Pag-iiski sa Kabukiran—Ito ba ay Para sa Iyo?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CANADA
“LANGLÄUFER LEBEN LÄNGER”—“Mas mahaba ang buhay ng mga nag-iiski sa kabukiran.” Itinatampok ng popular na kasabihang ito sa wikang Aleman ang pakinabang na nakikita ng marami sa pantaglamig na isport na pag-iiski sa kabukiran. Sa katunayan, sa maraming lupain kung saan sagana ang niyebe, ang kabukiran kung taglamig ay kadalasang kakikitaan ng sala-salabat na mga bakas na pinagdaanan ng mga iski. Sa ilang lupain, ang mga distansiya sa pagitan ng mga bayan at nayon ay kadalasang ipinapaskil, at may artipisyal na ilaw ang maraming daanan upang magamit ito ng mga nag-iiski sa pagpunta sa trabaho at pag-uwi sa tahanan.
Bagaman iilan lamang ang gumagawa nito bago ang dekada ng 1960, ang pag-iiski sa kabukiran ay naging popular sa maraming lugar sa buong daigdig nitong mga nakaraang taon. Tinataya ng ilan na sindami ng apat na milyong tao sa isang taon ang nasisiyahan sa isport na ito sa Hilagang Amerika lamang! Ano ba ang lihim ng pang-akit at panghalina nito? Ito’y hindi magastos at maliwanag na simple. Kung ihahambing sa mas sikat na katapat nito—ang pag-iiski sa Alpino, o palusong sa burol—ang ilang aspekto ng pag-iiski sa kabukiran ay di-masalimuot. Kailangan ng isang nag-iiski nang palusong sa burol ang pantangi at mamahaling kagamitan at kasuutan. Kailangan niyang maglakbay patungo sa mga burol o mga bundok na pantanging minamantini para sa pag-iiski kung saan baka kapuwa mapilitan siyang bumili ng mga mamahaling tiket para sa ski lift (de-motor na upuang nakabitin sa umaandar na kable na naghahatid sa mga nag-iiski sa taluktok ng mga burol o bundok) at maghintay sa mahahabang pila ng mga sumasakay rito. Kailangan din sa pag-iiski nang palusong sa burol ang matinding interes sa atletiks na hindi naman taglay ng maraming baguhan. Sa kabilang dako, maaaring masiyahan sa pag-iiski sa kabukiran ang halos sinuman, anuman ang kanilang edad. Kailangan lamang ang ilang sentimetrong kapal ng sariwang niyebe, kaunting pagsasanay, at ilang di-mamahaling iski, mga botang pang-iski, at mga ski pole.
Maaari ngang maging isang nakatutuwang karanasan ang pag-iiski sa kabukiran! Ang nag-iiski ay maaaring pumunta halos saanman niya ibig—sa mga bukirin at kaparangan, sa ibabaw ng nagyelong mga lawa at mga batis na napalilibutan ng yelo, sa tahimik na kagubatan at mga libis na nababalutan ng niyebe. Ang pag-iiski sa kabukiran ay nagbibigay ng pagkakataon upang magbulay-bulay, mag-isip, at magmuni-muni, na magbibigay naman sa atin ng pagkakataong magtapat ng niloloob sa ating Maylalang at magpasalamat sa kaniya dahil sa mga kamangha-manghang bagay sa buhay. Binibigyan ng taglamig ng natatanging katangian ang paglalang ng Diyos na Jehova. Ang nangingislap na latag ng niyebe ay nagdudulot ng katahimikan sa tanawin. Ang lupa ay waring sariwa at malinis, na parang naghihintay na ito’y tuklasin. Habang nag-iiski sa isang kagubatan, na ang mga punungkahoy ay nababalutan ng yelo, ang isa ay makadarama ng ginhawa sa puso at isipan. Naglalaho ang ingay ng ating mekanikal na daigdig, at mayamaya’y tunog na lamang ng humahagibis na iski ang maririnig.
Kung gagawin ito ng isang pamilya o grupo ng magkakaibigan, ang pag-iiski sa kabukiran ay nagiging isang sama-samang pagliliwaliw na nagbubuklod at nagbibigkis. Sa mga bansa sa hilagang Europa ngayon, ang ilang pamilya ay naglalakbay nang 20 o 30 kilometro sakay ng tren at pagkatapos ay sama-samang mag-iiski papauwi.
