Ang Pinakabatang Hilera sa Kabundukan ng Rocky
PAGOD na pagod, inilabas namin ang kalan at nagsimulang maghanda ng almusal. Nagmaneho kami ng halos 5,000 kilometro sa loob ng limang araw, mula New York hanggang Wyoming. Habang nag-aalmusal, pinagmasdan namin ang kapaligiran.
Nakasisilaw ang sikat ng araw, nakagiginhawa at sariwa ang hangin. Ngunit hindi ito tulad ng nakalipas naming mga piknik sa tabing-daan—talagang kaakit-akit ang tanawin! Kumakain kami malapit sa baybayin ng Jackson Lake sa Grand Teton National Park. Nasa harapan namin ang maringal na tanawin ng bundok. Ito na ang pinakamagandang tanawin na nasaksihan namin sa aming 16,000-kilometrong pamamasyal sa Kanluran. Alam namin na kapag nabigyan kami ng pagkakataon na makabalik, babalik kami.
Ang Grand Teton ay may mga 4,200 metro ang taas, at marami pang ibang bundok sa hilerang ito ang umaabot ng mahigit sa 3,700 metro. Bagaman tiyak na hindi naman maliliit, hindi ito ang pinakamataas sa mga bundok. Depende sa daraanan ng sasakyan mo, baka hindi mo pa nga mapansin ang Teton Range. Galing sa gawing kanluran, baka mapansin mo lamang na ang lupa ay bahagyang umaahon paitaas—hindi gaanong kapana-panabik! Gayunman, kung manggagaling ka sa gawing silangan, ang mga bundok na ito ay biglang matarik ang taas mula sa kapatagan anupat nangingibabaw nang mahigit sa isa’t kalahating kilometro sa libis sa ibaba. Talagang nakatatawag-pansin ang mga ito.
Ang Aming Pagbabalik
Pagkalipas ng maraming taon ng pangangarap, sa wakas ay nakabalik din kami. Sa pagkakataong ito ay lumipad kami patungo sa Jackson Hole, Wyoming, at nagmaneho pahilaga patungo sa Tetons. Sumama ka habang sinisimulan namin ang aming araw sa napakalamig at tulad-hiyas na Jenny Lake, na nasa paanan lamang ng pinakamatataas na taluktok sa kabundukang ito.
Tumitindig ang balahibo namin sa lamig ng hangin sa madaling araw. Hindi pa sumisikat ang araw, pero hindi kami nag-iisa. Ang iba pang malalakas ang loob ay gising at kumikilos na. Ibig ng ilang potograpo na makunan ng larawan ang kagandahan ng mga bundok habang nababalutan ng mga kulay rosas at ginto sa mga unang silahis ng liwanag sa umaga. Bigla kaming natigilan—nasa harap at nakatitig sa amin ang isang malaking babaing usa! Ito’y umunat, alisto at maingat, sapagkat mga siyam na metro lamang ang layo sa amin ng anak nito na nanginginain. Dahan-dahan naming kinuha ang aming kamera. Pigil na pigil ang paghinga, ipinokus namin ang lente at kinunan ito ng litrato. Nakahinga na kami; nagsisimula pa lamang ang aming araw sa Jenny Lake.
Kasama ang isang grupo ng mga naglalakad (hiker) sakay ng isang bangkang maghahatid sa amin, di-nagtagal at nakarating na kami sa paanan ng isa’t kalahating kilometrong landas na paakyat sa Inspiration Point. Bumaba kami sa bangka, at agad naming nadama ang lamig ng kagubatan. Habang umaakyat kami sa matarik na daan, ang lawa ay hindi na gaanong natatanaw sa aming likuran. Nagsisimula na naming marinig ang dagundong ng tubig sa talon sa malayo. Habang hinahabol ang aming hininga, lumabas na kami sa kagubatan at tumigil sandali sa isang nakausling bato. Nagpainit kami sa maliwanag na sikat ng araw sa umaga at nilanghap namin ang malamig na hangin ng alpino. Sa gawing ibaba namin ay matatanaw ang kahabaan ng Jenny Lake, isang nangingislap na patse ng asul na sapiro. Palibhasa’y nasa makitid na hanay ng mga punungkahoy na nakatayo sa isang malaking gulod, ang lawa ay waring obra ng isang dalubhasang alahero.
Nasa itaas namin ang matatayog na taluktok ng bundok na kilala bilang ang Cathedral Group. Noong mga taon ng 1930, ganito ang isinulat ni Dr. Fryxell, isang naturalista na nagsuri sa kabundukang ito: “Palibhasa’y pinakamataas sa lahat ng iba pa, na may patulis na taluktok [ang mga bundok na ito] ay umaakay sa paningin at kaisipan ng isa tungo sa mas matayog pa.” Lipos ng pagkamangha, buong-paghanga naming minasdan ang karingalan ng Inspiration Point. Pakiramdam namin ay ginantimpalaan na nang husto ang aming pagsisikap. Subalit marami pang makikita.
