Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 11/8 p. 3-4
  • “Baka Magbabago Na Siya Ngayon”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Baka Magbabago Na Siya Ngayon”
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Nakaugalian Nang Pananahimik
  • Namumuhay sa Takot
    Gumising!—2005
  • Tulong Para sa mga Babaing Binubugbog
    Gumising!—2001
  • Kapag Apektado ng Karahasan ang Tahanan
    Gumising!—1993
  • Anu-ano ang Dahilan ng Karahasan sa Pamilya?
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 11/8 p. 3-4

“Baka Magbabago Na Siya Ngayon”

SI Roxanaa ay isang masigla at kaakit-akit na ina ng apat na anak, asawa ng isang lubhang iginagalang na siruhano sa Timog Amerika. “Ang aking asawa ay kaakit-akit sa mga babae at kagalang-galang sa mga lalaki,” aniya. Subalit may hindi kanais-nais na ugali ang asawa ni Roxana, isa na hindi nakikita kahit ng kanilang matatalik na kaibigan. “Sa bahay, siya’y nakatatakot. Masyado siyang seloso.”

Bakas na bakas sa mukha ni Roxana ang pagkabalisa habang ipinagpapatuloy niya ang kaniyang kuwento. “Nagsimula ang problema mga ilang linggo pa lamang kaming nakakasal. Dumalaw sa amin ang aking mga kapatid na lalaki at ang aking ina, at masaya kaming nag-uusap at nagtatawanan. Subalit nang umalis na sila, marahas akong itinulak ng aking asawa sa sopa at nagwawala sa pagngangalit. Hindi ako makapaniwala sa nangyayari.”

Nakalulungkot, pasimula lamang iyan ng mapait na karanasan ni Roxana, sapagkat sa nakalipas na mga taon, siya’y paulit-ulit na binubugbog. Ang pang-aabuso ay waring sumusunod sa isang mahuhulaang siklo. Binubugbog si Roxana ng kaniyang asawa, pagkatapos, ito ay labis-labis na hihingi ng patawad at nangangakong hinding-hindi na ito uulitin. Bumubuti ang kaniyang ugali​—sa paano man kahit sandali. Pagkatapos ay nagsisimula na naman ang nakatatakot na karanasan. “Palagi kong iniisip na baka magbabago na siya ngayon,” ang sabi ni Roxana. “Kahit na lumalayas ako, bumabalik at bumabalik ako sa kaniya.”

Ikinatatakot ni Roxana na isang araw ay sumidhi pa ang karahasan ng kaniyang asawa. “Nagbanta na siyang papatayin ako, ang mga bata, at ang kaniyang sarili,” ang sabi niya. “Minsan ay tinutukan niya ako ng gunting sa aking lalamunan. Noong minsan naman ay pinagbantaan niya ako sa pamamagitan ng isang baril, itinutok ito sa aking tainga, at kinalabit ang gatilyo! Mabuti na lamang at wala itong bala, subalit halos mamatay ako sa takot.”

Ang Nakaugalian Nang Pananahimik

Tulad ni Roxana, milyun-milyong kababaihan sa buong daigdig ang nagdurusa sa mga kamay ng mararahas na lalaki.b Marami sa kanila ang nananatiling tahimik hinggil sa kanilang mapait na karanasan. Nangangatuwiran sila na ang pagsusumbong ng bagay na ito ay magiging walang-saysay. Tutal, ikinakaila ng maraming mapang-abusong asawang lalaki ang mga paratang sa pagsasabing “Napakasensitibo ng asawa ko,” o “Pinalalaki niya ang mga bagay-bagay.”

Nakalulungkot na maraming babae ang palaging namumuhay sa takot na sila’y salakayin sa isang lugar na dapat sana’y makadama sila ng lubos na kaligtasan​—sa kanilang sariling tahanan. Subalit, ang simpatiya ay kadalasang ipinakikita sa nanakit sa halip na sa biktima. Tunay, ang ilan ay hindi makapaniwala na bubugbugin ng isang lalaking mukhang kagalang-galang na mamamayan ang kaniyang kabiyak. Isaalang-alang ang nangyari sa isang babaing nagngangalang Anita nang ipagtapat niya ang tungkol sa pang-aabusong tinatanggap niya mula sa kaniyang lubhang iginagalang na asawa. “Isa sa aming kakilala ang nagsabi sa akin: ‘Paano mo mapaparatangan ang gayong kagalang-galang na tao?’ Sinabi naman ng isa pa na malamang na ginagalit ko ang asawa ko! Kahit na pagkatapos mabunyag ang aking asawa, sinimulan akong iwasan ng ilan sa aking mga kaibigan. Inaakala nila na dapat sana’y tiniis ko na lamang ito dahil ‘ganiyan talaga ang mga lalaki.’”

Gaya ng ipinakikita ng karanasan ni Anita, nahihirapan ang marami na maunawaan ang malungkot na katotohanan hinggil sa pag-abuso sa asawa. Ano ang nagtutulak sa isang lalaki na maging napakalupit sa babaing sinasabi niyang mahal niya? Paano matutulungan ang mga biktima ng karahasan?

[Mga talababa]

a Binago ang mga pangalan sa seryeng ito.

b Kinikilala namin na mga biktima rin ng karahasan ang maraming lalaki. Subalit ipinakikita ng mga pagsusuri na ang mga babae ay mas malamang na dumaranas ng mga pinsala na di-hamak na mas grabe. Kaya, tinatalakay ng mga artikulong ito ang pang-aabuso kung saan ang biktima ay babae.

[Kahon/Larawan sa pahina 4]

Ang Malawak na Saklaw ng Karahasan sa Loob ng Pamilya

Ayon sa United Nations Declaration on the Elimination of Violence Against Women, ang katagang “karahasan laban sa kababaihan” ay maaaring tumukoy sa “anumang gawang karahasan na batay sa kasarian na nagbubunga ng, o malamang na magbunga ng, pisikal, seksuwal o mental na pinsala o pagdurusa sa kababaihan, kasali na ang mga pagbabanta ng gayong mga gawa, sapilitan o puwersahang pagkakait ng kalayaan, ito man ay nangyayari sa publiko o sa pribadong buhay.” Bukod pa sa ibang bagay, kabilang sa karahasang ito ang “pisikal, seksuwal at sikolohikal na karahasan na nangyayari sa pamilya at sa pamayanan sa pangkalahatan, kasali na ang pambubugbog, seksuwal na pag-abuso sa mga anak na babae, karahasan na nauugnay sa dote, paghalay sa asawa, pagsira sa ari ng babae at iba pang mga tradisyunal na kaugaliang nakapipinsala sa mga babae.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share