Mga Pinagmulan
Maaaring isipin ng ilan na kamakailan lamang naimbento ang pag-iiski sa kabukiran, pero hindi naman ito bago. Noong 1927, natagpuan sa isla ng Rødøy sa Norway ang mga drowing sa isang kuweba na libu-libong taon na ang edad. Ipinakikita sa isang drowing ang isang mangangaso na halatang nakasuot ng maskarang kuneho. Waring nag-iiski siya suot ang isang pares ng mahahabang iski. Kamakailan lamang, sa mga latian ng Scandinavia, natuklasan ng mga manggagawa ang daan-daang sinaunang mga iski na mahuhusay pa ang kondisyon. Ang pag-iiski ay isang mahalagang paraan ng paglalakbay para sa mga sinaunang taong Nordic sa panahon ng mahahaba at mayelong taglamig. Gayon na lamang ito kahalaga sa kanilang pamumuhay anupat kanila pa ngang sinamba at pinarangalan ang isang diyos at diyosa ng iski! Sa ngayon taglay ng mga pangalan ng maraming bayan at nayon sa Norway at Sweden ang mga bakas ng gayong paganong mga paniniwala ng panahong nagdaan. Aba, ang mismong pangalang Scandinavia ay maaaring tumutukoy sa diyosa ng mga nag-iiski, si Skade.
Samantalang ang pag-iiski ay isang mahalagang bahagi ng buhay ng mga taong Nordic sa loob ng mga dantaon, ang pagiging popular ng pag-iiski sa kabukiran bilang isang pang-internasyonal na isport ay kinailangang maghintay hanggang sa ika-19 na siglo. Sa panahong iyan ay pinaghusay na ng mga Norwego ang tradisyonal na mga iski sa pamamagitan ng paghubog, pagpapakitid, at pagpapahusay sa mga ito. Nakagawa rin sila ng isang sistema ng mga tali sa sakong at tali sa mga daliri sa paa na siyang nauna sa modernong mga sistema sa pagtatali. Di-nagtagal, sa Telemark, isang bulubunduking lugar sa timog-sentral ng Norway, inumpisahan nila ang sunud-sunod na mga kompetisyon. Pinaniniwalaang doon ginanap ang unang iniulat at inorasang karera sa pag-iiski sa kabukiran, kung saan ang nanalo ay nag-iski sa distansiyang limang kilometro sa loob ng mga 30 minuto. Di-nagtagal pagkaraan nito, ang karera sa pag-iiski sa kabukiran ay naging popular sa mga bansa sa hilagang Europa, ngunit iba namang pangyayari ang nagpakilala nito sa ibang bahagi ng daigdig.
Noong 1888 ay pinangunahan ng Norwegong manggagalugad na si Fridtjof Nansen ang isang ekspedisyon sa buong Greenland sa pamamagitan ng iski. Pagkatapos nito ay sumulat siya ng isang aklat tungkol sa kaniyang karanasan na noong 1891 ay isinalin sa Ingles, Pranses, at Aleman. Ang ulat, na naglarawan sa kaniyang nakapapagod na paglalakbay sa palanas na tanawing Artiko, ay bumihag sa imahinasyon ng mga mambabasa noong panahon ni Reyna Victoria. Pumukaw ito ng mga romantikong ideya ng pananakop sa mailap na ilang. Nang taon ding iyon inorganisa ang unang samahan sa iski sa Europa, ang Todtnau.
Noong mga taon ng 1960, malawakang inorganisa at inilunsad ang mga pampamilyang paglilibot sa pamamagitan ng iski. Nagsimulang magsulputan ang mga sentrong pang-iski na pantanging dinisenyo para sa pag-iiski sa kabukiran. Napansin ito ng mga pabrikante, at lumitaw ang bago at sopistikadong mga kagamitan. Pumasok pa nga sa eksena ang mga usong kasuutan sa pag-iiski, anupat ginawang moderno ang pag-iski sa kabukiran. Dahil sa pangangailangan ng publiko ng mga lugar para mag-iski, maraming bayan ang nagkumahog na patagin ang niyebe sa anumang lupaing magagamit, pati na ang mga laruan ng golf at mga parke sa lunsod.
Mga Pisikal na Pakinabang
Itinuturing na isa sa pinakaligtas na mga popular na isport ang pag-iiski sa kabukiran. Bagaman ang pagbagsak ay maaaring magbunga ng bahagyang pagkapilay, bihira naman ang malulubhang pinsala, at kadalasang nangyayari lamang ang mga ito kapag ang isang nag-iiski sa kabukiran ay nangahas sa matatarik na lugar at di-mataong kabukiran.