Nakapagtataka at medyo patag na ngayon ang daan habang ito’y paliku-liko sa paanan ng Cascade Canyon. Di-nagtagal at nagtataasan sa harap namin ang mababatong dalisdis, at rumaragasa ang mga agos ng tubig sa mga gilid nito. Naisip namin, ‘Ano kayang mga puwersa ang humubog sa lugar na ito?’ Walang anu-ano, nakasalubong namin ang isang batang tuwang-tuwa. Hindi niya mapigil ang kaniyang sarili. Habol ang hininga, bumulong siya: “Nakakita kami ng isang moose (isang uri ng malaking usa)! Dali, makikita rin ninyo ito!”
Isinaisantabi muna ang pag-iisip kung paano nabuo ang mga bundok na ito. Hawak ang aming kamera, naghanda kaming kunan ng larawan ang isa sa mariringal na hayop na gumagala sa parkeng ito. Inakay kami ng bata sa isang magandang puwesto. Sa mahinang tinig, itinuro sa amin ng iba pang miyembro ng kaniyang pamilya. Doon, sa maputik na latian sa kahabaan ng ilog, nasulyapan namin ang lalaking moose. Buong-pagkamanghang nakatingin, iniangat ang aming kamera, naibulong namin kung gaano kami pinagpala sa pagiging naroroon sa mismong sandaling iyon.
Heolohiya at mga Plate
Dahil sa dami ng makikita, madaling makalimutang magtanong tungkol sa kasaysayan ng kahanga-hangang tanawing ito. Gayunman, ginagawa ng parke ang bawat pagsisikap na ipaalam at ituro iyon sa publiko, anupat naglalathala sila ng maraming pamplet at nagsasaayos ng mga grupo sa paglalakad na pinangungunahan ng mga tanod-gubat na naturalista.
Ipinaliwanag na bagaman ang ilalim ng lupa na tinatapakan namin ay medyo mukhang matigas, sa isang banda ay tulad ito ng isang nagyelong lawa sa tagsibol—hindi kasintigas ng hitsura nito! Naniniwala ang mga heologo sa teoriya na ang matigas na pang-ibabaw ng lupa ay binubuo ng maraming tectonic plate (kumikilos na mga tipak ng pang-ibabaw ng lupa) at ang mga plate na ito, na nasa mistulang dagat ng binubong bato, ay gumagalaw. Para sa amin, ang kawili-wiling punto sa teoriyang ito ay kapag ang mga plate na ito ay nag-umpugan, maaaring mabuo ang mga hilera ng kabundukan bilang resulta.
Sa kaso ng Teton Range, waring ang isang plate ay parang isang bareta, anupat iniaangat ang isa pa. Ang resulta ay ang tinatawag ng mga heologo na fault-block mountain front. Ang Teton Range, sabi nila, ay nabuo kamakailan lamang, sa termino ng heolohiya. Kaya naman ang tawag dito sa aming pamplet ng parke ay “ang pinakabata at pinakakapansin-pansing kabundukan sa hilera ng Rocky.”
Tubig at Yelo Bilang mga Iskultor
Para sa amin ay kawili-wili ang mga sagot na ito, pero nagbabangon ito ng marami pang tanong. Naisip namin ang aming paglalakad sa Jenny Lake. Ano ang dahilan ng pagiging matutulis ng mga taluktok na iyon? At saka, paano naman iyong malaking gulod sa palibot ng lawa, na may nagtataasang mga punungkahoy? Ang sagot ng mga heologo? Tubig ang dahilan nito. Ayon sa teoriya, noong unang panahon, inukit ng malalaking tipak ng yelo ang makikitid na libis ng Teton Range. Ang gulod na iyon sa palibot ng lawa, na kilala bilang isang moraine, ay nabuo ng dumaraang yelo. Pinigil ng moraine na ito ang ilan sa ngayo’y natunaw nang tipak ng yelo at pinanatili rin ang matabang lupa.
Ipinaliliwanag ng teoriyang iyan ang pagiging mayabong ng mga halaman sa palibot ng lawa, lalo na kung ihahambing sa mistulang tigang na mga lugar na punô ng graba at mga palumpong sa kalapit na mga kapatagan. Palibhasa’y naintriga, hinimok namin ang tanod-gubat na naturalista na kuwentuhan pa kami. Ang sabi niya, isang naiibang pangyayari ang nasa likod ng matutulis na hugis ng mga taluktok ng bundok na iyon. Frost-wedging ang tawag niya roon. Pumapasok ang tubig sa mga siwang ng bato, anupat pinalalaki iyon kapag nagyeyelo. Sa kalaunan ay tinuklap ng puwersang ito ang mga bahagi ng bato, anupat para itong dinaanan ng katam. Taimtim namin siyang pinasalamatan sa kaniyang lektyur at sigasig para sa mga bundok na ito.
