Myanmar—Ang “Ginintuang Lupain”
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MYANMAR
MATATAGPUAN sa pagitan ng mga hanay ng bundok na bumubuo ng isang likas na hangganan kasama ng katabing mga bansa nito sa Asia ang “Ginintuang Lupain.” Sa timog-kanluran, ang Bay of Bengal at ang Andaman Sea ay humahampas sa halos mahigit na 2,000 kilometro ng dalampasigan nito. Sa kanluran masusumpungan ang Bangladesh at India; sa hilaga, ang Tsina; at sa silangan, ang Laos at Thailand. Ito’y mas malaki nang kaunti sa Madagascar at mas maliit sa estado ng Texas sa Hilagang Amerika. Ang pangalan ng lupaing ito? Myanmar, ang dating Burma.
Tinatawag na Ginintuang Lupain ng unang mga nanirahan dito, maraming kayamanan ang Myanmar: langis at gas, tanso, lata, pilak, tungsten, at iba pang mineral, at gayundin ang mahahalagang bato, tulad ng mga sapiro, esmeralda, rubi, at jade. Kabilang sa iba pang mga kayamanan nito ang tropikal na maulang mga kagubatan na may mga kahoy na bihirang makita, tulad ng teak, rosewood, at nara. Ang mga kagubatang ito ay tahanan din ng maraming hayop sa ilang—mga unggoy, tigre, oso, kalabaw, at elepante ang ilan sa mga ito. Ngunit ang tunay na kayamanan ng Ginintuang Lupain ay ang mga mamamayan nito.
Ang mga Mamamayan ng Myanmar
Likas na mahihinahon at mapapayapa, ang mga mamamayan ng Myanmar ay may mabuting pag-uugali at mapagpatuloy. Pinakikitunguhan nila ang mga panauhin nang may paggalang at dignidad. Karaniwan nang tinatawag ng mga bata ang nakatatandang mga lalaki na tiyo at ang nakatatandang mga babae na tiya.
Ang mga nagpupunta sa Myanmar ay madalas na nagkokomento sa makikinis na kutis ng mga may-edad na. Ang isang dahilan ng malasutlang kutis na ito, halimbawa sa mga babae, ay ang popular at mapusyaw-na-gintong kosmetiko sa mukha—ang thanaka—mula sa puno ng thanaka. Sa pamamagitan ng paggiling ng isang piraso ng sanga sa isang matigas at lapád na bato at pagdagdag ng kaunting tubig, nakagagawa ang mga babae ng isang pinong balsamo, na kanilang ipinapahid nang may artistikong mga disenyo sa kanilang mukha. Bukod sa ito ay nakababawas ng mga kulubot at nakapagpapalamig, ipinagsasanggalang din ng thanaka ang balat mula sa masakit na tama ng tropikal na araw.
Ang karaniwang pananamit para sa lalaki’t babae sa Myanmar ay ang lungi, na madaling ginagawa sa pamamagitan ng pagtatahi sa isang piraso ng tela, na may dalawang metro ang haba, sa magkabilang dulo nito upang bumuo ng isang bilog. Pagkatapos na isuot ito, ibinabalot ng isang babae ang lungi sa kaniyang puson, kagaya ng palda, at isinusuksok ang nakakalag na dulo nito sa kaniyang baywang. Sa kabilang dako naman, kinukuha ng lalaki ang dalawang dulo at may-kaluwagang itinatali ang mga ito sa baywang sa harapan. Mahinhin at presko sa katawan, angkop na angkop ang lungi para sa mga tropikong lugar.
Ipinakikita ng isang pagdalaw sa mga pamilihan na ang mga mamamayan ng Myanmar ay nagtataglay ng maraming kakayahan—dalubhasa sa paghahabi ng seda, paggawa ng alahas sa pamamagitan ng kamay, at pag-ukit ng kahoy. Ang teak, nara, at iba pang kahoy ay nagiging nakapupukaw-pansing mga pigura ng mga tao, tigre, kabayo, kalabaw, at elepante. Maging ang pang-araw-araw na mga bagay tulad ng mga pang-ibabaw ng mesa, dibisyon ng kuwarto, at upuan ay pinapalamutian ng masasalimuot na ukit. Ngunit kung ikaw ay seryoso sa pagbili nito, dapat na handa kang makipagtawaran!
