Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 10/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Maulang Gubat
  • Ungal ng Tigre
  • Pagpapalambot ng Karne sa Pamamagitan ng mga Eksplosibo
  • Nagkakalat ng Sakit ang mga Barko
  • Napakaraming Laruan
  • Panlulumo sa Lugar ng Trabaho
  • Tumataas na Halaga ng Krimen
  • Mas Mabisa ang Panirang-Damo Kaysa sa Pestisidyo
  • Pandaraya ng Arkeologo
  • Aksidente sa mga Bata
  • Tigre! Tigre!
    Gumising!—1996
  • Ang mga Pakinabang sa Maulang Gubat
    Gumising!—1998
  • Ang Kahanga-hangang Mais
    Gumising!—2008
  • Tunay na Katiwasayan—Isang Tunguhing Mahirap Abutin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 10/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Mga Maulang Gubat

Sa India, inakalang ang mga maulang gubat ay matatagpuan lamang sa timugang estado ng Kerala. Subalit kamakailan, natuklasan ng dalubhasa sa kapaligiran na si Saumyadeep Dutta ang isang 500-kilometro-kuwadradong maulang gubat na nag-uugnay sa hilagang-silangang mga estado ng Assam at Arunachal Pradesh, ulat ng magasing Down to Earth sa New Delhi. Tinutustusan ng gubat ang napakaraming uri ng buhay-iláng​—“32 uri ng mamal at 260 uri ng ibon, pati na ang pambihirang mga uri ng elepante, tigre at clouded leopard, Chinese pangolin, sloth bear, usang sambar, mga unggoy na hoolock, mga ibong kalij, kalaw, at mga wood duck.” Gayunpaman, banta sa maraming maulang gubat ang pandaigdig na pangangailangan para sa mga produktong galing sa gubat, sabi ng Down to Earth. Nangangamba ang ilang naturalista na kung mauubos ang gayong mga produkto dahil sa labis-labis na pag-aani nito, ang mga maulang gubat ay hindi na maiingatan kundi gagamitin na lamang sa pagsasaka.

Ungal ng Tigre

Bakit waring napaparalisa hindi lamang ang ibang mga hayop kundi pati ang ilang tao sa ungal ng isang tigre? Ang mga siyentipiko mula sa Fauna Communications Research Institute sa North Carolina, E.U.A., ay “nakapagpatunay na ang tigre ay nagpapakawala ng mababang-tunog na ‘infrasound,’ isang napakababang ungol anupat hindi ito naririnig ng mga tao,” ulat ng The Sunday Telegraph ng London. Naririnig lamang ng mga tao ang mga tunog na may frequency na mahigit sa 20 hertz (Hz), ngunit “pinagsasabay [ng tigre] ang mga ungol na infrasound na may 18 Hz at mas mababa rito at ang ungal na naririnig natin, at ang resulta, ayon kay Elizabeth von Muggenthaler, na siyang pangulo ng institute, ay na talagang mararamdaman ng mga tao ang pag-ungal ng tigre, isang pakiramdam na nagdudulot ng panandaliang paralisis,” paliwanag ng pahayagan. Naranasan na rin ito kahit ng matatagal nang tagapagsanay ng mga tigre.

Pagpapalambot ng Karne sa Pamamagitan ng mga Eksplosibo

Karaniwan nang pinalalambot ng mga kusinero ang matigas na karne sa pamamagitan ng pagpukpok dito ng martilyong pangkusina o paglalahok ng isang pulbos na pampalambot na may mga enzyme na nagpapalambot sa karne. Gayunman, nagsasagawa ng mga eksperimento ang mga mananaliksik sa Maryland, E.U.A., sa pagpapalambot ng karne sa pamamagitan ng malalakas na shock wave, ulat ng magasing New Scientist. Inilalagay ng mga mananaliksik ang karne sa isang platong asero sa ilalim ng isang plastik na basurahang punô ng tubig. Pagkatapos ay pasasabugin nila ang katumbas ng sangkapat ng isang stick ng dinamita sa loob ng basurahan. “Inihahatid ng tubig ang shock wave hanggang sa karne,” sabi ng ulat, “ngunit ang kaawa-awang basurahan ay maaaring magkapira-piraso dahil sa pagsabog.” Bukod sa pinalalambot ang karne, pinapatay rin ng prosesong ito ang baktirya, tulad ng E. coli, na maaaring maging sanhi ng pagkalason sa pagkain. Gayunpaman, gaya ng sabi ni Randy Huffman ng American Meat Institute: “Ang tunay na hamon ay ang pagpapatupad ng paggamit nito sa totoong mga kalagayan.”