Yamang ang mga galaw na kasangkot sa pag-iiski sa kabukiran ay suwabe at maindayog, hindi lumalabis ang paggamit sa mga kasukasuan at kalamnan o nagkakaroon man ng pinsala sa mga ito dahil sa pagbangga. Kadalasang ipapayo ng mga doktor na dalubhasa sa mga pinsala buhat sa isport ang pag-iiski sa kabukiran bilang isang terapi para sa mga napinsala ng pagdya-jogging o pagbibisikleta. Isa ito sa iilang gawain na gumagamit sa halos lahat ng pangunahing grupo ng kalamnan ng katawan, kaya lubusang naeehersisyo ang nag-iiski. Nakikinabang nang malaki ang puso at baga, at karaniwan nang mas mababa ang presyon ng dugo at pintig ng pulso ng mga aktibong nag-iiski kaysa roon sa mga taong di-aktibo. Kaya nga ang mga nag-iiski sa kabukiran ay itinuturing na kabilang sa pinakamalulusog na atleta sa daigdig.
Dahil sa liit ng panganib na mapinsala bukod pa sa suwabe at masiglang galaw kung kaya ang pag-iiski sa kabukiran ay isang magandang tunguhin para sa mga nakatatanda. Sa ilang bansa sa hilagang Europa, totoong pangkaraniwan nang makakita ng mga matatanda na nag-iiski.
Lubhang pinaiinit ng pag-iiski ang katawan, kaya posibleng maging komportable kahit na sa medyo malalamig na kalagayan. Sa mga araw na sobra ang lamig, nakagawian na ng mga kareristang nag-iiski ang makipagpaligsahan na suot ang manipis at isang-pirasong kasuutang pangkarera, kadalasa’y hindi na nakaguwantes. Subalit dapat pakaingatan ng mga di-propesyonal na sapat ang proteksiyon ng mga kamay at paa nila laban sa lamig. Karaniwan nang patung-patong ang damit ng mga makaranasan at mahihilig sa labas, anupat inuuna ang pang-ilalim na yari sa lana o sintetiko at saka pinapatungan ng panlabas na di-tinatagos ng tubig at hangin. Pinangyayari nito na makontrol nila ang temperatura ng kanilang katawan at maging maalwan. Binabawasan o dinaragdagan na lamang nila ang mga damit kung kinakailangan. Dapat tiyakin ng matatalinong magulang na ang kanilang maliliit na anak ay may angkop na kasuutan, yamang mas madaling ginawin ang maliliit na katawan ng mga bata kaysa sa mga nasa hustong gulang na. Dahil sa mabilis nilang naiwawala ang init mula sa kanilang mga balat, madaling manigas ang ilang bahagi ng kanilang katawan dahil sa yelo.
Pagyamanin ang Iyong Karanasan sa Taglamig
Popular sa mga nag-iiski sa kabukiran ang kasabihang, “kung nakapaglalakad ka, makapag-iiski ka” dahil sa ang mga galaw sa isport na ito ay nahahawig sa paglalakad. Bagaman totoo sa isang banda ang pangungusap na ito, karamihan sa atin ay lalong makikinabang kung gugugol ng kaunting panahon kasama ng isang kuwalipikadong guro. Ang mga sentro sa pag-iiski ay nagbibigay ng pampribado o panggrupong leksiyon, at sa sandaling panahon, matututuhan ng baguhan ang mga saligan sa pag-iiski sa kabukiran—ang pagdaan sa mga patag na lugar, pag-iski paakyat sa burol, matagumpay na paglusong sa mga burol at, siyempre pa, ang paghinto! Minsang maipakita sa kanila ang mga saligang kakayahang ito, karamihan sa mga tao ay handa nang lumabas at harapin ang kapaligiran.
“Wala nang iba pang nakapagpapatigas ng mga kalamnan at nakapagpapalakas at nakapagpapadaling maiunat ang katawan,” sabi ni Fridtjof Nansen noong 1890 tungkol sa pag-iiski sa kabukiran. Marahil ay masisiyahan ka rin sa isport na ito. Maaari nga nitong dagdagan ng pananabik ang iyong karanasan sa taglamig.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Hindi naman magastos ang pag-iiski sa kabukiran at maaaring masiyahan dito ang mga tao anuman ang kanilang edad
[Larawan sa pahina 26]
Mga sinaunang iski na nakita sa Voss, Norway
[Credit Line]
Larawan: © Universitetets kulturhistoriske museer, Eirik Irgens Johnsen
[Larawan sa pahina 26]
Drowing ng isang nag-iiski na natagpuan sa isang kuweba
[Credit Line]
Larawan: Inge Ove Tysnes/Syv søstre forlag