Ang mga mamamayan ng Myanmar ay magaling din sa paggawa ng maririkit na pinalamutiang mga bagay na binarnisan—mga mangkok, bandehado, at kahon na may takip. Pero ang nagpapangyari sa mga paninda nila na maging kakaiba ay ang kanilang uwidong disenyo at mga inukit na padron. Ang pangunahing anyo ay nagsisimula sa tulad-gasang habi ng pinong mga piraso ng kawayan. (Ang mas mataas na kalidad na mga produkto ay nagsisimula sa pinagsamang habi ng kawayan at buhok ng kabayo.) Sa balangkas na ito, ang bihasang manggagawa ay nagdaragdag ng pitong pahid ng barnis, na ginawa sa pamamagitan ng paghahalo ng langis ng thisei, o puno ng barnis, at ng sinunog na buto ng hayop na giniling nang pino.
Kapag tuyo na ang barnis, inuukit ng dalubhasa ang isang disenyo sa ibabaw ng produkto sa pamamagitan ng isang aserong pluma. Pagkatapos, pagkapahid ng kaunting pintura at pampakintab, ang resulta ay hindi lamang isang mainam na likha ng sining kundi isa ring bagay na magagamit sa tahanan.
Laganap ang Impluwensiya ng Relihiyon
Mga 85 porsiyento ng mga mamamayan sa Myanmar ay Budista; ang natitirang bahagi ay pangunahin nang nag-aangking Muslim at Kristiyano. Kagaya ng kalakhan ng Timog-silangang Asia, ang relihiyon ay gumaganap ng pangunahing papel sa buhay ng karamihan ng mga mamamayan sa Myanmar. Gayunman, ilang relihiyosong kaugalian ang di-pamilyar sa maraming panauhin.
Halimbawa, ang mga Budistang monghe ay nanatang hindi hihipo ng isang babae. Kaya bilang paggalang, nag-iingat ang mga babae na hindi masyadong lumapit sa mga monghe. Ang mga relihiyosong kaugalian ay may epekto rin sa paglalakbay sa bus. Ang isang taga-Kanluran ay maaaring magtaka sa isang karatula sa bus na nagsasabing: “Pakisuyong huwag tanungin ang drayber kung anong oras tayo inaasahang makararating sa ating paroroonan.” Nagsasawa ba ang mga drayber sa mainiping mga pasahero? Hindi. Naniniwala ang mga Budista roon na ang mga nat (mga espiritu) ay maaaring mayamot sa gayong tanong at maaaring iantala ang bus!
Kasaysayan ng Myanmar
Hindi gayon kaliwanag ang pinakamaagang kasaysayan ng Myanmar, ngunit tila ilang tribo ang nandayuhan doon mula sa katabing mga lupain. Ang Mon ang malamang na nagbigay sa lupain ng pangalang Suvannabhumi—na nangangahulugang “Ginintuang Lupain.” Ang mga Tibeto-Burman ay nagmula sa silangang Himalayas, at ang Tai ay nanggaling naman sa lugar na ngayon ay timog-kanlurang Tsina. Ang baku-bakong kalupaan ng Myanmar ang nagpapanatili sa mga tribo na magkakabukod—na siyang dahilan ng pagkakaroon ng maraming tribo at wika.
Noong unang mga taon ng ika-19 na siglo, nagsimulang dumating ang mga Britano mula sa kasasakop na India. Nanirahan muna sila sa katimugang rehiyon at nang dakong huli, sinakop ang buong bansa. Pagsapit ng 1886, ang Burma, na tawag noon sa Myanmar, ay naging bahagi ng Britanong India.