Nagkakalat ng Sakit ang mga Barko

“Nagkakalat ng sakit sa buong daigdig ang tubig sa tulakbahala (ballast) ng mga barko, anupat isinasapanganib ang buhay ng mga tao, mga hayop at mga halaman,” sabi ng The Daily Telegraph ng London. Ginagamit ng mga barko ang tubig sa tulakbahala bilang isang pampatatag sa barko at saka itinatapon iyon sa dagat o sa mga daungan. Sa Estados Unidos, natuklasan ng mga mananaliksik ng Smithsonian Environmental Research Center sa Maryland na ang tubig sa tulakbahala ng mga barkong pangkaragatan ay nagtataglay ng napakaraming baktirya at mga virus. Ang mga plankton sa tulakbahala ng lahat ng 15 barkong sinuri sa Chesapeake Bay ay nagtataglay ng baktiryang sanhi ng kolera. Karaniwan na, ang isang litro ng tulakbahala ay may 830 milyong baktirya at 7,400 milyong virus​—anim hanggang walong ulit ng bilang ng iba pang mga organismo.

Napakaraming Laruan

“Nawawalan na ang mga bata ng kakayahang maglaro nang wasto dahil sila’y binibigyan ng napakaraming laruan at mga laro, ayon sa bagong pananaliksik,” ulat ng The Sunday Times ng London. Ang pananaliksik ay udyok sa isang bahagi ng pagkabahala sa Britanya na “ang pagkabata ay permanenteng binabago ng mga magulang na pinapalitan ng laruan, mga computer at telebisyon ang panahong dapat sana’y gugulin kasama ng kanilang mga anak.” Matapos pag-aralan ang 3,000 batang ang edad ay tatlo hanggang limang taóng gulang, ganito ang sabi ni Propesor Kathy Sylva ng Oxford University: “Kapag napakarami ng kanilang laruan, waring nagkakaroon ng pagkalito, at kapag nalilito ang mga bata, hindi na sila natututo o nakapaglalarong mabuti.”

Panlulumo sa Lugar ng Trabaho

“Sa lugar ng trabaho. . . ang pagkabalisa, pagkasagad at panlulumo ay napakabilis na lumalaganap,” ulat ng The Guardian ng London. Ayon sa International Labour Organisation ng UN, hanggang 3 sa bawat 10 empleado sa United Kingdom ang dumaranas ng mga suliranin sa mental na kalusugan, at 1 sa 10 manggagawa sa Estados Unidos ang iniulat na dumaranas ng klinikal na panlulumo. Halos 7 porsiyento ng maagang pagreretiro sa Alemanya ay dahil sa panlulumo. Mahigit sa kalahati ng mga manggagawa sa Finland ang dumaranas ng mga sintomas na kaugnay ng kaigtingan. Sa Poland, tumaas nang 50 porsiyento noong 1999 ang kabalisahang bunga ng pagdami ng walang trabaho, samantalang dumami rin ang pagpapatiwakal. Hinuhulaan ng ulat na dahil sa patuloy na pagbaling sa mga bagong teknolohiya at pamamaraan ng pangangasiwa sa lugar ng trabaho, lubhang lalaganap pa ang panlulumo. At nagbabala ito na “pagsapit ng 2020, mauunahan pa ng kaigtingan at mga sakit sa isip ang mga aksidente sa lansangan, Aids at karahasan bilang pangunahing sanhi kung bakit ang isa ay hindi makapagtrabaho.”

Tumataas na Halaga ng Krimen

“Ang krimen sa Inglatera at Wales ay pinagkakagastusan ng lipunan ng £60bn [$85 bilyon] sa isang taon,” ulat ng The Independent ng London. Ang halagang ito, na katamtaman pa nga ayon sa Home Office, ay kumakatawan sa 6.7 porsiyento ng kabuuang produktong panloob ng bansa. Ang pagpaslang at pagpatay ang siyang totoong pinakamagagastos na krimen, na bawat isa ay nagkakahalaga sa bansa ng mahigit sa £1 milyon [$1.4 milyon] sa katamtaman, samantalang ang ibang malulubhang krimen ng karahasan ay umaabot sa katamtamang £19,000 [$27,000] bawat isa. Kumakatawan naman sa halos sangkapat ng kabuuang halaga ang pandaraya at panghuhuwad. Hindi kasali sa mga halagang ito “ang kabayaran ng pagkatakot sa krimen, ang epekto sa pamilya ng mga biktima, ang salaping ginugol ng Pamahalaan sa paghadlang sa krimen, . . . o ang halaga ng mga singil sa seguro,” sabi pa ng pahayagan.

