay tumutugon sa pamamagitan ng paggawa ng isang suson sa paghihiwalay sa pinakapuno ng tangkay. Ang suson na ito—na binubuo ng isang tulad-tapón na sangkap—ang humaharang sa anumang sirkulasyon mula sa dahon tungo sa iba pang bahagi ng punungkahoy at siyang dahilan kung bakit sa wakas nalalagas ang dahon mula sa punungkahoy.
Samantalang nangyayari ang prosesong ito, ang mga kulay na carotenoid ay nagsisimulang magbigay sa mga dahon ng dilaw o kahel na kulay nito. Ang mga kulay na ito ay karaniwang naroroon sa buong tag-init, subalit hindi ito napapansin dahil sa nangingibabaw na berdeng chlorophyll sa mga dahon. Sa kabilang dako naman, ang kulay pula ay pangunahin nang galing sa anthocyanin, isang kulay na ginagawa lamang ng dahon sa taglagas. Sa taglagas, nasisira ang chlorophyll at nangingibabaw na ang mga kulay na dilaw at pula. Kapag wala nang natirang chlorophyll, ang dahon ng poplar ay nagiging matingkad na dilaw subalit ang dahon ng maple ay nagiging matingkad na kulay pula.
Paghahanap sa Isang Kagila-gilalas na Taglagas
Napansin ng karamihang mahilig sa kalikasan na ang pagtatanghal kung taglagas ay nag-iiba-iba sa bawat taon at sa bawat dako. Ang karamihan ay dahil sa uri ng mga punungkahoy sa rehiyon na naglalagas ng dahon. Halimbawa, ang iba’t ibang uri ng punong maple ay gumagawa ng ilan sa pinakamatitingkad na kulay pula. Maraming uri ng mga punong ito ang likas na tumutubo sa Silangan, at ang mga ito ay madalas na itinatanim sa mga parke at mga hardin.
Ang isa pang salik ay ang klima—ang dami ng anthocyanin na ginagawa ng mga dahon ay lubhang depende sa lagay ng panahon. Ang maaliwalas at magandang sikat ng araw at malalamig na gabi ay nagpapangyari sa mga dahon na gumawa ng pinakamaraming anthocyanin. Ang mga taglagas sa Malayong Silangan ay karaniwang nagbibigay ng ganitong mga kalagayan. Kapuwa bulubunduking mga bansa ang Hapon at Korea. Marami sa kanilang mga burol ay punô ng sari-saring punungkahoy na naglalagas ng dahon, sa gayo’y nagbibigay sa mga dumadalaw ng isang tamang-tamang kapaligiran para masdan ang mga kulay ng taglagas.
Isang Eleganteng Proseso ng Pagreresiklo
Kapaki-pakinabang at maganda ang buong proseso kung paanong ang mga punungkahoy ay naglalagas ng kanilang mga dahon. Sa pamamagitan ng paglalaglag ng kanilang mga dahon, ang mga punungkahoy ay nakapagtitipid ng tubig at enerhiya sa panahon ng taglamig. Inaalis din nila sa kanilang sarili ang nakalalasong mga dumi na natitipon sa mga dahon sa panahon ng tag-init.
Ano ang nangyayari sa bilyun-bilyong dahon na nahuhulog sa lupa? Dahil sa mga insekto, halamang-singaw, bulati, at iba pang hayop sa lupa, ang lahat ng organikong materyal ay agad na ginagawang humus, isang mahalagang sangkap ng matabang lupa. Kaya pagkatapos maglaan ng isang kahanga-hangang pagtatanghal, ang nahulog na mga dahon ay naglalaan din ng abono para sa bagong pananim sa tagsibol! Makaiisip ka pa ba ng mas kaakit-akit na proseso ng pagreresiklo? Kapag humihinto upang humanga sa gayong gawa ng kamay, maaaring madama natin na ‘ang lahat ng mga punungkahoy sa parang ay pumapalakpak ng kanilang mga kamay’ habang sila’y tahimik na pumupuri sa kanilang Maylikha.—Isaias 55:12; Awit 148:7-9.