Ang mga Hayop
Bukod sa pambihirang katangian ng lupa, ang lugar na iyon ay mayaman din sa mga hayop. Kaya naman lalo pang di-malilimutan ang paglalakbay namin pababa sa bantog na Snake River. Habang pinagmamasdan namin ang tanawin, pinanood namin ang mga bald eagle at mga lawin na pumapailanlang at saka bubulusok sa ilog upang humuli ng isda. May itinuro sa amin ang aming giya sa bangka, na isang sinanay na biyologo, isang bagay na gumulat sa amin. Sa kabila ng pagiging mas malaki at mas kapansin-pansin ng bald eagle, ang lawin naman ang talagang mas magaling na mangingisda. Sinabi niya sa amin na nakakita na siya ng mga agila na nang-aagaw ng isda mula sa mga lawin. Totoo naman, pinanood namin habang papalapit ang isang bald eagle sa isang batang lawin. Iniwan na lamang ng lawin ang nahuli nito at saka lumipad papalayo.
Talagang kapana-panabik para sa amin ang pagmamasid sa mga hayop sa likas na lugar nito. Malapit lamang ang National Elk Refuge, at maraming usa ang nagpapalipas ng tag-araw sa Grand Teton National Park. Madalas na inihihinto namin ang aming sasakyan sa tabing-daan upang pagmasdan ang mga kawan ng usa na dahan-dahang nanginginain. Kung minsan, umuupo kami sa balkonahe ng aming otel upang tingnan ang moose na payapang nanginginain sa mga palumpong ng sause. Sa gabi ang mga nilalang na ito ay waring nagtatanghal sa mga pulutong na nagtitipon upang panoorin sila habang nanginginain. Bagaman pagod, hindi kami agad umaalis para mapagmasdan lamang ang bihirang makita ng mga taga-lunsod na gaya namin—ang nangingitim na kulandong ng kalangitan na punô ng makikislap na bituin.
Naging lubhang kasiya-siya ang huling araw namin. Magkahalong pangamba at pagpipitagan ang nadama namin habang nagmamaneho kami sa gitna ng isang kawan ng mga bison. Nasa magkabilang panig ng daan ang kawan ng malalaki at mabalahibong mga hayop na ito. Talagang ayaw na naming umalis! Pero oras na para umuwi.
Habang nakaupo kami sa eroplano na malapit nang lumipad, nagbalik-tanaw kami sa aming pagdalaw. Nilasap namin ang panandaliang naging amin—ang mga bundok, ang hangin sa alpino, at ang mga hayop. Talaga namang nakatutuwang makamtan ang matagal na naming mithiin na muling dalawin ang Teton Range! Tunay, ang pinakabatang supling ng Kabundukan ng Rocky ay isang magandang bata.
[Kahon/Larawan sa pahina 19]
Ilang Mungkahi sa mga Bisita
Bigyan ng panahon ang iyong sarili na makayanan ang hangin na kulang sa oksiheno. Ang pinakasahig mismo ng libis ay mahigit na 1,800 metro ang taas sa ibabaw ng kapantayan ng dagat. Maaaring madama ng ilang turista na galing sa mababang lupain ang mga epekto ng pagkalula, gaya ng sakit sa ulo o madaling pagkayamot. Makabubuti para sa mga may-edad na, lalo na yaong may karamdaman sa puso o sakit sa palahingahan, na makipag-usap muna sa kanilang doktor bago gumawa ng gayong paglalakbay.
Maghanda nang wasto bago ka maglakad. Tandaan na ang matataas na lugar at medyo tigang na mga kalagayan ay maaaring mabilis na umubos ng tubig sa katawan. Magdala ng maraming tubig.
Ito ay isang parke sa iláng, na maraming malalaki at magaganda, ngunit maiilap na hayop. Sabik na lumapit ang ilang bisita, ngunit baka mabigla ang mga hayop. Pakinggan at sundin ang payo ng tanod-gubat kung paano kikilos kasama ng maiilap na nilalang sa kanilang kapaligiran. Bukod sa kawili-wili, ang mga sasabihin ng tanod-gubat ay maaaring magligtas ng buhay.
[Mga mapa sa pahina 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
GRAND TETON NATIONAL PARK
[Larawan sa pahina 16, 17]
Bundok Moran, Teton Range
[Larawan sa pahina 17]
Itaas ng Cascade Canyon
[Larawan sa pahina 18]
Bison
[Larawan sa pahina 18]
Bald eagle
[Larawan sa pahina 18]
Paglubog ng araw sa Teton
[Larawan sa pahina 18]
Lalaking moose