Mas Mabisa ang Panirang-Damo Kaysa sa Pestisidyo

Gumagamit ng panirang-damo sa halip na pestisidyo ang mga magsasaka sa Silangang Aprika upang paghusayin ang kanilang pananim na mais, ulat ng magasing New Scientist. Dalawang matinding peste ang kinakaharap ng mga nagtatanim ng mais sa Silangang Aprika. Isa rito ang Striga, isang parasitong halaman na sumisira ng $10 bilyong halaga ng pananim na mais taun-taon. Natuklasan ng mananaliksik na taga-Kenya na si Ziadin Khan na hindi tutubo ang Striga kung tatamnan ng panirang-damong tinatawag na desmodium ang pagitan ng mga hanay ng mais. Ang isa pang peste ay ang uod ng kulisap na aksip (stem borer), na sa karamihan ng mga taon ay umuubos sa ikatlong bahagi ng pananim na mais. Subalit natuklasan ni Khan na mas gustong kainin ng mga aksip ang lokal na panirang-damong tinatawag na napier grass. Sa pamamagitan ng pagtatanim ng ganitong panirang-damo sa kanilang mga bukid, inaakit ng mga magsasaka ang kulisap palayo sa mga mais. Ang uod ay sinisilo at pinapatay ng isang madikit na bagay mula sa damo. “Mas mabisa ito kaysa sa mga pestisidyo, at mas mura pa,” ang sabi ni Khan. “At pinalaki nito ang ani sa mga bukid dito nang 60 hanggang 70 porsiyento.”

Pandaraya ng Arkeologo

Ang isa sa mga nangungunang arkeologo sa Hapon, na tinaguriang ubod-galing na maghukay dahil sa kaniyang waring kahanga-hangang mga tuklas, ay naiulat na nandaraya pala. Nahuli ng isang video camera na ipinuwesto ng pahayagang Mainichi Shimbum ang arkeologo na nagbabaon ng mga sinaunang bagay na yari sa bato sa isang lugar sa paghuhukay bago dumating ang pangkat ng mga maghuhukay. Palibhasa’y hindi maikaila ang ebidensiya, inamin ng arkeologo na ibinabaon niya ang mga bagay buhat sa kaniyang sariling koleksiyon. Ngayon, nirerepaso ang lahat ng resulta ng kaniyang 30-taóng paggawa. Inaasahan ng mga tagapaglathala ng mga aklat na dahil dito ay babaguhin ang mga akdang reperensiya sa arkeolohiya at mga aklat-aralin sa paaralan.

Aksidente sa mga Bata

Mga aksidente ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga bata sa pinakamayayamang bansa sa daigdig, ayon sa pag-aaral na isinagawa ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) sa 26 na bansa. “Mga pinsala ang sanhi ng halos 40 porsiyento ng pagkamatay ng mga batang may edad na 1 hanggang 14 sa mga bansang sinuri,” na umaabot sa mga 20,000 mga namamatay taun-taon, ulat ng Mainichi Daily News sa Hapon. Ang karukhaan, nagsosolong mga magulang na mag-isang nagpapalaki sa mga anak, malalaking pamilya, at pag-aabuso ng magulang sa droga ay kabilang sa mga salik na nagpapalaki sa posibilidad na mapinsala ang mga bata. Hinimok ng UNICEF na bigyang-pansin ang “mga subók nang nagliligtas-buhay: mga helmet, pagsunod sa itinakdang bilis ng sasakyan sa mga lugar na napakaraming tao, mga upuang pangkaligtasan ng mga bata sa mga sasakyan, sinturong pangkaligtasan, takip sa mga bote ng gamot na di-nabubuksan ng mga bata, detektor ng usok sa tahanan, at mga pamantayan para sa ligtas na mga palaruan.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share