Noong Digmaang Pandaigdig II, ang lupaing ito ay naging sentro ng malulupit na alitan, at sa ilang buwan lamang noong 1942, napalayas ng mga hukbong Hapon ang mga Britano. Kasunod nito, itinayo ang kasuklam-suklam na “Riles ng Kamatayan.” Ang 400-kilometrong riles na ito na bumabagtas sa di-kaayaayang kalupaan ng mga kagubatan at mga bundok ang nagdurugtong sa Thanbyuzayat, sa Burma, at sa Nong Pladuk, sa Thailand. Dahil sa kakapusan sa metal, ang karamihan sa linya ng tren ay nagmula sa mga riles na kinuha sa gitnang Malaya (Malaysia ngayon). Isang maliit na bahagi ng proyekto—pagtatayo ng isang tulay sa River Kwai—ang nang maglaon ay naging basehan ng isang tanyag na pelikula.
Sa tulong ng 400 elepante, mahigit na 300,000 lalaki—mga bihag ng digmaan at mga sibilyang taga-India at taga-Burma—ang gumawa ng riles. Sampu-sampung libo ang namatay sa konstruksiyon. Yamang madalas na sinasalakay ng mga eroplanong pambomba ng Alyado, ang linya ng tren ay hindi gaanong napakinabangan at nang dakong huli ay inabandona ito. Nang maglaon, binunot ang karamihan sa mga riles at ginamit ito sa ibang lugar.
Sa wakas, gumanti ang Britanya, at nagtagumpay sa pagbawi sa bansa mula sa Hapon noong 1945. Ngunit sandali lamang ang pamamahala ng Britanya, yamang nakamit ng Burma ang kasarinlan nito mula sa Britanya noong Enero 4, 1948. Noong Hunyo 22, 1989, tinanggap ng United Nations ang bagong pangalan ng bansa na Myanmar.
Isang Lupain ng Ginintuang mga Kabisera
Sa paglipas ng mga siglo, nagkaroon ng maraming kabiserang lunsod ang Myanmar. Halimbawa, sa sentro ng Myanmar matatagpuan ang Mandalay, na popular na tinatawag na Ginintuang Lunsod. Ang lunsod na ito, na may nakakalat na daan-daang pagoda mula sa bawat yugto ng kasaysayan, ay may 500,000 katao at siyang huling kabisera bago ang pananakop ng Britanya. Binigyan ni Haring Mindon ng maharlikang mga parangal ang Mandalay noong 1857, nang magtayo siya ng isang malaking palasyo roon para sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga reyna. Ang 4 na kilometro kuwadrado ng sinaunang lunsod ay masusumpungan sa loob ng mga pader na may 8 metro ang taas at 3 metro ang kapal sa paanan nito. Nakapalibot sa mga pader ang isang bambang na 70 metro ang lapad.
Noong 1885, ipinatapon ng mga Britano ang kahalili ni Mindon, si Haring Thibaw, sa India, ngunit hindi nila ginalaw ang palasyo. Gayunman, kabaligtaran ang ginawa ng Digmaang Pandaigdig II; at lubusang natupok ito sa apoy. May katapangang itinayo ng mga mamamayan ng Myanmar ang isang mahusay na replika ng palasyo at maging ang mariringal na pula-at-gintong mga gusali nito na gawa sa kahoy sa orihinal nitong lugar. Bukás ito para sa mga panauhin upang makita ito.
Dalawang daang kilometro pababa sa ilog mula sa Mandalay ang Pagan. Isa pang dating kabisera, itinatag ito noong unang milenyo ng Karaniwang Panahon at bumangon sa tugatog ng karingalan noong ika-11 siglo; ngunit inabandona ito pagkalipas lamang ng 200 taon. Gayunpaman, nagkalat sa loob at sa palibot ng ilang maliliit na nayon ang daan-daang sira-sirang templo at pagoda—mga alaala ng lumipas na kaluwalhatian.
Ang kabisera sa ngayon, ang Yangon (opisyal na kilala bilang Rangoon hanggang 1989), ay isang buháy na lunsod na may tatlong milyon katao, na namumutiktik sa nagbubusinahang mga kotse, bus, at taksi na bukás ang mga gilid. Bagaman maraming matatandang gusaling nagpapaalaala sa mga kaarawan ng pananakop ng Britanya ang nakalinya sa mga abenidang maluwang at may nakahilerang mga punungkahoy ng Yangon, kalakip na ngayon sa nagtataasang mga gusali ng lunsod ang makabago at matataas na otel at gusali ng opisina.
Kabilang din sa nagtataasang mga gusaling ito ang 98-metrong ginintuang tulis ng 2,500-taóng-gulang na Shwedagon Pagoda na nagsisiwalat sa kayamanan at galíng sa arkitektura ng sinaunang panahon. Sinasabi na mga 7,000 diamante at iba pang mahahalagang bato ang pumapaikot sa tulis. Ang pinakadulo ng tulis nito ay kinokoronahan ng nag-iisang diamanteng may 76 na karat. Katulad ng maraming sinaunang gusali sa Myanmar, ang Shwedagon ay nasira at nayanig ng mga lindol at mga digmaan, at ang kalakhang bahagi nito ay muling itinayo.
Gayunman, inaangkin ng ilan na ang ginintuang Sule Pagoda ang siyang tunay na pinakatampok na panoorin sa Yangon. May taas na 46 na metro, ang 2,000-taóng-gulang na malaki at ginintuang Sule Pagoda ay nasa gitna ng sangandaan ng apat na pangunahing kalye sa lunsod. Ang pagoda ay napalilibutan ng magkakatabing tindahan.
Espirituwal na Ginto
Noong 1914, dalawang Internasyonal na Estudyante ng Bibliya (na siyang pagkakakilanlan ng mga Saksi ni Jehova noon) ang dumating sa Rangoon mula sa India, na naghanap ng mga tao na nagpapahalaga sa gintong may mas mataas na uri—espirituwal na ginto. Noong 1928 at 1930, marami pang misyonero ang dumating, at pagsapit ng 1939, tatlong kongregasyon na may kabuuang bilang na 28 Saksi ang naitatag. Pinangasiwaan ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa India sa Bombay ang gawain doon hanggang 1938. Mula noon hanggang 1940, ang sangay sa Australia ang nangasiwa sa gawain. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, noong 1947, nagbukas ang unang tanggapang pansangay sa Myanmar sa Rangoon.
Noong Enero 1978, ang tanggapang pansangay ay inilipat sa Inya Road. Ang tatlong-palapag na gusali ng punong-tanggapan ay tinatawag na Tahanang Bethel sa Myanmar. Ang pamilyang Bethel na may bilang na 52 ay masikap na gumagawa upang matugunan ang pangangailangan ng mga 3,000 Saksi na aktibo sa bansa. Yamang maraming pantribong wika ang Myanmar, ang pagsasalin ay isang pangunahing bahagi ng trabahong isinasagawa sa sangay. Ang masikap na paggawa ng mga Saksi ni Jehova ay nakadaragdag ng isa pang ‘tipak ng ginto’ sa saganang kayamanan ng Ginintuang Lupain.
[Mapa sa pahina 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
BANGLADESH
INDIA
TSINA
LAOS
THAILAND
MYANMAR
Mandalay
Pagan
YANGON
BAY OF BENGAL
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Mga larawan sa pahina 17]
Mula sa itaas: Suot ng mga lalaki’t babae ang mga lungi; isang batang Budistang monghe; mga babaing may “thanaka”
[Larawan sa pahina 18]
Pangangaral sa isang taniman ng mani
[Larawan sa pahina 18]
Ipinagbibili ang mga inukit na kahoy sa lokal na mga pamilihan
[Credit Line]
chaang.com
[Larawan sa pahina 18]
Pagputol ng isang disenyo sa ibabaw ng isang mesang binarnisan
[Larawan sa pahina 18]
Isang marikit na pinalamutiang mangkok na binarnisan
[Credit Line]
chaang.com
[Larawan sa pahina 20]
Tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Myanmar
[Picture Credit Line sa pahina 16]
© Jean Leo Dugast/Panos